English Version (Click Here)
Sabi ni W. L. Bateman “Kapag ginagawa mo palagi ang nakasanayan mong gawin, ang makukuha mo lang ay ang palagi mong nakukuha.” Alam mo kung paano tinuturo palagi ng mga life coaches na kapag nanatili ka sa trabahong ayaw mo at hindi ka nagsikap para sa kinabukasan mo, hindi ka aasenso? Ang desisyon tungkol sa pagbabago ng career ay hindi madali, pero minsan kailangan mo talaga itong gawin.
Panahon na para sa Pagbabago
Nagtrabaho ako sa isang Business-process outsourcing (BPO) na kumpanya sa nakaraang anim na taon (January 2010 hanggang January 2016) at marami akong natutunan doon. Nagkaroon ako ng napakaraming kaibigan at masayang karanasan, pero ang mga pagbabago sa opisina noong nakaraang buwan ay hindi na tama para sa akin kaya naisipan ko nang umalis.
Bakit ako nagsulat tungkol dito? Kapag ikaw mismo ay hindi pa umaalis sa trabahong hindi mo gusto, baka mabigyan kita ng lakas ng loob para maghanap ng mas-mabuting daan sa buhay.
“Kapag nagdesisyon ka, ang mundo ay gagalaw para magkatotoo ang gusto mo.” – Ralph Waldo Emerson
Minsan, hindi na tama para sa iyo ang Opisina
Sabi nga, nananatili ang mga empleyado kapag tinatrato silang mabuti at umaalis sila kapag hindi mabuti ang pagtrato sa kanila ng mga manager nila. Sa tingin ko, hindi naman nananakit ang mga manager. Ginagawa lang nila ang naiisip nilang nakabubuti sa kumpanya, at ang mga iyon ay may positibo at negatibong epekto sa mga empleyado.
Masasabi ko na mabait ang manager namin (at mas-magaling ang “interpersonal skills” niya kaysa sa akin). Sayang nga lang na ang pagbabago sa opisina ay hindi tama para sa aking work/productivity style. Mas-gusto ko ang kumpletong independence kapag binigyan ng trabaho, mainam na pagschedule ng mga kailangang gawin kaysa biglaang trabaho, at ang hindi pagsasayang ng ilang oras sa pagbabasa at pagsasagot sa mga emails na hindi naman ganoong nakabubuti.
Matapos ang sandaling panahon, hindi na masaya ang pagtrabaho doon at kinailangan ko nang pumili: magtiis at manatili, o maging responsable para sa aking buhay at magsimula ng pagbabago.
Hindi natin KAILANGANG manatili…
Isa nga itong topic na itinuturo palagi ng mga life coaches: Kapag hindi na tama para sa iyo ang trabaho mo, dapat alalahanin mo na may kapangyarihan kang umalis at maghanap ng iba.
Maraming oportunidad sa mundo, pero matatagpuan mo lang sila kapag lumabas sa sa kung saan ka man naroroon at magsimula kang maghanap.
Bagong Kagustuhan o Pangarap
Isang dahilan kung bakit nagustuhan ko ang dati kong trabaho ay dahil posibleng tapusin ang lahat ng kailangang gawin sa loob ng ilang oras at tapusin ang lahat ng kailangan buong linggo ng Miyerkules pa lamang (gumawa ako ng management post tungkol doon). Dahil marami pa akong oras, nagagamit ko ito sa mga nakabubuting bagay kagaya ng pagbabasa ng libro at pag-aaral ng mga investments. Sinubukan ko na ring magsulat ng libro at blog posts gaya nito. Sa panahong iyon, nalaman ko na mahilig pala akong magsulat.
Sabi nga, “Kapag kaya mong kumita sa paggawa ng kinahiligan mong gawin, edi successful ka.” Mabuting payo iyon.
Malamang mayroon kang talento o kakayahan na hindi mo pinapansin gaya ng pagluluto, pagplano at pag-organize ng mga party, pag-entertain sa mga kaibigan at mga guest, pagsusulat, pagdrawing, woodcarving, gardening o landscaping, atbp. Kapag nalaman mo ang mga talento mo, alamin mo kung paano ka gagaling pa at kung paano mo sila magagamit para kumita ng pera.
