English Version (Click Here)
Kapag marami kang gustong makamit sa buhay, kailangan mabilis kang magdesisyon.
Alam mo ba na madalas akong lumabas at uminom ng kape para magisip ng mga bagong Your Wealthy Mind articles? Ang High Street area ng Bonifacio Global City (BGC) ay parang mahabang liwasan na may maraming tindahan tulad ng nasa loob ng malls, masasarap na kainan, at mga coffee shops. Bukod sa Starbucks, Coffee Bean and Tea Leaf, at Seattle’s Best, naroon din ang mga gusto kong Filipino coffee shop tulad ng Bo’s, Figaro, at Local Edition. Mayroon ding Cafe de Lipa sa Market Market at % Arabica sa may 30th street.
Madalas inaabot ako ng 20 minutos sa paglalakad bago ako magdesisyonn kung saan ako tatambay, iinom ng kape, at saka magiisip ng mga bagong aral at articles na gusto kong isulat para sa inyo dito. Sa kasamaang palad, hindi iyon mabuti at, sa oras na ito, hindi ito tungkol sa mamahaling kape.
Paano Pagbutihin ang Iyong Kakayahang Mag Desisyon
Ang pagpapaliban (procrastination) ay nagdadala ng pagkabigo
Maraming international chess (ahedres) tournaments ang gumagamit ng format na “blitz” chess. Mayroon kang isang minuto para magdesisyon tungkol sa susunod mong galaw at kung wala kang ginawa makakasugod ang iyong kalaban.
Sa kasamaang palad, ganoon din ang patakaran sa buhay. Gumagalaw ang oras may gawin ka man o wala, at madalas minamalas ang mga taong walang ginagawa. Kung hindi ka magdesisyong gumising ng maaga at pumasok sa trabaho, tatanggalin ka. Kung hindi ka kukuha ng trabaho para kumita ng pera, hindi ka makakabili ng pagkain tapos mamumulubi at magugutom ka. Kung hindi ka gumawa ng maintenance sa iyong kotse, mabilis itong masisira. Simple lang ang punto: Kung hindi ka magdesisyon at gumalaw, matatalo ka.
Bakit kailangan mong mag desisyon ng matatag
1. Ang pagdesisyon ay pumapatay ng pagkatakot
Sa aking nakaraang parkour article ikinuwento ko kung paano ako natutong tumalon at lumundag sa mga hadlang o obstacles nang mabuti. Kung natatakot akong lumundag patungo sa susunod na platform dahil baka mahulog ako at masaktan, magaalangan ako sa pagtalon, papalya sa paglapag at saka ako napipinsala. Kapag nagdesisyon akong lumundag kahit pwedeng masaktan ako, madalas nakakatalon ako nang malakas ang loob at ang commitment na iyon ay nagpapataas ng aking pagkakataong magtagumpay.
2. Ang pagdesisyon ay pumapatay sa panghihinayang
Nagigising ka ba sa gabi sa kakaisip ng nakaraang job offer, business, o oportunidad maginvest at nanghinayang ka kasi masyado kang nagtagal bago magdesisyon kaya ibang tao ang nakakuha dito? Sa susunod na nakahanap ka ng mabuting oportunidad pero hindi ka sigurado kung kukunin mo ito, alalahanin mo na mabuti ring ayawan ang mga magagandang oportunidad na hindi ka pa handa. Hindi pa tapos ang mundo at marami namang dadating na iba pa.
3. Ang pagdesisyon ay nagpaparami ng iyong pagkakataong magtagumpay
Lalagpasan ka ng napakaraming oportunidad kung wala kang ginagawa, kaya pagdesisyonan mo ang bawat isa sa mga iyon. Magpasya kang iwanan ang mga oportunindad na hindi nararapat para sa iyo at ang mga ayaw mo naman talagang kunin, tapos huwag mo na ring isipin ang mga “what ifs” o posibilidad. Sa mga oportunidad na kinuka mo at pumalya ka, isipin mo na lang ang iyong mga natutunan mula sa karanasang iyon. Sa mga oportunidad na kinuha at pinagtagumpayan mo, pagisipan mo sila saglit at paghandaan mo na ang susunod mong mga gagawin. Sa isang basketball game na nagtatagal ng isang oras, mas mabuting magshoot ng 100 na hindi sigurado pero maayos na shot at pumasok ang sampu kaysa sayangin ang buong game kakaisip sa isang shot o posisyong gusto mong kunin.
Paano Pagbutihin ang Iyong Kakayahang MagDesisyon
1. Huwag mag assume
Sabi ni Jerry Belson “Never ASSUME, because when you ASSUME, you make an ASS of U and ME.” (Huwag mag-assume, dahil kapag ikaw ay nag-assume, ginagawa mong bobo tayong dalawa). Isipin mo tinaggal mo ang isang empleyado dahil hindi sila nakapasok sa trabaho. Inakala mo tamad lang sila, pero sa katotohanan naaksidente pala sila at naospital. Isipin mo binabaan mo ang telepono dahil akala mo ito’y isang telemarketer pero ang totoo ito pala ay representatibo ng kumpanyang gusto ka sanang bigyan ng mas mataas na posisyon at sahod.
Sa Pilipinas may kasabihan tayo, “maraming namamatay sa maling akala.” Bago ka magdesisyon sa isang bagay, kailangan mo munang alamin ang pinakamahahalagang impormasyon tungkol dito.
