English Version (Click Here)
Bago maglakbay sa ibang bansa, inuuna ko palaging magbasa tungkol sa mga scams o “modus” at mga krimen sa lugar na iyon na kailangan naming iwasan. Mula sa mga taxi na may napakabibilis na metro, mga mandurukot, at mga overpriced na bar, mahihilig gumamit ng iba’t ibang modus ang mga kriminal para makuha ang pera ng kanilang mga biktima. Sa article kong ito, ikukuwento ko ang isang beses kung saan may mga sumubok manloko sa akin noong mas bata pa ako.
Ngayong nagbabalik tanaw ako sa karanasang iyon, naiisip ko na napakaraming mali sa ginagawa nila. Hindi ko alam kung mayroon talaga silang naloko. Nakakatuwa pa rin ang alaalang iyon kaya nais ko itong ikuwento sa inyo.
Yung isang panahong may sumubok manloko sa akin…
Inosenteng college freshman pa lang ako noong panahong iyon, at naaalala ko ito dahil dala dala ko pa ang malaking green na plastik duffel bag ko. Isa ako dating “sheltered” (protektado palagi ng mga magulang) na iskolar at wala pang isang taon ang nakakalipas mula noong nakapagtapos ako ng highschool. Kahit alam ko mang may mga manloloko sa mundo, hindi ko maisip na tatargetin nila ako. Isa lang kasi akong mahirap na financial aid scholar, hindi isang mayamang turista o negosyante.
Naaalala ko pa na sa araw na iyon maaga akong nakalabas ng klase. Mainit ang panahon noon. Nasa huling bahagi na ako ng aking commute papauwi at kinailangan ko na lang maglakad nang ilang minuto para makarating sa bahay. Ala-una ng hapon noon kaya kahit naglalakad ako sa tabi ng isang popular na highway na malapit sa isang mall, walang masyadong tao sa oras na iyon.
Habang tinatawid ko ang isang konkretong tulay papunta sa aking bahay, may sumunod sa aking isang matanda. Nakasuot siya ng baseball cap, t-shirt, at maong shorts at habang sinasabayan niya ako sinabi niya…
“Uy, nakita mo ba yung foreigner na nakahulog ng singsing?”
Doon nagsimula ang isang pinabobong modus na naranasan ko.
Tinuturuang tayong mga pinoy na rumespeto sa mga nakatatanda sa atin. Dahil 17 taong gulang na college freshman pa lang ako noon, hindi pa ako ganoong mapanghinala sa mga hindi ko kilala. Dahil doon, noong may mukhang 50 taong gulang na matanda ang kumausap sa akin, napatigil ako at nakinig para maging marespeto.
Hindi ako nagsususpetsa noon. Akala ko kailangan lang niya ng tulong.
Ayon sa matanda, may mayamang foreigner na nakahulog ng alahas, at nakapulot ito ng batang “iskwater”. Hindi daw alam ng bata ang gagawin niya dito, kaya dapat daw kaming tumulong. Ayon sa matanda, parang mentally retarded daw yung bata na nakita niya.
Medyo nagduda ako dahil wala naman akong nakitang foreigner na dumaan, pero malay ko ba noon.
Pagkatapos akong tawagin ng matanda, naisip kong tumulong na lang din. Nilapitan niya sa dulo ng tulay ang isang matangkad at payatot na binatilyo na naglalakad nang parang wala sa sarili. Tinawag niya ang bata (na hindi niya kakilala) at sinabi niya na gusto niyang makita yung alahas na nahulog ng “mayamang foreigner”. Inilabas ng bata ang isang puting bola ng tela mula sa bulsa ng shorts niya at unti unti niya itong binuksan.
Medyo natagalan siyang buksan ang tela na higit isang metro ang haba, at hindi rin nakatulong na nakatayo kami sa gitna ng daan sa ilalim ng mainit na araw noong hapong iyon. Kahit natagalan siya, sulit naman ang paghihintay namin.
Matapos buksan ang tela, doon ko na nakita ang laman nito. Isang malaki at mukhang mamahaling gintong engagement ring ang kumikinang sa ilalim ng araw, at mayroon iyong diamong sa gitna. Hiniram ito ng matanda at ipinahawak sa akin para matignan ko ito nang mas mabuti.
Marami na akong nakitang gintong singsing, pero ngayon lang ako nakakita ng singsing na ganoon kalaki at ganoon kaganda.
…
Joke lang.
Ang laman ng tela ay isang sinsging na maruming tignan at napakapangit. Peke ang ginto, at pekeng diamond na gawa sa baso ang nakalagay dito.
Siguro wala pang limang segundo itong ipinakita sa akin bago madalian itong ibinalot sa tela at itinali nang mahigpit ng matanda. Ayaw daw niya itong masira o magasgasan. Matapos itali ang bota, ipinakita niya ang isang maruming price tag na may gold border na kasama raw ng singsing. Ito yung tipo ng price tag na nakikita mo sa mga alahas, at nakasulat dito ay “$10,000”.
