English Version (Click Here)
Gaya ng kapag naging bihasa ka sa laws of physics at aerodynamics kakayanin mong lumipad, kapag natutunan at naging bihasa ka sa mga tuntunin ng buhay, mas-marami kang makakamit kaysa sa iba. Kapag pangarap mong makamit ang lahat ng iyong makakaya, kailangan mong alamin itong 31 self improvement tips na ito:
Para sa Mas-mabuting Kinabukasan
-
Maging responsable para sa iyong Kapalaran
Ano ang palaging ginagawa ng mga UNSUCCESSFUL? Palagi nilang sinisisi ang ibang tao at palagi silang may palusot, lalo na sa kanilang sariling kasalanan at masamang habits. Palaging ang boss nila, ang ekonomiya, o ang gubyerno ang may kasalanan. Dahil hindi nila inaamin ang SARILI nilang pagkakamali, hinihintay lang nilang magbago ang mundo at hindi nila naiintindihan na sila ang may kakayanang magpaasenso sa kanilang sarili. Kung pangarap mong umasenso, dapat alalahanin mo na IKAW ang responsable sa iyong kapalaran.
Sabi ko nga sa isa kong article, ang nabubuhay ng walang layunin ay nagsasayang ng buhay para sa wala. Kung inuubos mo ang panahon mo sa pag-aalala at pag-react sa mga problemang palagi na lang sumusulpot, malalaman mo na lang na nasa katapusan ka na pala ng buhay mo at nagsisisi na wala kang mabuting nakamit.
-
Ipagpatuloy ang Pag-aaral
Ang patuloy na pag-aaral o self-education ay ang isa sa pinakamahalagang habits na pwede mong matutunan, at ito’y isang bagay na pinaniniwalaan ng napakaraming leaders kagaya nina John Maxwell, Jack Canfield, at mga kumpanya kagaya ng Toyota (i-search mo ang salitang “Kaizen”). Ang self-education ay ang central theme na nais ituro nitong blog na ito (“Your Wealthy Mind”): Kaya mong makamit ang kahit anong gusto mo… kapag NATUTUNAN MO KUNG PAANO.
-
Ang Iniisip mo ay magiging Katotohanan mo
May isang popular na quote na nagsasabing “what you focus on expands (ano mang pag-isipan mo ay dadami).” Kung palagi mong pinag-iisipan at inaalala ang mga problema mo, ang mga ito lang mapapansin mo. Kapag mas-maraming oras ang ginagamit mo para sa mga iyon, mababawasan ang oras mo para maisip ang mga biyaya at oportunidad mo. Sa kabilang dako naman, kapag mas-madalas mong pinag-iisipan at pinasasalamatan ang mga biyaya at oportunidad mo, mapapansin mo na mas-marami ang dadating sa iyo (at tandaan mo na ang mga biyaya at oportunidad ay pwedeng gamitin para masolusyonan ang mga problema).
-
Kumilos ng parang Hindi ka Mabibigo
Kung may $50 ka para magtayo ng negosyo, pipiliin mo ba ang strategy na may 30% chance para kumita ng $100, o ang isa pang strategy na may 50% chance para kumita ng $1,000? Kapag kumilos ka ng palaging nag-aalangan, sinisigurado mo na madali kang matatalo. Kapag malakas ang loob mo at committed ka, pinaparami mo ang posible mong makamit pati na rin ang iyong mga pagkakataong magtagumpay.
-
Tanawin mo ang iyong Kinabukasan
May isang kilalang bersikulo sa biblia na nagsasabing “Kapag walang tinatanaw na layunin, maraming tao ang namamatay.” Pag-isipan mo ang mabuting kinabukasan para sa iyong mga kapamilya at kaibigan: isang kinabukasang masaya, masagana, at puno ng pagmamahalan. Magsikap ka at gawin mo ang lahat ng iyong makakaya para magkatotoo iyon dahil kapag hindi, malamang ang makukuha mo ay pangkaraniwan lang o hindi kaaya-aya.
