X

Mga Mabuting Bilihin: Anim na Mabuting Bagay na Kailangan Paglaanan ng Pera

English Version (Click Here)

Sabi ni Joe Biden, “huwag mong sabihin sa akin kung ano ang pinahahalagahan mo, ipakita mo sa akin ang budget mo at sasabihin ko sa iyo ang pinahahalagahan mo sa buhay.” Ang ibang tao nagsisikap kumita ng pera at ginagamit nila ito para bumili ng alak, sigarilyo, o ilegal na droga. Ang iba naman, nagsisikap para makabili ng mga bagay na nagpapabuti sa buhay nila kagaya ng paglalakbay, edukasyon, at pagpapabuti sa sarili o self-improvement. Sa sandali nating buhay sa mundo, ano nga ba ang magagawa natin para sulitin ito? Ano ang dapat nating gawin para mapadami ang ating makakamit gamit ang perang pinagsikapan natin? Ito ang ilang idea sa mga bagay na kailangan mong paglaanan ng pera!

*Paalala: Hindi ko isasama dito ang mga bilihing kailangan para mabuhay gaya ng pagkain, tubig, at mga iba pang pangangailangan kagaya ng kuryente o internet. Ang mga nandito ay mga bagay na kailangan mong paglaanan ng pera pagkatapos mong mabayaran ang mga iyon.

 

  1. Assets (Mga bagay na kumikita ng pera)

Isipin mo na mayroon kang supot na puno ng buto ng halaman. Kung kakainin mo silang lahat, busog ka ng isang linggo. Kung mas-kaunti ang kinain mo at ITINANIM mo ang ilan sa mga buto, pagkatapos ng ilang taon magkakaroon ka ng ilang mga puno na mamumunga at mapapakain ka habang buhay. Higit pa doon, kung kinolekta mo ang mga buto nila at itinanim mo rin, magkakaroon ka ng mas-maraming mga puno na mamumunga pa!

Isang mahalagang aral na itinuro ni Robert Kiyosaki, ang may akda ng “Rich Dad, Poor Dad” ay ang payong kung gusto mong umasenso at yumaman, kailangan mong bumili ng mga assets (bagay na kumikita ng pera) at umiwas sa liabilities (mga bagay na nagbabawas ng pera).

Ang mga assets ay madalas mga negosyo, stocks, bonds, real estate, rental properties, mutual funds, ginto/precious metals, at iba pang bagay na kumikita. Kung ito’y mahalaga at pwedeng pagkakitaan, malamang ito’y isang asset. Ang mga liabilities naman ay madalas mga bagay na mayroon ka ngayon gaya ng mga laruan at gadgets, sigarilyo, pangit na negosyong nalulugi lamang, hindi mabuting stocks/bonds/mutual funds/real estate na nawawalan din ng halaga, at iba pa.

Maglaan ka muna ng ipon kapag nakuha mo ang iyong sahod at gamitin mo iyon para bumili ng mga assets!

  1. Mga Masayang Karanasan

Ang mga kagamitan ay nasisira at naluluma at palagi nating hinahabol ang mga bagong hindi pa natin nakukuha. Sa kabilang dako naman, ang mga mabubuting karanasan ay nagiging bahagi ng ating pagkatao at nagbibigay ng kasiyahang mas nagtatagal. Maglakbay ka sa ibang bansa, makisama ka sa ibang kultura, at mag-adventure ka! Magiging mas-masaya ka dahil doon! (Basahin mo ang “The Science Of Why You Should Spend Your Money On Experiences, Not Things“)!

  1. Health o Kalusugan

May dalawa kang pagpipilian: Magbabayad ka ng ilang-libong piso kada linggo para sa doctor’s bills at gamot at mabubuhay ka ng stressed, pagod, at may sakit… o magbayad ka ng ilang-daang piso kada linggo para sa masustansyang pagkain at sa mga gawaing nagpapasigla ng iyong katawan at isipan upang makasama mo ng masaya ang iyong mga kaibigan at pamilya. Alin ang pipiliin mo?

Kung hindi mo inalagaan ang sarili mo mula ngayon at hindi mo pinag-aralan ang mga mabubuting gawain para dito, maghihirap ka sa pagdaan ng panahon. Malala pa doon, hihilahin mo sa kahirapan ang iyong pamilya dahil sa pagbayad nila sa iyong mga gamot at lumalaking medical bills.

Alagaan mo ang iyong kalusugan: uminom ka ng maraming malinis na tubig, iwasan mo ang sitsirya gaya ng chips, soft drinks, o mga “juice” na puro kemikal at asukal lamang, maglaro ka ng mga sports o iba pang masayang activities, kumain ka ng maraming prutas at gulay, at magpahinga ka ng madalas o matulog kang mabuti. Papasalamatan mo ang sarili mo, o pagsisisihan mo ito dahil hindi ka nagsimula agad.

  1. Mga bagay na tunay na nagpapasaya

Mahalaga nga ang pagtitipid, pero nakasasama ang sobra sobra nito lalo na kapag ginigipit mo ang sarili mong kasiyahan. Isang aral iyon mula kina Vicki Robin at Joe Dominguez sa “Your Money or Your Life: 9 Steps to Transforming Your Relationship with Money and Achieving Financial Independence”: Ang pagiging masinop ay hindi sa pagtitipid sa lahat kundi sa pagpaparami ng kasiyahang nakakamit mo sa bawat sentimong iyong ginamit.

