English Version (Click Here)
Problema, emergencies, at mga abala. Hindi natin sila maiiwasan. Ang magagawa lang natin ay paghandaan sila, at kapag nangyari sila kailangan nating hanapin ang pinakamabuti nating pwedeng gawin sa mga sitwasyong iyon.
Mga 10pm na nang gabi iyon at nagiistream ako ng digital art sa Twitch.tv. Kinukulayan ko ang bago kong comic at kausap ko ang aking mga manonood noong biglang nawalan kami ng kuryente. May isa nanamang brown out o power outage sa aming lugar. Hindi ko na natapos nang maayos ang aking stream at hindi rin ako nakapagpaalam nang maayos sa aking mga manonood. Bukod pa doon, hindi pa rin ako nakakapagsimulang magsulat ng article ko sa linggong ito (itong article na ito). Marami pa akong trabahong kailangang tapusin, at hindi ko sila magawa.
Parati tayong makakaranas ng iba ibang mga ganoong problema. May brown out, naipit sa trapik ang bus na sinasakyan natin, nasira ang internet at telepono natin, o iba pa. May mga oras din na nadelay ang ating kita o suweldo, o mga oras kung saan nasiraan ka ng kotse bago ang isang meeting kasama ang isang mahalagang kliente sa trabaho.
Ano ang dapat nating gawin kapag may problema o abala na pumupigil sa ating gawin ang kailangan nating gawin?