English Version (Click Here)
Malapit nang maganap ang Philippine presidential elections at naaalala ko na may ibang nag-iisip na “kung hindi corrupt ang gubyerno mayaman na kami!” o “mahirap kami dahil hindi maayos ang gubyerno!” Sa mga ganitong panahon, ang ilang kandidato ay pinupuri bilang tigapagligtas na makakapagpabago sa bansa at malulutas nila agad ang mga problema ng sambayanan kapag sila’y naging presidente. Bilang side-effect nito, may ibang nagiisip na kapag nanalo ang kandidato nila at nagbago nga ang namumuno sa gubyerno, ang lahat din ng mga problema nila (pinansyal man o hindi) ay malulutas din.
Kahit totoo nga na ang korupsyon at iresponsabilidad sa gubyerno ay nakakasira ng kabuhayan ay kasaganaan ng sambayanan o nagpapahirap sa buhay, mali ang pag-iisip na kapag mas-mabuti na ang gubyerno ikaw ay biglaang aasenso mula trabahador at ika’y magiging bilyonaryo ng wala kang ginagawa. Magiging mas-mabuti nga ang kalagayan ng bansa (o magiging mas-masama), pero wala iyong ikabubuti sa kahit sino sa atin kapag wala tayong ginawa para sa ating sari-sariling kalagayan.
Ano ang nagagawa ng gubyerno?
Marami, pero ito ang iilang pwedeng gawin ng gubyerno:
Makakagawa ito ng magagandang daanan at highway, institusyon, at iba pang uri ng infrastructure na nakabubuti sa sambayanan gaya ng pampublikong paaralan, ospital, silid-aralan, parks, public gymnasiums, at marami pang iba.
Makakagawa rin ito ng mabubuting batas na nagpapahusay at napangangalagaan ang ating kapakanan gaya ng mga batas laban sa krimen at nakasasamang gawain. Ito rin ay nakakapagbigay ng mga paraan kung paano ito ipapatupad gaya ng pulis, militar, at iba pang mga institusyon.
Gamit ang mga batas at infrastructure na iyon, ang gubyerno ay makapagbibigay ng mga bagay na nakabubuti gaya ng pagtulong sa mga maliliit na negosyo (hal. BMBE sa RA 9178), pagtulong sa mga magsasaka, Social Security (SSS), pension sa mga nagretiro, at iba pa.
Ang hindi kayang gawin ng Gubyerno:
Payamanin at pasayahin ka.
Uulitin ko na hindi porke’t nanalo ang kandidatong gusto mo, magkakaroon ka bigla ng fairy tale happy ending kung saan ikaw ay biglaang aasenso o magiging perpekto ang mundo mo. Magsaya ka hanggang gusto mo, pero kapag ipinagpatuloy mo ang palagi mong ginagawa sa iyong trabaho o negosyo at wala kang karagdagang ibinibigay, hindi aasenso ang iyong sweldo o kinikita kahit sino pa man ang maging presidente.
Huwag ka nang maghintay na magbago ang gubyerno o ang mundo dahil kung mangyari man ito, wala itong ikabubuti para sa iyo kung hindi mo babaguhin ang iyong gawain. Kung pangarap mong sumaya at umasenso, kailangan ikaw pa rin mismo ang magsisikap ng husto!
Ito’y ipinahayag ng mabuti ni Theodore Roosevelt, ang ika-26 na presidente ng United States of America:
“There never has been devised, and there never will be devised, any law which will enable a man to succeed save by the exercise of those qualities which have always been the prerequisites of success: the qualities of hard work, of keen intelligence, of unflinching will.”
(Walang isinagawa, at walang maisasagawang batas na hahayaang magtagumpay ang isang tao bukod sa paggamit ng mga kalidad na kinakailangan para umasenso: pagsisikap, katalinuhan, at lakas ng loob.)
Ang pagbibigay-sala sa gubyerno para sa ating sariling kasalanan at pagkabigo ay hindi nakakatulong. Kailangan nating bumoto ng tapat, pero kailangan rin nating alalahanin na tayo lamang ang responsable sa pagsisikap para sa ating sariling pagtagumpay o pag-asenso.
Lani says
nice works