English Version (Click Here)
Kapag parang sobrang hirap na ng buhay at tila wala kang maresolbang problema kahit desperado ka nang magsumikap, minsan wala ka na talagang ibang magagawa kundi manahimik muna para magdasal. Buti na lang, ang pagdarasal at meditation ay nagbibigay ng napakaraming benepisyo na parehong pisikal at emosyonal, at pwede rin silang magbigay ng solusyong iyong kinakailangan.
Para matulungan ka tuwing mga panahon ng sakuna, narito ang isang guide na magtuturo sa iyo kung paano mo pwedeng patahimikin ang iyong isipan at makahingi ng tulong sa maykapal.
More things are wrought by prayer than this world dreams.
Alfred Lord Tennyson
(Pagsasalin: Mas marami sa lahat ng pinapangarap sa mundo ang mga bagay na nilikha ng pagdarasal.)
Paano Magdasal nang mas Mabisa
Bakit mabuting matutong magdasal?
Madalas hindi ako relihiyoso, pero nag-aral ako ng psychology sa kolehiyo at pinag-aralan ko ang mga benepisyo ng meditation, self-fulfilling prophecies, stress management, at marami pang iba. Bukod pa roon, nagbasa rin ako ng napakaraming libro tungkol sa self-improvement at self-help (basahin mo ang mga rekomendasyon ko dito!) na nagtuturo ng iba’t ibang aral tungkol sa kung paano makatutulong ang visualization, affirmations, at pagdarasal sa paghahanap ng mga solusyon sa problema at kung paano nila kayang pagbutihin ang kalidad ng iyong buhay.
Dahil sa lahat ng pananaliksik at pag-aaral na iyon, taos-puso kong masasabi sa iyo ito:
Kung isasabay mo ang meditation sa iyong pagdarasal, magagamit mo ang benepisyo ng lahat ng nabanggit kong iyon.
Ayon kay Norman Vincent Peale, ang may-akda ng self-help classic na The Power of Positive Thinking, ang mapayapang isipan ay nakapagbibigay ng lakas. Sa sobrang halaga ng konseptong iyon, naglaan siya ng isang buong kabanata para sa aral na iyon. Ang pagdarasal at pagbabago ng iyong paraan ng pag-iisip ay nakatutulong sa iyong kalusugan at kasaganaan. Bukod pa roon, ang pagpapatibay sa mapayapa, kontento, at masayahing pag-uugali ay aktibo at tiyak na sanhi ng paglikha ng mga nakabubuting kondisyon sa buhay.
Ang seryosong pagdarasal na may kasamang meditation ay nakatutulong palinawin ang iyong pag-iisip, at makatutulong rin ito para ikaw ay maging mas-productive. Ang pagdarasal, tulad ng meditation, ay makapagbibigay ng katahimikan ng pagiisip. Makapagbibigay rin ito ng pag-asa at lakas ng loob tuwing mga panahon ng sakuna. Bukod pa doon, magkakaroon ka rin ng tiwala sa sarili, at mas-marami kang makikitang pagkakataon para magtagumpay dahil mararamdaman mo na kasama mo ang Diyos sa iyong pagpupunyagi. Mararamdaman mo na hindi mo kailangan harapin ang lahat ng problema at paghihirap nang mag-isa.
Ngayong pinag-usapan na natin ang ilang benepisyo ng pagdarasal, panahon na para pag-aralan natin kung paano magdasal nang mas mabisa.
Paano ka nga ba dapat magdasal?
Kapag nagdadasal, marami ang lumuluhod lang, gagawin ang antanda o sign of the cross, ibubulong ang kanilang dasal, at magtatapos sa isa pang antanda. Dasal nga naman iyon, pero kung gusto mo itong maging mas mabisa, kailangan mo itong tratuhing parang meditation.
Bago ka magsimula, kailangan mo munang patahimikin ang iyong isipan, huminga ka nang malalim, at mag-relax. Alalahanin mo na ang mapayapang isipan ay nagbibigay ng lakas. Sabi ni Jack Canfield, ang may akda ng The Success Principles, kapag ikaw ay nagme-meditate, ikaw ay nagiging mas-“spiritually attuned”, at nagiging mas magaling ka sa pagkuha ng mga idea at inspirasyon mula sa Diyos gamit ang iyong subconscious mind.
