X

Ano ang Stocks at Bakit mo kailangang Mag-Invest Dito?

English Version (Click Here)

Matapos kontrolin ang iyong paggastos, magbayad ng mga utang, at mag-ipon ng pera, ang susunod mong kailangang gawin para makamit ang financial freedom ay magsimulang mag-invest! Ano ang isa sa pinakamabuti at pinakapopular na investment ngayon? Stocks! Kung hindi mo pa napapag-aralan ito at kung gusto mong matutunan ang basics, may guide kami dito para sa iyo!

 

Ano ang Stocks?

Isipin mo na, kasama ang siyam mong kaibigan, ginusto mong magsimula ng negosyo kaya kayong lahat ay nagbigay ng cash, kagamitan, materyales, at iba pa na nagkakahalaga ng P1,000. Sa negosyong iyon, kayong mga magkakaibigan ay nag-desisyon na pantay-pantay na maghati-hati ng kita at pagmamayari sa kumpanya. Sa ganoong sitwasyon, ang negosyo ay parang may 10 shares of stock at ang bawat isa sa inyo ay may ari ng isa.

Ang Stocks na minsa’y tinatawag na “shares” o “equities” ay nagsisimbolo ng hati ng pagmamay-ari ng isang kumpanya. Ang Stock Market naman ay ang lugar kung saan ang mga shares na ito ay binebenta at binibili. Kung halimbawa ang isang kumpanya ay naglabas ng 10,000 shares of stock outstanding at ikaw ay bumili ng 100 shares, ikaw ay magiging stockholder at magmamay-ari ka ng 1% ng kumpanyang iyon (100 ay 1% ng 10,000).

Gaya ng halimbawa sa itaas, kung stockholder ka ikaw ay nagmamay-ari ng bahagi ng assets ng kumpanya at ikaw rin ay minsan makakatanggap ng bahagi ng kinikita ng kumpanya na tinatawag na Dividends. Alalahanin mo din na ang ilang kumpanya ay hindi nagbibigay ng dividends at naipapasok lang nila ang kinikita nila sa kumpanya, kaya sa ganoong sitwasyon kikita ka ng pera kapag binenta mo ang shares na binili mo kapag tumaas ang presyo ng stock (capital appreciation) o kapag ikaw ay nag-short sell.

Siya nga pala, ang stocks ay nauuri sa dalawa: Preferred Stocks na may prioridad sa assets at earnings pero pwedeng walang voting rights, at Common Stocks na may mas-mababang prioridad sa mga iyon pero madalas ay mayroong voting rights.

 

Bakit ka dapat mag-invest sa Stocks?

  1. The Power of Compounding – Ang stock prices ng magagaling na kumpanya ay madalas tumataas ang presyo sa pagdaan ng panahon (capital appreciation) kaya kapag bumili ka ng shares ngayon, pwede mong ibenta sila ng mas-mataas ang presyo sa kinabukasan (pagdaan ng ilang taon)! Ang stocks ay nagbibigay ng mas-mataas na profits o kita kumpara sa bonds at bank savings accounts kaya mas-mabuti silang investment kahit mas-volatile o pabago-bago ang kanilang presyo.
    1. Halimbawa: Nag-invest ka ng P10,000 para bumili ng shares ng isang napakabuting kumpanya. Pagdaan ng ilang taon, ang shares na binili mo ng P10,000 ay pwede mo nang ibenta ng P20,000 o mas-mataas pa! (Ang resultang iyon ay pwedeng magkaiba depende sa galing ng kumpanya at kung paano ang paggalaw ng stock market).
  2. Dividend Payments – Kung nagtayo ka ng sarili mong negosyo at ito’y kumita ng pera, makakakuha ka ng bahagi ng kita nito diba? Ganoon din ang nangyayari sa mga kumpanya na nagbibigay ng dibidendo o dividends sa mga stockholders. Dahil kahati ka sa kumpanya, makakakuha ka rin ng hati mo sa kinikita nila!
  3. Ang pangmatagalang kita ay nakahihigit sa panandaliang peligro. Historically at sa pagdaan ng mga dekada, ang kikitain mo sa stocks ay mas-hihigit pa sa ano mang “safety” na makukuha mo sa ibang investments gaya ng bonds o time-deposit savings. Kung gusto mo pa itong pag-aralan, tignan mo lang ang graphs dito sa link na ito.

 

Ang pag-invest sa stocks ay Hindi Pagsusugal:

Ang isa sa pinakamasamang paniniwala ng karamihan tungkol sa stocks ay ito’y parang pagsusugal sa casino at ikaw ay halos palaging matatalo. Ganoon ang pag-iisip nila dahil hindi sila naglaan ng oras para pag-aralan ito. Hindi nila tuloy natutunan na ang stock market ay hindi laro ng Roulette kung saan tataya ka sa ilang stocks at nagdadasal kang manalo kundi isa itong lugar kung saan ka makakabili ng shares ng mga kumpanya.

