English Version (Click Here)
Dati nagtanong ang ilan sa aking mga readers kung paano nila maisesetup ang Google AdSense sa blog nila at kung paano magrecover ng isang na-disable na account. Ikinagagalak ko namang tumulong sa mga nangangailangan hanggang sa makakaya ko. Naisip ko na baka marami rin ang mangangailangan ng impormasyong iyon at dahil hindi lahat ay makakakita sa mga comments, naisip kong magsulat ng article tungkol dito.
Ang Google AdSense nga naman ay isa sa mga pinakakilalang paraan para kumita ng pera sa iyong blog. Ang article na ito ay isang maikling listahan ng mga kailangan mong gawin at mga hindi mo dapat gagawin kapag ayaw mong maparusahan o madisable ang iyong account.
Alalahanin mo lang na maikling reference guide lang ito at mas detalyado ang mga guides ng Google. Isinulat ko ito dahil kailangan natin ng Tagalog version na makatutulong sa maraming bago at magsisimula pa lamang na Filipino bloggers (at balang araw, mga bloggers mula sa ibang bansa kapag ipinasalin ko ito sa ibang wika).
Google AdSense Basics: Isang Maikling Guide Tungkol sa Kung Paano Gamitin ang AdSense
Mga kailangan mo bago magrehistro:
Pag-usapan natin kung ano ang mga kailangan mo para makapagrehistro at makakuha ng isang Google AdSense Account. Narito ang isang pinaikling listahan ng “Before you sign up: Eligibility to participate in AdSense” article (iclick mo ito para sa mas detalyadong besyon).
- Kailangan mo ng sarili mong blog o website. Tandaan mo na ang ibang libreng blogging o website hosting services tulad ng wordpress.com ay hindi tumatanggap ng Google ads. Madalas, kailangan mo ng self-hosted website (binayaran mo ang hosting service) para makagamit ng AdSense. Oo nga pala, madalas hindi mo pwedeng gamiting ang social media pages at fanpages (Facebook, Twitter, atbp.) para makapagapply sa AdSense.
- Dapat sinusunod ng website mo ang mga policies ng Google. Basahin mo ang mga iyon sa link na ito.
- Para sa ilang mga bansa, dapat higit sa 6 months o anim na buwan na ang tanda ng website mo. Sa Pilipinas, narinig ko na may mga naaapprove sa loob lamang ng ilang linggo o ilang araw kaya malamang hindi natin ito kailanga. Ako dati inabot ng higit limang buwan at napakaraming articles.
- Dapat ikaw ay labingwalong taong gulang ka na (18+ years old) o mas matanda pa. Kung hindi, pwedeng ang magulang o guardian mo ang magrehistro ng account na gagamitin mo na nakapangalan sa kanila. Kapag 18 ka na, saka ka na magrehistro ng sarili mong account.
- Kung gumagamit ka ng Blogger (isa sa mga partnered websites ng Google), kailangan mong puntahan ang “earnings” at “sign up for adsense” doon. Narito ang isang guide na magagamit mo para sa Blogger.
- Para sa YouTube, pwede kang magapply para sa YouTube Partner Program (YPP). Narito ang guide para sa YPP. Kailangan nakatira ka sa bansang gumagana ang YPP (ito ang listahan ng mga bansa, at kasama ang Pilipinas dito), mayroon kang higit sa 4,000 watch hours (mga nanood ng videos mo) sa nakaraang 12 na buwan (12 months), mayroong higit sa 1,000 na subscribers sa channel mo, sumusunod sa YPP policies ang content mo, at dapat ring ilink o ikonekta mo ito sa isang approved AdSense account.
- Kailangan sinusunod ng website mo ang Google’s Webmaster quality guidelines.
- Dapat may privacy policy ka sa website mo. Medyo mahirap ito, pero mayroon namang mga privacy policy generators online na pwede mong magamit.
- Dapat ang wikang ginagamit mo ay suportado ng Google AdSense. Napakahalaga nito kapag gagamit ka ng wikang hindi Ingles. Suportado nga pala ang Tagalog kaya gumagana ang AdSense sa Tagalog articles ng website na ito.
- Bukod pa sa lahat ng iyon, dapat marami na ang orihinal na content sa website mo. Ang blog na kakasimula pa lang at may kakaunting laman ay baka hindi maaprubahan.
Para sa iba pang requirements at tips and tricks, pwede mong basahin ang aming How to get your Google AdSense Account Approved article sa link na ito.
Paano maglagay ng Ads:
- Kakailanganin mong maglagay ng ad code sa iyong website.
- Madalas, kakailanganin mo munang gumawa ng ad unit at saka mo ito ipapasok sa iyong website.
- Para sa mga WordPress websites, madali mong mailalagay ang isang code gamit ang “Appearance > Widgets > Text” (Pwede mo ring gamitin ang Custom HTML kaysa sa Text) sa iyong admin dashboard. Ito ang ginamit ko sa aking sidebar, pero gumamit ako ng skyscraper-sized banner para magandang tignan. Mayroon ding mga plugins tulad ng “Ad Inserter Pro” na pwede mong gamitin para maglagay ng ads sa lahat ng iyong posts at pages. Basahin mo ang aming guide tungkol sa mga wordpress plugins dito.
