X

Sampung Rason Kung Bakit Kailangan Mong Gumawa ng Emergency Fund

English Version (Click Here)

May isa kang kailangang pag-ipunan bago ka magsimulang mag-invest, at ito ay ang emergency fund. Palagi tayong may makakaharap na problema sa buhay, at ang kaunting perang nakalaan para sa mga ito ay makakapagligtas sa atin mula sa napakaraming masasamang sitwasyon. Bukod pa roon, makakagamit rin tayo ng napakaraming magagandang oportunidad sa buhay dahil dito.

Narito ang ilang rason kung bakit kailangan mong mag-ipon para sa isang emergency fund. (Tandaan mo din ang huling beses na pinag-isipan at pinaghandaan mo ang mga ito, at kung ano ang gagawin mo kapag mangyari sila.)

Sampung Rason Kung Bakit Kailangan Mong Gumawa ng Emergency Fund

1. Aksidente at Pagkapinsala

Ano ang gagawin mo kapag naaksidente ka sa kotse? Paano kung nabagsakan ka ng mga equipment sa trabaho at nabalian ka ng buto? May insurance ka ba? May pera ka ba para mabayaran ang ospital kung pumalya ang iyong healthcare o insurance? Ito ang isa sa pinakaunang rason kung bakit kailangan mo ng kaunting ipon sa bangko para sa mga emergencies.

 

2. Pagkakasakit

Bukod sa mga aksidente at pagkapinsana, nagkakasakit din tayo at ang mga malulubhang sakit ay pwedeng lumala kapag hindi natin ito napagamot agad. May pera ka ba pambayad sa doktor at sa pagkaospital? Paano naman ang pambayad sa gamot? May pera ka ba sa bangko para mabayaran ang lahat ng iyon nang hindi ka nababaon sa utang?

 

3. Pagbabago ng Trabaho o Pagkatanggal sa Trabaho

Kakaunti ang nagaalala na baka mawalan sila ng trabaho maliban lang sa kung binalaan na sila. Gayunpaman, malamang wala rin silang sapat na panahon at pera para mabuhay nang maginhawa hanggang makakuha sila ng bagong trabaho. Kung nalugi ang kumpanyang pinagtratrabahuhan mo o pinakawalan ka (naretrench) ng iyong department, may sapat na pera ka ba para magbayad ng inuupahan o binabayaran niyong bahay, mga bayarin tulad ng tubig at kuryente, at pati na rin pagkain hanggang makahanap ka ng bagong trabaho?

 

4. Nasirang Kagamitan o Pangangailangan ng mga Bagong Gamit

Noong nakaraang taon, may power surge na sumira sa P40,000 computer ng kapatid ko, at kinailangang kumuha ng loan ang aming pamilya para makabili ng gago. Sa kabilang dako naman, noong kinailangan ko ng mas-malakas na computer para sa trabaho noong 2016, may sapat na pera ako sa bangko para iupgrade ito. Nasisira ang ating kagamitan sa mga panahong hindi natin inaasahan, at madalas ang pagpapagawa o pagbili ng bago ay napakamahal. Isipin mo na lang din. Paano kung may nakabasag ng salamin ng iyong kotse o pumutok ang mga tubo sa iyong bahay? Paano kung nagshort-circuit ang iyong refrigerator o microwave? May pera ka ba para ipaayos ito o bumili ng bago?

May mga panahon din na kailangan mo ng bagong kasangkapan. Paano kung nagbago ang iyong trabaho at kailangan mo ng bagong gamit, tulad ng bagong uniform, bagong safety gear, o bagong travel equipment? May naipon ka rin ba para sa mga iyon?

5. Napahamak ang Iyong Kaibigan o Kamag-anak

Sa Pilipinas, ito ang isa sa pinakamadalas na problema sa pera. Dumaranas din ng paghihirap ang mga tao, at iilan lang ang magaling maghawak ng pera at bumibili ng insurance o naghahanda ng ipon para sa mga emergencies. Dahil doon, ang unang naiisip nila ay manghingi ng pera mula sa mga kaibigan at kamag-anak. Habang hindi ako sumasang-ayon sa “pagpapautang” (nang walang bayaran) o pagbibigay ng pera dahil lang may nanghihingi (dahil pwedeng sinusuportahan mo lang ang mga bisyo nila), sang-ayon naman ako sa pagtulog sa mga kakilalang TUNAY na napahamak, tulad ng mga naaksidente, nagkasakit, o nagkaroon ng iba pang problemang pinansyal. May sapat na pera ka ba para makatulong sa mga kaibigan at kamag-anak kapag napahamak sila?

Huwag mo ring kakalimutan ito. Ang kaibigan o kamag-anak na nagkaproblema sa pera ay PWEDENG MAGING IKAW kapag WALA kang emergency fund o insurance. Ito ay isa pang rason kung bakit kailangan mong magsimulang mag-ipon.

 

6. Gastusin ng mga Anak

Bukod sa tuition fees o pangmatrikula, pwedeng lumaki ng husto ang gastusin mo sa pagpapalaki at pagpapaaral sa mga anak. Masama pa doon, ang ilang mga gastusin ay lumilitaw sa mga panahong hindi natin inaasahan. Ang pangangailangan ng bagong sapatos, uniporme, libro, kagamitan para sa iskwelahan, projects, pambayad sa field trips at outings, biglaang pagtaas ng tuition fees, laboratory fees, vaccinations, pagkakasakit, pambayad kapag may nasirang mamahaling kagamitan sa iskwelahan ang iyong anak, at iba pa. Nangyayari ang mga ganoong problema at mabuti nang maghanda ng kaunting pera para sa mga ganoong sitwasyon.

