English Version (Click Here)
Noong kabataan ko, naaalala ko ang isang nilaro kong role-playing game na tinatawag na Fable 2. Kahit medyo komplikado ang kwento nito, ito’y karaniwang RPG kung saan kinukumpleto mo ang mga quests, sumusugod ka sa mga kalaban, at nagliligtas ka ng mga baryo at siyudad. Ang isang bagay na may malaking impact sa akin ay bukod sa paglaban sa mga halimaw at pagresolba ng mga quests, pwede ka ring “magtrabaho” (mga minigame) at bumili ng mga tindahan at negosyo para kumita ng pera.
Sa simula ng laro, ang “gold” (pera sa game) ay mahirap makuha kaya hindi ko palaging mabili ang pinakamalalakas na sandata at armor. Kapag naipagpatuloy mo ang laro, saka lalabas ang mga trabaho gaya ng bartending (barista) at blacksmithing (panday). Kaysa lumaban sa mga halimaw at magpatuloy ng kwento, ilang ORAS ako sa mga “trabahong” iyon para makakuha ng pera. Matapos makaipon ng ilang libong gold, hindi ako bumili ng bagong sandata o armor. Bumili ako ng tindahan ng gulay at iba pang tindahan na kumikita para sa akin ng kaunting gold kada sampung minuto.
Sa pagdaan ng oras at pagdami ng kita mula sa mga tindahan, inipon ko ang kinita ko at nagpatuloy ako sa blacksmith para makabili pa ng MAS MARAMING tindahan. Pagdaan ng panahon, kumita ako ng ilang daan hanggang ilang libong gold kada sampung minuto sa laro. Pagkatapos ng ilan pang oras, kinaya ko nang bumili ng mga malalaking negosyo na ilang milyon ang presyo gaya ng mga taverns at blacksmiths at malaki ang naidagdag nila sa aking kita kada sampung minuto.
Ano ang susunod na nangyari? Iniwan ko muna ang laro para gawin ang aking homework, magbasa sa internet, atbp. Noong pagbalik ko, ang mga negosyong binili ko ay kumita ng ilang libong gold na ginamit ko para bumi ng pinakamalalakas (at pinakamamahaling) sandata at armor. Ang paglaban sa mga halimaw at pagligtas sa mga siyudad ay naging napakadali na noon.
Bakit ko kinuwento iyon sa iyo? Simple. Kapag natutunan mo ang mabuting paghawak ng pera, magiging napakadali din ng iyong buhay. Isipin mo lang. Hindi mo na kailangan pang mag-alala tungkol sa biglaang emergency at kung paano magbayad ng mga bayarin dahil may pera ka para sa kanilang lahat. Malaya ka mula sa nakakasakal na utang dahil binayaran mo na silang lahat at marunong kang umiwas sa karagdagang utang. Malaya ka para maghanap ng mas-mabubuting trabaho, negosyo, at iba pang oportunidad dahil may ipon ka para sa kanila. Higit sa lahat, hindi mo na kailangang mag-alala pa tungkol sa mahirap na pagkayod sa trabaho, matatagal na commute, at masasamang amo at malaya ka para sundan ang iyong mga layunin at pangarap dahil ang mga investments mo ay nagbibigay ng matibay na pangkabuhayan para sa iyo at sa iyong pamilya. Kahit ang pera ay hindi ang pinakamahalagang bagay sa mundo (ito’y kagamitan lamang na magagamit para makagawa ng mga bagay), ito’y makakatulong sa iyong buhay kapag ginamit mo itong mabuti.
Hindi ba mabuti iyon? Posible lahat iyon kapag natutunan mo ang tamang paghawak ng pera. Kung gusto mong matutunan ang basics ng personal finance, ipagpatuloy mo lang ang pagbabasa. Ito’y napakabuting simula ng iyong paglalakabay.