-
Ang siyang Itinanim, Siya rin ang Aanihin
Isang malaking pagkakamali ang pag-iisip na ang “paggawa ng mabuti” at ang “karma” ay tungkol lamang pagtulong sa mahihirap o pagbibigay ng limos. Mali nga talaga iyon. Ang “cause and effect” ay para sa LAHAT ng iyong gawain, at kasama doon ang pagsisikap para maparami ang iyong professional skills, pagpuhunan ang mabubuting assets, pagpuhunan ang iyong isipan (self-education), at marami pang iba. Alalahanin mo na ang lahat ng iyong gawain, gaya ng kinakain mo araw-araw, mga binabasa at pinapanood, at kung ano ang ginagawa mo bawat minuto, ay makaaapekto sa iyong kinabukasan. Kapag pinag-isipan mong mabuti ang lahat ng ginagawa mo sa kasalukuyan, sa palagay mo ba mabuti ang magiging kapalaran mo?
Para sa iyong Isipan
-
Ano man ang Iniisip at Pinaniniwalaan mo ay Kaya mong Makamit
Sabi ni Napoleon Hill, “Whatever a man can conceive and believe, it can achieve.” Kasama doon ang kayamanan, tagumpay, at pag-asenso… pati na rin ang kahirapan, pagkabigo, at pagkapangkaraniwan. Ano man ang iniisip mo o pinaniniwalaan mo, makakamit mo kaya pumili kang mabuti.
-
Magkaroon ka ng “Abundance Mindset” (Pag-iisip ng Kasaganaan)
Iniisip ng mga biguan na ang kayamanan at oportunidad sa mundo ay kakunti lamang at iilan lang na ibang tao ang magiging maswerte at makakakuha ng mga ito. Kung pangarap mo ang masaganang buhay, kailangan matutunan mo itong isang sikreto na alam ng mga matagumpay: Palaging may kayamanan at oportunidad… kapag lumabas at nagsikap ka para makagawa ng mga ito.
-
Think Positive!
Itinuro ni Susan Jeffers, ang may-akda ng “Feel the Fear… and Do It Anyway” na kapag iniisip mo na hindi “realistic” ang positive thinking, itanong mo sa sarili mo kung bakit mas-”realistic” ang negative thinking. Bakit mas-”mabuti” ang pag-iisip na “mabibigo ako sa lahat ng aking gagawin” kaysa sa pag-iisip na “alam ko ang pahamak, pero susubukan ko pa rin para mapagsikapan ko ang pangarap ko”? Pwede mong pag-isipan ang pagkabigo at manatili sa iyong kinatatayuan, o pwede mong pag-isipan ang tagumpay at magsikap para magbago.
-
Pag-isipan mo ang PWEDE, hindi lang kung ano ang Mayroon
Hindi ko man maalala kung saan ko ito nabasa, pero isa itong aral na hindi ko makakalimutan: Ang mga biguan ay laging pinag-iisipan ang kanilang masamang kinatatayuan (kanilang kahirapan, kawalan ng tagumpay, pagiging karaniwan, atbp.) at iniisip nila na hanggang doon na lang sila, kaya nananatili sila sa paggawa at pagkuha ng kanilang mga nakasanayan. Ang mga tumatanaw sa mas-mabuting kinabukasan, ang mga nag-iisip tungkol sa kung ano ang PWEDENG mangyari at nagsisikap para maipasatotoo ito, sila ang mga nagtatagumpay.
-
Piliin mong mabuti ang mga Kasamahan mo
Sabi nga na ikaw ang average ng limang tao na palagi mong kasama. Makisama ka sa mga lasinggero at magiging kapareho mo sila kapag sumasali ka sa mga inuman. Makisama ka sa mga kriminal at magiging isa ka din kapag balang-araw tinulungan mo sila sa kanilang masasamang balak. Pwede ka ring makisama sa mga mayayaman at matagumpay na magbibigay sa iyo ng lakas ng loob at tuturuan ka kung paano ka rin aasenso. Ikaw naman ang pipili, kaya pumili kang mabuti.
-
Piliin mo ang Mundo ko: Ito ba’y mabuti o masama?
Pwede mong isipin na masama ang mundo dahil iilan lang ang “napipili” para maging “maswerte” at matagumpay, isipin mo na wala kang magagawa tungkol sa kinatatayuan mo ngayon, at masasama ang lahat ng tao at gusto ka lang nilang maisahan kaya gagantihan mo sila… o pwede mong paniwalaan na kaya mong lumikha ng sarili mong mga oportunidad, ikaw ang may hawak ng iyong kapalaran, at maraming tao ang nangangailangan ng tulong mo at kaya ka rin nilang tulungan. Ano man ang pinaniniwalaan mo, tama ka.