Di gaya ng pagsusugal, hindi ka aasa sa swerte para gumaling sa stock market. Kailangan mo lang pag-aralan kung anong mga kumpanya ang magaling magnegosyo at mag-invest ka dito sa tamang presyo. Napakaraming tao ang hindi nag-aaral kaya tinataya lang nila ang pera nila sa mga bagay na hindi nila dapat binibili o binebenta nila ang mga mabubuting investments na hindi nila dapat ibenta.

 

Ano ang nakaaapekto sa presyo ng Stocks?

Ang presyo ng mga stocks ay naaapektohan ng supply at demand. Kung mas-marami ang may gusto sa shares ng isang kumpanya, mas-bibilhin nila ito at papayag sila kahit mas-mataas ang babayaran nila bawat share. Dahil dito, aakyat ang presyo ng stock. Kung ayaw naman ng mga tao ang shares ng isang kumpanya, hindi nila ito bibilhin at ibebenta nila ang mga shares nila ng pamura kaya bababa ang presyo nito.

Ang isa sa pinakamahalagang bagay na nakaaapekto sa presyo ng isang stock ay ang earnings o kinikita nito. Ang negosyo na kumikita ng marami ay mas-mahalaga sa kumpanyang kaunti lang ang kita.

Isipin mo ang halimbawang ito:

Mayroon kang dalawang puno. Ang isa ay puno ng green mangoes at ang isa naman ay puno ng yellow mangoes. Ang bawat isa sa mga punong ito ay nagbibigay ng maraming prutas na nagkakahalaga ng P1,000 kada buwan at pwede mong ibenta ang isang puno ng P10,000.

Isipin mo, paano kung ang green mango tree ay nagbibigay bigla ng mas-maraming prutas at kikita ka ng P50,000 kada buwan mula rito. Ibebenta mo pa rin ba ito ng P10,000? Siyempre hindi na! Dahil mas-malaki ang kita nito, mas-malaki sa P10,000 ang benta mo dito! Baka ibenta mo ng P500,000? Baka higit pa!

Isa itong halimbawa ng capital appreciation at kung paano lumalaki ang presyo ng isang stock. Ang isang mabuting kumpanya na malaki ang kita, gaya ng puno na gumagawa ng mas-maraming prutas, ay mas-lalaki ang halaga kapag mas-umasenso ang negosyo nito sa pagdaan ng panahon.

Isipin mo naman ang sitwasyong ito:

Namatay ang dalawang puno kaya hindi na sila mamumunga. Masama pa doon, kapag hinayaan mo lang sila sa bakuran mo, kakailanganin mo pang magbayad ng P5,000 kada buwan. Ipapanatili mo pa ba ang mga punong iyon? Malamang hindi na at malamang hindi mo na rin sila maibebenta ng P10,000. Ang pinakamabuti mo na lang sigurong pwedeng gawin sa kanila ay putulin at ibenta ng ilang-daang piso para gawing panggatong o kahoy na gagawing kasangkapan sa bahay.

Kagaya noon, ang mga negosyo na nalulugi at mas-mababa ang kinikita ay mas-mababa ang halaga sa market.

 

Pero paano naman kung…

…alam mo na HINDI namatay ang mga puno? Paano kung, kahit naubos na ang mga dahon, ito’y epekto lamang ng tag-tuyot? Paano kung alam mo na sa pagdaan ng ilang buwan pag dumating na ang tag-ulan, ang dalawang puno ay mamumunga uli at kikita kang muli ng ilang-libong piso kada buwan?

Puputulin mo pa ba at ibebenta ang mga punong iyon? Siyempre hindi! Hihintayin mo na lang ang panahon ng tag-ulan dahil magiging mahalaga muli ang mga ito!

Kagaya noon, kahit may mga recession o masasamang balita na nakakapagpababa ng presyo ng mga stocks at nananakot sa mga investors kagaya mo, kapag sa pag-aaral mo nakita mo na magaling pa rin sa negosyo ang kumpanya, itago mo lang ito! Magbabalik din ang halaga nito. Abutin man ng ilang taon, ito’y magbabalik pa rin. Sa kabilang dako naman, ang mga punong namatay na at mga kumpanyang tunay na nalulugi ay dapat mo nang iwasan o ibenta bago tuluyang mawala ang halaga nila at sila’y maging panggatong lamang.

At ngayon dumiretso naman tayo sa mas-direktang halimbawa:

Ang dalawa mong kaibigan na si Mike at Mark ay magtatayo ng tindahan. Humingi sila sa iyo ng tulong kaya binigyan mo sila ng P10,000 para magkaroon ka ng 10% ownership ng kanilang negosyo at 10% ng kinikita nila ay mapupunta din sa iyo. Halimbawa, kung si Mike ay kumita ng P100,000 sa isang taon at ibibigay niya ito bilang dibidendo, makakakuha ka ng P10,000 kada taon. Kung ganoon palagi ang kita niya, may P10,000 ka kada taon ng wala kang kailangang gawin!