- Isang payo ko ay dapat gamitin mo ang auto ads ng AdSense. Ang kailangan mo lang gawin ay ilagay ang code nito sa gitna ng <head> at </head> tags ng mga pages kung saan gusto mo itong gamitin. Kung gumagamit ka ng WordPress, hanapin mo ang Header scripts ng website mo at ilagay mo ang code doon. Sa Genesis theme tulad ng sa YourWealthyMind.com, nandoon iyon sa “Appearance>Customize>Theme Settings>Header/Footer Scripts”. Mayroon ding mga “insert headers and footers plugin” na pwede mong gamitin para dito.
- Kung nahihirapan ka pa rin, may mga YouTube videos na pwede mong panoorin para makita mo kung paano. Siguraduhin mong medyo recent o bago ang pinapanood mong video dahil nagiiba minsan ang itsura ng interface ng Google AdSense.
Mga BAWAL gawin:
Pinaghirapan mo ang blog mo at gumawa ka ng napakaraming orihinal na content. Nakakapanghinayang naman kapag biglaang naparusahan o nadisable ang account mo. Dapat basahin at sundin mo ang mga policies ng AdSense sa link na ito. Ito ang ilang mga bagay na dapat mong iwasan kapag nagkaroon ka na ng AdSense account:
- Una, huwag mong icliclick ang mga ads sa sarili mong website. Bawal na bawal ito!
- Huwag mong uutusan o sasabihin sa ibang tao na iclick ang mga ads mo.
- Huwag mong ilalagay ang mga Google ads sa parang spam o nakakainis na paraan tulad ng pop-ups, pop-unders, atbp. Basahin mo ang mga ad placement policies nila dito. Inirerekomenda ko talagang gamitin mo ang “auto ads” ng AdSense lalo na pag nagsisimula ka pa lang. Oo nga pala, noong nagsimula akong gumamit ng auto ads, tumaas ang aking kita.
- Bawal ang ilegal na content. Bawal ang pornography o kabastusan, illegal na droga, firearms o baril, malware o mga virus, alcohol, tobacco, harassment at hate speech, racism, at iba pa sa blog mo.
- Bawal ang copyrighted na material. Kasama rito ang mga ilegal na naidownload na music at movies o pelikula, copyrighted videos at images, at iba pa.
- Bawal ang pagbebenta ng mga counterfeit o pekeng produkto.
- Bawal gumamit ng ilegal na traffic generators. Kung makakita ka ng mga service na nangangakong pataasin ng husto ang views ng website mo at paramihin ang mga backlinks, iwasan mo sila. Pwede nilang sirain ang ranking mo sa Google, at napakalaking kawalan ito lalo na kapag mahalaga sa website mo ang organic traffic (mga tao na nahahanap ang website mo mula sa search engines tulad ng Google).
- Bawal magnakaw ng impormasyon tungkol sa iba (hal. phishing at hacking).
- Bawal maglagay ng mga malware tulad ng viruses, trojans, at iba pang nakapipinsalang programs sa website mo.
- Bawal labagin ang Children’s Online Privacy Protection Act (COPPA). Hindi ito masyadong kilala sa ilang bansa, pero mahalagang alamin ito lalo na kapag gagawa ka ng content para sa mga kabataan o mga menor de edad.
Ano ang dapat gawin kapag nasuspende o nadisable ang iyong account:
- Naclick mo ba ang sarili mong ads o nasabi sa mga kaibigan at pamilya na iclick nang paulit ulit ang mga ads mo? May iba ka bang policy na nalabag? Kung nadisable ang account mo, malamang sasabihin ni Google kung bakit. Basahin mong mabuti ang email para malaman mo ang problema.
- Ayusin mo ang problema at siguraduhin mong maayos na ito bago mo ipareview sa Google ang account mo.
- Kung nadisable ang account mo dahil sa invalid traffic (pinilit mo mga kakilala mong iclick ads mo, gumamit ka ng illegal traffic sources at spam, atbp.), may second chance ka pa naman. Basahin mong mabuti ang email, basahin mo ang guide ng Google tungkol sa disabled for invalid traffic dito sa link na ito, ayusin mo ang problema, at saka ka mag-apila o magsend ng appeal. Di tulad ng application kung kailan marami kang pagkakataon, iisa lang ang pagkakataon mo kaya dapat gawin mo ang lahat ng iyong makakaya. Hanapin mo ang “appeal form” sa link na iyon at gamitin mo.
Paano naman kung hindi pwede sa Google ang main topic ng website o blog mo o nareject ang appeal mo? Huwag kang mag-alala. Mayroon napakaraming ibang ad networks na pwede mong gamitin bukod sa Google AdSense. May iba-iba silang requirements at pwedeng naglalaman ang ads nila ng mga bagay na hindi pwede sa Google (tulad ng posibleng pornographic na ads), pero nagagamit pa rin naman sila para kumita mula sa iyong website.
Maghanap ka lang online para sa mga ad networks na pwede mong salihan tulad ng Nuffnang, Chitika, atbp. at mahahanap mo sila.
Kung gusto mong matuto ng iba pang bagay tulad ng kung paano maaprobahan ang account mo, ibang paraan para kumita mula sa iyong blog, paano makuha ang iyong AdSense payment, at iba pa, basahin mo lang ang iba naming guides sa ibaba!
Leave a Reply