English Version (Click Here)
Kung napadpad ka sa business section ng dyaryo, malamang may mababasa kang articles tungkol sa kung paano “bearish” ang stock market sa nakaraang panahon, may “bubble” sa isang industry, o may paparating na recession ayon sa isang eksperto. Kung interesado kang pag-aralan ang investing at ang stock market, baka maguluhan ka dahil nagmumukhang mas komplikado ang lahat dahil sa mga kakaibang salitang iyon.
Dahil madalas nasa headlines ng mga business at investing articles ang mga ganoong klase ng salita, kung malaman mo ang ibig-sabihin ng ilan sa kanila mas mabilis mong mauunawaan ang mga nangyayari sa market sa unang sulyap pa lang. Pag-uusapan natin dito ang ilan sa mga salitang iyon.
Pagbasa ng Market para sa mga Baguhan
Paulit-ulit na siklo ang paggalaw ng ekonomiya
May popular na kanta sa Pilipinas na pinamagatang “Luha” (Tears) na kinanta ng bandang Aegis at ang isa sa huling linya nito ay “gulong ng buhay, patuloy-tuloy sa pag-ikot, noon ako ay nasa ilalim, bakit ngayon nasa ilalim pa rin? Gulong ng buhay, patuloy-tuloy sa pag-ikot, noon ako ay nasa ilalim, sana bukas nasa ibabaw naman.”
Tulad ng gulong ng buhay, paikot-ikot din na parang siklo ang ekonomiya at stock market.
Sa ibang mga taon ang mga kumpanya, stock market, at buong ekonomiya ay maayos. Umaasenso ang mga negosyo, lumalaki ang mga kumpanya at nakakabenta ng mas maraming produkto, kumukuha sila ng mas maraming empleyado para pagbutihin ang produksyon, at ang mga bagong empleyado na iyon ay gumagamit ng kanilang bagong sweldo para bumili ng mas maraming bagay. Dahil doon lumalaki ang kita at umaasenso ang mga negosyo at nauulit ang siklong iyon.
Sa kasamaang palad, hindi nagtatagal ang masayang panahon. May mga sakuna tulad ng mga bagyo, lindol, pandemya tulad ng covid-19, stock market at housing bubbles, korupsyon ng gubyerno, o iba pang kalamidad na magpapahina sa ekonomiya. Maghihirap o magsasara ang ilang negosyo dahil sa sakuna, may mga mawawalan ng trabaho, at dahil doon mas kokonti ang pera ng mga tao. Dahil mababawasan ang mga customers, bababa din ang kita ng mga negosyo kaya kailangan nilang magtanggal ng mga trabahador (dahil kung hindi sila magtatanggal, baka malugi at magsara ang kumpanya at mawalan ng trabaho ang LAHAT ng empleyado nito).
Buti na lang, hindi rin nagtatagal ang panahon ng sakuna. Nagtatagumpay rin ang mga tao dahil sa kanilang katibayan ng loob at angking talino at umaayos din ang ekonomiya. Sa pagasenso ng mga negosyo, nakakakuha uli sila ng mas maraming empleyado para magpalaki, at dahil bumababa ang unemployment (kawalan ng trabaho), mas marami ang taong may trabaho at suweldo na pwede nilang gastusin. Uulit nanaman ang siklo.
Iyon ang tinatawag ni Peter Lynch na boom and bust cycle. Kapag maayos ang takbo ng lahat, “booming” ang ekonomiya. Kapag hindi naman, “going bust” ito.
Sabihin man ng mga eksperto na hindi natin dapat subukang hulaan ang susunod na mangyayari sa madaling panahon, kung alam natin ang kasalukuyang o patutunguhang posisyon sa siklo, makakatulong ang kaalamang iyon kapag tayo ay magdedesisyon sa pag-invest. Pwede rin nating alamin kung ano ang mga negosyong matatag tuwing mga panahon ng sakuna para pwede nating ilipat ang pera natin sa mga iyon.
Mga steps sa cycle:
- Downturn/Market Downturn – Ang downturn ay kapag ang market, business, o ekonomiya ay humihina o bumababa. Pwedeng panandalian lang ito, pero kapag may malubhang problema sa ekonomiya, gubyerno, o bansa, pwedeng magtagal ang downturn at maging…
- Recession – Kapag patuloy ang pagbaba ng ekonomiya at paparami ang nawawalan ng trabaho buwan buwan, pwede na itong tawaging recession. Malalaman mong may recession na dahil marami ang maghihirap sa panahong iyon at ito ay ibabalita palagi. Kitang kita naman na may recession dahil sa covid-19 pandemic.
- Upturn – Ito naman ang kabaligtaran ng downturn at ito ang panahon kung saan ang market, business o ekonomiya ay papataas naman o lumalakas. Pwedeng panandalian lang ito, pero pwedeng itong magtagal. Nakabububuti ito para sa karamihan.
- Recovery – Hindi nagtatagal habang panahon ang mga recession at sa pagdaan ng panahon magbabalik at lalakas uli ang mga negosyo at ekonomiya. Aasenso uli ang mga negosyo, bababa ang unemployment dahil mas marami ang magkakatrabaho, at ang ekonomiya (at stock market) at tataas muli.
Depression – Habang medyo madalas mangyari ang mga recession, kung nagpatuloy ito ng ilang taon pwede itong tawaging depression. Bihirang bihira ito, pero halos lahat ng tao ay magdurusa kapag may mangyaring economic depression. Ipagdasal na lang natin na hindi maulit sa atin ang katulad ng Great Depression noong 1929.
