English Version (Click Here)
Problema, emergencies, at mga abala. Hindi natin sila maiiwasan. Ang magagawa lang natin ay paghandaan sila, at kapag nangyari sila kailangan nating hanapin ang pinakamabuti nating pwedeng gawin sa mga sitwasyong iyon.
Mga 10pm na nang gabi iyon at nagiistream ako ng digital art sa Twitch.tv. Kinukulayan ko ang bago kong comic at kausap ko ang aking mga manonood noong biglang nawalan kami ng kuryente. May isa nanamang brown out o power outage sa aming lugar. Hindi ko na natapos nang maayos ang aking stream at hindi rin ako nakapagpaalam nang maayos sa aking mga manonood. Bukod pa doon, hindi pa rin ako nakakapagsimulang magsulat ng article ko sa linggong ito (itong article na ito). Marami pa akong trabahong kailangang tapusin, at hindi ko sila magawa.
Parati tayong makakaranas ng iba ibang mga ganoong problema. May brown out, naipit sa trapik ang bus na sinasakyan natin, nasira ang internet at telepono natin, o iba pa. May mga oras din na nadelay ang ating kita o suweldo, o mga oras kung saan nasiraan ka ng kotse bago ang isang meeting kasama ang isang mahalagang kliente sa trabaho.
Ano ang dapat nating gawin kapag may problema o abala na pumupigil sa ating gawin ang kailangan nating gawin?
Paano Harapin ang mga Problema at Hadlang sa Buhay
Pwede kang tumunganga lang. Pwede ka ring tumunganga at magreklamo. Madalas, wala kang mapapala sa mga gawaing iyon. Nagsasayang ka lang ng oras at lakas na pwede mo sanang gamitin sa mas mabubuting bagay, tulad ng paglutas ng problema, o iba pa.
Ano ang gagawin kapag may problema o abalang nararanasan?
Para sa nangyari sa aming brown out: Una, tumawag kami sa Meralco (power company) para ipaalam sa kanila ang nangyari. May narinig kasi kaming balita na may nakaraang brown out na hindi naayos ng ilang araw dahil walang tumawag sa Meralco upang ipaalam sa kanila na may problema. Noong nalaman namin iyon, nagsimula kaming tumawag agad para sabihin sa kanila ang nangyari.
Ano naman ang susunod? Maghintay at tumunganga? Magreklamo? Hindi. Sinubukan naming gawin ang pinakamabuti naming kayang gawin sa sitwasyong iyon. Dahil napakahirap matulog sa init ng panahon, ang karamihan sa pamilya ko ay umalis para mag check-in sa murang hotel na may kuryente. Ako naman, lumabas ako at pumunta sa pinakamalapit na 24-hour coffee shop, isinaksak ko ang aking laptop, at nagtrabaho buong gabi. 1am na noong natapos ko ang paragraph na ito, at naglakad ako pauwi nang 3:30am.
Sa nakaraang brown out bago ito, nagbasa naman ako ng maraming self-improvement books na nakalimutan ko na. Nagbigay sila ng inspirasyon AT ilang idea para sa mga articles na gusto kong isulat para sa iyo dito. Inilabas ko rin ang aking lumang sketchpad para magdrawing. Iyon ay practice na rin, at nakagawa rin ako ng content para sa social media marketing.
Tandaan: Kapag nagkaproblema ka, mag-isip ka ng paraan para gamiting mabuti ang sitwasyon.
“Paano ko lulutasin itong problema?”
“Paano ako magiging mas-productive sa sitwasyong ito?”
“Ano ang pwede kong gawin para hindi na ako magkaproblema nang ganito?”
(Hindi man natin mapigilan ang brown out, pwede tayong maghanda ng flashlight, powerbank, at rechargeable electric fan.)
Isipin mo na lang din ang ilang problema katulad ng mga ito.
Habang nagcocommute ka papasok sa trabaho, naipit ka sa traffic. Ano ang gagawin mo? Magreklamo at tumunganga? Makinig sa musika sa iyong phone? Tawagan ang iyong boss? Magplano ng mga darating na proyekto habang nasa traffic ka? Tawagan ang mga klienteng kailangan mong tawagan (kung meron man) doon at huwag nang maghintay hanggang makarating ka sa opisina?
Matatapos na ang workday mo pero biglang bumagyo nang malakas. Naipit ka na sa opisina at hindi ka makauwi (nangyari na sa akin ito). Ano ang gagawin mo? Magreklamo kasama ang iyong mga katrabaho at tumunganga? Tignan mo kung kaya mo ngang magcommute kahit bumabagyo? O tapusin ang iba pang trabaho para hindi ka na stressed sa buong linggo?
Natanggal ka sa trabaho, ano ang gagawin mo? Magreklamo at tumunganga? Magsulat ng masakit na comments online at magkalat ng masamang tsismis laban sa dati mong kumpanya? O gamitin itong oportunidad para makapagpahinga ng ilang araw habang naghahanap ng trabaho? Gamitin itong pagkakataon para magpahinga, pag-isipan ang buhay, at pagplanuhan ang iyong kinabukasan? Baka pwede mo ring simulan ang negosyong dati mo pang pinagplaplanuhan.
Ang mga problema ay bahagi ng buhay. Ang pagkakaiba ng problema na lumalaki at nagiging sakuna at ang problema na abala lang ay magmumula sa kung paano tayo magreact dito.
Pwede nating hayaang magpatalo tayo sa mga malilit na problema. Pwedeng pagsikapan nating iresolba ang mga problemang hinaharap natin… o pwede din nating gawing oportunidad ang mga problemang hinaharap natin. Alalahanin mo lang ang mga iyon sa susunod na pagkakataong nagkaproblema ka.
Leave a Reply