 

7. Pagpapalibing

Natatandaan mo pa ba noong pinag-usapan natin ang tungkol sa mga aksidente at pagkakasakit? Isipin mo ngayon ang pinakamalalang problema. Paano kung namatay ang iyong asawa o anak? Paano kung namatay ang iyong mga magulang? Paano kung IKAW ang namatay? May pera ka ba para siguraduhing mabubuhay ang pamilya mo at hindi sila mababaon sa utang? Masusuportahan ba ng ipon mo ang pamilya mo hanggang umayos ang kalagayan ng iyong pamilya sa pagkakataong ma-delay ang iyong life insurance o pumalya ang coverage nito?

Pag-isipan mo iyon nang mabuti.

Inirerekomenda ng mga financial experts na dapat may pera ka sa bangko na sapat na para makapagbayad sa tatlo hanggang anim na buwang gastusin para mabuhay, pero makakatulong din naman kapag nag-ipon ka ng mas marami para sa pinakamalalang problema… at pinakamabubuting oportunidad din.

Ang ipon na ito ay hindi lang para sa mga problema. Ito’y para sa mga oportunidad mo rin sa buhay!

 

8. Bagong Career o Trabaho

Ilan na nga ba ang mga trabahador na naipit sa trabahong hindi nila gusto dahil “kailangan nila ng pera”? Paano kung mayroon ka ngang pera, at pwede mo itong ilabas kahit kailan mo ito gusto dahil hindi ito nakatali sa mga investments o lupa? Gaganahan ka bang magresign at subukang pasukin ang pinapangarap mong trabaho? Pwede nga! Ang karagdagang safety net na iyon ay pwedeng maging pagkakaiba ng buhay na karaniwan lamang, o buhay na iyong hinahangad.

 

9. Magtayo ng Sarili Mong Negosyo

Ginusto mo bang magtayo ng sarili mong negosyo? Natatakot ka bang umalis sa iyong trabaho dahil marami kang kailangang bayaran at hindi mo masikmura ang pahamak? Uulitin ko, paano kung may naipon kang pera na sapat na para magsimula ng iyong negosyo at MABUHAY ng maayos ng ilang buwan o taon kahit wala kang regular na sahod hanggang umasenso ang iyong negosyo? Ito ang isa pang dahilan kung bakit dapat may ipon ka. Hindi mo kailangang maghintay para sa mga oportunidad kung pwede ka namang GUMAWA NG SARILI MO! (Nagsasalita ako nang mula sa aking karanasan. Naitayo ko ang blog na ito gamit ang mga techniques dito.)

 

10. Bagong Investment Opportunity

Hindi ko tinutukoy ang mga pyramid scams dito ha. Ang tinutukoy ko ay mga lehitimo at matatag na investments tulad ng mga negosyo, rental home, maayos na lupa na ibebenta sa iyo ng iyong kamag-anak sa mababang halaga sa kung ano mang dahilan (hal. aalis na sila at maninirahan sa ibang bansa, magreretiro na sila mula sa kanilang negosyo, atbp.), o iba pa. Madalas, hindi mura ang mga magagandang oportunidad na ganoon. May pera ka ba para makuha ang mga iyon? Ang pinakamabubuting bagay sa buhay ay madalas napapadpad sa mga naghahanda, kaya bakit hindi mo rin subukang paghandaan sila diba?

 

Iyon ang iilang dahilan kung bakit kailangan mong mag-ipon ng emergency fund, pero hindi tayo nagtatapos diyan. May bonus kang makukuha sa pagsasanay mong MAG-IPON.

Totoo nga naman, bago ka makaipon ng malaking halaga, kailangan mo ng disiplina para hindi gumastos ng sobra sobra o mabaon sa utang. Ang pagsasanay mag-ipon ay makakapigil sa napakaraming paghihirap dahil sa kawalan ng pera, tulad ng mga emergencies na nailista ko dito.

Saan mo Dapat Itago Pera para sa Emergencies?

Ito ang aming mga rekomendasyon:

  1. Itago mo ito sa bagong account sa bangko at ikandado mo ang ATM card. Huwag mong ilalagay ang perang iyon sa personal mong savings o paycheck account, at huwag mo itong ilalagay sa iyong account na ginagamit mo para sa online shopping. Pwedeng magamit mo nang hindi sinasadya ang pera sa mga luho na hindi mo kailangan.
  2. Itago mo ang kaunting pera, in cash, sa ligtas na lugar sa loob ng iyong bahay. May mga panahong kakailanganin mo agad ang malaking pera at magkakaroon ka ng malaking problema kapag sarado ang lahat ng ATMs dahil sa malalang disaster tulad ng mga bagyo at lindol.

 

MAG-IPON KA NA!

Dito na muna tayo magtatapos sa aral na ito. Tandaan: Mag-ipon ka ng kaunting pera buwan buwan para sa emergency at opportunity fund na ito, mag-ipon pa para makapag-invest, at gamitin mo ang natitira para makapagbayad sa mga gastusin at utang. Sa pagdaan ng panahon, makakakuha ka ng mabuting financial habits at papasalamatan mo ang sarili mo dahil nagawa mo ito.

Kung gusto mong matutunan ang iba pang mga bagay tungko sa tamang paghawak ng pera, basahin mo lang ang iba naming articles dito!
Categories: Tagalog
Ray L.: Ray is the main writer behind YourWealthyMind.com. He is a proponent of self-improvement and self-education, and he believes that anyone can achieve their goals once they learn the knowledge and skills they need to attain them. He considers it his mission to enrich lives and end poverty by teaching people lessons they may need to succeed.

View Comments (0)