English Version (Click Here)
Hindi natin mahahanap ang kayamanan kung wala tayong alam tungkol dito. Isipin mo ang dami ng mga personal finance gurus at investing seminars sa mundo. Alam ng mga tao ang halaga ng pera at may mga industriyang dedikado sa pagtulong sa mga tao na umasenso sa buhay at makamit ang kasaganaan.
Huwag sana nating kalimutan na kahit nabibili ng pera ang kalusugan, oras para gawin ang gusto natin, kasaganaan ng pagkatao, at iba pa, marami ring ibang uri ng “kayamanan” bukod sa malaking bank account o investment portfolio. Alalahanin din natin na ang pera ay isang bagay lamang na magagamit natin para makamit ang tagumpay sa ibang bahagi ng ating buhay.
Ipagpatuloy mo lang ang pagbabasa nito para makita ang ibang halimbawa ng tunay na kayamanan sa buhay na kailangan nating pagsikapan.
Pagpaparami ng Tunay na Yaman : Pagkamit ng Kayamanan Bukod sa Pera
Alam naman natin na hindi lang pera ang kayamanan sa mundo, pero kailan ba nating huling pinag-isipan ang ibang uri ng kayamanan? Ang ating kalusugan, relationships, karanasan sa buhay, kasiyahan sa buhay, at iba pa?
Maraming klase ng kayamanan, at ang isang paraan para uriin sila ay ang Empowered Wealth quadrants ni Lee Bower (na una kong nabasa sa librong The Success Principles ni Jack Canfield). Narito ang apat na quadrants:
- Human Assets – Ito ang ating pagkatao. Ang ating moralidad, ispirituwalidad, habits, values, character o pagkatao, kalusugan, pamilya, at iba pa.
- Intellectual Assets – Kasama dito ang ating mga alaaala, kaalaman, karunungan, karanasan, kasanayan, talento, karanasan sa buhay, at iba pa.
- Financial Assets – Ito ang madalas isipin ng mga tao pag pinaguusapan ang kayamanan. Kasama dito ang dami ng ating pera, ating suweldo o kinikita, ating mga negosyo, investments, real estate, halaga ng mga ari arian natin, at iba pang financial assets.
- Civic Assets – Ito ang ibinabalik nating kabutihan sa mundo. Ito ang tax na binabayaran natin, kung magkano ang ibinibigay natin sa charity, at iba pa.
Makikita mo nga naman, ang kayamanan at kasaganaan sa buhay ay hindi lang tungkol sa pera. Ang tanong ngayon, kailan ba natin huling pinag-isipang pagbutihin ang iba’t-ibang bahagi ng ating buhay?
Kailan natin huling pinagisipang pagbutihin ang ating kalusugan? Ang ating moralidad at ispirituwalidad? Ang ating pakikitungo sa ating pamilya? Kailan natin huling sinubukang matuto ng mga bago at mas-nakabubuting habits?
Kailan natin huling pinag-isipang mag-aral ng bagong bagay, o sumubok ng isang gawain na kinatatakutan natin dati? Kailan tayo huling naglakbay para palawakin ang ating karanasan sa mundo at maranasan ang kultura ng ibang tao? Kailan natin sinubukang matuto ng bagong kakayahan o pagbutihin ang talentong hindi natin pinagtutuonan ng pansin?
Kailan tayo huling sumubok magbigay pa sa iba, tulad ng pagdonate ng pera o pagvolunteer sa isang charitable organization na tumutulong sa mga naghihirap?
Iilan lamang iyon.
Sa kabilang dako naman, paano naman ang ilan sa atin na isinumpa ng masasama at maling paniniwala tungkol sa pera tulad ng “money is evil” o “hindi mahalaga ang pera”? Ang mga ganoong magisip ay madalas nakakalimot alagaan ang kanilang finances, at iyon ay madalas nagdudulot ng iba’t ibang personal at pampinansyal na problema sa buhay, tulad ng pagkabaon sa utang o kawalan ng pera para sa mga seryosong kagipitan o emergencies.
Ano ang pangunahing punto nito?
Ito’y isang paalala lamang na kailangan nating tumigil sandali at suriin ang buhay natin ngayon. Baka kasi sa sobrang pagtuon natin ng pansin sa isang bagay, nakakaligtaan na natin ang iba. Narinig naman natin ang kasabihang “there’s more to life than work” o hindi lang trabaho ang buhay. Ang buhay ay nakahihigit pa sa pera lang, relationships lamang, kaalaman, karangalan, kayamanan, o ibang bagay lang.
Kailangan nating palawakin ang ating pananaw sa buhay natin at subukang pagbutihin ang iba-ibang aspeto ng ating buhay. May nakakaligtaan ka ba ngayong pagbutihin?
Leave a Reply