X

Mayroon ka bang Leadership Habit?

English Version (Click Here)

Ano ang leadership? Hindi ka nagiging leader dahil lang sa iyong titolo o posisyon. Ikaw ay nagiging leader dahil sa kakayahan mong umaksyon. Kung pangarap mong makagawa ng napakabubuting bagay at maging mas matagumpay sa iyong negosyo, career, relationships, finances, at kahit ano pang iba, may isang kalidad, isang habit na kailangan mong makasanayang gawin. Alam mo ba kung ano iyon?

Ano ang Leadership? Mayroon ka bang Leadership Habit?

Ayon kay Elbert Hubbard, pwede mong uriin ang mga tao sa apat na klase ayon sa kakayahan nilang maging leader. May mga taong gumagawa ng tama ng hindi pinagsasabihan, mga gumagawa ng tama kapag sinabihan ng isang beses, mga gumagawa ng tama kapag kinakailangan na, at ang mga hindi gumagawa ng tama.

 

1. Ang mga gumagawa ng tama kahit hindi pinagsasabihan.

Sila ang mga nagplaplano ng mga siyudad at skyscrapers, naglalakbay sa mga bagong lugar at hindi pa naeexplore na gubat, nagiimbento ng mga bagong kagamitan, gadgets, gamot, at iba pang teknolohiya. Sila ang mga entrepreneur na nagtatayo ng sarili nilang negosyo. Sila ang mga self-employed na propesyonal na nagbubukas ng sarili nilang opisina. Sila ang mga empleyadong gumagawa ng mas marami at mas mabuting trabaho kumpara sa iba at dahil doon nararating nila ang pinakamatataas na rango sa kanilang mga pinagtratrabahuhan.

Sila ang mga taong gumagawa ng napakabubuting bagay kahit walang nagsasabi sa kanilang gawin iyon, at sila ay magpapatuloy kahit sinasabi ng iba na hindi ito pwedeng mangyari. Sila ang mga creators, innovators, at leaders ng mundo, at sila ang madalas nagtatagumpay sa buhay.

 

2. Ang mga gumagawa ng tama kahit isang beses lang sinabihan.

Kung namuno ka na ng isang grupo, malamang may kilala kang ganito. Kapag may kailangan kang ipagawa tulad ng isang report, project proposal, o paginspect sa isang lokasyon, alam mong mapagkakatiwalaan mo sila. Dahil doon, inirerekomenda mo sila bilang “best team member”, pay raise o increase, at iyong replacement kapag aalis ka na sa kumpanya.

Malayo ang nararating nila sa buhay, pero hindi kasing taas ng unang grupo. Sila ang pinakamabubuting empleyado, manager, at supervisors at nakakakuha sila ng matataas na posisyon sa kanilang propesyon. Sila ay kinukuha para mamuno ng mga bagong divisions sa kumpanya, magtayo ng bagong branches sa ibang bansa, magdisenyo ng bagong proyekto at sistema, at madalas mabuti ang ginagawa nila dito kaya nakukuha nila ang posisyong nararapat para sa kanila.

Sa kasamaang palad, limitado ang kanilang potensyal. Kung walang maguutos sa kanilang gawin ang isang mabuting bagay, malamang hindi sila magsisimula. Sa milyon milyong posibilidad at oportunidad na nakakaharap nila sa buhay, iilan lang ang nakukuha nila—ang mga bagay na sinabihan o pinayuhan silang gawin.

 

3. Ang mga gumagawa ng tama kapag kinakailangan na.

Ito ang mga estudyante na nagaaral lang para sa tests kapag nalaman nilang babagsak na sila sa klase. Ito ang mga empleyado na nagseseryoso lang ng trabaho kapag narinig silang malapit na silang tanggalin o maretrench sa trabaho.

Sila ay nagbabayad lang ng utang kapag lang seryoso mo na silang kakasuan sa small claims court. Nagplaplano lang sila ng susunod nilang gawain sa career kapag natanggal sila sa dati nilang trabaho. Sila ay nageexercise at kumakain ng masustansyang pagkain kapag lang pinagsabihan na sila ng doktor na malapit na silang magkaroon ng sakit sa puso o diabetes.

