English Version (Click Here)
Sa nakaraang ilang taon, maraming Pinoy ang nagiging mas-interesado sa pag-iipon at pag-invest ng pera at napansin ko din na paparami ang mga Filipino personal finance at investing books sa mga bookstores tulad ng National Bookstore. Noong nakaraang linggo, dumalaw ang tiyuhin kong OFW na nakatira sa America at sinabi niya sa akin na magsisimula siya ng investment account sa isang popular na Philippine online stock broker. Marami siyang tanong, at ikinagalak kong sagutin siya at ituro ang mga basics.
Basahin mo lang ang ibang articles dito:
- Ano ang Iba’t-ibang Uri ng Stocks?
- 5 Tips para Maintindihan ang Stock Market
- Paano pumili ng Stocks: 10 Terms na kailangan mong matutunan
Noong kinakausap ko ang aking tiyuhin, naalala ko na kahit siya ay komportable sa online registration, marami namang mas nakatatandang Pinoy ang hindi masyadong “tech-savvy” at pwedeng maloko ng mga online scams. Narito ang ilang tips o payo ko para sa iyo kung iniisip mong magrehistro sa isang online investment o brokerage account.
Ilang Tips sa Kung Paano Gumawa ng Online Investment Account
Habang pinag-iisipan mo pa lang:
- Una: Siguraduhin mong lehitimo ang kumpanya. Sa mga kumpanya sa Pilipinas, pwede mong tignan ang website ng Securities and Exchange Commission para iverify kung lehitimo nga ang kumpanya (isearch mo lang sa search bar). Maraming bangko ang mayroon nang mga investment departments para sa publiko at mayroon na ring established na online brokers na magagamit mo para mag-invest sa mga stocks at iba pang securities (“investments”). Madalas mas mabuting mag-invest gamit ang isang kilalang kumpanya, at kung gagamit ka ng hindi masyadong kilalang kumpanya, magtanong tanong ka muna at magreseach kung gusto mong makaiwas sa posibleng mga modus o scams (tulad ng Emgoldex scam dati).
- Tumingin ka muna sa ibang alternatibo (Narito ang listahan ng mga brokers sa Pilipinas). Hindi dahil inirekomenda ito ng isang kaibigan mo, ibig sabihin yun na ang dapat mong gamitin. Maraming iba ang pwedeng mas makabubuti para sa iyo.
- Maayos o sapat ba ang sistema nila? Kung balak mong mag-invest sa matagal na panahon, ok lang sa iyo ang isang basic na chart, pero malamang kakailanganin mo ang napakaraming financial data tulad ng P/E ratios, dividend yield, historical dividends, at iba pa. Sa kabilang dako naman, kung ikaw ay isang trader, dapat siguraduhin mo na mayroon sila ng mga tools na gagamitin mo. Mayroon ba silang maaayos na charts, tools, at trading indicators na gusto mong gamitin tulad ng stochastic, moving averages, at iba pa? Huwag kang matakot magtanong at tiyakin ulit. Ang mga maaayos na brokers ay madalas mayroong customer service department na sasagot sa mga tanong mo.
- Tignan mo kung may trial account system sila. Kung meron, madalas libre ang magrehistro dito at pwede mong gamitin ang account na may “play money” na ito para masubukan ang kanilang trading tools at sistema. (Note: Maraming Forex trading companies ay mayroon nito, pero hindi lahat ng stock at mutual fund brokers ay may ganito.)
- Tignan mo ang kanilang fees. Iwasan mo ang mga broker na may matataas na fees at transaction costs. Tandaan mo na halos lahat ng gusto mong gawin sa account, bawat withdrawal at deposit, bawat stock na binili o ibinenta, ay madalas magkakaroon ng fees at kakainin nito ang pera mo kung ikaw man ay kumita o malugi. Siguraduhin mo na mababa ang fees ng kumpanyang gusto mong gamitin. Tignan mo lang uli ang ibang brokers para icompare ang fees nila.
Bago ka magrehistro:
- Siguraduhin mo uli na lehitimo ang kumpanya.
- Ikalawa, siguraduhin mong tama ang website na pinasok mo. Para makasigurado, isearch mo ang website nila sa Google at iclick mo ang pinakamataas na link (hindi ang mga ads ha). Madalas ang top result ay ang main website ng kumpanya, at mahahanap mo ang mga “open an account” pages doon.
- Icheck mo ang “HTTPS” sa URL ng website. Kahit hindi ito guarantee laban sa mga scams at hackers, ang ibig sabihin nito secure ang website.