Pagkatapos mong pakalmahin ang iyong sarili nang ilang sandali, subukan mo nang isipin at isaisip ang mga bagay na ipinagdarasal mo, tulad ng iyong mga layunin sa buhay, o mga bagay na nais mong makamit sa lalong madaling panahon.
Ang isang mahalagang bagay na kailangan mong alalahanin ay hindi ka dapat mag-alangan at hindi mo dapat ikahiya ang iyong mga ipinagdadasal kung sa tingin mo ay “mabababaw” o “materialistic” lang ang mga dasal mo. Pwede ka namang magdasal at humiling ng mga ordinaryong bagay, tulad ng pagkuha ng mas maraming pera, o pagkuha ng mga bagay o kagamitang gusto mo. Huwag mong kalimutan na nais ng Diyos na ikaw ay umasenso nang husto, kaya huwag mong isarado ang sarili mo sa mga biyayang pisikal at materyal.
The blessing of the LORD makes a person rich, and he adds no sorrow with it.
Proverbs 10:22 (NLT)
(Pagsasalin: Ang biyaya ng Diyos ay nagpapayaman, at wala siyang idinadagdag na pagdurusa dito.)
Tuwing mga panahon ng sakuna, “Let go, and Let God” (Bumitaw at hayaan ang Diyos)
Alam mo kung paano gumagaan ang pakiramdam mo kapag ikinukuwento mo sa matalik na kaibigan o kamag-anak ang lahat ng iyong mga problema? Pwede mo ring bitawan ang iyong stress at sama ng loob at ipaubaya ito sa maykapal.
May rason kung bakit nagdadasal ang mga tao tuwing panahon ng sakuna, at isa na doon ang kapayapaan ng isip. Kung pakiramdam mo hindi mo na kayang harapin ang lahat ng iyong mga problema, subukan mong magpahinga sandali, ipaubaya ang lahat ng iyong stress sa Diyos, at humingi ng tulong mula sa kanya.
Para sa akin, kung ako ay sobrang stressed, ang uri ng dasal na nakatutulong sa akin ay parang ganito: “God, ginawa ko na ang lahat ng aking makakaya. Wala na akong magagawa pa sa ngayon, kaya ipapaubaya ko na sa iyo ito. Salamat at tinutulungan mo ako sa mga panahong ito.”
Pagkatapos kong magdasal, ipinapaubaya ko ang lahat ng aking stress at pagaalala sa Diyos, at pinapalakas ko ang aking loob gamit ang ilang quotes tulad ng “God finds a way where there is no way” (Nakakahanap ang Diyos ng daan kung saan wala nang pwedeng daanan.) o “Be still, and know that I am God. Be still, and know that I am God at work in this situation right now” (Maging mapanatag ka at alamin mong ako ang Diyos. Maging mapanatag ka at alamin mong ako ang Diyos na tumutulong sa iyo ngayon sa sitwasyong ito).
Iyon nga pala ang isang halimbawa ng tinatawag ni Catherine Ponder na “prayer of denial”. Ito ay isang uri ng dasal para tanggihan mo ang mga masasamang sitwasyon sa buhay. Kailangan mo munang subukang alisin ang mga negatibong sitwasyon sa iyong isipan para ikaw ay makapagbigay-daan sa mga mas mabubuting bagay.
Susunod, isaisip at magdasal para sa mga ninanais mong biyaya
Matapos mong ipaubaya ang mga negatibong emosyon at mga problema sa Diyos, kailangan mo naman ngayong magdasal para hilingin na may mga biyayang papalit sa kanila.
May kasabihan sa ingles, “nature abhors a vacuum” (ayaw ng kalikasan ang kawalan) at ibig sabihin noon palaging may papasok sa mga bakanteng lugar. Kung may inalis ka sa buhay, siguraduhin mong may mas makabubuting bagay na papalit doon. Halimbawa, kung may pinoproblema ka dahil sa kakulangan ng pera, ipagdasal mo na may biyayang kayamanan na darating. Kung may pinoproblema ka na nagmumula sa stress at mga negatibong emosyon, ipagdasal mo na magkaroon ka ng wisdom/karunungan, kapayapaan, at pagmamahal.
Isipin mong mabuti ang mga biyayang iyon at isaisip mong nagkakatotoo sila.