Malamang may mga kakilala kang ganoon, at mapapansin mo sila’y palaging may problema. Bakit? Dahil hindi sila gagalaw hangga’t nagkaproblema sila. Sa kasamaang palad, ang mga bagay ay palaging nagiging problema kung hindi mo sila pagbubutihin o aalagaan para hindi lumala ang sitwasyon. Isipin mo lang: Kailan ka huling nagpamaintenance ng iyong kotse? Paano naman ang iyong bahay? Kailan ka bumili ng fire extinguisher? Nagkalkula ng iyong kinikita, utang, at gastusin kada buwan? Hindi nila ito ginagawa hanggang huli na ang lahat.

 

4. Ang mga hindi gumagawa ng tama.

Kapag pinagsabihan mo silang mag-aral para sa test upang makagraduate at makakuha ng mabuting career, hindi sila pumapasok at bumabagsak sila sa lahat ng kanilang klase. Tapos noon pagtanda nila nagrereklamo sila dahil hindi sila makakuha ng maayos na trabaho. Kapag sinabihan silang kumuha ng trabaho, nagtatamad tamad lang sila, nangungutang sa mga kaibigan at kapamilya, at hindi nagbabayad.

Ang mga taong ito ay nagiging talunan sa buhay. Kaysa mag-aral para sa test, magbayad ng utang, magsikap sa kanilang negosyo o career, o gumawa ng kahit anong mabuti, wala silang ginagawa. Nalululong lang sila sa ilang bisyo tulad ng pagsusugal o pandaraya, at napupunta sila sa pinakamabababang lugar sa buhay.

 

Itatanong ko sa iyo ito: Saan ka sa apat na iyon?

Ikaw lang ang makakasagot sa tanong na iyon. Walang magbibigay sa iyo ng grades dito, at walang maghuhusga sa iyong sagot. Itinuro ni Elbert Hubbard na ang pagiging leader ay kinakailangan para sa tagumpay. Ang leadership ay magmumula sa isang kalidad na iilan lang sa atin ang mayroon:

INITIATIVE o PAGKUKUSA. Ang kakayahang gawin ang kinakailangan ng hindi na pinagsasabihan.

Kapag mayroon ka nito o pinili mong sanayin ang sarili mo na gawin ito, makakahanap ka ng oportunidad at swerte. Bakit naman hindi? Palagi mo nga namang hahanapin ang mga iyon. Gagawin mo ang mabubuting bagay tulad ng paggawa ng goals o layunin, pagiipon at pagtitipid ng pera, paybabayad ng bayarin at utang sa tamang oras, pagplano para sa iyong pagretiro, pagimbento ng bagong produkto o serbisyo, o iba pa. Maiisip mo sila ng kua, at mahalaga pa doon, GAGAWIN mo sila ng kusa.

Aanihin mo ang iyong itinanim. Kapag gumawa ka ng mabuti, makakamit mo ang mabuti. Kapag gumawa ka ng masama o WALA KANG GINAWA, masamang kahihinatnan lang ang iyong matatanggap.

Pagkukusa. Mayroon ka ba nito?

“The world bestows its big prizes, both in money and honors, for one thing, and that is INITIATIVE.” — Elbert Hubbard

(Ang mundo ay nagbibigay ng pinakamalalaking premyo, sa pera at karangalan, para sa isang bagay, at iyon ang PAGKUKUSA.)


Sana nagustuhan mo ang aral dito sa article na ito! Kung nais mong makapagbasa pa ng iba, i-click mo lang ang “Like” button sa YourWealthyMind Facebook Fanpage sa ibaba!
Categories: Tagalog
Ray L.: Ray is the main writer behind YourWealthyMind.com. He is a proponent of self-improvement and self-education, and he believes that anyone can achieve their goals once they learn the knowledge and skills they need to attain them. He considers it his mission to enrich lives and end poverty by teaching people lessons they may need to succeed.