- Icheck mo ang mga requirements. Ang pagrehistro sa isang online investment account ay madalas mangangailangan ng identipikasyon tulad ng government IDs (driver’s license, passport, etc.). Ang ibang brokers mula sa mga bangking companies ay minsan kakailanganing mayroon kang bank account sa kanila. Halimbawa, sa BPITrade kailangan may BPI account ka, sa BDO Nomura naman kailangan may BDO online account ka. Siguraduhin mong bago at valid pa o hindi pa expired ang mga requirements na isusumite mo.
- Icheck mo ang minimum investment requirements. Ang ibang brokers may tiers o levels kung saan mas-maganda ang facilities at trading systems na makukuha mo depende sa kung gaano kalaki ang iyong initial deposit.
- Tignan mo rin ang minimum maintaining balance kung meron man. Minsan ang ibang brokers (tulad ng BPITrade) may minimum maintaining balance kung saan kapag hindi sapat ang pera mo (dahil nakainvest na o nagwithdraw ka), magkakapenalty o utang ka kung hindi mo icacancel ang iyong account.
- Kung kailangan mong magrehistro in person, icheck mo ang schedule at lokasyon nila. Ang ibang brokers ay hindi bukas sa weekends o tuwing office hours lang open.
- Magdala ka ng extra requirements para sigurado. Kung kailangan nila ng dalawang ID, magdala ka ng isa o dalawa pa para sigurado. Minsan kakailanganin mo din ng photocopy o ng IDs mo.
Ilang investing tips:
- Huwag kang mag-invest ng pera na kailangang kailangan mo ngayon. Minsan, kahit gaano pa man tayo kasinop, may mga nangyayari pa ring masama. Nagkakaproblema din ang broker o nalolock o nacacancel ang account mo (tulad ng nangyari sa akin dati sa IronFX. Nagfreeze yung kumpanya bago ko mawithdraw ang natitira kong pera sa kanila). Mabuting mag-invest, pero mabuti ring mayroon kang maraming perang nakaipon din para sa mga emergencies o mabubuting oportunidad.
- Alamin mo ang iyong risk tolerance. Ang pinakamabubuting investments ay madalas napakavolatile o pabago-bago ang presyo at taas baba tulad ng isang roller coaster. Siguraduhin mo na kaya mong sikmurain ang pagbabago-bago ng presyo ng mga ito.
- Pumili ka ng investments ayon sa iyong kaalaman, experience, at risk tolerance. Ang ibang investments tulad ng index funds, money market funds, at iba pa ay mabuting investments para sa mga baguhan (basahin mo ang guide na ito). Ang ibang investments naman tulad ng mga small-cap stocks, options, futures, at iba pa ay para lamang sa mga dalubhasa o experienced na investors.
Ang PINAKAMAHALAGANG Tip: PAG-ARALAN mo kung paano mag-invest.
Kung baguhan ka pa sa investing, alalahanin mong mabuti ang sinabi ni Warren Buffett:
“Risk comes from not knowing what you’re doing.“
Ang panganib ay nagmumula sa iyong hindi pag-alam sa ginagawa mo.
Mapanganib ang gumawa ng mga bagay na hindi mo naman talaga pinag-aralang mabuti.
Itataya mo ba ang life savings mo sa isang card game kung hindi ka marunong maglaro at manalo dito? Malamang hindi mo hahayaang mapahamak ang pera mo doon. Katulad ng kung paano delikado ang pagpapatakbo ng kotse sa isang highway kung hindi ka marunong magmaneho, delikado din ang pag-invest ng pera sa mga bagay na hindi mo naman talaga pinag-aralang mabuti.
Ang isa sa pinakamasamang pwede mong magawa ay ang pagsunod-sunuran mo lang sa mga payo ng kaibigan lalo na kapag hindi naman sila propesyonal na investor. Katumbas iyon ng pagkuha ng surgical at medical advice sa isang truck driver at engineer kaysa sa isang surgeon o pharmacist. Malaking pahamak ang mapapala mo doon. Ang pinakamahalagang payo ko para sa iyo ay bago ka magsimulang mag-invest, kailangan mong pag-aralang mabuti ang basics.
Dito na muna tayo magtatapos. Ang masasabi ko lang ay napakabuti na pinagaaralan mo ngayon ang pag-invest at susubukan mo na ito. Nakagawa ka na ng isang malaking hakbang patungo sa pagyaman at pag-asenso sa buhay.