X

10 Masamang Paniniwala Tungkol sa Pera na Magdudulot ng Iyong Pagkabigo sa Pag-Asenso (PART 2 of 2)

I-click mo ito para bumalik sa Part 1.

English Version (Click Here)

6. Maswerte lang ang mga mayayaman.

Malamang, ang pinakamayayamang mga tao sa mundo ay nagtagumpay dahil ginawa o nilikha nila ang mga tamang bagay sa tamang panahon. Nakilala nila ang tamang partner at nagtayo silang dalawa ng napakagaling na kumpanya. Pinasok nila ang tamang trabaho at nakita ng mga importanteng tao ang kanilang galing kaya’t sila ay napromote at umasenso sa kumpanya. Nag-invest sila sa tamang mga kumpanya, lupa, produkto, o iba pang mga bagay at dahil doon yumaman sila ng husto mula sa mga pinagpuhunan nila.

Eto ang pag-isipan mo. Hindi mangyayari ang “swerte” nila kapag hindi nila PINAGSIKAPANG GAWIN ang mga iyon. Kung wala silang ibang ginawa bukod sa ordinaryong trabaho buong buhay at hindi nila itinaya ang kanilang panahon at pera sa isang bagay na pwedeng pagmulan ng kanilang tagumpay, malamang wala silang makakamit na malaking pag-asenso.

Oo, naging maswerte nga sila, pero kinailangan nilang MAGTRABAHO bago nila nakakamit ang mga iyon. Ang isang world-class na organisasyon ay hindi lumalabas mula sa wala. Kailangan itong pangarapin, planuhin, at saka itayo muna ng mga tao. Pwede mo ring likhain ang sarili mong pagkaswerte. Kailangan mo lang hanapin ang tamang bagay na nararapat para sa iyo.

I am a great believer in Luck. The harder I work, the more of it I seem to have. — Coleman Cox.

(Pinapaniwalaan ko ng husto ang Swerte. Kapag nagsisikap ako ng husto, dumadami ang pagkaswerte ko.)

 

7. Hindi ka yayaman kahit magsikap ka.

May kaunting katotohanan ito. Pwede kang magsikap kakapulot ng basura at kumita ng maliit, o pwede kang magsikap sa pagbuo ng isang recycling company na naglilinis ng ilang siyudad at nagrerecycle ng ilang tonelada ng basura kada buwan para kumita ng milyon milyon. Pwede kang “magsikap” ng walong oras sa isang walang kwentang mobile game na kumakain lamang sa iyong panahon at pera, o pwede kang magprogram ng walong oras kada araw ng isang program na nakakatulong sa ilang milyong tao habang kumikita ito ng pera para sa iyo. Hindi sapat ang pagsisikap; kailangan mong magsikap sa tamang bagay para umasenso at yumaman.

8. Yumaman ang mga mayayaman dahil nandaya sila.

Subukan mong sabihin sa iyong doktor, sa may-ari ng ospital, sa mga tindahang nagbenta sa iyo ng iyong computer parts at smartphones, ang may-ari ng restaurant na nagbenta sa iyo ng masarap na pagkain, ang may-ari ng mga tindahang nagbenta sa iyo ng pagkain at groceries, ang may-ari ng kumpanyang nagtayo ng iyong bahay o ng building kung saan ka nagtratrabaho, at ang lahat ng ibang tao na yumaman sa paglikha ng mga produkto at serbisyong kinakailangan ng maraming tao na yumaman silang LAHAT dahil mandaraya silang LAHAT. Malamang hindi sila sasang-ayon sa iyo.

Kahit may mga tao ngang nakakuha ng maraming pera dahil nandaya sila, mawawalan sila ng pera paglabas ng mga competitors nilang tapat. Pag-isipan mo lang ito. Patuloy ka bang bibili ng overpriced o mamahaling gamit sa isang mandaraya kung mayroon namang honest o matapat na taong nagbebenta ng bagay na ito sa maaayos na presyo? Malamang hindi na. Kapag nadiskubre ang mga mandaraya, lalayuan sila at mawawalan sila ng mga kliente. Pwede rin itong mangyari sa iyo kapag sinubukan mong mandaya para makakuha ng pera. Halimbawa, hindi ka na ipropromote o tatanggalin ka sa trabaho kapag kumokolekta ka ng sahod pero sinubukan mong dayain ang kumpanya sa pagiging tamad sa trabaho.

Wealth from get-rich-quick schemes quickly disappears; wealth from hard work grows over time. — Proverbs 13:11 (New Living Translation)

(Ang kayamanang nakuha mula sa pandaraya ay mabilis maglaho; ang kayamanan mula sa pagsisikap ay lumalago sa pagdaan ng panahon.)