Ngayon isipin mo na pinalaki ni Mike ang tindahan niya at ginawa niya itong grocery store na kumikita at nagbibigay ng P100 million bilang dibidendo. Dahil dito, kikita ka ng P10 MILLION para sa iyong 10% share! Ibebenta mo pa rin ba ito ng P10,000? Siyempre hindi na! Kung ibebenta mo man ito, ibebenta mo ito sa napakalaki nang halaga! Baka ibenta mo na ito ng P10 o P30 million o higit pa!

Ito ang halimbawa kung paano gumagana ang capital appreciation dahil sa mas-mataas na earnings o kita.

Sa panig naman ni Mark, nalulugi naman ang shop niya at kumikita lang siya ng P100 kada taon. Dahil doon, ang P10,000 mo ay magbibigay lamang ng P10 kada TAON. Maibebenta mo pa ba ang 10% share mo ng P10,000? Malamang hindi na. Dahil walang bibili ng bagay na nagbibigay ng P10 kada taon ng P10,000, kailangan mo itong ibenta sa mas-mababang halaga, gaya ng P100 lamang.

Ito ang halimbawa kung paano ang hindi mabuting negosyo ay nagpapababa ng presyo ng isang stock.

Ang sikreto sa stock investing ay ang pag-alam kung alin ang mga mabubuting puno o mga puno na magiging mabuti at bilhin mo sila sa tamang halaga. Paano mo malalaman kung alin ang mga mabubuting investments at kung alin ang masama? Kailangan mo itong pag-aralan.
Maraming techniques na pwede mong gamitin kaya pag-aralan mo silang mabuti at gamitin mo ang mga technique na tama para sa iyo.

Volatility: Kontrolin mo ang iyong emosyon at mag-invest ka para sa matagal na panahon

“Risk comes from not knowing what you’re doing.” (Ang peligro ay nagmumula sa hindi mo pag-alam sa ginagawa mo.) – Warren Buffett

Ang stocks ay kilalang-kilala sa kanilang price movements o paggalaw ng presyo. Minsan kumikita ka, sa susunod na araw ikaw ay nalulugi. Yun ang isang dahilan kung bakit iniisip ng iba na parang pagsugal ang stock investing at ito rin ang isang dahilan kung bakit maraming nawawalan ng pera dito.

Minsan kapag nakikita ng iba na popular o nauuso ang isang stock at umaakyat ang presyo nito, nagiging greedy o sakim ang iba kaya binibili nila ang shares nito ng hindi nila alam na overpriced o masyadyong mataas ang presyo. Kapag bumalik ang presyo ng stock sa tamang mas-mababang presyo dahil sa market correction, nawawalan sila ng pera.

Sa ibang sitwasyon, may bumibili ng stock ng napakabuting kumpanya. Kapag napansin nila na umakyat ng kaunti ang presyo ng stock, natutuwa sila at binebenta nila ito agad ng wala sa tamang panahon. Kung itinago lamang nila ito, aakyat pa sana ang presyo.

Marami ring ilang sitwasyon na binibili ng iba ang stock ng isang napakabuting kumpanya, pero kapag nakita nilang bumaba ang presyo dahil sa mga recession, natatakot sila at ibinebenta nila ito ng palugi. Kung naghintay lamang sila, bumalik sana sa dating mas-mataas na presyo ang investment nila at maaari pang mas-tumaas ang halaga nito.

“Be Fearful When Others Are Greedy and Greedy When Others Are Fearful.” (Matakot ka kapag greedy ang iba at maging greedy ka kapag natatakot naman sila.) – Warren Buffett

Ang tatlong sitwasyong iyon ay maiiwasan sana kapag hindi nila pinansin ang sentimento ng market at pinursigi na lang nila ang pag-aaral at pag-invest sa magagaling na kumpanya. Kung hinayaan mo ang mga emosyon mo, ang iyong greed at pagkatakot, na makaimpluwensya sa iyong pagdedesisyon, isa iyong siguradong paraan para mawalan ng pera sa stock market (at iba pang aspeto ng buhay).

Kahit walang garantisadong kita sa bawat isang investment at kahit ang pinakamabubuting plano ay pwedeng pumalya, kung ginamit mong mabuti ang isipan mo at palagi mong pinag-aaralan ang mga bagay bago ka mag-invest, mapaparami mo ang iyong kita at magiging bihira ang iyong pagkatalo. Iyon ang pinakamabuting paraan para kumita sa stock market.

 

Iyon na para sa basics! Kung gusto mong makahanap pa ng ibang tips, basahin mo lang ang mga Tagalog version ng mga basic investment guides dito!

Categories: Tagalog
Ray L.: Ray is the main writer behind YourWealthyMind.com. He is a proponent of self-improvement and self-education, and he believes that anyone can achieve their goals once they learn the knowledge and skills they need to attain them. He considers it his mission to enrich lives and end poverty by teaching people lessons they may need to succeed.

View Comments (7)