English Version (Click Here)
Isipin mo na lang kung gaano kahirap ang buhay kapag wala kang valid government-issued ID. Hindi ka makakapagbukas ng bank account, hindi mo maveverify ang sarili mo sa mga online payment at transportation apps tulad ng GCash at Grab, at wala kang prueba ng iyong identity kapag may susunduin kang packages. Ang mga iyon ay iilan lang sa mga problemang kailangan mong harapin at napakaraming ordinaryong bagay ang hindi mo magagawa dahil wala kang valid ID.
Sa kasamaang palad, para makakuha ng ilang government ID kakailanganin mo ang IBA PANG valid ID bilang requirement upang makuha sila. Kung wala kang ID talagang maiipit ka. Buti na lang may isang valid government-issued ID na madali lang kuhanin at iyon ay ang Philippine Postal ID (PID).
Heto ang aming guide tungkol sa kung paano kumuha ng Postal ID.
Paano kumuha ng Postal ID
Una sa lahat, hanapin mo ang pinakamalapit o pinakamadaling puntahan na post office branch na pwede mong pagkuhanan ng postal ID. Mahahanap mo iyon dito sa mapa na nagmula sa official website ng postal ID:
https://www.postalidph.com/where-to-apply.html
Magdala ng mga requirements: Ano ang iyong mga kailangan?
- Postal ID Application Forms – 2 kopya.
- Proof of Identity – hal. birth certificate, o iba pang ID tulad ng valid driver’s license.
- Proof of Address – Barangay Clearance o Barangay Certificate of Residency, utility bills o bank statements na nakapangalan sa iyo at may address ng bahay mo, atbp.
- Pera pambayad – P504 para sa regular processing o P650 para sa rush processing.
1. Postal ID Application Forms
Makukuha mo ito sa mga Philippine Post Office branch na nagproproseso ng mga Postal ID. Pwede ka ring magdownload at magprint ng sarili mong kopya mula sa link na ito: https://www.postalidph.com/uploads/5/8/5/0/58500909/pid_application_form.pdf
2. Proof of Identity (Dalhin ang orihinal at isang photocopy)
Habang ang kakailanganin mo ang iba pang valid ID para makuha ang ilang government-issued valid ID (at mas mahirap silang makuha dahil doon), pwede kang kumuha ng Postal ID gamit ang iyong valid birth certificate galing sa NSO o sa Philippine Statistics Office (PSA) bilang proof of identity. Kung mayroon ka namang ibang valid ID, pwede mong gamitin ang iyong driver’s license, passport, GSIS o SSS UMID, atbp. (tignan mo ang listahan ng requirements sa itaas).
3. Proof of Address (Dalhin ang orihinal at isang photocopy)
Kung wala kang utility bills (kuryente, tubig, atbp.), bank statements o credit card statements na nakapangalan sa iyo at pinapadala sa iyong address sa bahay, ang pinakamadaling proof of address na pwede mong makuha ay ang Barangay Certificate of Residency na mukhang isang uri ng Barangay Clearance. Pwede kang kumuha nito mula sa Barangay Hall ng iyong Barangay. Mura lang ito at malamang hindi tatagal ng isang oras bago mo ito makuha. Narinig ko rin na kailangan mo ng birth certificate para makuha ito at mainam na sabihin mo sa mga officers sa Barangay na ito ay para sa postal ID para makasigurado kang tamang uri ang makukuha mo. Magpagawa ka ng photocopy ng iyong Barangay Clearance dahil pwedeng kuhanin ng post office ang original copy mo nito.
Ayon sa mga empleyado ng post office na nakausap ko, ang mga menor de edad ay pwedeng gumamit ng utility bills ng kanilang mga magulang bilang proof of address requirement kung nakatira sila sa kaparehong home address. Sa mga taong higit sa 18-anyos na, kakailanganin nila ng Barangay Clearance o NBI clearance kung wala silang utility bills, bank statements, o school billing statements na nakapangalan sa kanila at nasa kaparehong address.