 

9. Kailangan mo ng pera para kumita pa ng pera (o yumaman).

Bukod sa mga taong nagiisip na hindi nila kayang baguhin ang kanilang buhay pinansyal (balikan ang number 5), may mga taong nagiisip na ang mga mayayaman lang ang kayang yumaman pa dahil may pera sila. Para sa mga walang masyadong pera, imposible ang umasenso. Iniisip nila na kapag hindi tayo sinwerte na magkaroon ng mga mayayamang kaibigan o kapamilya na magbibigay sa atin ng perang kakailanganin natin para sa ating negosyo o bagong career, ibig sabihin noon wala na tayong magagawa para umasenso pa.

Buti na lang, kapag kailangan mo ng pera para magsimula ng sarili mong negosyo o magbago ng career, pwede mong gamitin ang solusyon ni Robert Kiyosaki: “OPM”, na tinatawag ding “other people’s money” (hindi Filipino music ha!). Hindi mo kailangang gamitin ang sarili mong pera o pera ng pamilya mo. Pwede kang manghiram ng business loans mula sa mga banko. Tutulungan ka nila basta kaya mong ipakita na mabuti ang idea mo at kayang kaya mo itong gawin.

 

10. “Dapat bigyan na lang ako ng pera ng mga mayayaman.”

May mga kilala akong ganito mag-isip. Kapag nakapagbasa sila ng balita tungkol sa isang entrepreneur or negosyanteng kumita ng milyon milyong dolyar sa ginawa nila, iniisip nila “hindi naman noon kailangan ang ganoon karaming pera, dapat magbigay siya sa akin!” Iniisip din nila na dahil hindi nagbibigay ng pera ang mga bilyonaryo (ang tunay na iniisip nila, bakit hindi SILA binibigyan), ibig sabihin noon sakim ang mga mayayaman (balikan ang number 2). Mali ang ganoong pagiisip. Siya nga pala, malamang ito rin ang mga taong nakikisama sa mga mayayaman nilang kaibigan para lang magpalibre.

Sa mga nagiisip na dapat bigyan sila ng pera ng mga mayayaman, gusto ko silang tanungin “bakit hindi mo binibigay ang kalahati ng iyong sahod doon sa pulubi sa lansangan? Kumikita ka ng higit sa sapat at para sa kanila, ikaw ay ‘mayaman'”. Hula ko isasagot nila na “pinagsikapan” nila ang kinita nila kaya hindi nila dapat itong ipamigay, at ang mga “mayayaman” lang ang dapat gumawa nito (parang hindi nagsikap ang mga mayayaman no?). Ito ang mga taong makapal ang mukha at iniisip nilang dapat SILA ang bigyan ng perang pinagsikapan ng mga milyonaryo at sinasabi nilang sakim ang mga mayayaman kapag hindi sila “nagshare” (sa kanila mismo, ang pagtayo at pagbigay sa mga charity ay hindi nila pinapansin). Sino nga uli ang mga sakim?

Kailangan mong iwasan ang ganoong pagiisip. Hindi mo lang pinapahina ang iyong sariling kakayahang umasenso sa pag-aasa mo sa ibang tao (“Sana may mayamang magbigay sa akin ng pera…”), pinupuno mo rin ang iyong isipan ng inggit, kasakiman, at galit sa mga taong naging mas-asensado kaysa sa iyo. Huwag mong gagawin iyon. Pagtuonan mo na lang ng pansin ang sarili mong kakayahang magtagumpay.

 

Being poor is a frame of mind. Being broke is a temporary situation. — Mike Todd

(Ang pagiging isang mahirap ay uri ng pag-iisip. Ang paghihirap o kakulangan ng pera ay panandaliang sitwasyon.)

Sabi nga, ang iyong mga pinagiisipan ay makaaapekto sa iyong mga gawain, ang iyong mga ginagawa ay magiging habits o nakasanayang gawin, at ang iyong mga nakasanayan ay magiging basehan ng iyong tadhana. Mahirap ngang alisin ang mga masasamang pagiisip tungkol sa pera na natutunan mo buong buhay, alalahanin mo lang na may kakayahan kang magbago at pagbutihin ang iyong sarili. Kapag pangarap mong umasenso, kailangan mong palitan ng mas-mabuting pagiisip ang iyong mga masasamang paniniwala tungkol sa pera.

 


Sana nagustuhan mo ang aral dito sa article na ito! Kung nais mong makapagbasa pa ng iba, i-click mo lang ang “Like” button sa YourWealthyMind Facebook Fanpage sa ibaba!
Categories: Tagalog
Ray L.: Ray is the main writer behind YourWealthyMind.com. He is a proponent of self-improvement and self-education, and he believes that anyone can achieve their goals once they learn the knowledge and skills they need to attain them. He considers it his mission to enrich lives and end poverty by teaching people lessons they may need to succeed.