*Ang article na ito ay naglalaman ng affiliate links.
English Version (Click Here)
Kamakailan lang nainvite ako para gumawa ng speech para sa PETFI annual dinner at inisip ko kung ano ang gusto kong pag-usapan. Dahil ang karamihan sa mga makikinig ay mga estudyante (scholars) at ang kanilang mga magulang, nagdesisyon akong ituro ang ilan sa mga bagay na isinusulat ko dito sa YourWealthyMind.com! Mga bagay na makakatulong sa buhay! Eto ang limang aral sa buhay na pwedeng makatulong sa iyo at sa iyong career.
Limang Mabuting Aral sa Buhay (That Can Help Your Career)
1. Isipin mong kaya mo, subukan, at PAG-ARALAN!
Kung may nakita kang job offer (o oportunidad para magnegosyo) na gusto mo, subukan mo lang magsend ng application! Huwag mong kakalimutan na kung sinubukan mo, kahit may pagkakataong pumalya ka, mas-mahalaga pa doon ay ang pagkakataong MAGTAGUMPAY ka. Kung hindi mo susubukan, edi siguradong talo ka. Ito ang itinuro ni Wayne Gretzky noong sinabi niyang pumapalya ka ng 100% sa lahat ng basketball shots na hindi mo sinubukan.
Isa akong psychology graduate at inisip ko ako’y magiging human resource employee sa isang kumpanya. Tapos nakakita ako ng trabahong gusto ko… sa computers at community care. Noong nagsimula ako, hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Buti na lang tinuruan ako ng mga supervisors ko dati at nagawa ko naman ng mabuti ang aking trabaho sa susunod na anim na taon. Tapos umalis ako at nagsimulang magsulat ng libro, at ng blog. Para naman sa blog ko, kinailangan kong matutunang magsulat ng mabubuting blog posts, magmarketing, social media, time management, at marami pang iba. Buti na lang, kung nagkaproblema ako, nakakahanap naman ako sa internet ng mga solusyon para sa aking mga problema. Hindi pa ito pumapalya, kahit marami pa akong kailangang matutunan at gawin.
Huwag mo itong kalilimutan: Kung makahanap ka ng mabuting oportunidad, subukan mo lang at pag-aralan mo kung paano mo ito mapapagana!
2. Maging “tamad.” Maghanap ka ng paraan para padaliin ang iyong trabaho.
Madalas kong ginagamit ang MS Excel sa opisina dati kaya marami akong experience sa paggamit noon. Kapag nakakuha ka ng data at gusto mo itong ayusin alphabetically, pwede mo itong icopy-paste isa-isa ng mano mano at, depende sa kung gaano karami ang data na aayusin mo, pwedeng ilang ORAS kang magtratrabaho… pwero pwede mo ring pindutin lang ang “sort and filter” button sa toolbar at tapusin ito ng ilang segundo lamang. Sa dati kong trabaho naaalala ko ang ilan kong katrabaho na gumagawa ng makukulay na data sheets na napakaraming formatting, pero kapag gusto mong gamitin ang data, ito’y nageerror dahil sa “magandang formatting” na iyon. Huwag mong gagawin ang ganoon. Simplehan mo lang ang lahat ng trabaho, ALAMIN mo ang mga shortcuts, at maghanap ka ng paraan para mapadali ang buhay mo.
Kung gusto mong padaliin din ang iyong buhay, kailangan alalahanin mo din ang Pareto principle: 20% lang ng lahat ng iyong gawain ay nagbibigay ng 80% ng iyong resulta. Sa kabilang dako naman nito, 80% ng lahat ng iyong ginagawa ay walang kwenta, gaya ng pagbrowse ng facebook para makitsismis, atbp. Halimbawa, sa trabaho at iskwelahan, mga 20% lang ng gawain mo ang makakagawa ng mabuting resulta, kumita ng pera, o magpatalino sa iyo at magbigay ng mabubuting grades. Unahin mo ang mga iyon! Ang ginawa ko sa trabaho ay tinapos ko muna ang mga mahahalagang trabaho gaya ng reports, events, atbp. mula 8am ng umaga. Pagdating ng 11am, tapos na ako sa aking workday at libre na akong gawin ang gusto ko hanggang 5pm. Ano naman ang ginawa ko sa aking nalalabing oras? Kaysa sayangin ko (yun ang 80% na walang kwentang gawain), nagsimula ako magsulat ng libro at blog.
May pagkakaiba ang pagiging busy, at pagiging EFFECTIVE. Dapat ikaw ay EFFECTIVE.
