X

Tatlong MAHALAGANG dahilan kung bakit kailangan mong iwasan ang Masamang Utang

English Version (Click Here)

“Debt is like any other trap, easy enough to get into, but hard enough to get out of.” – Josh Billings

(Ang utang ay katulad ng ibang patibong, madaling pasukin, pero mahirap umalis.)

Isang hakbang palusong, dalawang paurong.  Isipin mo man na ok lang manghiram ng pera at lubusang gamitin ang credit cards, hindi ito totoo. Parang hindi ito masama sa simula, hanggang mangutang kang uli, at mangutang pa, at mangutang ng paulit-ulit hanggang nabaon ka na ng isang bundok ng utang. Kapag nawiwili kang gumastos ng sobra sobra at mangutang ng pera, alalahanin mo lang ang tatlong dahilan kung bakit dapat umiwas sa luho at sa masamang utang.

1. Huwag mong sisirain ang kinabukasan mo sa pagbaon ng sarili sa pangungutang.

Ayos lang ba sa iyo na magtrabaho ng ilang dekada para lang bayaran ang mga luma at nasirang gamit na binili mo noong mga nakaraang taon? Komportable ka ba na ang sahod mo ay kinakain lamang ng credit card bills at payday loans? Huwag mong kalilimutan ang aral na ito (mula sa Makabagong Pananaw para iwasan ang SOBRANG Pangungutang): Kung nasanay kang gumastos ng future income o sahod na pagsisikapan mo pa lang, gagamitin mo ang nalalabi mong panahon para magtrabaho upang mabayaran ito.

“No one can be happy, no matter how optimistic, who is forever in the clutches of poverty, of harassing debt.” – Orison Swett Marden

(Walang tao ang magiging masaya, kahit gaano pa man sila umaasa sa mabuti, sa mga nababaon sa kahirapan at sa masamang utang.)

2. Ang pag-alala sa utang ay magpapapurol ng iyong kakayahan at talino.

“Saan ako huhugot ng pera para magbayad?” ay mga salitang ibinibigkas ng malungkot, at madalas ko itong naririnig sa mga kakilala ko. Kapag sila’y may problema sa pera o may mamahaling bagay na gusto nilang bilhin, manghihiram sila ng pera mula sa mga kaibigan at kapamilya para makapagbayad. At para mabayaran ang utang nilang iyon, manghihirap pa sila sa iba pa nilang kakilala. Pagkatapos noon, magtatago na lang sila mula sa kanilang mga inutangan o patuloy silang mangungutang (ng hindi nagbabayad). Madalas itong nangyayari at hindi ko ito nagugustuhan.

Kung nasa sitwasyon ka nila, makakapag-isip ka pa ba tungkol sa career advancement, oportunidad para sa negosyo, o pag-invest kapag masyado kang abalang umiwas sa mga inutangan at masyado kang nag-aalala tungkol sa iyong mga utang? Malamang hindi. Ang pagkaroon ng sobra sobrang utang ay parang paglalaro ng chess (ahedres) ng may baril na nakatutok sa ulo mo. Hindi ka makakapag-isip ng mabuti dahil sa takot, at doon ka matatalo. Sabi nga ni Orison Swett Marden, ang iyong kasigasigan ay napakahalagang pag-aari at walang makakasira dito tulad ng kaalamang ikaw ay nabitag, na ang paa’t kamay mo’y nakagapos dahil sa sumpa ng utang.

 

3. Ang Utang ay pipigil sa paghahanap mo ng mabubuting oportunidad.

Sabi ni Orison Swett Marden, ang masamang utang ay nakasira na ng napakaraming mabubuting career. Marami akong kakilala na gustong lumipat sa mas-mabubuting trabaho o posisyon… pero hindi sila makaalis sa kasalukuyan nilang trabaho dahil napakarami nilang bills at utang na kailangang bayaran.

Isipin mo lang: Makakaalis ka ba sa trabaho mo ngayon para magsimula ng negosyo o magbago ng career kapag nakabaon ka sa utang at lumalaking credit card bills na kailangan mong bayaran buwan buwan? Pwede ka SANANG kumita ng mas malaking sahod at yumaman… pero hindi mo kinuha ang oportunidad dahil natatakot ka. Natatakot dahil kapag nabigo ka ikaw ay mababaon sa napakalaking utang.

 

Bakit ka nga ba nabaon sa utang?

Para ba ito sa bagong kotse? Mamahaling cellphone o iba pang gadget? Pagkain sa mamahaling restaurant? Mamahaling bakasyon? Sobra sobrang groceries at sitsirya? Isang dosenang luxury shirts at dresses kaysa sa kaunting dekalidad na damit?

Isang sinyales ng mga matagumpay sa paghawak ng pera ay ang kakayahan nilang pag-isipan ang malayong kinabukasan. Nakikita nila kung paano sila maaapektohan ng utang kaya sila’y nabubuhay ng katamtaman lamang at umiiwas sila sa pangungutang. Ang karamihan naman gusto palagi ang instant gratification o agarang katuwaan, at yun ang dahilan kung bakit sila’y gumagastos ng higit sa kaya nila, at nababaon sila sa utang para bumili ng mga bagay na hindi naman nila kailangan. Yun ang dahilan kung bakit marami ang natatalo sa kanilang buhay pinansyal.

Kung pangarap mong makamit ang kasaganaan, kailangan mong iwasan ang mga bagay na makakasira nito. Simulan mong mabuhay ng katamtaman (live within your means), magbayad ng utang, at umiwas sa masasamang pangungutang.

Ikaw naman, may naiisip ka bang ibang dahilan kung bakit kailangan nating iwasan ang utang? Sabihin mo lang sa comments sa ibaba!
Categories: Tagalog
Ray L.: Ray is the main writer behind YourWealthyMind.com. He is a proponent of self-improvement and self-education, and he believes that anyone can achieve their goals once they learn the knowledge and skills they need to attain them. He considers it his mission to enrich lives and end poverty by teaching people lessons they may need to succeed.