English Version (Click Here)
“Kung iniisip mo na mahal ang maging edukado, subukan mong maging mangmang.”
– Derek Bok
Noong preschool ako (mga isa o dalawang taon bago maging grade 1) naaalala ko ang isang assignment na ibinigay sa amin ng guro bago kami umuwi:
“Kumuha kayo ng isang papel at magsulat ng mga numero!”
Pumunit ako ng isang papel at nagsimula akong magsulat. Sa aking pagkasigasig, nagsulat ako ng higit sa 100 bago ko ipinasa ang aking papel. Isang salita lamang ang sinabi sa akin ng guro:
“Labis” (superfluous) at ibinalik niya sa akin ang papel.
Noong kabataan ko, hindi ko alam kung ano ang ibig-sabihin ng salitang iyon… pero dahil binalik niya sa akin ang papel, inakala ko na kulang pa ang sinulat ko kaya patuloy akong nagsulat.
Paglipas ng ilang minuto, halos lahat ng mga kaklase ko ay nagpasa na ng papel at nagsiuwian. Dahil ang papel ko ay hindi pa rin tinatanggap, patuloy akong nagsulat hanggang sinundo ako ng mga magulang ko sa classroom.
Inakala ko pa rin na hindi pa ako tapos.
Matagal na panahon ang lumipas noong nalaman ko na ang salitang “labis” (superfluous) ay kapareho pala ng isa pang salitang alam ko:
“Sobra” (excessive, or “too much/masyadong marami”).
Nagpagod ako at nagsayang ng oras noong araw na iyon dahil lang hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ng salitang iyon.
Isang Mahalagang Aral
Ikinuwento ni T. Harv Eker, ang may akda ng “Secrets of the Millionaire Mind: Mastering the Inner Game of Wealth” na naghirap siya noong nagsimula siyang magsikap. Inisip niya na marami daw siyang magagawa sa buhay, pero wala siyang maipakitang pag-asenso.
Pangarap niyang maging matagumpay sa buhay, pero hindi iyon nangyayari.
Isang araw, natutunan niya ang isang mahalagang payo mula sa mayamang kaibigan ng tatay niya:
“Kung hindi ka umaasenso, ang ibig sabihin lang noon ay mayroon kang hindi nalalaman.”
Nagpatuloy ang kabanata sa libro tungkol sa pagkakaiba ng pagiisip ng mga nagtatagumpay sa buhay at mayayaman at ang pagiisip ng mga karaniwang tao pero ang iisang sinabi niyang iyon ay nagpahayag ng isang napakahalagang aral:
Marami sa atin ang natatalo sa buhay dahil may isang NAPAKAHALAGANG bagay na hindi natin natutunan.
Hindi natin alam…
“Kung masaya nga talaga ang pagiging mangmang, dapat mas-marami ang masaya sa mundo.”
– Victor Cousin
Hindi natin alam na may mas-mabuting trabaho pala na malapit lang sa bahay natin.
Hindi natin alam kung paano ayusin ang oras natin para gawin ang mga mahahalagang bagay kaya nagsayang tayo ng oras sa mga walang kwentang gawain.
Hindi natin alam kung paano makinig sa ating mga katrabaho at mga boss, magbigay ng payo, o ayusin ang trabaho natin kaya hindi tayo napromote.
Hindi natin alam kung paano hawakang mabuti ang pera natin kaya palagi tayong nag-aalala kung paano bayaran ang ating mga bills at kung paano mabubuhay hanggang sa susunod na sahod.
Hindi natin alam kung paano pumili ng tamang assets kaya hindi natin alam na ang company stock, mutual fund, o real estate na binili natin at palpak at nawala ang perang ginamit natin pag-invest.
Hindi natin alam na pwede pala tayong magtayo ng maliit na grill business para magbenta ng barbecue at hindi natin alam na pwede pala natin itong palakihin para maging isang mabentang restaurant.
Hindi natin alam na pwede pala tayong maging mas-mayaman at mas-umasenso pa sa buhay…
…kaya hindi natin sinubukang magsikap ng mabuti…
“Ang pagiging walang alam ay hindi kahihiyan katulad ng mga ayaw matuto.”
– Benjamin Franklin
Paano kung NATUTUNAN MO?
Paano kung nalaman mo ang pinakamabubuting pwedeng pagtrabahuhan sa lugar niyo?
Paano kung natutunan mong padaliin at mag-ayos ng mga gawain para mabawasan ang kailangan mong pagtrabahuhan pero maging mas-epektibo?
Paano kung natutunan mong maging napakagaling na leader/pamuno na sinusundan at nirerespeto ng lahat?
Paano kung natutunan mong maghawak ng pera ng mabuti para hindi ka na maubusan?
Paano kung natutunan mong pumili ng mga napakagaling na assets (stocks, mutual funds, real estate, atbp.) at mag-invest sa mga iyon para maging multi-millionaire o higit pa?
Paano kung natutunan mong magsimula ng maliit na negosyo at palakihin ito para kumita ng milyon-milyon?
Paano kung natutunan mo ang mga kailangang gawin para magtagumpay sa buhay?
Kung hindi ka umaasenso sa gusto mo, ibig sabihin noon may hindi ka pa nalalaman.
Kapag gusto mong magtagumpay, kailangan alamin mo ang nararapat mong gawin para makamit ito.
Ngayon ikaw naman…
Ano sa tingin mo ang mga kailangan mong pag-aralan para makamit ang mga pangarap mo sa buhay?
“Ano man ang presyo ng ating mga silid-aklatan (libraries), mura lang ito kumpara sa parusang magmumula sa isang sambayanang walang nalalaman.”
– Walter Cronkite
Leave a Reply