English Version (Click Here)
Welcome sa aming maikling guide tungkol sa kung paano magrenew ng iyong driver’s license! Dahil kinailangan kong magrenew ng aking lisensya sa Land Transportation Office (LTO) noong Agosto 2021, naisipan kong magsulat ng article tungkol dito. Kung gusto mong malaman ang mga requirements, fees na kailangang bayaran, at iba pang mga bagay na kailangan mong gawin, basahin mo lang ang guide na ito. Alalahanin mo lang na minsan magiiba ang proseso ayon sa branch na pupuntahan mo, at malamang din na tataas ang mga presyo sa pagdaan ng panahon kaya mainam na lakihan mo ng kaunti ang iyong budget.
O siya, dahil hindi natin kailangan ng mahabang introduksyon dito, simulan na natin ang guide!
Requirements para sa renewal:
Ito ang mga kailangan mong dalhin.
- Ang iyong LTO driver’s license (current o luma).
- Pera pambayad sa mga fees.*
- LTO Portal Account: https://portal.lto.gov.ph/
*Sa panahong isinusulat ko ito, ang renewal ay nagkakahalaga ng P585, at ang medical tests ay nasa halagang P480 sa Ayala MRT branch kaya kailangan mong magdala ng higit P1,065. Kung expired na ang lisensya mo, may mga penalties kang kailangang bayaran, o may kailangan kang baguhin sa records mo, kailangan mong magdala ng mas maraming pera.
Tataas din ang presyo pagdaan ng panahon. Kung gusto mong makita ang updated na listahan ng mga fees, pwede mo itong makita sa main LTO website sa link na ito: https://lto.gov.ph/license-and-permit.html#license-schedule-of-fees-and-charges
Tungkol sa medical fees: Ang mga clinic na pupuntahan mo para sa medical tests ay private daw ayon sa mga tarpaulin ng LTO (may picture noon sa article na ito). Ibig sabihin nito, hindi sila government-owned at regulated kaya pwedeng iba iba ang presyo ayon sa branch na pupuntahan mo.
MAHALAGANG PAALALA TUNGKOL SA IYONG LTO PORTAL ACCOUNT: Gumamit ng kakaibang password para sa account na ito. Baka kailanganin mong ilogin ito sa isang pampublikong PC sa LTO branch. Mabuti nang maingat ka dito para hindi mahack ang iyong ibang personal accounts.
Paano Mag Renew ng Driver’s License
- Magrehistro sa Land Transportation Management System (LTMS) portal: https://portal.lto.gov.ph/.
- Sumang-ayon sa terms and conditions at mag-enroll.
- MAHALAGANG PAALALA: Gumamit ng kakaibang password para sa account na ito. Baka kailanganin mong ilogin ito sa isang pampublikong PC sa LTO branch.
- Ilagay ang kinakailangang impormasyon. Itype ang mga detalye ng iyong lisensya, nasyonalidad, at iba pang personal na impormasyon tulad ng iyong pangalan, araw ng kapanganakan o birthday, contact details, atbp.
- Ikumpirma ang iyong email address. Mag-login at suriing mabuti kung tama ang iyong mga inilagay na impormasyon.
- Pumunta sa iyong napiling LTO Driver’s License Renewal Center kung saan mo nais magrenew ng iyong lisensya.
- Puntahan ang unang window at ipakita mo ang iyong lumang lisensya at ang iyong LTMS account. Sulatan ang mga forms na ibibigay sa iyo tapos papupuntahin ka sa clinic kung saan gaganapin ang iyong mga medical tests.
- Medical testing step. Sulatan at isubmit ang mga forms na ibibigay sa iyo ng clinic at bayaran ang mga tests (Note: Baka iba iba ang presyo depende sa branch).
- Gawin ang eyesight at color blind tests.
- Kumpletuhin ang medical interview.
- Pipicturan ka nila at kukunin ang iyong biometrics.
- Tanggapin ang iyong medical papers.
- Bumalik sa LTO office at ibigay mo ang iyong medical papers.
- Sundin ang instructions o tagubilin ng empleyado ng LTO at maglogin sa iyong LTO account sa kanilang PC. Doon iproproseso ng empleyado ang iyong mga papeles tulad ng iyong payment form.
- Note: Pwedeng mag-iba ito ayon sa branch na pupuntahan mo dahil pwede naman itong gawin sa bahay o sa iyong cellphone. Dahil komplikado ang proseso, ang empleyado ng LTO sa Ayala MRT station ang gumawa nito para sa amin sa PC nila.
- Bayaran ang iyong lisensya. Kailangan mong magbayad ng mas mahal kung expired na ang lisensya mo, may mga violations ka, o may mga binago sa records mo.
- Biometrics: Kukunin nila ang iyong picture, lagda o signature, at mga fingerprints. Suriing mabuti ang mga datos na ilalagay sa iyon lisensya kung sakaling may mga mali, at ikumpirma mo ito kung tama gamit ang iyong dalawang hintuturo o index fingers.
- Kunin mo na ang iyong bagong driver’s license at ang iyong resibo! Magiging valid nang limang taon ang iyong bagong lisensya.
Pag-update ng iyong records:
Inabot din ng halos isang oras ang buong proseso ng renewal ng aking lisensya (12:38pm to 1:41pm). Sa kasamaang palad, noong pauwi na ako may nakita akong mga maling impormasyon sa aking lisensya na kailangan kong baguhin. Kinailangan kong magsubmit ng iba pang requirements at magbayad ng maraming extra fees dahil doon, pero sulit naman para masiguradong tama ang lahat ng impormasyon sa aking pangunahing ID.
Ito ang ilang mga requirements na kinailangan kong isubmit:
- Record correction: Kailangan ang PSA Birth Certificate.
- Address correction: Kailangan ng billing statement.
Kung may mga kailangan kang baguhing datos sa iyong lisensya, pwede mong makita ang mga requirements sa LTO website gamit ang link na ito: https://lto.gov.ph/latest-advisory/19-driver-s-license-supporting-documents-per-transactions
Noong ginagawa ko ito, kinailangan kong ipa-scan ang aking PSA birth certificate at ipinapadala ko ito sa aking email upang maupdate ko ang aking bio data. Para naman sa aking address, tinanggap ng LTO ang aking online credit card statement. Nai-print ng empleyado ng LTO ang mga soft copies, iniscan niya, at nai-attach sa aking records. Matapos suriing mabuti ang lahat ng aking impormasyon para siguraduhing tama na ang lahat, nai-print na nila ang aking updated driver’s license at pwede na akong umuwi. Mabuti rin daw na umabot ako sa tamang oras. Ayon sa pagkakaalala ko, sabi ng ng LTO employee kung hindi daw ako nakapasok sa cutoff period o kung umalis na ang empleyado sa main branch na nag-aapprove ng mga record changes, kakailanganin kong bumalik sa ibang araw bago ko makuha ang aking lisensya. Buti na lang nakumpleto ko ang lahat ng proseso sa araw na iyon.
Iyon ang aking karanasan sa pagrenew ng aking driver’s license at record update. Sana nakatulong sa iyo ang guide na ito, at sana mabilis din ang pagproseso sa iyo sa panahong kailangan mo nang magrenew ng sarili mong lisensya.
[…] Tagalog Version (Click Here) […]