Huwag kang mag-alala sa pagkawala ng iyong “prestigious” job title at iwasan mo ang mga taong “concerned” sa mga mawawala sa iyo at mga risks na kailangan mong harapin. Mabuti ang pakay nila, pero ang mga salita nila ay madalas hindi nakakapagpalakas ng loob. Kapag naging magaling ka sa ginagawa mo, matutuwa ka sa desisyon mo.
Tandaan: Ang pagkatao mo ay hindi nakabase sa iyong trabaho. Ang pagtrabaho ay isang paraan lamang para kumita ng pera, kaya bakit hindi mo subukang kumita sa paggawa ng mga bagay na gusto mo?
Magpaalam sa Mabuti, Makipagkilala sa NAPAKABUTI
Una kong nakita ang mga salitang iyon sa “The Success Principles – How to Get from Where You Are to Where You Want to Be” ni Jack Canfield at nalaman ko agad na ito’y tungkol sa trabaho at layunin ko. Noong panahong iyon, nalaman ko agad na kailangan kong taasan ang aking mga pangarap, pero nag-eenjoy pa rin ako sa trabaho ko at ginagamit ko pa siya bilang “safe haven” para pursigihin ang mga hobbies ko (tandaan, pagka nakumpleto ko na ang mga kailangang gawin sa trabaho, marami akong oras na natitira pa kada araw).
Ayaw ko mang aminin, ang tanging rason kung bakit ako nagdesisyong umalis ay dahil ayaw ko na sa opisina. Kapag naging masyado kang komportable sa trabaho mo, maiipit ka doon habang buhay.
Sa dami nga naman ng nabasa ko nang libro, may isa akong aral na gusto kong ipahiwatig sa iyo:
Napakaraming oportunidad sa mundo. Kapag ginamit mo sila, magkakaroon ka ng mga skills at talents na magagamit mo para makakuha pa ng mas-maganda pang mga oportunidad.
Pwede kang manatili sa kung saan ka man komportable, o pwede kang gumawa ng mas-nakabubuti. Pwede kang manatili sa madali, o pwede kang lumipat sa mas-nakahihigit.
“Ang mabuting buhay ay nagsisimula sa dulo ng iyong nakasanayan.” – Neale Donald Walsch
“It will work out” – Ang Tibay ng Loob ay may natatanging galing
Walang guarantee para sa tagumpay… pero GUARANTEED na wala akong mas-mabuting makakamit kapag nanatili ako sa nakasanayan ko. Sa dulo ng buhay ko, ayaw kong pagsisihan ang mga hindi ko nagawa. Gusto kong malaman ko na ginawa ko ang lahat ng aking makakaya, manalo man o matalo, para makamit ang pangarap ko.
Diba mabuti iyon? Diba maganda kapag, sa loob ng sandali mong buhay, nagawa mo ang lahat ng iyong makakaya para mas-mapabuti ang mundo?
Kaya mo… kapag taos-puso mo itong sinubukan. May mga paghihirap kang mararanasan, pero tandaan mo lang na ang tagumpay sa buhay ay nasa dulo ng panahon kung kailan susuko ka na sana sa pangarap mo.
“Sa sandaling taos-puso ang pagdesisyon mo, gagalaw din ang kamay ng Diyos. Napakaraming bagay ang mangyayari na hindi mo inaasan. Napakaraming pangyayari ang makatutulong sa desisyon mo, mga nakasusupresang pangyayari at pagkikita at biyaya na hindi mo maiisip magkatotoo. May mas-malalim na akong respeto sa sinabi ni Goethe:
Ano man ang kaya o pangarap, simulan mo.
Ang tibay ng loob ay may natatanging galing, kapangyarihan, at mahika!”
– William Hutchinson Murray
Iiwanan kita ng isang video tungkol sa pagbabago ng career na nahanap ko sa Youtube. Galing ito sa pelikulang “Up in the Air” at mabuti kapag nakita mo ito:
Sophy says
Paano po maging ma asenso sa buhay ? Para sa PAMILYA mo at mga magulang mo.