English Version (Click Here)
Naaalala ko pa ang napakaraming umaga kung saan gumigising ang pamilya namin bago mag alas singko ng umaga para kumain ng almusal. Sa mga oras na iyon naghahanda kami ng kapatid ko para pumasok sa paaralan. Wala kaming masyadong magawa noon. Walang mga cellphones o social media sites na kumukuha sa aming atensyon, at walang nakakatuwang palabas sa TV sa ganoong oras sa umaga.
Sa mga taong iyon sa grade school at highschool, mayroon kami dating maliit na plaka na gawa sa kahoy at nakasabit ito malapit sa mesa kung saan kami kumakain. Mayroong tulang nakasulat dito, at iyon ay ang tulang Desiderata, na isinulat ni Max Ehrmann. Iyon lang ang nababasa ko sa silid-kainan namin noon, at marami akong natutunang mahahalagang aral mula dito. Ibabahagi ko ang mga natutunan kong aral dito.
Tatlong Mahahalagang Aral na Natutunan Ko Mula sa Desiderata
Be gentle with yourself. You are a child of the universe no less than the trees and the stars; you have a right to be here.
(Pagsasalin sa Tagalog: Maging mahinay ka sa iyong sarili. Anak ka rin ng daigdig katumbas ng mga puno at mga bituin. May karapatan kang mabuhay sa mundong ito.)
1. Respetuhin ang lahat.
Maging mahinay o mahinahon ka sa pagtrato sa iyong sarili. Marami sa atin ang napakalupit sa ating sarili at minsan hindi natin magawang tanggapin ang ating mga pagkakamali at pagkukulang. Alalahanin natin na walang perpektong tao at lahat tayo ay nagkakamali, kasama na rito ang mga pinuno at artistang iniidolo natin. May mga pagkukulang din sila na hindi nila ipinapakita sa TV. Huwag kang maging malupit sa iyong sarili dahil sa iyong mga pagkakamali. May karapatan kang mabuhay nang mapayapa, at mahalaga ka rin sa mundo tulad ng mga bituin sa langit.
Sa akin naman, naiiba ang pagkakaintindi ko sa linyang katumbas natin ang mga puno at bituin. Kung magkasing halaga ako ng mga puno’t bituin, ibig sabihin sila’y mahalaga rin katulad ko.
Tuwing naghihiking ako sa mga bundok, palagi akong nakakakita ng mga basura sa daanan, mga pangalan na iniukit ng iba at nakakasira sa puno’t bato, at mga sigarilyong itinapon sa tabi ng mga bulaklak at puno. Marami sa atin ang nagiisip na mas mataas at mas mahalaga tayong mga nilalang kumpara sa mga hayop at puno sa kapaligiran. Hindi ito totoo. Sila’y katulad rin natin, at iyon ang dahilan kung bakit kailangan nating iwasang makapinsala sa iba, tulad ng mga halaman, hayop, lupa, ilog at dagat, at iba pang bagay sa kapaligiran.
Katulad ito ng pagsunod sa “Leave no Trace” principle kapag umaakyat ng bundok o naglalakbay. Pahalagahan mo ang kagandahan ng mundo, at huwag maminsala sa mga nabubuhay dito.
Listen to others, even to the dull and the ignorant; they too have their story.
(Pagsasalin sa Tagalog: Makinig sa iba, pati sa mga mangmang at ignorante. Mayroon din silang mga kwento at karanasan sa buhay.)
2. Huwag maliitin ang ibang tao.
Alam mo kung paano ang mga marangal na tao ay hindi binabastos ang mga waiter sa restaurant? Iyon ay isang payo na dapat nating sundin, at hindi lang dahil duduraan nila ang pagkain natin kung mapang-abuso tayo.
Yung iba sa atin na mas edukado o mas mayaman ay minsan mababa ang tingin sa mga mahihirap at hindi nakapagtapos ng pagaaral. Kailangan nating iwasan iyon. Huwag nating husgahan ang iba at isiping “mas mababa” sila kaysa sa atin dahil mas maliit ang sahod nila o hindi ganoon kahanga-hanga ang trabaho nila kumpara sa atin.