-
Pag-isipan mo ang Kinabukasan mo
Sabi ko sa isa kong naunang article, tinuro ni Brian Tracy (ang may-akda ng “The 100 Absolutely Unbreakable Laws of Business Success”) ang isang research na higit pa sa IQ, yaman ng pamilya, edukasyon, at iba pang mga factors, ang isang bagay na nakakapagtakda ng pag-asenso ay ang pagkakaroon ng longer-term “time perspective” (pag-iisip ng long-term). Kapag pinag-iisipan mo ang kinahihinatnan ng mga ginagawa mo araw-araw (mga 10-20 years mula ngayon), malamang gagawa ka ng mga desisyon na makabubuti sa iyo sa buong buhay mo. Hindi biglaan ang mga resulta, pero magdaraan din ang panahon at magugulat ka na lang nalo na kapag hindi ka naghanda.
Para sa iyong Gawain
-
Ang Tagumpay ay isang Habit
Napansin mo ba kung bakit, kahit pare-pareho ang maraming tao, ang iba ay nagiging mas-matagumpay at ang iba ay mas-lalong lumalala sa pagdaan ng panahon? Simple lang ang sagot, ayon kay Aristotle: “Ang pagkatao natin ay nakabase sa nakasanayan nating gawin. Ang pagiging magaling (excellence) ay hindi gawa kundi isang habit.” Palagi mong gawin ang mga nakabubuti at palagi mong makakamit ang napakabuti.
-
Gamitin mo ang iyong “Kutob”
Isa itong aral na itinuturo ng mga life coaches: “Magtiwala ka sa kutob mo.” Ang subconscious mind mo ay nakapapansin at nagagamit ang mga impormasyon na hindi kayang magamit ng iyong conscious mind, at kaya nitong magbigay ng mga solusyon sa mga matitinding problema gamit ang kutob mo. Kapag nalaman mo na ang lahat ng posibilidad, mararamdaman mo ang tamang sagot kapag nakinig ka sa puso mo. Ito ma’y ang gaan ng loob kapag papunta ka na sa interview o ang masamang kutob kapag kausap mo na ang isang kakaibang “investment salesman,” kailangan mong pag-aralan kung paano mo pagtitiwalaan ang iyong subconscious mind kapag ikaw ay nagdedesisyon.
-
Alagaan mo ang Katawan mo
Totoo ang kasabihan na “you are what you eat (ang pagkatao mo ay nakabase sa kinakain mo)”: Ang lahat ng kinakain mo ay nagiging bahagi ng bawat cell ng iyong katawan, pati na rin ang UTAK mo. Naiisip mo ba ang isang Ferrari o Porsche na gawa sa mumurahing plastik at ibinasurang bakal, tapos papatakbuhin mo ito gamit langis na krudo? Siguro nakakatakot ngang sakyan ito ng 200 miles-per-hour. Kung gaano kabuti ang galaw ng iyong isipan at katawan ay nakabase sa iyong kinakain, at may ebidensya na ang pagkain ng hindi masustansyang pagkain ay nakaaapekto sa iyong pag-iisip, kalooban, at gawain (basahin mo ang “The Hundred-Year Lie” ni Randall Fitzgerald at “Death By Supermarket” ni Nancy Deville). Dapat palagi mong aalagaan ang katawan mo sa pagkain ng masustansyang pagkain kagaya ng mga gulay at karne.
-
Alagaan mo ang mga Kaibigan at Kapamilya mo
Sabi ng ibang mga studies, ang kasiyahan mo sa buhay ay nakabase sa kalidad ng mga relationships mo. Iwasan mo ang mga toxic at manipulative na tao at alagaan mo ang mga kaibigan at kapamilya na nagpapasaya sa iyo.
-
Maging Disiplinado
Maging disiplinado ka at gawin mo ang mga kailangan mong gawin, kahit tinatamad ka. Gaya ng kung paano ang “long-term thinking” ay nakatutulong sa pag-asenso, sabi rin ni Daniel Goleman (ang may-akda ng “Focus: The Hidden Driver of Excellence”) na ang disiplina at ang kakayahang umiwas sa pagpapasaya ay isa pang abilidad na natatangi sa mga matagumpay. Kapag natitipuan mong gumawa ng isang bagay na nakakatuwa pero may masamang kahihinatnan, pag-isipan mo ang ibang bagay na mas-mahalaga at simulan mo silang gawin para maiwasan mo ang tukso.
