English Version (Click Here)
*Ang article na ito ay naglalaman ng affiliate links.
Kakaunti lang sa atin ang may oras para magbasa ng librong may 300 pages. Pwedeng ngang wala tayong ilang minuto para magbasa ng 2,000-word na article! Kung gusto mo ng maiksi at simpleng guide tungkol sa kung paano mag budget ng pera at paano makaipon ng pera, ang article na ito ay para sa iyo!
“A big part of financial freedom is having your heart and mind free from worry about the what-ifs of life.” (Isang malaking bahagi ng financial freedom ay ang kalayaan ng puso’t isipan mula sa pag-aalala tungkol sa kawalang-katiyakan ng buhay.) – Suze Orman
Bago tayo magsimula, huwag mong kalilimutan ang LAYUNIN ng pagbudget ng pera:
Katatagan at Kapayapaan ng Iyong Finances/Pananalapi (Financial Stability) at Financial Freedom
Mahirap maging masaya sa buhay kapag baon ka sa utang, kapag nag-aalala tungkol sa kung saan makakapaghagilap ng pera para magbayad ng mga bayarin, at kapag ang buong pamilya mo ay nagdurusa sa kahirapan at kakulangan. Sa kabilang dako naman, mas-madaling maging masaya sa buhay kapag may labis kang pera at kagamitan para mabayaran ang mga kailangang bilhin, bumili ng masasarap na pagkain, bumili ng pangkatuwaan, maglakbay, makatulong sa kapwa, at iba pa. Mas-madali pa kapag hindi mo na kailangan pang magtrabaho ng 9-to-5 dahil ang mga investments mo ay kumikita PARA SA IYO at may oras at kakayahan kang gawin ang mga gusto mo kahit kailan mo gusto.
Ito ang layunin ng mabuting paghawak ng pera, at ito ang matututunan mo dito.
“No one can feel easy or safe who is living from hand to mouth.” (Walang makakaramdam ng kaginhawaan at kaligtasan kapag nabubuhay ng isang kahig, isang tuka.) – Orison Swett Marden
Paano Mag-Budget ng Pera 101
-
Matutong Mag-Ipon Muna / “Pay Yourself First”
Bago mo magamit ang pera para kumita ng mas-maraming pera, kailangan matutunan mo munang mag-ipon nito. Isipin man natin na kaya nating magtipid ng kaunti para may matirang pera, ang madalas mangyari ay gumagastos lang tayo hanggang wala nang natira. Ang pinakamabisang paraan para makapag-ipon ay maglaan ka muna ng ipon BAGO KA GUMASTOS.
Pwede mong isipin na hindi mo kayang mabuhay sa mas-kakaunting pera, pero kung iisipin mo malalaman mo na ginagawa mo na iyon. Kailan mo huling tinignan ang iyong income tax? Ang dahilan kung bakit hindi mo ito nararamdaman ay dahil kinakaltas ito BAGO mo mahawakan ang pera mo. Dahil doon, natuto kang mabuhay sa kung ano man ang natira para sa iyo. Bakit hindi mo gamitin ang technique na iyon para mag-ipon ng pera? Mag-ipon ka ng mga 10% ng iyong kinikita sa bagong bank account (o sa ibang lalagyan kung saan hindi mo ito agad magagasyos) at gamitin mo ito para mag-invest para sa iyong kinabukasan. Matututunan mo agad na mabuhay sa mas-kaunting pera habang nagpapayaman.
Para sa karagdagang kaalaman, basahin mo ang mga ito:
How to Budget and Invest for Wealth Creation
Wisdom into Gold: The 22 Best Money Management Tips from “The Richest Man in Babylon”
Your Wealthy Mind Savings and Budget Plan
“A part of all you earn is yours to keep, and if you cannot save money, the seeds of greatness are not in you.” (Ang bahagi ng kita mo ay para sa iyo, at kung hindi mo kayang mag-ipon, ang mga buto ng kadakilaan ay wala sa iyo.) – W. Clement Stone
-
Bayaran Agad ang Utang
Walang ibang nakadudurog ng oportunidad katulad ng pagkabaon sa utang. Pwersahan kang mananatili sa mababang trabaho dahil kailangan mo ng pambayad sa utang. Hindi mo kakayaning lumipat ng trabaho o magtayo ng sarili mong negosyo dahil ang mga credit card companies ay nakatutok na sa iyo at malapit na nilang kunin ang iyong ari-arian. Mawawala din ang pagmamahal ay suporta ng iyong mga kaibigan at kapamilya dahil palagi kang nanghihiram ng pera at palagi mong nakakalimutang magbayad.
Nagdurusa kang ganyan para saan? Sa mamahaling cellphone o gadget? Entertainment system? Mamahaling bakasyon? Linggo-linggong inuman kasama mga kaibigan?
Hindi iyan sulit.
Ang pinakamabuting paraan para hindi mabaon sa utang ay ang hindi pagsimulang mangutang. Kung marami ka nang utang, alalahanin mo na kaya mo pa ring bayaran lahat ng ito. Gaya ng pag-iipon muna, maglaan ka ng malaking bahagi ng iyong kinikita kada buwan para magbayad ng utang, at pag-aralan mong tumigil na sa pangungutang.
