English Version (Click Here)
“Be fearful when others are greedy, and greedy when others are fearful.” Matakot ka kapag nagiging sakim o mapagkamkam ang iba, at maging sakim o mapagkamkam ka kapag natatakot ang iba. Iyon ang sinabi ni Warren Buffett, ang chairman ng Berkshire Hathaway at siya ang isa sa pinakamahusay na investors sa buong mundo.
Paano mo magagamit ang payong iyon para maging mas mahusay sa pag-invest? Basahin mo muna ito!
Greed at Fear (Kasakiman at Pagkatakot): Ang Dalawang Emosyon sa Pag Invest
Greed (Kasakiman o Pagiging Mapagkamkam)
Inimbita ka na ba ng isang kaibigan o kamag-anak para sumali sa isang “napakagandang” oportunidad? Ang kailangan mo lang gawin ay bumili sa kanila ng isang “business kit”, tapos magiimbita at pipiliton mo ang ibang tao na bumili nito mula sa iyo, tapos kailangan naman nilang pilitin ang iba para bumili sa kanila… etcetera etcetera. Alam mo naman na kung paano gumagana ang mga pyramid o multilevel marketing scam. Kilala na ito ng mga tao, pero marami pa rin ang kumakagat dahil sa pangako nitong “easy money” o mabilisang pagpapayaman.
Parang ganoon gumana ang “greed” o kasakiman sa stocks at investment market. Makakarinig ka paminsan minsan ng mga “napakagandang” bagong kumpanya o investment na KAILANGAN mong bilihin ngayon dahil ito daw ay isang “sure win” na investment. Tapos, pag nag-invest ka nga, malalaman mo na lang na hindi pala talaga ito “sure win” at saka ka malulugi at mawawalan ng maraming pera.
Madalas mangyari iyon. Makakarinig tayo minsan ng “hot tips” tungkol sa mga popular na kumpanya at investments at maiisipan nating maglagay ng pera sa mga iyon. Sa kasamaang palad, kung ang isang stock, fund, o iba pang investment ay TALAGANG mabuti, ang mga malalaking institutional investors (fund managers, bankers, atbp.) ang unang makakaalam tungkol dito. Sa panahong napapagusapan na ito ng mga ordinaryong tao tulad natin, madalas tumaas na nang sobra ang presyo nito kumpara sa tunay nitong halaga, at kapag nag-invest nga tayo may pagkakataong pababa na pala ang presyo nito.
Para sa karamihan sa atin, mas mabuting ilagay natin ang pera natin sa mga mas-stable (matatag) at secure na investments kaysa mag-“speculate” o manghula tungkol sa susunod na mabuting investment. Sa susunod na pagkakataong maisip mong subukang talunin ang market sa pag invest sa isang di kilalang “amazing” investment, alalahanin mo ang babala ng isang kilalang hedge fund manager (Michael Steinhardt): “that I’m their competition (na ako ang kakompetensya nila)“. Sigurado ka ba talagang kaya mo silang talunin?
Huwag nating hayaan na ang ating greed o kasakiman ang gagawa ng ating mga desisyon tungkol sa pera at investment. Kailangan nating mag-research at mag-invest kapag nararapat nga na mag-invest. Hindi natin dapat isugal ang ating pera sa mga tsismis lamang.
Tandaan: If it’s too good to be true, it probably is. Kapag sobrang ganda ang isang balita na hindi ito kapani-paniwala, malamang hindi nga talaga ito totoo.
Go slow. The gambling instinct, the effort to make a fortune quickly, a lot of money for a little investment, is the cause of more unhappiness, of the poverty condition in more homes, than anything else I know of.
— Orison Swett Marden, Prosperity: How to Attract It
(Dahan dahan ka lang. Ang kagustuhang magsugal, ang kumita ng yaman nang mabilisan, maraming pera mula sa maliit na investment, ay nagdulot ng mas maraming kalungkutan at kahirapan sa napakaraming pamilya.)