Iwasan mo ang mga gastusing hindi naman kailangan gaya ng pagbili ng mga mamahaling bagay para magyabang sa mga kaibigan. Hindi pinapansin ng karamihang tao ang mga kagamitan mo, at ang bagong laruang (cellphone/tablet/atbp.) binili mo ay hindi magpapasaya sa iyo matapos ang ilang linggo kung saan baon ka sa utang. Iwasan mo din ang mga biglaang pinaggagastusan gaya ng bagay na binili mo noong nakaraang buwan pero hindi mo na kahit kailan ginamit pa.

Ang mga bagay na nagpapasaya ay naiiba sa bawat isa sa atin. Halimbawa, hinahangaan mo ang isang author kaya binili mo ang mga librong isinulat nila at natutuwa kang basahin ang mga ginawa niya. Masaya ka sa paglalaro ng tennis o basketball kasama ang mga kaibigan mo kaya binili mo ang pinakamataas na kalidad na sports gear. Natutuwa ka sa paglalaro ng videogames tuwing may panahon ka kaya bumili ka at naglalaro ka ng iba-ibang mga titles sa iyong gaming library. Ano man ang sabihin ng ibang tao tungkol sa hobbies mo na hindi nila naiintindihan, mabuti pa rin na maglaan ka ng kaunting pera para sa mga bagay na tunay na nagpapasaya sa iyo.

 

  1. Charity (Pagbigay sa mga nangangailangan)

Ito ma’y para sa mga organisasyong dedikado sa pagtulong sa mga mahihirap, tumutulong sa mga nangangailangan, o tumutulong sa iba tuwing may disaster (gaya ng Red Cross), ang paggamit ng pera upang makatulong sa iba ay isa sa pinakamabuti mong pwedeng gawin. Ako mismo nagdodonate sa mga charities na nagbibigay ng scholarships at edukasyon sa mga nangangailangan, gaya ng HERO Foundation at PETFI (PMA Education Foundation, Inc.).

*Siya nga pala, kami ng nakababata kong kapatid ay HERO at PETFI scholars dati. Nakatulong ang mga organisasyong iyon sa panahong namatay ang aming ama sa paglaban niya sa mga terrorista noong 1996.

 

  1. Edukasyon (Hindi lang sa iskwelahan kundi pati mabubuting libro at seminar)

Ang pag-aaral ay hindi nagtatapos sa paaralan. Kung may isang susi sa pag-asenso na alam ko, ito iyon: Kaya mong makamit ang kahit anong pangarap mo KAPAG NATUTUNAN mong pagsikapan iyon. Sa ganoong paraan, ang edukasyon ay isang assset! Isipin mo, bakit pumapasok sa paaralan ang mga bata? Para makakuha sila ng kaalaman at kakayahang magagamit para kumita ng pera! Isang dahilan iyon kung bakit kailangan mong idagdag ang edukasyon sa iyong budget plan. Bakit mo ititigil ang iyong pag-aaral pagkatapos mong mag-graduate sa iskwelahan kung pwede ka pang makakuha ng mga kaalaman at kakayahang magagamit para umasenso pa sa buhay (hindi lang sa pera)?

Gusto mong ma-promote? Pag-aralan mo kung paano maging mas magaling sa trabaho, mag-aral ka kung paano maging mas charismatic (nakakatuwang kasama) para mapansin ka ng iyong boss, at pag-aralan mo kung paano mag-manage mabuti ng mga tao para may kakayahan kang maging leader! Pwede mo ring pag-aralan kung paano maghanap ng mas mabuting trabaho o career!

Gusto mong kumita pa ng pera? Pwede mong pag-aralan kung paano mag-ipon at makatipid ng pera, pwede mo ring pag-aralan kung paano mag-invest sa mga assets gaya ng stocks, mutual funds, o real estate na pwede mong pagkakitaan pa ng pera sa pagdaan ng panahon! Pwede mo ring pag-aralan kung paano magtayo ng negosyo tuwing weekends!

Ano man ang pangarap mong gawin, may paraan para doon. Mahahanap mo ang oportunidad kapag natutunan mo kung paano sila hanapin at gamiting mabuti!

 

May isa lamang akong babala para sa lahat ng ito:

Kailangan MASINOP ka sa paggastos.

I-budget mo ang pera mo at HUWAG MO ITONG UUBUSIN at HUWAG KA RING MAGPAPABAON SA UTANG. Ang exception lang dito ay ang pangungutang o pagkuha ng loans para sa mga negosyong pinag-isipang mabuti at mabubuting assets gaya ng rental properties (“good debt”).

 

At dito na muna tayo magwawakas! Iyon ang ilang mga bagay na kailangan mong paglaanan ng pera. Ikaw naman, ano ang mga ibang bagay na pinaggagastusan mo?

Categories: Tagalog
Ray L.: Ray is the main writer behind YourWealthyMind.com. He is a proponent of self-improvement and self-education, and he believes that anyone can achieve their goals once they learn the knowledge and skills they need to attain them. He considers it his mission to enrich lives and end poverty by teaching people lessons they may need to succeed.