English Version (Click Here)
Tax. Lahat ay nagbabayad ng tax. Nagbabayad ka ng tax kapag sumasahod ka (depende sa TRAIN law), nagbabayad ka ng tax kapag nagnenegosyo ka, at nagbabayad ka ng tax kapag bumibili ka sa mga tindahan. Hindi mo maiiwasan ang tax dahil dito kumikita ang gubyerno.
Balang araw, kakailanganin mong kumuha ng Taxpayer Identification Number (TIN) mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR), at ito ang TIN na gagamitin mo habang buhay. Isang TIN lang ang pwede mong makuha dahil ilegal magkaroon ng maraming TIN.
Bakit mo kailangan ng TIN? Maraming government, bank, o iba pang opisyal na transaksyon ang nangangailangan ng TIN. Sa panahon din ngayon na pwede kang kumita online, kung gusto mong magsimula ng online business, mag-freelance, o kumita sa YouTube o kaya maging isang Twitch streamer, kailangan mo ng TIN para mag-monetize at kumita ng pera.
Ito ang paraan kung paano kumuha ng TIN at TIN ID dito sa Pilipinas.
Ano ang mga kailangan?
- PSA Birth Certificate.
- Valid Government-issued ID.
- Photocopies (“Xerox” copy) ng iyong Birth Certificate at mga IDs.
- Form 1904 mula sa BIR (dalawang kopya).
Para sa TIN ID:
Kailangan mong magsulat sa isa pang form at dapat may extra kang photocopies ng iyong mga dokumento. Kapag nakuha mo rin ang iyong TIN ID, kailangan mo rin itong pirmahan, dikitan ng 1×1 ID picture, at ipa-laminate.
Alalahanin mo lang din na madalas hindi available ang mga TIN ID, kaya itanong mo muna sa mga empleyado sa BIR kung meron sila sa panahong iyon.
Paano makuha ang iyong TIN at TIN ID
Paunawa: Pwedeng magkakaiba ang proseso sa bawat Regional/District Office (RDO) ng BIR.
- Una sa lahat, alamin mo kung ano ang iyong RDO ayon sa Barangay kung saan ka nakatira, kung saan mo gustong magtrabaho, o kung saan mo gustong magnegosyo: https://www.bir.gov.ph/index.php/contact-us/directory/regional-district-offices.html
- Paunawa: Kung ikaw ay work from home, ang iyong RDO ay naaayon sa Barangay kung saan ka nakatira.
- Dalhin mo ang iyong mga requirements: PSA birth certificate, valid ID, at mga photocopies ng mga ito. Magdala ng mga extrang kopya dahil baka kailanganin mo sila para sa iyong TIN ID.
- Pagdating mo sa iyong RDO, kumuha ka ng form 1904 at gamitin mo ang E.O. 98 bilang rason ng iyong pagrehistro. Isulat ang kinakailangan impormasyon at iphotocopy mo ito (o magsulat ka sa dalawang forms). Kung kailangan mo ng tulong, huwag mahiyang magtanong sa mga empleyado ng BIR doon.
- Matapos sulatan ang mga forms, ibigay mo ito sa empleyadong nagproproseso ng mga TIN. Sa ibang RDO, ibibigay mo ito sa guard at maghihintay kang tawagin ka sa loob para simulan ang pagproseso.
- Hintayin mong tawagin ka sa counter para sa encoding. Kukunin ng empleyado ang iyong impormasyon at ilalagay nila ang iyong datos sa computer.
- Bibigyan ka nila ng receiving copy ng iyong form at pababalikin ka sa nakatakdang araw para makuha mo ang iyong TIN.
- Balikan mo ang iyong RDO sa nakatakdang araw at dalhin mo ang iyong mga dokumento (ang form na natanggap mo at ang iyong ID). Isusulat nila ang TIN mo sa form.
- Paunawa: Magdala ng mga photocopy ng iyong ID at birth certificate kung sakaling mayroon silang mga TIN ID sa araw na iyon. Sulatan mo ang form para sa TIN ID, isama mo ang mga kinakailangan na photocopy, at ibigay mo ito sa empleyado ng BIR na gumagawa ng mga ID. Ipriprint nila agad ang ID mo.
- Huwag mong kalimutang pirmahan ang iyong bagong TIN ID at lagyan mo rin ito ng iyong 1×1 ID picture para maging valid ito! Pagkatapos noon, pwede mo rin itong ipa-laminate para protektahan ito mula sa tubig at pagkasira.
Iyon ang paraan kung paano kumuha ng TIN at TIN ID mula sa BIR. Simple lang ang proseso kapag kumpleto ang iyong requirements. Marami nga lang pipilahan at ilang beses kang maghihintay sa proseso depende sa iyong RDO branch.
Gayun pa man, mabuti nang gawin mo ito kung kailan ka pwede dahil kailangan mo ito para magtrabaho. Kakailanganin mo rin ito kung sakaling balang araw ginusto mong kumita ng pera sa pag-freelance, blog, o pag-stream online.
Sana marami kang natutunan dito. May mga tanong ka pa ba? Itype mo lang sa comments section sa ibaba!
Cecil Gari says
Pwede ba Ang iBang tao kumuha Ng tin i.d?
Ray says
Hello Cecil,
Di po ako sigurado. Baka kailangan po na kayo mismo ang kukuha ng sarili niyong TIN ID.
Regards,
Ray L.
YourWealthyMind.com