English Version (Click Here)
Ang isang bagay na kinaaayawan ko ay ang mga taong nagsasabi na mangmang, tamad, o walang kwenta ang mga mahihirap. Hindi nila ito sinasabi ng lantaran, pero mahahanap mo sila kapag may nagpost ng mga inspiring rags to riches (mahirap nagsikap magpayaman) stories. Sila ang mga nagsasabi na “yumaman lang sila dahil maswerte sila” at “imposibleng yumaman ang mahihirap dahil wala silang edukasyon, oportunidad, kakayahan, atbp.” Sila rin ang nagsasabi na “walang kwenta ang magsikap” o “marami ang nagsisikap pero mahirap pa rin” at walang mabuting solusyong ibinibigay.
Marami sa mga ganoon ang nagkakamali sa interpretasyon ng mga inspiring posts at iniisip nila na ang ibig-sabihin ng mga ito ay “naghihirap ang mga mahihirap dahil sa ginagawa nila” o “ang pagsisikap ay gumagana para sa iba, pero para sa karamihan ito’y walang kwenta.” Sila ay napakabuting halimbawa kung paano ang pag-iisip at pananaw ay nakaaapekto sa ating mga nakikita sa mundo: habang ang karamihan sa atin ay nakakakita ng pagkukuhanan ng inspirasyon (“Kung nagawa nila , kaya rin natin!”), nakikita nila ang mga iyon bilang panlalait (“Maswerte lang ang mga yumaman pero tayo ay mabibigo kaya huwag na lang nating subukan!”).
Kahit mabuti ang intensyon nila sa pagsasabi ng mga problemang kinakaharap ng mga mahihirap, sa pagtutol sa mga inspiring posts nakasasama lamang ang ginagawa nila. Ang nagagawa lamang nila ay pinapahina nila ang loob ng mga mahihirap dahil sinasabi nila na hindi sila makakaahon mula sa kahirapan, at nasasabi rin nila na ang mga mahihirap ay masyadong mahina at kaawa-awa na hindi nila kayang magsikap para yumaman kung walang magbibigay sa kanila ng limos.