2. Magtiwala ka sa kutob mo
Ito ay isang payo na ginagamit ng maraming top leaders tulad nina Jack Welch (dating CEO ng GE), at dahil napakahalaga nito itinuturo din ito sa mga sundalong nakadeploy sa giyera (basahin mo ang librong Left of Bang na isinulat nina Van Horne, Riley, at Coyne). Ang ating utak ay nagproproseso ng mas maraming impormasyon kaysa sa pinagiisipan natin. Isipin mo na lang kung paano inaalala mo ang huling palabas sa TV na napanood mo habang nagmamaneho ka sa isang highway. Hindi mo kailangang magconcentrate sa bawat kotse sa paligid mo o pagisipan kung paano tapakan ang preno kapag huminto ang bus sa harapan mo. Kapag magaling ka nang magmaneho, alam na ng isipan mong kalkulahin ang mga kailangan nitong gawin.
3. Magdesisyon ka kahit hindi mo alam ang lahat ng detalye
Isipin mo isang Sabado dumalo ka sa party at kakaalis mo lang mula dito ng 2am. Habang naglalakad ka pauwi, napansin mo na may isang tao na nakahood, shades, at face mask sa madilim na eskinita. Nakabulsa ang kamay nila at lumalapit sila mula sa likuran mo. Ano ang gagawin mo?
Mabuti nang tumakbo. Siyempre, hindi mo naman dapat iassume na kriminal siya no? (Inassume mo rin bang lalaki iyon?) Baka empleyado sila ng ibang kumpanya na magbibigay sa iyo ng executive position sa bago nilang branch! Malabo nga naman iyon.
Iisipin mo salungat ito sa “huwag mag-assume” na payo, pero hindi naman. Sabi ko nga, “kailangan mo munang alamin ang pinakamahahalagang impormasyon tungkol dito.” Ano ang mga mahalagang impormasyon na nakuha mo? Una, nakasuot siya ng hood, mask, at shades para itago ang kanyang identidad. Madalas mga artista o kriminal lang na ayaw magpakita ng mukha ang gumagawa noon. Ikalawa, nagtatago sila sa madilim na eskinita sa alas dos ng madaling araw at nilalapitan ka nila mula sa likuran mo. Ang paggalaw na iyon ay kapareho ng kung paano nilalapitan ng mga kriminal ang kanilang mga biktima. Limitado ang impormasyon (hindi mo alam ang kanilang tunay na pakay), pero sapat na ito para makapagdesisyon ka. Ano ang dapat mong gawin? Magtiwala ka sa kutob mo. Tumakbo ka na (sana papalapit sa pinakamalapit na pulis).
Ang Pagsusuri ng isang Milyonaryo
Si Andrew Carnegie, ang isa sa pinakamayamang tao sa panahon niya, ay napansin na ang kayamanan niya ay nagmula sa kaalaman niya at mga aral sa buhay na natutunan niya mula sa kanyang mga karanasan. Hinangad niyang may gumawa ng pilosopiya tungkol sa kung ano man ang natutunan nila ng mga kakilala niyang matagumpay sa buhay, at ginusto niya na may magturo nito sa iba. Kinausap niya ang higit sa 250 na kandidato para dito hanggang nagkataon na may nakilala siyang lalaki na pinadala ng isang magazine para mag interview sa kanya.
Pagkatapos ng interview, sinabi ni Carnegie sa kanya ang tungkol sa proyekto at itinanong niya kung magvovolunteer siya na gumamit ng ilang dekada, higit 20 taon, para magresearch at kumpletuhin ang pilosopiya ng tagumpay. Nag-isip sandali ang lalaking iyong at sumagot siya, “Oo, hindi ko lang kukunin ang trabahong iyon pero tatapusin ko!”
May hawak si Carnegie na stopwatch noon. Kapag hindi nagdesisyon ang lalaki sa loob ng 60 segundo, hindi niya ibibigay ang oportunidad. Ang lalaki ay nakasagot sa loob ng 29 segundo.
Baka kilala mo ang lalaking kausap niya. Iyon si Napoleon Hill, ang may akda ng Think and Grow Rich at isa siya sa pinakakilala at pinararangalang manunulat ng mga self-help books sa buong mundo.
Sinabi ni Carnegie kung bakit inoorasan niya ang sagot:
“Sa karanasan ko ang tao na hindi makapagdesisyon ng mabilisan, kapag alam na ang lahat ng kailangan para sa desisyon ay inilantad, ay hindi pwedeng asahan para tapusin ang kahit anong desisyon na gagawin nya. Nalaman ko rin na ang mga taong mabilis magdesisyon ay kayang magtrabaho ng may mabuting pinatutunguhan sa iba-ibang bagay.”
Sa madaling salita, ang mabagal magdesisyon ay madalas pumapalya sa paggawa ng gusto nila at ang mga mabilis magdesisyon ay madalas maraming natatapos.
Ang kakayahang magdesisyon ng mabilis ay may malaking tulong na maidudulot at ito’y mainam na sanayin natin. May mga desisyon ka bang pinapabayaan? Isang planong magbakasyon, isang pagpalit ng career, pagbili ng isang bagay para sa iyong negosyo o opisina, o iba pang bagay? Pwede mong tanggapin o tanggihan, o gumawa ng ibang bagay tungkol dito. Ano man ang mangyari, kailangan mong magdesisyon tungkol dito. Pag mas mabilis kang nagpasya, mas mabuti.
The world will forgive you if you make mistakes, but it will never forgive you if you make no decisions.
— Napoleon Hill
(Papatawarin ka ng mundo kapag ikaw ay nagkamali, pero hindi ka nito papatawarin kapag hindi ka nagdesisyon.)
Leave a Reply