(Note: Tignan mo ang kumpletong listahan ng requirements para malaman kung ano ang iba mo pang pwedeng gamitin bilang proof of address.)
*Special note: Dahil nasa Barangay Hall ka rin lang naman, subukan mo na ring kumuha ng Barangay ID. Kailangan mo lang ng 1×1 ID picture at ang iyong birth certificate. Baka magamit mo rin ito para mapickup ang iyong Postal ID.
4. Pera pambayad
Kailangan mong magbayad ng P504 (delivery sa loob ng isang buwan) o P650 kung gusto mong rush processing (makukuha mo sa post office sa loob ng 3-4 na araw).
Proseso: Ano ang mga kailangan mong gawin?
- Dalhin mo ang iyong requirements at ang mga photocopy sa post office. Sulatan ang PID application forms kung hindi mo pa nagagawa ang mga ito.
- Pumunta sa main desk para bayaran ang iyong ID. P504 ito kung gusto mo ng regular processing, o P650 kung gusto mong rush processing. Kunin mo ang iyong resibo.
- Puntahan ang biometrics capture station. Kukuhanan ka nila ng picture, magiiscan sila ng iyong thumb (hinlalaki) at iyong index finger (hintuturo) sa parehong kamay, at kukunin nila ang iyong digital signature o pirma.
- Suriin ang impormasyong ilalagay nila sa iyong card at ikumpirma mo kung tama lahat ito.
Hindi tatagal ng isang oras ang buong proseso depende sa kung gaano karaming tao ang nasa branch na iyon. Kapag natapos ka na, pwede mong hintayin ang delivery ng id sa bahay mo o pwede mong balikan ang iyong ID sa nakatakdang araw sa branch na iyon kung rush processing ang pinili mo.
Delivery o Pickup:
Kung P504 ang ibinayad mo, idedeliver ng post office ang iyong ID sa registered address mo sa loob ng isang buwan. Kung P650 ang ibinayad mo, makukuha mo ang iyong ID sa loob lamang ng tatlo o apat na araw sa branch na pinuntahan mo. Dalhin mo ang iyong resibo para makuha ang iyong ID.
*Para lang sigurado, dalahin mo ang iyong birth certificate o Barangay ID kung ito ang pinakauna mong government-issued ID at wala kang ibang valid IDs.
Pickup via representative: Oo nga pala, pwede mong ipakuha sa isa mong representative ang iyong ID. Kailangan mo lang ipahiram sa kanila ang resibo at kailangan mo silang gawan ng authorization letter na nagsasabi na pwede nilang sunduin ang iyong ID para sa iyo. Para malaman ang ibang detalye tungkol dito, magtanong ka lang sa mga post office personnel para alamin kung may iba ka pang kailangan.
Ang iyong postal ID ay valid ng tatlong taon at ang kakailanganin mo lang para sa renewal ay mga application forms, ang expired o mag-eexpire na postal ID at photocopy nito, at perang pambayad.
At dito na nagtatapos ang aking guide tungkol sa kung paano kumuha ng Postal ID! Ito nga naman ang isa sa pinakamadaling ID na pwede mong makuha at isa itong valid ID para sa ilang official transactions. Kahit hindi ito ganoon “kalakas” para magamit sa mga transaksyon tulad ng pagbubukas ng mga bank account (madalas kailangan mo ng isa pang valid ID bukod pa sa iyong postal ID), pwede mo pa rin itong gamitin para iverify ang iyong identity sa pang bagay tulad ng GCash at GrabPay. Mahalaga rin ito bilang requirement para makuha ang iba pang valid IDs.
Sana nakatulong nang husto itong guide na ito! Paki-share mo din ito sa iyong Facebook o Twitter para mas maraming tao ang makakita nito, at salamat sa pagbabasa!
[…] Tagalog Version (Click Here) […]