X

Limang Dahilan kung Bakit ang Pagpapabuti sa Sarili (Self-Improvement) ay Nakapagbibigay ng Kaligayahan

English Version (Click Here)

Para sa iyo, ano ang ibig sabihin ng kaligayahan? Ito ba’y ang pagkamit ng iyong mga pinakaimportanteng goals o layunin sa buhay? Ito ba’y nasa pagkamit ng mga bagay na gusto mo? Ito ba’y sa pagiging mapagpasalamat at kontento sa lahat ng iyong mga nakamit na? Ito ba’y nasa buhay na walang malubhang problema pati na rin sa kakayahang masolusyonan ang mga problema sa buhay tuwing lumilitaw sila?

Lagi kong natitipuan ang mga libro tungkol sa self-help at self-improvement (pagpapabuti sa sarili). Karamihan sa mga ito ay mayroong mga mahahalagang aral na makapagpapabuti sa iyong pagkatao at kalidad ng iyong buhay, at ang pinakamagagandang libro ay hindi lang naglalaman ng mga kwentong nagbibigay ng inspirasyon, sila rin ay may mga pruebang galing sa psychological research. Ang mga dekalidad na libro, video, at mga seminars ay hindi lang magtuturo ng mga kaalamang nakapagbibigay ng mas mabubuting oportunidad (hal. people skills, time management, productivity, atbp.), sila rin ay nagtuturo ng mga mental at psychological skills na makakatulong sa iyong maging mas matagumpay sa mga oportunidad na nahahanap mo. Bukod pa doon, naituturo din nila kung paano mo masosolusyonan ang stress at problemang makakaharap mo sa buhay.

Napakaraming mabubuting kaalaman sa mundo ang pwede nating matutunan, at ang mga ito ay talagang makakapagpabuti ng ating kasalukuyang sitwasyon at ng ating kinabukasan. Ipagpatuloy mo lang ang pagbabasa nito dahil ito ang limang dahilan kung bakit ang self-improvement o pagpapabuti ng sarili ay makakapagbigay ng kaligayahan sa buhay.

Limang Dahilan kung Bakit ang Pagpapabuti sa Sarili (Self-Improvement) ay Makapagbibigay ng Kaligayahan

https://yourwealthymind.com/why-self-improvement-brings-happiness/

1. Magpapasalamat ka sa mga bagay na nakakamit mo.

Lahat tayo ay may mga layunin at pangarap — mga gamit na gusto nating makuha at mga bagay na pangarap nating gawin. Kung patuloy mong dinadagdagan ang iyong kakayahan at kaalaman, pinagtiyatiyagaan mong pagbutihin ang iyong kapaligiran at sitwasyon, at natutunan mong maging mas matatag ang loob at mas matiyaga, mas mabuti ang kakayahan mong makamit ang mga bagay na gusto mo sa buhay.

Bukod sa pagpapabuti ng iyong mga pagkakataong magtagumpay, matututo ka ring magpasalamat para sa lahat ng pag-unlad mong nakamit kumpara noon. Bukod pa doon, idagdag mo na rin ang tuwa na iyong mararamdaman kapag kinuwenta mo ang lahat ng tagumpay na pinagsikapan mo. Mas mabuti iyon kaysa sa kalungkutan dahil ang palagi lang nating iniisip ay ang mga bagay na wala tayo.

Kung iisipin mo nga naman, kapag may sinimulan kang bago tulad ng pagguhit, pagsusulat, pag-ehersisyo, o pagtugtog ng instrumento, malamang hindi ka pa mahusay noong kakasimula mo pa lang. Kapag pinagpatuloy mo iyon nang ilang taon, malamang mapapansin mo na ikaw ay nagiging mas mahusay at mabibilang mo rin ang lahat ng mga bagay na iyong nilikha, isinulat, at iba pang mabuting nakamit mo sa panahong iyon.

Ang prinsipyong iyon ay magagamit mo rin sa napili mong career o negosyo, lalo na kapag binigyan mo ng pansin ang lebel ng kaalaman at karunungan na iyong nakamit.

2. Magiging mas mahusay kang lumaban sa mga pagsubok sa buhay.

Ang buhay nga naman ay puno ng mga problema at pagsubok na kailangan nating lutasin. Ang mga gamit natin ay nasisira, tayo’y nagkakasakit, may mga masasamang pangyayari sa trabaho, minsan biglaan nating kailangang maghanap ng bagong papasukan, nalulugi ang negosyo, ang ating mga kaibigan at kamag-anak ay nagkakasakit o namamatay, atbp.

Kung tinuruan mo ang sarili mo na maging mas matatag ang iyong emosyon at pagiisip, at sigurado maraming librong nagtuturo ng mga sikolohikal na karunungan o psychological skills tungkol doon, edi kaysa ikaw ay magluksa at magreklamo lang sa isang tabi magiging mas magaling kang humarap at magresolba ng iyong mga problema sa buhay.

Parang ganito lang yan: Ang isang level 10 na problema ay ubod ng hirap kung level 5 lang ang iyong kakayahan, pero ang parehong problema na iyon ay napakadali na lamang kung pinahusay mo hanggang level 20 ang iyong kaalaman at karunungan.

3. Mabubuhay ka nang marangal at mapayapa ang pagiisip.

Kung ikaw ay naging napakahusay at maalam at nagsikap ka nang husto para makamit ang iyong mga pangarap o layunin, edi malamang hindi mo kakailanganing magsinungaling, mandaya, o magnakaw para lang makuha ang mga gusto mo. Magiging malaya ka sa stress at kamalasang dinudulot ng iba’t ibang kasalanan at bisyo.

