*Ang article na ito ay naglalaman ng affiliate links.
English Version (Click Here)
Dati mayroon kaming lumang second-hand maroon na SUV. Dahil sa pagkaluma, madalas nasisiraan ang mga parte nito. Nagsisimula ang mga problema sa mga maliliit na bagay, tulad ng aircon na hindi na ganoon ka lamig, o ang automatic lock ay hindi ganoon kabilis gumana. Kapag pinaayos naman namin sa pinakamalapit na auto repair shop o pagawaan, naaayos naman… ng panandalian lamang.
Pagdaan ng kaunting panahon, mas-malalang mga problema na ang lumalabas katulad ng hindi na gumaganang aircon at locks, o hindi na umaandar ang makina. Bumabalik nanaman kami sa auto shop para magpagawa ng kotse o bumili ng bagong piesa na gagana ng isang linggo, pero pagkatapos noon IBANG parte naman ng kotse ang masisira.
Minsan nagkakamali din ang mga manggagawa at minsan minamalas lamang, pero may mga oras na hindi nagmumula doon ang problema. Ito ang pagkakamaling kailangan mong iwasan kung ayaw mong mawalan ng customers at malugi ang iyong negosyo (o mawalan ng trabaho).
Lugi? Iwasan Mo ang Pagkakamaling Ito Kung Ayaw Mong Malugi
Bakit nga ba paulit ulit na nasisira ang kotse kahit pinapagawa namin ito? Malamang ito’y dahil ang kotse ay sinasabotahe.
Sa Pilipinas, may mga modus na habang nag-aayos ng kotse ang mga manggagawa, may iilang masamang mekaniko na sumisira sa ibang parte ng kotse. Umaasa sila na babalik at babalik ka para ipaayos ito sa kanila. Ang isa pang halimbawang alam ko, ang isang vulcanizing shop ay naglalagay ng turnilyo sa kalsada para butasan ang mga gulong ng mga kotseng dumadaan. Nabiktima na kami noon, pero salamat na lang at hindi tuluyang nabutas ang gulong at nakasaksak lang ang turnilyo dito.
Gayunpaman, ang pagpapagawa sa lumang SUV namin ay papamahal ng papamahal. Anong solusyon ang ginawa namin? Patuloy ba kaming naghanap, umaasa na makakita ng desenteng auto-shop? Hindi. Sa gastos ng pagpapagawa, halos katumbas na ito ng pagbili ng bagong kotse. Dahil doon, ibinenta na lang namin ang lumang SUV sa kakilala naming marunong mag-repair at bumili na lang kami ng mura pero brand new na kotseng magagawa ang kailangan namin.
Alalahanin mo kung bakit ka kumikita
Sa librong Start with Why: How Great Leaders Inspire Everyone to Take Action, ikinuwento ng may akda na si Simon Sinek ang tungkol kay Sam Walton. Si Sam ay nagtayo ng WalMart para paglingkuran ang mga tao. Noong sumakabilang-buhay na si Sam at ipinamana na niya ang negosyo, ang brand ay unti unting pumangit. Ang mga iskandalo at problemang naranasan nito ay nagmula daw sa pagfocus nila sa pagpapalaki ng kita kaysa sa orihinal na layunin nito.
Ngayon pag-isipan natin itong muli. Kung ang mga mekaniko ay dapat nag-aayos ng sirang kotse, bakit nga ba nangsasabotahe ang mga masasamang mekaniko? Para pabalik balik ang mga biktima at patuloy silang bibigyan ng kita. Nandadaya sila para makakuha ng pera. Katumbas nito ang negosyong nagbebenta ng peke at walang kwentang kagamitan, mga restaurant na sumusubok gumamit ng mas-mura at hindi mabuting sangkap para mag cost-cutting, at ang mga tamad na empleyadong hindi gumagawa ng mabuting trabaho pero sumusuweldo pa rin. Imbis na gawin nila ang layunin, mas-pinili nilang mandaya para lang kumuha ng pera.
Ang pera o kayamanan ay pinagsisikapan sa paggawa ng mabuti o paresolba sa mga pangangailangan ng iba. Ang mga empleyado ay binabayaran dahil ang mga employers ay nangangailangan ng tao para gawin ang mga trabahong kailangang gawin, ang mga doktor ay binabayaran dahil pinapagaling nila ang mga may sakit, at ang mga negosyo ay binabayaran dahil gumagawa sila ng mga produkto o serbisyong kailangan ng mga tao.
Bakit naman susuweldo ang mga hindi gumagawa noon? Kahit ang mga nandarayang tao at negosyo ay kumikita sa madaling panahon, hindi ito magtatagal. Mawawala din ang kanilang kita dahil hindi na sila gumagawa ng tama. Ang nandarayang neyosyo ay unti unting nalulugi, at ang mga tamad na empleyado ay madalas unang tinatanggal.
Kung may isang aral kang kailangan matutunan dito, ito na iyon:
Maging matapat ka sa iyong trabaho o negosyo. Huwag kang magkakamaling isakripisyo ang iyong kalidad at integridad para lang palakihin ang iyong kinikita.
Leave a Reply