-
SIMULAN NA!!!
Walang kwenta ang pangarap at pagplano kung hindi ka gagalaw. Kapag may mahalaga kang kailangang gawin, alalahanin mo itong self-starter na ito mula kina Napoleon Hill at W. Clement Stone: “Do it NOW!!! (SIMULAN NA!!!)”
-
Magpahinga
Minsan, ang pinakamainam na kailangang gawin ay magpahinga. Kapag nalaman mo na masyado nang mahirap ang pang araw-araw na stress at problema, magdesisyon kang magpahinga. Lumabas ka muna para magkape, o magbakasyon ka ng isang araw. Dapat wala kang gagawin na trabaho at magrelax ka lang at magsaya! Pagbalik mo, magiging mas-klaro ang isipan mo at mas-marami kang matatapos kaysa kapag nanatili kang pagod.
Para sa iyong Tagumpay
-
Gawin ang Mahahalagang Bagay
Marami na ang nakakaalam sa 80/20 rule na nagsasabing 80% ng lahat ng mabuting nagagawa mo ay nanggagaling sa 20% ng gawain mo at ang nalalabing 80% ng mga gawain mo, gaya ng panonood ng TV, atbp. at walang kwenta. Alalahanin mo na palagi mong dapat gawin ang mga mahahalagang bagay at iwasan mo ang mga walang kwenta.
-
Iwasan makipag-Tsismis
Sabi ni Eleanor Roosevelt, “ang mga matatalino ay nagkukuwentuhan tungkol sa mga idea, ang mga pangkaraniwan ay nagkwekwentuhan tungkol sa mga pangyayari, at ang mga makikitid ang utak ay nakikipag-tsismisan.” Kahit marami ang nawiwili sa tsismis, mas-mainam na pag-usapan mo ang mga plano mo para sa iyong kinabukasan kapag kasama mo ang mga kaibigan mong mature at marunong makinig (inuulit ko, piliing mabuti ang mga kaibigan). Kapag mas-maraming oras ang sinasayang mo sa pakikipag-tsismis, mas-kaunti ang magiging oras mo sa pagkamit ng mga bagong idea at pagsisikap.
-
Pwede kang mabigo sa mga bagay na ayaw mo, kaya bakit hindi mo subukang gawin ang pangarap mo?
Isa itong aral na natutunan ko mula sa commencement speech ni Jim Carrey sa Maharishi University: Pwede mong piliin ang madaling landas, gaya ng katamtamang trabaho o career… at mabigo ka dito (sa kuwento ni Jim Carrey, pinili ng tatay niya ang “safe” na trabaho bilang accountant, pero tinanggal pa rin siya). Walang kasiguraduhan sa buhay, kaya dahil may pahamak naman palagi, bakit hindi mo subukang simulan ang mga pangarap mo kaysa sa siguraduhing gagawin mo ang ayaw mo?
(Siya nga pala, umalis ako sa dati kong trabaho noong isang linggo [February 4, 2016] para gawin ang pangarap ko at mag-blog full-time.)
-
Kapag alam mong tama, Ipagpatuloy mo!
Sabi ni Calvin Coolidge, maraming edukado, talentado, at matatalinong tao na HINDI matagumpay. Ang isang bagay na kailangan para magtagumpay, ayon sa kanya, ay ang iyong Pagpupumilit (Persistence) at lakas ng loob. Kapag patuloy mong ginagawa ang isang bagay, mas-lalo kang gagaling at, balang araw, may makakamit ka rin.
Ang siyang itinanim, siya rin ang aanihin. Kapag wala ka namang itinanim, wala ka ring aanihin. Kapag binaon mo ang sarili mo sa utang, kahirapan ang aanihin mo. Kapag nag-ipon ka at nag-invest ng pera, hindi lang disiplina ang makakamit mo kundi kasaganaan at kayamanan.
