*Ang article na ito ay naglalaman ng affiliate links.
English Version (Click Here)
“The key to success is to focus our conscious mind on things we desire, not things we fear.” – Brian Tracy
(Ang susi sa tagumpay ay ang pagfocus ng ating isipan sa mga gusto natin, hindi sa mga kinatatakutan natin.)
Alam mo ba na ang paggawa ng layunin gaya ng “gusto ko ng masayang buhay” o “gusto kong yumaman” ay hindi makabubuti? Hindi ko sinasabi iyon dahil imposible silang makamit. Ito’y dahil sila’y napakalabo na hindi ka makakauha ng impormasyong magagamit mo para makamit ang mga ito. Bukod pa doon, wala din silang nakatakdang hangganan kaya hindi mo malalaman kung tunay mo nga ba silang nagawa. Kung gusto mong makamit ang iyong mga pangarap at magtagumpay sa isang bagay, kailangan mong pag-aralan ang tamang paglikha ng layunin. Pag-aralan mong mabuti ang article na ito, at gumawa ka ng layunin gamit ang mga prinsipyo dito.
“Lack of direction, not lack of time, is the problem. We all have twenty-four hour days.” – Zig Ziglar
(Ang kakulangan ng direksyon, hindi ang kakulangan ng oras, ang problema. Tayong lahat ay mayroong 24 oras kada araw.)
Paano gumawa ng Layunin sa Buhay
“The indispensable first step to getting the things you want out of life is this; decide what you want.” – Ben Stein
(Ang kailangang-kailangang pangunahing hakbang para makamit ang gusto mo sa buhay ay ito; pagdesisyonan mo kung ano ang gusto mo.)
Method 1: Positive, Immediate, Concrete, at Specific (PICS) format mula sa “The Personal MBA” ni Josh Kaufman
- Positive (Positibo) – Una, ang layunin mo ay dapat isang bagay na iyong hinahangad at hindi bagay na iyong iniiwasan. Halimbawa, ang “hindi ko gusto itong napakahirap na trabaho” ay hindi magandang layunin dahil hindi ka nito bibigyan ng lakas ng loob, at ang pangangailangan mo ng pera para makabayad ng mga bayarin ay maninigurado na maiipit ka. Ang “Gusto kong magtayo ng sarili kong restaurant” o “gusto ko ng bagong career bilang business advisor” ay mas makabubuti lalo na kung sila’y pangarap mo dahil magbibigay sila ng mabuting hangarin. Ang layunin na gusto mo ay makakapagbigay ng lakas ng loob sa iyo para pagsikapan ito.
- Immediate (Kagyat) – Ang layunin mo ay dapat nagbibigay ng impormasyon sa mga bagay na pwede mong simulan sa madaling panahon. Para sa halimbawa natin tungkol sa restaurant, maiisip mo ang mga susunod mong gagawin: Anong klaseng restaurant ang gusto mo? Filipino? French? Japanese? Anong mga pagkain ang gusto mong ilagay sa iyong menu? Pumili ka at mag-experiment ng recipes. Ano ang pangalan ng restaurant? Lokasyon? Tumingin ka sa mga mapa para makahanap ng mabuting pagtatayuan nito. Magkano ang kailangan mo para mabuo ito? Aling bangko ang makakapagbigay ng mabuting loan para magsimula ng negosyo? Tawagan mo sila para malaman mo.
- Concrete (Konkreto) – Kailangan alam mo kung kailan nagtagumpay ka na sa layunin na iyon. Ang mga layunin gaya ng “gusto kong yumaman” ay hindi gagana. Gaano kayaman ang “mayaman” para sa iyo? Kapag ba kumikita ka ng limampung libong piso kada buwan? Kapag may limampung libong piso ka sa bangko? May limandaang libong piso ka sa iyong net worth? Tandaan, ang mababang empleyado sa opisina ay “mayaman” kumpara sa pulubing walang bahay. Para sa halimbawa nating restaurant, alam mong nagtagumpay ka kapag nabuo na ito. Maidadagdag mo din ang “kumikita ng makali sa pagluluto at pagbenta ng napakasarap na pagkain sa masasayang customers” sa layuning iyon.
- Specific (Tiyak) – Dapat malalaman mo ang lahat ng kailangan mo para sa layunin mo. Alamin mo kung anong klaseng restaurant ang pangarap mo, KAILAN mo ito dapat matapos (ang “balang araw” masama dahil ito’y nagiging “hindi kahit kailan” matapos ang ilang taon), saan, at paano.
“You’ve got to think about the big things while you’re doing small things, so that the small things go in the right direction.” – Alvin Toffler
(Kailangan pag-isipan mo ang mga mahahalagang bagay habang ginagawa mo ang mga maliliit na bagay, para ang lahat ng mga ito ay patungo sa tamang direksyon.)
Method 2: Specific, Measurable, Attainable, Realistic, Time-based (SMART) criteria para sa paggawa ng layunin.
(Note: May iba-ibang salita para sa bawat letter o criterion. Maghanap ka lang hanggang may mahanap kang kaya mong gamitin.)
- Specific (Tiyak) – Dapat tiyak o specific ang iyong layunin. Ang ba ang EKSAKTONG gusto mo? Kumita ng limampung libong piso kada buwan? Dalawang daan at limampung libo? Limandaang milyon ang net worth? Magkaroon ng 500-square foot mansion sa siyudad? Alamin mo ang gusto mo, at saka mo malalaman kung paano mo ito mapagsisikapan.