Nakakagulat no?
Malas niya, hindi niya alam ang alam ko na noon.
Palagi ko dating pinaglalaruan ang mga gintong alahas ng aking ina noong bata pa ako, at madalas akong mangolekta ng mumurahing gemstones noon. Halos dalawang segundong pagtingin lang ang kinailangan ko para mapansin na peke ang singsing nila.
- Una, ang tunay na ginto ay halos hindi namamantsahan o “kinakalawang”.
- Ikalawa, ang gintong singsing na ganoon kalaki at ganoon kakapal ay madalas nilalagyan ng mga pattern o engravings (tulad ng engagement rings ng mga magulang ko).
- Ikatlo, ang tunay na diamond ay may rainbow na pagkinang (tinatawag itong “fire” o dispersion ng mga jewelers) kapag naiilawan.
Ang singsing na ipinakita nila ay may plain na band (walang disenyo), mukhang kinakalawang ang metal, at ang pekeng diamond ay hindi makintab at puti lang ang pagkinang. Nakakakita ako ng basag na baso na mas maganda pa doon.
Gustong ibenta ng matanda ang singsing…
Madalas, kung makahanap ka ng mamahaling bagay tulad noong gintong singsing, gugustuhin mong ibalik ito sa dating may ari. Sabi ng matanda, dahil halos imposible nang hanapin yung foreigner at hindi na ito bumalik, ang pwede na lang nilang gawin ay ibenta ito sa malapit na pawnshop. Baka daw paghatian namin ang pera.
Tandaan, alam ko na peke ang singsing, pero noong binata ako hindi pa ako ganoon katapang para magsalita at sabihin sa kanila iyon. Inisip ko na dahil medyo mukha silang hindi ganoon kayaman, hindi nila alam ang pinagkaiba ng peke at tunay na ginto. Naisip kong tulungan na lang silang makarating sa pawnshop at ang mga nasa pawnshop na lang ang magsasabi na peke ang singsing.
Noong nanghingi sila ng tulong, sabi ng matanda ako na lang daw ang maghahawak ng bola ng tela na naglalaman ng “$10,000″ na gintong singsing nila. Sabi niya, mas panatag daw siya na ako ang maghawak kaysa sa “medyo retarded” na bata.
At papunta kami sa pawnshop…
Nagtaka ako kung bakit kahit malapit kami sa isang mall na may maraming pawnshop sa loob, papunta kami sa residential area sa kabilang bahagi ng highway. Sabi ng matanda, may alam siyang malapit na pawnshop sa dulo ng daan palayo sa mall. Dahil medyo kilala ko yung lugar, alam ko na kahit mababa ang chance, hindi imposibleng magkaroon nga ng pawnshop doon.
Sinundan ko pa rin sila dahil gusto ko pa ring tumulong kahit alam kong madidismaya sila sa appraisal ng peke nilang singsing.
Naglakad kami sa tabi ng highway, ang matanda nasa unahan, at sa likod yung bata. Halos walang tao sa lugar na iyon dahil walang gustong lumabas sa init ng panahon. Karamihan sa mga tao tahimik lang na nanonood ng TV o nagpapahinga sa loob ng bahay. Kahit may mga bahay at puno sa kanan namin, halos hindi natatakpan ang sidewalk kaya ramdam na ramdam ko ang init ng araw. Hindi rin nakakatulong ang bigat ng mga textbook at notebook sa bag ko, pero kayang kaya ko pa ring maglakad.
Matapos ang higit dalawampung minuto ng paglalakad, sinabi ng matanda na dahil ako ang naghahawak ng mamahalin nilang singsing, patas lang na sila ang magdala ng bag ko. Para itong trade para hindi ko daw itakbo ang singsing nila. Ang dala ko lang ay mga textbooks, notebooks, school supplies, at homework kaya hindi ito ganoon ka halaga, pero ayaw ko pa ring ipahawak ang gamit ko sa mga taong hindi ko kilala.
Pagkatapos noon, biglang sinabi ng bata na gusto niyang mahawakan ang “laruan” sa bag ko. Hindi ko alam kung ano ang tinutukoy niya hanggang sinabi ng matanda na yung cellphone ko ang tinutukoy niya.
Doon ko unang naramdaman na may mali…
Mid-2000s na noon at napakapopular na ng mga cellphone. Karamihan sa mga trabahador ay mayroon nang cellphone noon, at alam ng halos LAHAT ng tao kung ano ang mga cellphone. Kahit sinabi ng matanda na “retarded” daw yung binatilyo, napaisip ako noong tinawag niyang “laruan” ang cellphone ko at sinubukan niyang hiramin ito na parang hindi niya alam kung gaano kamahal ito.
Wala naman atang ganoon ka-ignorante no?
