English Version (Click Here)
Sabi nga, walang hangganan ang pagiging mapagkamkam ng mga tao. Palagi nating hahangarin ang mas marami at mas maganda sa kung ano man ang mayroon tayo ngayon. Tama lang naman na gustuhin nating umasenso at mabuhay nang mas maginhawa. Ang tamang ambisyon nga naman ang dahilan kung bakit umaasenso ang mga tao at ito rin ang sanhi ng tagumpay.
Sa pagmamadali nating makakuha pa ng mas marami, pwede nating makalimutang pahalagahan ang mga nakukuha natin sa buhay. Maraming magagandang bagay sa paligid natin. Kung ang iniisip lang natin ay mga bagay na hinahangad natin at mga bagay na hindi natin nakakamit, mapapagod lang tayo at hindi natin mapapansin ang kagandahan sa buhay.
Narito ang isang napakahalagang aral mula kay Orison Swett Marden na dapat nating matutunan dahil pwedeng mapabuti nito ang ating buhay.
Isang paraan para sumaya: Matuwa sa pagmamay-ari ng iba
“I would rather appreciate the things I cannot have than to have things I cannot appreciate.”
— Elbert Hubbard
(Mas gugustuhin kong mapahalagahan ang mga bagay na hindi ko kukunin kaysa makakuha ng mga bagay na hindi ko mapapahalagahan.)
Sa ikatlong kabanata ng librong Self-Improvement ni Orison Swett Marden, ikinuwento niya ang isang nangyari sa The Citizen of the World ni Oliver Goldsmith.
May naglalakbay na isang intsik na may suot ng napakaraming diamante (diamonds). Nilapitan siya ng isang tao na nagbigay ng taospusong pasasalamat. Nalito ang intsik dahil wala naman siyang ibinigay sa taong iyon. Sinabi ng kausap niya, malaking pabor na ang ipakita ang mga diamante, dahil iyon lang din naman ang gamit ng intsik sa mga mamahaling batong iyon. Ipinahayag din niya na hindi rin siya maaabala sa pagbabantay sa mga diamante, at ayaw rin niya ng ganoong pasan sa buhay.
Isipin mo iyon. Nagpapasalamat siya hindi dahil binigyan siya ng isang bagay, pero dahil naappreciate o napahalagahan niya ang isang bagay na pagmamay-ari ng iba.
Marami sa atin ang may gusto ng sarili nating mansion, palasyo, o private island, pero para sa atin na may gusto sa mga ito, itinanong ba natin sa sarili natin kung bakit? Pwede tayong magsikap buong buhay at kalimutan ang ating mga kaibigan, kamag-anak, ang ating kalusugan (at magbenta na rin ng kidney o iba pang lamang-loob) para makuha ang mga ito, pero bakit? Para makita sila? Para maipagmayabang na mayroon tayo ng mga ito?
Baka hindi sulit o hindi tama ang sakripisyo.
Buti na lang, pwede nating mapahalagahan ang mga bagay na HINDI atin. Pwede nating maappreciate ang mga magagandang bagay na nilikha ng iba.
Isipin mo, kung ikaw ay nagtratravel o naglalakbay, hindi mo naman kailangan angkinin at gawing ari-arian ang mga makasaysayang monumento, landmarks, gubat, bundok, at magagandang tanawin para humanga sa kanilang kagandahan. Hindi mo kailangan maging may-ari ng shopping mall para magpakasaya at tumambay doon. Hindi mo kailangan maging may-ari ng carnival o theme park para malibang sa mga rides. Malamang kailangan mo nga na magbayad ng kaunting pera upang makapasok, pero hindi mo kailangan magbigay ng milyon milyon o bilyon para mabili ang mga ito. Hindi mo rin kailangang gumastos ng milyon milyon para ma-maintain o mapanatiling maayos sila.
Maraming napakagandang bagay sa paligid natin at napakabuting hindi natin sila kailangang bilihin at angkinin para ma-enjoy. Pwede nating matutunang humanga at matuwa sa mga magagandang bagay na ginawa at pagmamay-ari ng iba para maging mas masaya sa buhay… at libre lang din ito.
Pwede nating taasan ang ating pangarap at gumawa ng mga dakilang bagay, pero kailangan nating tandaan na hindi natin kailangang patayin ang ating sarili dahil sa kagustuhang angkinin at kontrolin ang lahat ng nais natin.
“The secret of happiness is in a cheerful, contented mind. ‘He is poor who is dissatisfied; he is rich who is contented with what he has,’ and can enjoy what others own.”
— Orison Swett Marden
(Ang sikreto ng kasiyahan ay nasa masayahin at kontentong isipan. ‘Mahirap ang hindi kontento; at mayaman ang kontento sa kung ano man ang mayroon siya,’ at ang may kakayahang matuwa sa pagmamay-ari ng iba.)
Leave a Reply