Makinig sa iba, pati sa mga taong akala natin ay mangmang o ignorante. Hindi man tayo sasang-ayon o susunod sa mga payo ng iba, pero hindi natin malalaman ang angking katalinuhan nila kung hindi tayo matututong makinig sa iba.
Ang bawat tao ay may kani kaniyang kakayahan, kaalaman, talento, at karunungan na natutunan nila sa buhay, at dahil doon mahalaga rin ang kaalaman nila. Ang lahat ng tao, pati mga pulubi at may kapansanan sa pagiisip, ay kailangan pa ring irespeto.
Nota: Kasama ka rin sa mga taong kailangan irespeto, kaya huwag mong hahayaang abusuhin o bastusin ka ng iba.
If you compare yourself with others, you may become vain or bitter, for always there will be greater and lesser persons than yourself.
(Pagsasalin sa Tagalog: Kung ikukumpara mo ang sarili mo sa iba, pwede kang maging mayabang o pwede kang malungkot. Ito’y dahil mayroon palaging mga taong mas dalubhasa sa iyo pati na rin mga taong hindi ganoon kagaling kumpara sa iyo.)
3. Huwag mong ikumpara ang sarili mo sa iba.
Napakarami tayong kompetisyon na kailangang harapin sa buhay. Matapos makipagkompetensya para sa pinakamatataas na grades, kailangan nating makipagkompetensya para sa trabahong gusto natin, kailangan nating makipagkompetensya sa mga katrabaho natin para mapromote, at kailangan nating makipagkompetensya sa ibang mga negosyo at kung anu anong pangyayari sa market kung gusto nating magtagumpay ang negosyo natin. Sa ibang hindi seryosong bagay, kailangan nating makipagpaligsahan sa mga libangan o hobbies natin (art, sports, atbp.) tulad ng mga videogames na nilalaro natin minsan.
Kung magaling tayo, mananalo tayo. Sa kasamaang palad, hindi tayo palaging mananalo at kung paulit ulit tayong natatalo pwedeng humina ang ating loob at mawalan tayo ng gana dahil sa stress. Pwede itong maging malaking hadlang kapag malapit na tayo sa ating pakay o layunin.
Ano ang isang paraan para bawasan ang stress natin kapag tayo ay natatalo?
Alalahanin lang natin na mayroon palaging mas magaling sa atin. Totoo ito kahit tayo ang “pinakamagaling” sa trabaho o sa ginagawa natin. Mayroong mga tao na mas nagsikap, at mga tao na naging maswerte lang sa araw na iyon. Ganoon talaga ang buhay. Hindi tayo laging magtatagumpay at minsan may makakatalo talaga sa atin. Kung matanggap natin iyon, magiging mas madali para sa atin na bumangon muli at ipagpatuloy ang laban kapag tayo ay nabigo.
Bukod pa roon, kailangan rin nating iwasang lumaki ang ating ulo kapag tayo ay nagtatagumpay. Hindi dahil mas magaling tayo sa iba ay pwede na natin silang maliitin dahil hindi sila ganoon ka dalubhasa o maalam sa ginagawa natin. Tandaan, mas magaling sila sa atin sa ibang bagay, at may mga alam sila na hindi natin alam.
(Side note lang, isa akong gamer at malaking tulong itong payo na ito sa mga multiplayer games. Huwag kang maging toxic o mapang-abuso kapag natalo ka, at kung magaling ka naman sa nilalaro mo huwag kang maging toxic o mapang-abuso sa mga teammates mo na hindi ganoon kagaling. Respetuhin palagi ang iba. Magagamit mo ito sa pakikitungo sa ibang tao, tulad ng sa trabaho o sa iyong pamilya at mga kaibigan.)
Napakaraming mahahalagang aral ang pwede mong matutunan mula sa Desiderata ni Max Erhmann, at nagpapasalamat ako na natutunan ko ang ilan dito mula noong aking pagkabata. Kung gusto mong basahin ang buong tula, pwede mo itong hanapin sa internet dahil libre lang itong basahin online.
Subukan mong basahin saglit ang tula. Pag-isipan mo ang mga aral doon dahil baka makahanap ka ng ilang aral na magagamit mo para pagbutihin pa ng husto ang takbo ng iyong buhay.
[…] Tagalog Version (Click Here) […]