Doon na luminaw ang lahat…
Tandaan mo na isa ako dating sheltered financial aid “scholar boy”, at halos wala akong experience tungkol sa buhay sa mundo (walang “street smarts”). Ginusto ko lang tumulong sa ibang tao. Noong hiningi ng matanda ang bag ko at gustong paglaruan ng bata yung aking “laruan” (cellphone) dahil dala dala ko ang kanilang (obvious na pekeng) “mamahaling gintong singsing”, doon ko na talagang naintindihan ang mga red flags, warning signs, at anomalies (mga “mali” sa sitwasyong iyon).
Obvious na modus o scam lang iyon.
- Kaya nila binalot nang mahigpit ang singsing ay para hindi ito siyasatin o inspeksyunin pa ng mga binibiktima nila at hindi mapansin na peke pala iyon.
- Sa oras na ipinahiram ko ang bag at cellphone ko, itatakbo nila ito at ang matitira lang sa akin ay ang walang kwenta nilang singsing.
- Dinadala din nila ako sa isang residential area na may maraming eskinita, kaya kung sinundan ko pa sila malamang baka mas lalo pa akong mapahamak.
Nakatayo kami sa daanan sa gitna ng highway at residential area, at pinipilit nilang dalahin ang bag ko. Hindi ako pumapayag. Masamang masama na ang kutob ko noon at hinigpitan ko ang paghawak sa aking bag. Dinistansya ko rin ang sarili ko. Kinakabahan ako noon, pero handa akong lumaban para protektahan ang aking sarili.
Matapos ang halos limang minuto, nagalit na ang matanda. Alam niyang walang patutunguhan ang pagpilit niya, kaya kinuha na lang niya ang singsing at mabilis siyang naglakad palayo. Ang (kunwari) “mentally retarded” na bata na hindi daw kakilala ng matanda ay sumunod sa dito. Nawala na ang aking pagdududa noon, at nakaramdam ako ng pagkadiri o pagkamuhi sa dalawang iyon. Hindi sila mga taong nangangailangan ng tulong. Sila’y mga magkakasabwat.
Tapos na ang lahat.
Naglakad ako pabalik habang patingin tingin sa likod dahil baka sakaling may sumusunod sa akin. Walang ibang tao noon dahil napakainit ng panahon. Kahit madadaanan ko ang bahay namin pabalik, sumakay ako ng jeepney papunta sa ibang lugar, at sumakay uli ako ng isa pang jeepney pabalik para siguraduhing hindi ako sinusundan.
Nakabalik ako sa highway at residential area at nakauwi rin ako nang ligtas.
Mayroon palaging mga masasamang tao sa mundo…
Ang isa sa pinakamasakit na realidad ng buhay ay mayroon palaging mga kriminal na gusto tayong biktimahin. Kaysa magsikap sila nang tama at makatulong sa mundo, mas gugustuhin nilang mag-“shortcut” at magsinungaling, mandaya, at magnakaw para makakuha ng pera. Bukod sa pag-iwas sa kanila, protektahan ang ating mga sarili kapag sinubukan nila tayong saktan, at ireport sila sa mga pulis, kakaunti lamang ang magagawa natin kaya kailangan talaga nating mag-ingat palagi.
Ang isa sa pinakamahalagang payo na nabasa ko (mula sa maraming libro) ay kailangan pakinggan mo ang kutob mo. Ang subconscious mind natin ay nakakapansin ng panganib mula sa mga pinong galaw o body language ng mga tao na gusto tayong saktan, pati na rin sa mga anomalya sa paligid natin.
Ang mga “anomalies” o anomalya ay mga “maling” detalye sa sitwasyon mo. Sa naranasan ko, alalahanin mo kung paano wala akong napansin na dumaang “mayamang foreigner” noon sa tulay, kung paano ang “perpektong” $10,000 na presyo ay hindi karaniwan, kung paano pinili ng matanda ang isang “pawnshop” sa isang residential area kaysa sa mall, kung paano mahigpit na nakabalot ang singsing, paano tinawag ng bata na “laruan” yung cellphone kahit alam ng lahat ng tao kung ano ang cellphone, at marami pang iba.
Sundin mo ang kutob mo. Kapag nararamdaman mong may mali sa sitwasyon, kung masama ang nararamdaman mo at sinasabi ng kutob mo na may panganib, kailangan mo nang tumakas. Tandaan mo ang kasabihan na “it’s better to be safe than sorry.” Mabuti nang ligtas kaysa magsisi.
Ang mga nawalang oportunidad ay pwedeng mapalitan, pero ang mawalan ng buhay o malubhang pagkapinsala ay hindi na naibabalik.
Sana natuwa ka sa pagbabasa nitong kuwento kong ito. May isa pa akong naaalalang sitwasyon kung saan may mga sumubok manloko sa amin noong pumunta ang pamilya ko sa Thailand, pero baka sa susunod ko na ito ikuwento. Salamat sa pagbisita at pagbabasa mo, at ibookmark mo ang website namin para makabalik kang muli!
[…] Tagalog Version (Click Here) […]