Kung iisipin mo, kung kunwari nangangaliwa ka sa iyong asawa o mandarambong kang kinukupitan ang pondo ng kumpanyang pinagtratrabahuhan mo, edi makokonsensya ka palagi at mabubuhay kang palaging natatakot na mahuli. Sa pagdaan ng panahon, malamang mahuhuli ka nga at haharapin mo ang mga kahihinatnan ng iyong mga kasalanan.

Napakahirap maging masaya kapag ikaw ay nakokonsensya at nabubuhay sa takot.

4. Dadami ang mabubuting tao na makikilala mo (at mapapalayas mo ang mga taong mapang-abuso).

Maliwanag naman na gusto natin ng mga mabubuting tao sa buhay natin. Mga tunay na kaibigan at kamag anak na nakapagbibigay ng mga mabubuting karanasan, at mga tao na tutulong sa atin habang tinutulungan din natin sila.

Kung pinag aralan mo kung paano maging mas mahusay makipag-ugnayan sa ibang tao, paano maging mas mabuting leader o pinuno, at paano alamin ang tunay na pagkatao ng mga nakakaharap mo (at mayroon ngang mga librong nagtuturo ng mga kakayahan iyon), edi malamang mabubuting tao ang ipapaligid mo sa iyo. Magkakaroon ka ng mga kaibigan na makapagdadagdag ng kaligayahan sa buhay mo, at matututunan mo ring mairesolba ang mga kaguluhang paminsan-minsang nangyayari habang nakikipag-usap sa mga katrabaho at kamag anak. Ang mga kakayahang iyon ay makapagbibigay sa iyo ng mas masaya at mabubuting relasyon sa iba.

Ang isa pang mahalagang bonus sa pag-aaral ng people skills o mabuting pakikitungo sa ibang tao ay kapag kinakailangan mong harapin ang mga toxic abusers o mga mapang-abusong tao na susubukang lokohin ka para lang makuha nila ang gusto nila. Madalas susubukan ng mga taong iyon na manipulahin ang iyong mga kahinaan sa puso’t isipan at dahil sa kanila magiging miserable ang buhay mo. Ang pagpapabuti sa sarili sa pamamagitan ng pag-aaral ng people skills ay makakatulong sa iyong mapansin agad ang mga mapang-abusong tao na iyon, iwasan ang pangaabuso nila, at palayasin sila sa buhay mo nang walang masyadong gulo.

5. Mabibitawan mo na ang mga bagay na nagbibigay sa iyo ng kamalasan at kalungkutan.

Ang self-improvement o pagpapabuti sa sarili ay hindi lang tungkol sa pag-alam ng mga bagong bagay o pagpapahusay sa ating mga kakayahan — ito rin ay tungkol sa pagaayos ng ating mga kahinaan. Kung iisipin mo nga naman, ang mga kahinaan sa ating pagkatao tulad ng pagiging lulong sa pagsusugal o sa droga, sobra sobrang pagkamainitin ng ulo, pagiging sobrang mahiyain, hindi pag-alaga sa ating kalusugan, pagpapaliban-liban sa mga kailangang gawin, hindi makapagpasiya sa mahahalagang bagay, at iba pang mga kahinaan tulad ng mga iyon ay pwedeng pagmulan ng napakaraming problema na nakapagbibigay sa atin ng sama ng loob at kalungkutan.

Mabuti na lang at may mga paraan tayo para ayusin at alisin ang mga personal na kahinaang iyon, at ang mga solusyon ay ni-research at inaalam ng mga therapists, psychologists, matatalinong business leaders, at iba pang eksperto sa mundo. Pwede mong matutunan ang mga kaalaman nila mula sa kanilang mga iniakdang libro, video, seminar, atbp. Kapag pinag-aralan mo ang mga isinulat nila, matututunan mong kilalanin at ayusin ang iyong mga personal na kahinaan. Kapag nagawa mo iyon, mapipigilan mo ang mga problemang pwedeng magsimula sa iyong mga kahinaan sa buhay.

Ang lahat ng pagpupunyagi mo ay makapagbabawas ng iyong stress o pagod, at ito rin ay magbibigay ng kaganaan ng loob at kaligayahan sa buhay.


Sa kabuoan, habang nagbabasa ka at pinag-aaralan mo ang mga dekalidad na libro tungkol sa self-help at self-improvement, sana ay marami kang natututunang bagay na makakatulong sa iyong makamit ang mga pinapangarap mo sa buhay. Magagawa mo iyon nang hindi mo kailangang gumawa ng masama o mandaya. Matututunan mo ring maging mas mahusay sa pagresolba at pagpigil ng iba’t ibang problema. Mas makakakilala ka ng mga mabubuting tao na magdadagdag ng kaligayahan sa iyong buhay, at mapagiiwanan mo ang mga masasamang tao, pati na rin ang mga negatibong aspeto sa sarili mong pagkatao, na nagdudulot ng napakaraming problema at kalungkutan.

Hindi ba napakabuti ng mga resultang iyon? Mainam nga na subukan natin, diba?

Sana ay nagustuhan mo ang mga aral sa naisulat kong article na ito. Kung gusto mong simulan ang pagpapabuti sa iyong sarili, pwede mong basahin ang mga librong inirerekomenda namin sa mga links sa ibaba:

Categories: Tagalog
Ray L.: Ray is the main writer behind YourWealthyMind.com. He is a proponent of self-improvement and self-education, and he believes that anyone can achieve their goals once they learn the knowledge and skills they need to attain them. He considers it his mission to enrich lives and end poverty by teaching people lessons they may need to succeed.