3. Magpakabuti ka.
May C.A.T. (Citizen Army Training) kami noong high school at isa sa pinakamahalagang aral na natutunan ko ay ang mga salitang ito: “We, the cadets, do not lie, cheat, steal, nor tolerate among us those who do so.” (Kaming mga kadete ay hindi nagsisinungaling, nandaraya, o pumapayag sa mga gumagawa ng mga iyon.)
Hindi lang iyon para sa mga kadete—iyon ay para sa LAHAT.
Itatanong ko sa iyo ito: Isipin mo may dalawa kang empleyado. Ang isa tamad at walang ginagawang trabaho, nangpepeke ng sakit, at palaging nagsisinungaling. Nagkakalat din sya ng masasamang tsismis tungkol sa ibang katrabaho (at malamang tsismis tungkol sa iyo) at gumagawa din sila ng pekeng pangako para makakuha ng magandang posisyon sa kumpanya. Sa kabilang dako naman, ang isa mong empleyado ay nagtratrabaho ng mabuti, nagsasabi ng totoo (kahit hindi mo gusto ang maririnig mo—hal. bumaba ang sales dahil sa kasalanan ng iyong team, atbp.), at overall isa siyang mabuting tao. SINO ANG IPOPROMOTE MO? Sino ang aangat sa buhay? Sino ang magiging talunan at mananatili sa mababang posisyon?
Eto ang isa pang tanong: Ang isang tindahan ay nagbebenta ng peke, cheap, at defective na gamit sa matataas na presyo at nandadaya sila sa kanilang mga customers para makakuha ng pera. Ang isang tindahan naman ay nagbebenta ng dekalidad na kagamitan sa tamang presyo para kumita. Saan ka bibili? Saan bibili ang karamihan? Aling negosyo ay hindi malulugi?
Malamang ang ilang mandaraya at sinungaling ay aasenso at makakakuha ng posisyon at pera sandali, at baka matagal ang sandaling iyon, pero tandaan mo ito… hindi magiging mabait ang karma sa mga mandaraya at sinungaling.
4. Palaging may mas-magaling sa iyo.
Para sa mga estudyante sa PETFI dinner, alam ko marami sa kanila ay mga iskolar. Pinakamatataas na grades, top sa klase, at pati na rin sa school. May isa silang kailangang alalahanin. Isa ring bagay na kailangan NATING alalahanin: palaging may mga mas-magaling sa atin. Mga mas-matalino, mas-maganda o mas-gwapo, mas-matangkad, mas-malakas, mas-mayaman, at mas-matagumpay kaysa sa atin. Para sa iba sa atin, ang natural reaction ay pintasan sila at ang kanilang mga kakayahan at tagumpay para iangat ang ating sarili at ang ating ego.
Huwag mo itong kakalimutan: kahit gaano mo pababain ang iba, hindi ka magiging mas-mabuting tao dahil dito. Hatakin mo ang iba sa putikan kasama mo at hindi ka makakaahon—magiging mas-marumi ka lang.
Ano ang pinakamabuting gawin? Simple. Pag-aralan mo ang nagawa nila. Masasabi ko sayo, mas-magaling at mas-mayamang entrepreneur si Guy Kawasaki kaysa sa akin… kaya binabasa ko ang libro niyang “The Art of the Start 2.0.” Mas may alam si Josh Kaufman sa akin tungkol sa pagnenegosyo, kaya binabasa ko ang libro niyang “The Personal MBA.” Si Olivia Fox Cabane ay isang executive coach ng ilang Fortune 500 companies, kaya binasa ko ang libro niyang “The Charisma Myth.” Si Guro Christophe Verdot naman ay mas may alam sa Pekiti Tirsia Kali, yoga, Brazilian jiu jitsu, at ilang iba pang fighting styles kaysa sa akin, kaya nagpapaturo ako sa kanya sa klase niya sa BGC.
Palagi kang makakahanap ng mas-magaling, mas-experienced, at mas-successful na tao sa iyo. Kaysa punahin at pintasan mo lang sila dahil naiinggit ka, bakit hindi mo pag-aralan ang mga nagawa nila at gamitin mo ang mga natututunan mo para IKAW DIN ay MAG-TAGUMPAY?
Sa wakas, eto ang isa sa pinakamahalagang aral na gusto kong matutunan mo.