Hindi nga pera ang pinakamahalagang bagay sa mundo, pero kapag marami ka nito mas-marami kang makakamit kaysa kapag wala ka. Gusto mong tumulong sa isang mahirap na komunidad sa isang mahirap na bansa? Mas-madali iyon kapag may extra kang ilang milyon para makapagpatayo ng mga paaralan at ospital kaysa kapag wala kang pera pambayad ng kuryente at tubig.
Isang napakalaking pagkakamali na ginagawa ng karamihan ay ang pag-iisip na natatapos ang edukasyon sa graduation. Mali iyon. Kaya mong makamit ang kahit anong gusto mo kapag natutunan mo kung paano ito pagsisikapan, at makakahanap ka ng walang-hanggang oportunidad kapag nalaman mo na andoon pala sila. Sa kaunting research, baka malaman mo ang mga bagay na kaya mong gawin, gaya ng pagsisimula ng online business, pag-invest sa stocks, forex trading, o real estate development. Baka matutunan mo ring mag-plano ng mga projects, mag-organize ng mga teams, at matutunan mo rin ang mga skills na kailangan mo para umasenso ka sa iyong career!
-
Ang Pagkabigo ay mga Aral na dapat Matutunan
Kaya mo bang isipin ang isang sanggol na unang nagsimulang maglakad, nadapa, ay nagdesisyon na hindi na siya maglalakad muli? Kaya mo bang isipin sina Michael Jordan o Kobe Bryant, ang dalawa sa pinakamagaling na basketbolista, na matapos pumalpak sa isang free-throw ay sumuko na at hindi na naglaro habang-buhay? Lahat tayo ay nabibigo at nagkakamali minsan, pero kailangan nating magpatuloy at pag-aralan ang ating pagkakamali kung pangarap nating magtagumpay. May libo-libo tayong oportunidad sa buhay at ang tanging paraan para mabigo ay ang pagsuko sa lahat ng mga ito.
-
Matutong planuhin ang pagbabago (dahil kung hindi, pwersahan mong haharapin ang mga masasamang pagbabago)
Dati, ang mga railroad companies ang mga pinakamalalaki sa America. Nagbago ang mundo, at ang mga kumpanyang iyon na hindi nakisama sa mga pagbabago ay bumagsak at naglaho. Maraming pagbabago ang nangyayari kada taon, kada buwan, at kada araw; ito ma’y sa teknolohiya, batas gubyerno, o ang iyong kalusugan, kailangan mong harapin at gamitin ang mga pagbabagong ito para manatiling mabuti ang buhay mo at hindi ka masupresa ng mga ito.
-
Maraming bagay ang nangangailangan ng panahon, at alalahanin mong kaunti lang ito. Gamitin mo itong mabuti.
Ang isang bagay na kailangan nating alalahanin ay walang biglaang tagumpay. Ang pinakamalalaking tagumpay sa buhay ay palaging nangangailangan ng panahon, at meron lang tayong ilang dekada para dito. Tandaan mo ang mga sinabi ni Earl Nightingale: “Huwag kang matakot sa tagal ng panahong kailangan mo para makamit ang isang bagay. Magdaraan din ang panahon; mainam na gamitin na lang natin ito sa makabubuting paraan.”
View Comments (5)
Magandang pagbabago para sa atin ito sana mabasa ng buong mundo ito.
Sa ngayon hindi lang ngayon at magpakailanman magbabago na ako
Ayos! Kailangang hindi natin kalimutan na tayo ang naglikha ng klase ng buhay natin ngayon. Kung pangarap nating umasense at gumanda ang buhay, dapat baguhin at pagbutihin natin ang ating mga gawain.
Salamat SA akin nabasa marami marami salamat kahit nasa gitna ako ngayon Ng depression ko SA buhay.. nakakahiya man sabihin Na Ang buhay ko ay sadyang sinusubuk Ng panahon SA pagiging lasenggo Hindi ko na halos ma alala Kung Anu Na nangyayare habang laseng Na laseng nko nakakahiya man Wala ako magawa Kaya after ko mag inum Na de depress ako sad story Ng buhay ko Kaya mahirap pilit ako lumalaban para SA pag babago para SA mga anak ko
Salamat po, susundin ko po ang inyong mga payo. God bless po at more power!
You're welcome po! Sana makatulong po sa iyo ang mga payo na ito!
Regards,
Ray L.
YourWealthyMind.com