English Version (Click Here)
Marami kang matututunan sa paglalakbay. Marami kang makikilalang tao, maraming makikitang iba’t ibang kultura, at marami kang mararanasang sitwasyon. Minsan hindi mo magugustuhan ang ibang mga mararanasan mo, tulad ng kapag binagyo ka sa campsite sa bundok, o naglalakad ka sa mataong templo sa isang mainit na hapon. Gayunpaman, matutuwa ka pa rin kapag nagbabalik-tanaw ka sa mga naranasan mo, tapos noon ipaplano mo naman ang susunod mong pupuntahan.
Noong mas bata ako, dinadala ako ng mga magulang ko sa iba’t ibang lugar. Bago namatay ang aking tatay, isa siyang officer ng mga sundalo sa army. Kapag binibisita namin siya sa kanyang mga deployment, napapadpad kami sa mga kakaibang lugar. Ang isa sa pinakakinatutuwa kong mga karanasan ay noong dinala niya ako sa isang matubig na kuwebang ilang kilometro ang haba at maraming paniki sa loob, yung isang beses na dinala niya ako sa isang beach o tabing dagat na may corals na puno ng mga brittle stars at sea cucumbers, at ang ilang beses na hinayaan niya akong maglaro sa mga training grounds ng kanyang kampo sa loob ng gubat.
Bukod sa aking tatay na naglalakbay dahil sa kanyang trabaho, ang aking ina rin ay mahilig pumunta sa iba’t ibang lugar. Habang dinadala ako ng tatay ko sa mga kagubatan, ang aking ina naman ay dinadala ako sa mga napakagandang mga tabing-dagat at mga makasaysayang mga lugar sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas, pati na rin sa ibang bansa.
Dahil sa aking mga magulang, napapahalagahan ko ang kalikasan at ang pag-adventure o pakikipagsapalaran dito.
Mahilig akong maglakbay, at kung iisipin ko ang mga lugar na napuntahan ko na at kung ilan pa ang mapupuntahan ko (lalo na’t isa aking guide sa isang hiking company), may mga payo ako na makakatulong sa iyo kapag ikaw naman ang pupunta sa mga lugar na iyon.
Ikaw ma’y maglalakad sa maputik na mga bundok at gubat ng Batangas at Rizal, o lalakbayin mo ang mga makipot at mataong mga lansangan ng Manila, Bangkok, o iba pang bansa, ibabahagi ko ang ilang mga travel tips na sana’y makapagpapabuti ng iyong mga paglalakbay.
[Read more…]