Alam mo yung kapag may pinag-iisipan kang isang bagay, mas madalas mo itong mapapansin? Yung kapag pinag-iisipan mo ang mga pulang kotse, mas madali mo silang mapapansin sa kalsada, o kapag pinag-iisipan mong maglakbay sa ibang bansa mas madali mong napapansin ang mga travel brochures at mga promo sa mall? Pwede mong gamitin ang kakayahang iyon ng utak mo.
Maglaan ka ng mas maraming oras para pag-isipan at isaisip ang mga biyayang gusto mong makamit. Kapag ginawa mo iyon, nagagamit mo ang bahagi ng iyong utak na tinatawag na reticular activating system (RAS). Iyon ang bahagi na nagfo-focus ng iyong atensyon sa mga detalye at oportunidad na makapagbibigay sa iyo ng mga ninanais mo, ang mga bagay na pinag-iisipan at isinasaisip mo.
Special tip: Huwag mong hilingin na malasin ang iyong mga kaaway. Hindi lang ito magpapalala ng galit at sama ng loob sa iyong puso, babalik ito sa iyo at magdudulot ito ng kamalasan sa buhay mo. Bitawan mo na ang mga negatibong emosyon na iyon at matutong patawarin ang mga taong nanakit sa iyo. Alalahanin mo rin na, tulad ng pagtulong sa kapwa, ang paghihiling ng pagmamahal para sa iba at karunungan para iyo at sa ibang tao ay magbibigay ng kasiyahan sa iyong buhay at katahimikan ng iyong isip.
Ang dalawang “secret ingredients” para maging mas mabisa ang iyong pagdarasal…
Ang unang sikreto ay kapag may hinihiling ka sa iyong mga dasal, idagdag mo palagi ang mga salitang “iyon, o mas-mabuti pa roon” (that, or something better) sa dulo. Tandaan mo na gusto palagi ng Diyos ang pinakamabuti para sa atin, kaya huwag nating limitahan ang ating sarili sa mga bagay na mukhang madaling makamit. Huwag tayong makontento sa isang daang pisong biyaya kung may mga paparating palang ilang libo.
Ang huling secret ingredient para maging mas mabisa ang iyong mga dasal ay gratitude o pagpapasalamat. Kailangan nating magpasalamat para sa mga biyaya nasa atin ngayon (at hindi mainis sa mga bagay na hindi pa natin nakakamit), at kailangan din nating magpasalamat para sa mga biyayang paparating pa lang kahit hindi pa natin sila nakikita.
Sinabi ni Hesus sa Matthew 9:29, “it shall be done to you according to your faith” (iyon ay matutupad ayon sa iyong paniniwala). Mula ngayon, kailangan buong puso mo nang paniniwalaan na may mas mabuti kang makakamit sa iyong kinabukasan kaya magpasalamat ka na nang maaga. Ang mga biyaya ay hindi man eksakto sa mga gusto natin (pwedeng hindi rin sila magmukhang biyaya sa unang tingin) at pwedeng matagalan nang husto bago sila dumating, pero siguradong paparating na sila.
Dito na muna tayo magtatapos. Sana may mga bago kang natutunan tungkol sa kung paano gawing mas mabisa ang iyong pagdarasal mula sa isinulat kong article na ito. Sa ngayon, ang pinakamabuti mong pwedeng gawin ay subukan ang mga natutunan mo dito! Ako siguradong gagawin ko ang lahat ng iyon, at ginawa ko na silang habit.
Salamat sa iyong pagbabasa at pagbisita, at sana i-share mo ito sa iyong mga kaibigan at kapamilya! Makatutulong iyon nang husto sa amin, at di rin natin alam, baka makatulong ito sa iyong mga kakilala!
If certain things do not come at certain expected times in the way you wished, do not consider it a failure. Since you have not received that thing, you can instead stand firm in the faith that something much better is on the way and will appear at the right time.
Catherine Ponder, The Dynamic Laws of Prosperity
(Pagsasalin: Kung ang mga bagay na ninanais mo ay hindi dumating sa inaasahan mong oras sa paraang gusto mo, huwag mong isiping pumalya ito. Dahil hindi mo ito natanggap, pwede kang manindigan sa iyong paniniwala na may mas mabuting bagay na paparating at darating ito sa tamang panahon.)
Leave a Reply