5. Kung hindi ka pa successful sa ngayon, ibig sabihin hindi mo pa natututunan ang kailangan mo.
Ito’y galing sa “The Secrets of the Millionaire Mind” ni T. Harv Eker. Nasa twenties siya noon at nagtayo siya ng iilang negosyo… pero lahat sila pumapalya. Marami siyang potential, gaya nating lahat dito, at nagsikap siya ng mabuti gaya ng iilan sa atin, pero hindi pa rin siya magtagumpay. Isang araw, may mayamang kaibigan ng kanyang tatay ay bumisita at napansin niyang kailangan ni Harv ng tulong. Yun ang dahilan kung bakit itinuro niya ito:
“If you’re not as successful as you like, it means there’s something you don’t know.” (Kung hindi ka kasing-tagumpay ng gusto mo, ibig sabihin noon may hindi ka pa alam.)
Ilang beses na akong nagsulat tungkol dito dahil napakahalaga nitong aral na ito. Kung gusto mong umasenso sa buhay, kailangan may matutunan kang bago! At hindi ito mga bagay na hindi mo magagamit sa buhay mo—kailangan mong matutunan ang mga bagay na MAKATUTULONG. Para sa karamihan ng estudyante na makikinig sa aking speech, sila’y merong kaalaman para makapasok sa isang entry-level position. Sana hindi sila manatili sa lebel na iyon habang buhay. Tandaan mo ito: Kung wala kang iba pang pag-aaralan tulad ng, halimbawa, mga leadership skills at experience o expertise sa iyong trabaho, edi hindi ka aasenso. Kung hindi ka magaaral ng mabubuting marketing techniques para sa iyong negosyo, paano makipagtungo sa iyong mga customers at suppliers, at paano pagbutihin ang iyong mga produkto at business system, edi hindi makakatulong sa iyo ang iyong bagong MBA diploma.
Totoo rin ito para sa ating mga nagtratrabaho na. Ano ang kailangan mo para umasenso? Ano ang kailangan mo para mapromote? Ano ang kailangan mo para palaguin ang iyong negosyo? Ano ang kailangan mo para kumita pa ng pera? Ano ang kailangan mo para hindi masyadong gumastos o mabaon sa utang para makabili ka na ng bahay at kotse? Kailangan mo bang matuto ng leadership at time management skills? Kailangan mo bang matuto ng mas-mabuting social media marketing techniques? Kailangan mo bang matuto ng personal finance, paano magbayad ng utang, at paano mag-invest ng maayos para makakuha ng maayos na returns?
Kung itatanong mo sa akin, mahirap ang trigonometry. Mahirap ang fluid dynamics. Mahirap ang law. Mahirap ang medicine. Pero may mga engineers, lawyers, at doktor dito diba? At alam nila ang mga bagay na iyon dahil pinag-aralan nila iyon. Alam mo ang mga mahihirap at komplikadong bagay sa iyong trabaho dahil pinag-aralan mo sila. Ganoon din sa leadership at management, personal finance, at investing. Ganoon din sa marami pang ibang bagay sa mundo. Mukhang mahirap ang mga bagay kung hindi mo alam gawin ang mga ito, pero kapag napag-aralan mo na sila at may ilang taon ka nang practice, edi madali na lang sila para sa iyo. Totoo iyon sa lahat ng gusto mong matutunan.
Ang isa sa pinakamalaking pagkakamaling pwede mong gawin ay isipin na tapos na ang iyong edukasyon pagkagraduate mo. Ang buhay ay permanenteng proseso ng pagpapabuti sa sarili at pag-aaral sa buhay. Kung gusto mong umasenso, kailangan alalahanin mo ito: Kailangan mong matuto pa para palakihin ang iyong kinikita. You have to learn more to EARN MORE.
Tandaan!
Isipin mong kaya mo ang pangarap mong gawin, subukan, at PAG-ARALAN!
Gamitin mo ang utak mo at maghanap ka ng paraan para maging mas-madali ang iyong trabaho.
Magpakabuti ka.
Pag-aralan mo ang mga ginawa ng mga mas-successful kaysa sa iyo.
Huwag kang titigil sa pag-aaral at pagpapabuti sa sarili.
Siya nga pala, may isa pa akong aral dito. Huwag mong kalimutang pasalamatan ang lahat ng tumulong sa iyo. Para sa mga magulang na makikinig sa aking speech (at sa inyong nagbabasa nitong aking article), kahit hindi mo ito maririnig palagi, tandaan mo na naaappreciate ng iyong mga anak ang mga ginagawa mo. Masyado lang kaming mahiyain para sabihin sayo na thank you at “I love you.”
Leave a Reply