English Version (Click Here)
Bilang isang self-employed na blogger, kailangan kong magrehistro sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at magbayad ng buwis sa gubyerno. Bukod sa pagbibigay ng mga resibo at pagbayad ng buwis, kailangan ko rin magbayad ng registration fee na P500 taon taon (yun ang presyo ngayong Enero ng 2021) at kailangan ko itong bayaran bago mag Pebrero para hindi ako pagmultahin. Kung ikaw ay self-employed katulad ko, kailangan mo ring bayaran iyon.
Noong pumunta ako sa BIR RDO (Revenue District Office) kung saan ako nakarehistro para magbayad ng registration fee, sinabi sa akin ng isang matulunging empleyado na kailangan ko itong i-file online gamit ang eBIR, tapos kailangan kong bayaran ito sa isang accredited na bangko o sa GCash. Nagpapasalamat ako at itinuro ng empleyado sa front desk kung ano ang mga kailangan kong pindutin at ilagay na datos sa eBIR forms gamit ang kanilang 0605 payment form.
Paano Mag-file at Magbayad ng BIR Annual Fee Online
- I-Download ang eBIR forms software sa iyong computer at i-install mo ito. Buksan mo ang program na iyon.
- Ilagay ang iyong Tax Identification Number (TIN), iyong RDO Code, atbp.
- Piliin ang “BIR Form 0605 – Payment Form”.
- Ilagay ang due date at return period ayon sa kasalukuyang taon. Suriin mo ang image sa ibaba para makita mo kung ano ang mga kailangang lagyan. (Ito ay ang January 2021 version at baka may magbago sa forms sa pagdaan ng panahon. Sabihin mo sa akin para ma-update ko itong guide!)
- Sa #6, pindutin ang ATC button para sa drop down menu at piliin ang “MC180 – Registration Fee for both VAT/Non-VAT taxpayers”.
- Gawin mo rin iyon sa #8, sa Tax Type button, at piliin ang “RF” para sa registration fee.
- Sa computation of tax sa #19, 500 ang ilagay mo dahil kailangan mong magbayad ng P500 (pwede itong magbago o tumaas sa pagdaan ng panahon).
- Pindutin ang “Save” para mai-save mo ito sa iyong computer, at kapag tapos ka na at sigurado ka nang tama ang lahat ng impormasyong inilagay mo, pindutin mo ang “Validate” at “Submit / Final Copy”.
- Makakatanggap ka ng email bilang confirmation.
Kailangan mong magprint ng tatlong kopya ng email na ipinadala sa iyo at bayaran ito sa isang accredited bank na nakalista sa iyong RDO branch. Pwede mo rin itong bayaran sa GCash.
Paano bayaran ang iyong BIR Annual Fee gamit ang GCash:
- Mag-login sa iyong GCash app gamit ang iyong MPIN.
- Piliin ang “Pay Bills”.
- Piliin ang “Government”.
- Piliin ang “BIR”.
- Sa “Form Series” piliin ang “0600 (Payment Form)”.
- Sa form number, piliin ang “0605”.
- Ang tax type ay “RF” para sa registration fee.
- Ilagay ang current return period.
- Sa “TIN”, ilagay ang unang 9 na numero ng iyong TIN.
- Ang branch code ay ang huling mga numero ng iyong TIN. Para sa karamihan, ito ay “000”, kaya kapag may “000” ka sa dulo ng iyong TIN, “00000” ang ilagay mo sa iyong branch code.
- 500 ang ilagay mo sa “amount to pay” para sa P500 fee (note: pwedeng magbago o tumaas ang presyo nito pagdaan ng panahon).
- Siguraduhin mong maglagay ng email address sa email section para makatanggap ka ng resibo sa iyong email.
- Pindutin ang “Next” at “Confirm”. Magsesend ang GCash ng text o SMS at email ng resibo na may reference number.
Kapag nagawa mo ang lahat ng iyon, tapos ka na! Tandaan mo lang din na kapag GCash ang ginamit mo sa pagbayad, kailangan mo itong tapusin ilang araw bago ang Jan. 31 na deadline dahil baka may delays sa pagbigay nila ng bayad mo. Ayon sa empleyado ng BIR na nakausap ko, pinapadala ng accredited bank ang record ng iyong bayad agad agad, pero dahil private institution daw ang GCash, baka may mga delays.
Gayunpaman, yun na dapat ang katapusan. Baka magbago ang mga kailangang gawin at ang presyo ng kailangang bayaran kaya mainam na itanong mo ito sa iyong BIR RDO para makakuha ng mga updates.
Sana nakatulong sa iyo ang guide na ito, at salamat sa pagbisita mo dito!
[Disclaimer: Kung may mga mali dito sa guide o may updates na ibinigay ang BIR, pakisabi sa akin para ma-update ko ito! Maraming salamat!]
[…] Tagalog Version (Click Here) […]