Fear (Pagkatakot)
Bukod sa kasakiman o pagiging mapagkamkam, ang pagkatakot ay ang isa pang emosyon sa stock market (o sa iba pang investment market). Kung mayroong bad news o hindi kaaya-ayang tsismis, malamang magsisitakbuhan ang mga tao mula sa investment o market na iyon at magsisibentahan sila. Dahil doon, bababa ang presyo ng mga investment. Nakita ko itong mangyari noon sa mga ekonomiya o bansa noong ako ay nagtra-trade sa FOREX (currency) market, at ang ganoong pangyayari ay nangyayari din sa mga stocks at iba pang investment.
Dahil sa pagkatakot, ang hindi mabuting tsismis nagiging basehan ng mga tao para magbenta nang palugi kahit napakaganda pa rin ang kita ng investment o kumpanya. Kung maayos pa rin ang fundamentals (ang pagtakbo ng negosyo o investment), malamang tataas uli ang presyo ng investment ayon sa tunay nitong halaga. Kung nakinig ka sa hindi magandang tsismis, malamang nagbenta ka na nang palugi at nalagpasan mo rin ang oportunidad para kumita pa mula sa patuloy na pag-invest dito.
Kung hinayaan mong kontrolin ng iyong pagkatakot ang mga desisyon mo tungkol sa pag-invest, malamang:
- Mawawalan ka ng pera dahil naniwala ka sa mga masasamang tsismis at nagbenta ka nang palugi.
- Hindi mo bibilihin ang mabubuting kumpanya sa mga mas-murang halaga dahil natatakot kang bababa pa ang mga presyo nito (kahit maayos pa rin ang pagtakbo ng mga kumpanya).
- Itatago mo pa rin ang mga pabagsak na stocks dahil umaasa kang tataas uli ang presyo nito at natatakot kang mawalan ng kita (kahit sinasabi na ng mga fundamentals nito na tunay ngang bumabagsak ang kumpanya).
KAILANGAN mo palaging magresearch
Huwag mong hayaang kontrolin ng iyong mga emosyon ang mga desisyon mo tungkol sa investments. Pagpuhunan mo ang mga karapat-dapat pagpuhunan at iwasan mo ang mga ingay at tsismis sa investment market. Bumili ka kapag mainam nga na bumili, at magbenta ka kung mainam magbenta (hal. kung pumapalya talaga ang kumpanya, nagrerebalance ka ng portfolio, atbp.).
Kung may narinig kang magandang investment na “pinaguusapan ng lahat”, mag-ingat ka. Ang investment na iyon ay malamang overpriced na, at baka mawalan ka ng pera dahil binili mo ito nang mahal (“buy high”). Baka mapwersa kang magbenta pag bumaba ang presyo nito. Posible din na scam o modus lang pala ito, kaya magresearch ka!
Sa kabilang dako naman, kung naririnig mong bumabagsak ang market, kailangan mo pa ring mag-ingat pero ngayon pwede ka nang magresearch at maghanap ng mga magagandang oportunidad. Baka maraming magagaling na kumpanya ang nagiging discounted (mas mababa ang presyo) sa panahong iyon, at baka tamang panahon iyon para bumili at mag-invest habang mura o mababa ang mga presyo nila.
Matakot ka kapag sakim o mapagkamkam ang iba, at maging mapagkamkam ka kapag natatakot ang iba. Alinman sa dalawa, kailangan mo palaging magresearch.
It is precisely when the market looks worst that the opportunities are the best, precisely when things are good again that the opportunities are slimmest and the risks greatest.
— Andrew Tobias, The Only Investment Guide You’ll Ever Need
(Talagang naroon sa panahong nagmumukhang pangit ang market kung saan pinakamabuti ang mga oportunidad, at sa oras na mukhang maayos na ang lahat, naroon ang panahong pinaka kakaunti ang oportunidad at pinakamalaki ang panganib.)
Sana nagustuhan mo ang article na ito! Subukan mong basahin din ang iba naming isinulat tungkol sa pera at investing dito:
- Konserbatibo or Agresibo? Paano Pumili ng Investments Ayon sa Iyong Kakayahang Sikmurain ang Panganib (o “Risk Tolerance”)
- Trading Basics: Stock at Forex Trading Terms para sa mga Baguhang Investors
- Ano ang Diversification at Paano Protektahan ang Iyong Investment Portfolio
[…] Bilang investors, ang magagawa lang talaga natin ay magdesisyon ayon sa ating research. […]