Para sa karagdagang kaalaman, basahin mo ang mga ito:
How to Get out of Debt in Three Simple Steps
A New Perspective to Avoid Bad Debts
3 BIG Reasons to Avoid Bad Debt
“No one can be happy, no matter how optimistic, who is forever in the clutches of poverty, of harassing debt.” (Walang magiging masaya, kahit gaano pa man ka-masayahin, ang habang-buhay naiipit sa kahirapan, sa nakayayamot na utang.) – Orison Swett Marden
-
Magsimulang Mag-Invest: Gamitin Mo ang Pera Mo Para Magtrabaho Para sa Iyo
Pwede mong itago ang ipon mo sa ilalim ng kama o pwede mo itong ipasok sa bangko, pero wala itong ikabubuti sa iyo. Gaya ng kung paano napakalaking halaga ng P5,000 sa nakaraang limampung taon pero hindi na malaking halaga ngayon, ang inflation ay kakain sa halaga ng pera mo kung hindi mo ito patutubuin ng maayos. Maraming paraan para mag-invest ng pera para palaguin ito:
Una, mag-invest ka sa sarili mong kakayahan at kaalaman (iyong mga kakayahan sa career o negosyo). Pag-aralan mo ang mga bagay na makabubuti sa iyo: pag-aralan mo kung paano magtayo at mag-manage ng negosyo, pag-aralan mo kung paano mamuno at magmanage ng mga tao, pag-aralan mo kung paano mag-invest, pag-aralan mo kung paano maging mas-productive, pag-aralan mo kung paano alagaan ang iyong kalusugan, at iba pa. Ang market ay pwedeng bumaba at ang mga negosyo ay pwedeng malugi, pero ang kakayahan mong gumawa ng mahahalagang trabaho ay mananatili pa rin. Mag-invest ka sa sarili mong kakayahang kumita dahil sa huli ikaw ang pinakamahalaga mong asset.
Sa susunod, mag-diversify ka at mag-invest sa ibang assets gaya ng stocks, bonds, mutual funds, lupa, negosyo, at iba pa. Sabi ng kaibigan ko, ang karamihan sa mga matagumpay niyang kaibigan ay hindi pinag-uusapan ang “personal finance” o investing, at naiintindihan ko iyon. Hindi ko rin ito madalas pag-usapan kung walang nagtatanong sa akin. Ganoon pa man, itinuturo ko lang din ang mga libro at mga bagay na pinag-aralan ko para sila ay makagawa ng sarili nilang desisyon at mag-invest mag-isa.
Para sa kaligtasan, kailangan mong mag-diversify at mamuhunan sa iba’t ibang assets o investments. Kahit pwede ka ngang magtayo ng matagumpay na negosyo o career at kumita ng milyon-milyon, itatanong ko naman ito sa iyo: anong gagawin mo sa labis-labis mong pera? Wawalgasin mo ba ito sa mga katuwaan at mga bagay-bagay na hindi mo naman kailangan? Itatago mo ba ito sa savings account kung saan kakainin lang ito ng inflation?
Anong gagawin mo kapag ang negosyo mo’y nalugi o ikaw ay napinsala at hindi na makapagtrabaho? Ang kita, negosyo, at kabuhayan mo ba’y lulubog kasabay mo, o nag-invest ka ba sa mga assets na kumikita pa rin para ikaw ay patuloy mabuhay ng masagana? Huwag mong kalilimutan ang posibilidad na iyon at tandaan mo na pwede kang mag-invest para magkaroon ng kapayapaan o seguridad sa pananalapi (financial security) at financial freedom.
“How many millionaires do you know who have become wealthy by investing in savings accounts? I rest my case.” (Ilang milyonaryo ang kakilala mo na yumaman dahil nag-invest sila sa savings accounts? Doon mo makikita ang aking punto.) – Robert G. Allen
Simple lang ang pag-invest kapag natutunan mo itong gawing mabuti. Kahit marami kang kailangang pag-aralan, unti-untiin mo lang at pag-aralan mo ito ng paisa-isa.
Siya nga pala, kung gusto mo ng hassle-free na unang investment, mag-invest ka sa isang low-cost stock index fund. Ayon sa aking research, ang stock index funds ay isa sa pinakamabuting investment vehicles na pwede mong bilhin. Yun nga lang, ganoon ang diskarte ko kasi gusto ko ang stress-free at long-term na pag-invest. Kung ikaw mas-gusto mo ang mapanganib at malalaking deals at araw-araw na trading, baka mas-gugustuhin mong maghanap ng ibang asset na pwedeng pagpuhunan.
Para sa karagdagang kaalaman, basahin mo ang mga ito:
The Biggest Mistake You Can Make Before Investing
10 Reasons to Start Investing in Dividend Stocks
How to Invest in Stocks: 10 Things Beginners NEED to Know
“Risk comes from not knowing what you’re doing.” (Ang panganib ay nagmumula sa hindi mo pag-alam sa iyong ginagawa.) – Warren Buffett