- Measurable (Nasusukat) – Kung ang pangarap mo ay magkaroon ng limampung milyon na net worth, magkano na ang net worth mo ngayon (total na presyo ng lahat ng iyong ari-arian, bawas ang iyong mga utang)? Kung walang laman ang bank account mo at ikaw ay lubog ng dalawang daan at limampung libong piso sa utang, alam mo kung saan ka nakatayo. Kung nabayaran mo na ang utang mo, may limang milyon sa bangko at may bahay na nasa dalawampung milyon ang halaga, nangangalahati ka na ng daan patungo sa iyong layunin. Kapag napansin mo na unti-unti mo nang nakakamit ang iyong pangarap sa buhay, mas lalakas ang loob mo para kumpletuhin ito.
- Agreed-upon (Sang-ayon sa Iyo) – Ang layunin ay dapat gusto mo (at ng mga kasama mo sa proyekto) talagang makamit. Halimbawa, pwede mong isipin na maging executive sa bangko, pero kung hindi mo naman talaga iyon gusto at mas pangarap mong maging professional chef o magtayo ng apartment construction at real estate business, iwasan mo na lang ang unang naisip mo na iyon.
- Realistic (Makatotohanan) – Kapag nanonood ako ng superhero action movie o anime, minsan gusto kong magkaroon ng superpowers kagaya nila. Realistically naman, ang ganoong hiling ay hindi pa posible sa ngayon (hindi pa naiimbento ang teknolohiyang makakagawa nito). Ang mga layunin ay dapat makatotohanan na magagawa ito sa tamang panahon. Halimbawa, hindi realistic na makapaglabas ka ng isang fifty-storey building mula sa wala sa loob lamang ng tatlong segundo, pero realistic na ikaw ay magresearch at makapagdevelop ng treatment plan na makakalunas ng ilang uri ng cancer kapag mayroon kang oras at resources para dito.
- Time-bound (May Takdang Oras) – Huwag mong kalilimutan na limitado ang ating buhay. Ang bawat sandaling nawala ay wala na habang panahon. Huwag mong kalilimutan ang kasabihang ito na nagsimula kay Randy Komisar: “At nariyan ang pinakamalubhang panganib sa lahat — ang pahamak na naubos mo ang buhay mo sa pagkalimot sa iyong mga pangarap dahil umaasa ka na makakahanap ka ng kalayaan para gawin ang mga ito sa dadating na panahon.” Kung may pangarap ka, kailangan mong magtakda ng deadline. Kung hindi, malamang aantalahin mo ito hanggang mamatay ka.
Ang pangunahing punto noong dalawang techniques para sa paggawa ng layunin ay kailangan ispesipiko ito. Ang mga malalabong layunin gaya ng “gusto kong maging masaya”, “gusto kong yumaman”, o “gusto ko ng kotse” ay hindi naman tunay na layunin kundi mga hiling lamang. Kailangan gawin mong konkretong layunin at pagplanuhan mo ang mga ito bago mo sila makakamit. Inuulit ko, ang pinakaunang hakbang ng tagumpay ay ang pag-alam sa kung saan mo gustong magtagumpay. Kung hindi mo alam kung ano talaga ang gusto mo, hindi mahalaga ang kahit anong makukuha mo sa buhay dahil wala naman sa mga ito ang tunay na gusto mo.
Ano ang pangunahing benepisyo ng paggawa ng konkretong layunin?
Una, pinipilit mo ang isipan mo para makita ang mga bagay na makakatulong sa iyo na makamit ang mga pangarap mo. May bahagi ang ating utak na tinatawag na reticular activating system at ang ginagawa nito ay sinasala nito ang impormasyong napapansin mo. Dahil dito, ang nakikita mo lang ay ang mga bagay na mahalaga para sa iyo. Ito ang dahilan kung bakit napapansin mo na madaming purple na damit sa mga tindahan kapag naghahanap ka ng purple na damit, at kung bakit napapansin mo kapag tinawag ang iyong pangalan kahit maingay ang mga tao sa paligid mo.
Ikalawa, ang pagkakaroon ng konkretong layunin ay pupuwersa sa iyong ifocus ang pagsisikap sa isang bagay at ikaw ay magiging mas-produktibo dahil dito. Kung wala kang nakatakdang layunin, malamang magsasayang ka ng oras sa mga bagay na hindi makakatulong sa buhay mo.
Ikahuli, ang pagtakda ng layunin ay nagbibigay ng resulta. Ang kawalan ng layunin ay kagaya ng pagtira ng mga pana sa isang bukid. Nagsasayang ka lang ng oras at lakas. Kung nagfocus ka sa isang layunin gaya ng pagtama sa isang target na 18 meters ang layo at makamit ang 50% bull’s eye rate sa loob ng anim na buwan, sa pag-ensayo mo malamang mas-madalas kang magtatagumpay doon.
Kung pangarap mong magtagumpay, kailangan gamitin mo na ang mga payo dito. Isulat mo ang mga bagay na pangarap mong makamit at saka ka magplano at magsikap para makamit mo ang mga ito.
View Comments (0)