English Version (Click Here)
TEKA! TUMIGIL KA MUNA!
Tumigil ka lang sandali para mag-isip. Pag-isipan mo ang ginagawa mo araw-araw at ang dahilan mo kung BAKIT mo ito ginagawa.
Marami sa atin ang nagtratrabaho at nabubuhay lang ng naka-automatic… at marami sa atin ang namamatay ng walang nakakamit na pangarap.
Paano mo babaguhin iyon? Sabi ni W. Clement Stone, may kapangyarihan kang baguhin ang kapalaran mo, at ang kapagyarihan mong iyon ay ang PAG-IISIP.
Isa iyong kapangyarihang mapapasiklab mo kapag nagsimula kang magtanong sa sarili.
Ang 7 Life Questions (Click Link para sa Full Article)
Instructions: Huwag kang magmadali at pag-isipan mong mabuti ang mga sagot mo. Tandaan mo na ang pakay ng mga tanong ay para makapag-isip kang mabuti.
Kung wala ka pang panahon sa ngayon, i-bookmark mo ang page na ito o i-Share mo sa Facebook para matapos mo ito maya-maya.
Kung handa ka na, magsisimula na tayo.
Itanong mo sa Sarili:
-
Ano ang mga Pangarap ko? Ano ang mga gusto kong makamit bago ako Mamatay?
Ang barkong walang patutunguhan ay nawawala, at ang buhay na walang layunin o pangarap ay nasasayang lang. Hindi ka makakatulong sa ilang milyong katao, hindi ka makakapag-ligtas ng buhay, at hindi ka aasenso at yayaman kung hindi mo ito ginawang layunin para mapagsikapan mo silang makamit.
-
Tama ba ang mga Pangarap ko?
Makapagtapos ng pag-aaral, Magtrabaho, Ma-promote, Mag-asawa at magkaanak, Magretiro, at Mamatay. Yun ang daang pinatutunguhan ng karamihan…
Hanggang doon ka lang ba?
Marami ang nagtratrabaho at nagsisikap para mapromote, kumikita ng pera para makabili ng mas-mamahaling bagay, at nakakalimot sa kanilang layunin sa buhay.
Pag-isipan mong mabuti ang mga pangarap mo at siguraduhin mong tama sila para sa iyo: Mga layunin na magbibigay sa iyo ng kasiyahan at sana makatutulong din sa sangkatauhan.
-
Nagbibigay ba ng inspirasyon ang mga Pangarap ko?
Ma-promote, bumili ng bagong kotse, mas-malaking bahay, atbp. Ang mga pangkaraniwang pangarap ay may pangkaraniwang resulta.
Magligtas ng buhay, magtayo ng mga paaralan at ospital, magsulat ng librong makakapagbago sa isang bayan (gaya ng “Noli me Tangere” ni Jose Rizal), atbp.
Gawing mong kaaya-aya ang mga pangarap mo para makuha mo ang “go power” o lakas ng loob para pagsikapan sila.
“Ang pagkakaiba ng mga superachievers kung ikukumpara sa karamihan ay mas-malaki ang mga pangarap nila.” – Jack Canfield
-
PAANO ko sila mapapagsikapan?
Kapag alam mo na ang mga pangarap o layunin mo, itanong mo sa sarili mo kung paano mo sila makakamit.
Kapag inisip mo na hindi mo kaya, titigil ang isipan mo. Kapag tinanong mo sa sarili mo kung “PAANO,” mahahanap mo ang paraan.
“Kung inisip mong kaya mo o inisip mo man na hindi mo kaya – tama ka.” – Henry Ford
-
Sino ang mga pumipigil sa akin na makamit ang mga pangarap ko? Sino ang mga makatutulong sa akin?
“Sabihin mo sa aking kung sino ang mga kaibigan mo at sasabihin ko sa iyo kung ano ang pagkatao mo.”
Taasan mo ang pangarap mo at aalipustahin ka ng karamihan. Kapag nakinig at naniwala ka sa kanila, ikaw lang ang siguradong matatalo. Hanapin mo ang mga makatutulong sa iyo, ang mga mas-matagumpay pa sa iyo, at makisama ka sa kanila (para malaman mo din kung ano ang mga ginawa nila para magtagumpay sa buhay).
Huwag mo rin palang kakalimutan ito: Sa pagsisikap mo, ikaw ang pinakamahalaga mong tauhan, at ikaw rin (ang katamaran at kawalan ng disiplina) ang pinakamasama mong kalaban.
-
Ano ang ginagawa ko NGAYON para pagsikapan ang mga pangarap ko?
“Ang bawat minuto mo sa buhay ay ginagamit mo para makalapit sa iyong mga pangarap, o nakalalayo sa mga ito.” – Bo Bennett
Pag-isipan mong mabuti ang lahat ng ginagawa mo araw-araw, ang ilang oras na ginagamit mo panonood sa TV o pag-browse sa Facebook, mga mahahalagang librong hindi mo binabasa, ang negosyong itinatayo mo o hindi mo pa itinatayo, atbp.
Ang lahat ng ginagawa mo at lahat ng NAKAKALIMUTAN mong gawin ay nakaaapekto sa kapalaran mo. Pwedeng pinapabuti mo ito, o pinasasama pa lalo.
-
Kailan ako Magsisimula?
Ang mga salitang “gagawin ko iyon kapag may oras ako” ay nakapatay na ng napakaraming pangarap. Hindi ka magkakaroon ng panahon kung hindi ka maglalaan ng oras para dito. Kapag nag-procrastinate ka o binalewala mo ang oras mo, alalahanin mong ang buhay mo ay unti-unting nawawala gaya ng isang nakasinding kandila.
20 years mula sa araw na ito, magsisisi ka na sana nagsimula ka na NGAYON.
Alalahanin mo ang pitong tanong at pag-isipan mo silang mabuti para maiwasan mong mabuhay ng walang katuturan.
Para maging mas-mabisa ang mga tanong:
– Isulat mo o i-print mo sila.
– Isulat mo ang mga sagot mo.
– I-post mo ang mga iyon kung saan makikita mo sila araw-araw. Huwag mong hayaan ang sarili mo na makalimot dahil sa trabaho at mabalewala mo na lang ang mga pangarap mo.
Ang mga tanong na ito ay nagsisilbing mga guides o patnubay para mahanap mo ang direksyon mo sa buhay, pero tandaan mo na ang pagsisikap mo ay magmumula sa iyo at sa iyo lamang.
- Ano ang mga Pangarap ko? Ano ang mga gusto kong makamit bago ako mamatay?
- Tama ba ang mga Pangarap ko?
- Nagbibigay ba ng inspirasyon ang mga Pangarap ko?
- PAANO ko sila mapapagsikapan?
- Sino ang mga pumipigil sa akin na makamit ang mga pangarap ko? Sino ang mga makatutulong sa akin?
- Ano ang ginagawa ko NGAYON para pagsikapan ang mga pangarap ko?
- Kailan ako Magsisimula?
Leave a Reply