English Version (Click Here)
Hindi nilikha ng Diyos ang tao upang maging mahirap.
Wala sa pagkatao natin ang angkop sa pagdurusa at paghihirap. Ang mga tao ay nilikha upang maging masagana, masaya, at matagumpay.
Hindi ginawa ang tao para magdusa, tulad ng katotohanang hindi siya ginawa upang maging baliw o kriminal.
– Orison Swett Marden, Prosperity: How to Attract It
Minsan napupunta ako sa pinakamagagandang malls at shopping centers sa Pilipinas gaya ng Greenbelt, SM Aura, Bonifacio High Street, at iba pa. Sa bawat paglingon ko may mga mayayaman na kumakain sa mga restaurant na ang bawat ulam ay mas-mahal pa sa pangaraw-araw sweldo sa isang trabahador, suot ang mga damit na kasing-mahal ng sweldo nila sa isang buwan, at bumibili ng mga gadgets na aabutin tayo ng ilang taong pag-iipon para mabili.
Sa kabilang dulo ng siyudad, ilang kilometro lang sa mga magagarang lugar ay mga komunidad na mahihirap at hindi kayang mabuhay ng sapat. Ayon sa report ng ABS-CBN tungkol sa Philippine Statistics Authority (PSA) Annual Poverty Indicators Survey (APIS) noong 2014, halos isa sa apat na Pinoy ay naghihirap. Dahil sa kawalan ng mabuting pagkakakitaan, marami ang napipilitang mamulot ng basura para makahanap ng pagkain, natutulog sa kahon sa kalsada, at nanlilimos ng ilang piso para lang mabuhay.
Habang ang ilang mga bata ay naglalaro sa lansangan dahil hindi sila kayang pag-aralin ng kanilang mga magulang (ang edukasyon ay isang susi para makaahon sa kahirapan), ang mga anak ng mga mayayaman ay binibigyan ng lubos-lubusang mga kagamitan, masustansyang pagkain, pinakamabuting edukasyon, at napakarami pa.