Tip: Pwede mong gawing “recession proof” ang iyong portfolio ng mga investments – Habang maraming mga negosyo tulad ng car manufacturing at construction ang magdurusa tuwing recession, may ilang industriya at negosyo na gumagawa ng mga bagay na hindi pwedeng mawala dahil kailangan ito ng mga tao. Ang mga iyon ay madalas mananatiling maayos kahit may recession. Iyon ang mga negosyo tulad ng fast food, kuryente, tubig, atbp.
Bubbles at Corrections
Bubble – Madalas nangyayari ito kapag may ilang investment na nauuso kaya napakaraming baguhang investors ang bumibili nito. Dahil doon, tataas nang sobra sobra ang presyo nito hanggang lumagpas ito sa tunay niyang halaga bilang isang investment. Lolobo ang bubble dahil sa katakawan ng mga tao pero pagdaan ng panahon makikita rin ng lahat na ang popular na stock o investment ay… hindi naman pala talaga mabuting investment.
Correction – Ayon kay Peter Lynch, ang correction ay pagbagsak ng halos 10% o higit pa mula sa peak price (“peak” = pinakamataas na presyo sa nakaraang panahon). Alam naman natin na pumuputok at naglalaho din ang mga bula. Ang sobrang taas na presyo ay babagsak bigla sa mas mababa pero mas angkop na halaga nito. Madalas napakaraming investors na bumili sa peak price noong uso pa ang investment ay malulugi nang todo kapag pumutok ang bubble.
Ilang halimbawa ng mga bubbles:
Bears at Bulls sa Stock Market
Sa matagalang panahon, gumagalaw ang presyo ng isang stock ayon sa kung gaano kahusay ang kumpanya nito. Kung maayos at umaasenso ang kumpanya, tataas ang presyo ng stock, pero kung nalulugi naman ito, bababa ang presyo ng stock. Sa short term o sa madaling panahon naman, ang presyo ng stock ay tataas at bababa nang halos walang saysay araw araw.
Habang madalas hindi magkakasabay ang pagtaas at pagbaba ng presyo ng stocks ng iba’t ibang kumpanya, kapag napakabuti ang kalagayan ng ekonomiya at umaasenso ang napakaraming negosyo, minsan tataas nang sabay sabay ang maraming stocks. Iyon ang tinatawag na bull market. Sa kabilang dako naman, kapag hindi maayos ang ekonomiya (tulad ng tuwing may recessions), ang presyo ng napakaraming stocks ay bababa at iyon ang tinatawag na bear market.
Alalahanin mo lang iyon kapag nagbabasa ka ng balita.
- Bull market / “Bullish” – ibig sabihin noon papataas ang galaw ng market.
- Bear market / “Bearish” – ibig sabihin noon papababa naman ang galaw ng market.
Isang huling payo: Iwasan mo ang ingay ng investment media at huwag mong subukang hulaan ang susunod na galaw ng market.
Sabi ng iba, kapag mayroong sistemang kayang alamin nang sigurado ang patutunguhan ng market, itatago ito ng sino mang nakaimbento nito at gagamitin niya ito upang maging pinakamayamang tao sa buong mundo. Sa kasamaang palad, walang paraan para hulaan at maging sigurado sa patutunguhan ng market. Kahit ang mga propesyonal na palaging nagbabasa at sumusuri ng market ay pumapalya din.
Pwede kang gumawa ng edukadong panghuhula ayon sa iyong research o pagsusuri, pero huwag mong agad agarang paniwalaan ang binabalita sa investment media. Iyon ang isang mahalagang payo mula sa mga eksperto katulad nina John Bogle, Peter Lynch, at iba pa: Huwag mong subukang magsugal at hulaan ang market.
Palagi kang makakarinig sa investment media ng mga reports o kwento tungkol sa mga popular na stocks, mga stocks na kailangan mong iwasaan, mga investments na kailangan mong bilihin ngayon, at mga investments na kailangan mong ibenta na. Kung palagi mong sinusundan ang mga uso ayon sa media, pwede kang malugi dahil sa mga bubbles at malamang makakaligtaan mo rin ang mga mabubuting oportunidad.
Ang mga usong uso na stocks at investments ay pwedeng maging bubbles tuwing bull markets, at kapag bear markets naman kung kailan puro kadiliman ng tadhana ang kwento ng investment media tungkol sa pagbagsak ng market, makakaligtaan mo ang mga oportunidad na bumili ng stocks ng mga maaayos na kumpanya pati ibang mga investments na pwede mong mabili sa murang halaga.
Ano ang solusyon? Mag-invest ayon sa isang schedule
Ayon kay Peter Lynch, kailangan mong gumawa ng schedule kung kailan ka bibili ng mga stocks o mutual funds para nakakapaglagay ka ng kaunting pera buwan buwan, kada apat na buwan, o kada anim na buwan. Iyon ang technique na tinatawag na dollar cost averaging o “money cost averaging”.
Kapag ginagawa mo iyon, iniiwasan mong bumili ng sobrang daming shares kapag napakataas ng presyo tulad ng tuwing may bubbles, at mas marami kang nabibiling shares ng maaayos na kumpanya kapag mumurahin sila tulad ng tuwing may recession.
Napakakomplikado ang mundo ng investing at marami pa tayong kailangang matutunan ngunit dito na muna tayo magtatapos sa article na ito.
Kung mayroon ka pang itanong, isulat mo lang sa comments section sa ibaba!
[…] Tagalog Version (Click Here) […]