English Version (Click Here)
Pinagusapan na natin kung gaano kahalaga ang pagkakaroon ng pangarap at paggawa ng tiyak na layunin o goals. Pinagusapan na rin natin kung paano ipagpatuloy ang pagsisikap kapag hindi natin nakamit ang mga gusto natin. Sa ngayon naman, paguusapan natin ang isang mas kumplikadong bagay. Paano makamit ang “happiness” o kaligayahan sa buhay.
Buti na lang, may mabuting aral si Richard Carlson tungkol dito. Basahin mo lang ito para matutunan mo rin ang sikreto!
Paano Maging Maligaya sa Buhay
Marami sa atin ang pinapangarap maging maligaya, pero marami rin sa atin ang may maling idea tungkol sa pagkamit nito. Iniisip natin na kapag may milyon-milyon tayong ipon sa bangko, asawa, mansion at summer villa, o maipagpatapos ang ating mga anak sa isang kilalang kolehiyo, magiging maligaya na tayo.
Iniisip natin na balang araw kapag nakamit na natin iyong isang layuning gustong gusto natin, magkakaroon tayo ng “happily ever after”. Sa kasamaang palad, hindi ganoon ang buhay.
Pwedeng makamit natin ang mga dakilang bagay o pangarap sa buhay, pero wala naman talagang happy ever after. Katulad lang nito ang isang zen proverb, “after enlightenment, the laundry” (matapos makamit ang enlightenment, kailangan maglaba uli). Pagkatapos nating magawa ang isang layunin, panandalian lamang ang kasiyahang makukuha natin. Tuloy pa rin ang buhay at gigising lang tayo kinabukasan na may mas maraming trabahong kailangang tapusin, mas malalaking bagay na gustong bilhin, at marami pang problemang kailangang ayusin.
Paano nga ba natin makakamit ang “happiness” o kaligayahan sa buhay?
Ito ang isa sa pinakamahalagang aral mula sa librong Don’t Sweat the Small Stuff . . . and It’s All Small Stuff ni Richard Carlson, at malamang mabuting matutunan mo rin ito. Ipinahayag ni Carlson ang sinabi ni Alfred D’ Souza:
“Happiness is a journey, not a destination. For a long time it seemed to me that life was about to begin—real life. But there was always some obstacle in the way, something to be gotten through first, some unfinished business, time still to be served, a debt to be paid. At last it dawned on me that these obstacles were my life. This perspective has helped me to see there is no way to happiness. Happiness is the way. So treasure every moment you have and remember that time waits for no one.”
Pagsasalin: Ang kaligayahan ay isang paglalakbay, hindi isang lugar na pinupuntahan. Sa matagal na panahon akala ko parang nagsisimula pa lamang ang buhay—ang tunay na buhay. Pero mayroon palaging hadlang, isang bagay na kailangan maresolba, trabahong hindi pa natatapos, oras na kailangan pang ibigay, utang na kailangang bayaran. Sa wakas naunawaan ko na ang mga hadlang na ito ay ang buhay ko. Itong pananaw na ito ay nakatulong sa aking makita na wala namang landas patungo sa kaligayahan. Kaligayahan pala ang landas. Maging masaya ka sa bawat oras na mayroon ka at alalahanin mo na walang hinihintay ang pagdaan ng panahon.
Ang kaligayahan ay hindi permanenteng bagay na nakukuha kapag nakamit mo ang isang pangarap. Ito’y isang kalagayang kaya mong makamit sa kahit anong oras. Hindi natatapos ang mga problema at walang katapusang ang ating mga kagustuhan sa mundo, pero hindi ito sinyales na hindi tayo pwedeng maging masaya o maligaya sa kung ano man ang mayroon tayo ngayon o na hindi tayo pwedeng maging maligaya habang nagsisikap sa buhay.
Isipin mo na lang kapag malapit ka nang sumakabilang-buhay at nalamang mong habang nagtratrabaho ka para makabili ng mas magandang kotse o mas malaking bahay at mas magarang damit, hindi ka tumigil saglit para mag-enjoy at maging maligaya.
Bakit hindi mo subukang baguhin ito ngayon? Bawat araw subukan nating maghanap ng kahit anong bagay, gaano man kaliit, na ikatutuwa o magbibigay ng kaligayahan sa atin.
Gumising nang maaga, magpahinga habang umiinom ng mainit na kape, magbasa ng mabuting libro o manood ng nakakatuwang TV show, makipagkatuwaan kasama ang mga kaibigan at kamag-anak, o gumawa ng iba pang bagay na magbibigay sa iyo ng saya. Alalahanin mo ang mararamdaman mong kaligayahan mula sa mga munting kaganapang iyon.
Hindi tayo mabubuhay habang panahon kaya dapat natin subukang maghanap ng kaligayahan araw araw.
Leave a Reply