English Version (Click Here)
*Ang article na ito ay naglalaman ng affiliate links.
Noong kamakailan lang, nagrent ako ng isang therapy book na isinulat ni Stacey Freedenthal para matulungan ang isang kaibigang may mga napakaseryosong problema sa buhay. Sa kalagitnaan ng libro, nagulat ako dahil mayroon doong napakagandang aral tungkol sa problem solving o paglutas ng problema na tinalakay ko na dati.
Ang buhay ay talagang punong puno ng mga problemang hindi natin pwedeng balewalain, at minsan pakiramdam natin parang hindi na natin sila makakaya. Kapag napakahirap na ng ating mga problema, ang utak natin ay naiipit sa mga hindi mainam na solusyon (tulad ng krimen o pagpapatiwakal), at kapag naipit ang utak natin, hindi lang natin nakakalimutan ang mga masasamang epekto ng mga ito, hindi na rin natin maiisip ang mga mas mabubuting solusyon na pwede sana nating gawin.
Kung parang gipit at desperado ka na sa buhay, narito ang isang problem solving strategy na pwede mong gamitin sa mga panahon ng kagipitan.
Isang Problem Solving Strategy Para sa mga Panahon ng Kagipitan
Una: Alamin ang tunay na problema.
Ang pinakauna mong dapat gawin ay alamin kung ano talaga ang problema o pinagmumulan ng problema. Halimbawa, kung hindi ka masaya, alamin mo kung bakit nagkakaganyan ka. Ito ba ay dahil sa stress sa trabaho? Toxic o mapang-abusong kaibigan o kamag-anak? Ito ba’y dahil pakiramdam mo mukhang walang direksyon ang buhay mo? Kailangan mong alamin kung ano talaga ang problema bago ka magsimulang mag-isip kung paano ito lulutasin.
Ikalawa: Magisip ng napakaraming posibleng solusyon.
Matapos alamin ang problema, ang susunod na kailangan mong gawin ay mag-isip at ilista ang lahat ng solusyong naiisip mo (brainstorming ang tawag dito). Ayon kay Stacey Freedenthal, isang therapist at ang may-akda ng librong tinukoy ko kanina, kailangan mong tandaan na sa hakbang na ito “quantity leads to quality”. Kapag magiisip ka ng napakaraming solusyon, lilitaw at lilitaw rin ang mga pinakamabubuting solusyon mula sa mga inilista mo.
Tandaan mo rin na pwede mong ilista ang mga “masasama” o hindi praktikal na solusyon kahit hindi mo naman sila planong gawin. Ang mahalaga sa ngayon ay alamin na may mga pwede ka pa naman palang gawin (kahit magluto ka ng hamburger sa fast food restaurants) at hindi totoong wala ka na talagang magagawa. May mga bagay na pwede mo pa ring subukan kapag desperado ka na talaga.
Maglaan ka ng maraming oras para dito at ilista mo ang lahat ng kaya mong isiping solusyon. Pwede ka ring magtanong sa mga matalik mong mga kaibigan at kamag-anak dahil mas mabuti ang brainstorming kapag marami kayong nagiisip nang sabay sabay.
Ikatlo: Suriin ang mabuti (advantages) at masama (disadvantages) sa bawat solusyon.
Kapag nakagawa ka na ng listahan ng mga solusyong naisip mo, ilista mo na ngayon ang mabubuti (advantages) at masasama (disadvantages) sa bawat isa nito. Ano ang pwede mong makamit kapag nagtagumpay ka sa solusyong iyon? Ano ang kailangan mong isakripisyo para gawin ito? Anong mawawala sa iyo kapag pumalya ka? Makakatulong ba ito sa iba? May mga matatapakan o masasaktan ka ba? Madali ba itong gawin? Mahirap ba itong gawin pero sulit at napakabuti kapag nagtagumpay ka? Kakailanganin ba nitong solusyong ito ang maraming oras, pera, at pagtitiyaga? Kailangan mo ba ng kakaibang kaalaman o karunungan o pwede mo lang ba itong aralin online? Iyon ang ilang halimbawa ng mga bagay na kailangan mong pag-isipan.
Ikaapat: Piliin ang “pinakamabuting” solusyon.
Matapos ilista ang mga mabuti at masamang aspeto ng bawat solusyon, panahon na para pumili ng isa. Alin ang “pinakamabuting” solusyong magagawa mo para sa iyong problema? Alin ang pinakapraktikal? Pinakamadali? Pinakaligtas? Alin ang hindi makakasakit sa iyo o hindi ka makukulong kapag sinubukan mo ito? Alin ang makapagbibigay ng pinakamabubuting resulta at sulit ang panganib at pagtitiyaga na ibibigay mo?
Ikalima: Subukan mo ito. Isipin mong isa lamang itong “experiment”.
Alam naman nating lahat na walang mangyayari kapag wala kang gagawin. Pagkatapos mong pumili ng solusyon na gusto mong subukan, ang susunod na hakbang ay… subukang gawin ito! Hindi mo kailangang biglain ito dahil pwede mo naman itong gawin nang pakaunti kaunti kung kinakailangan. Ayon kay Freedenthal, isipin mong isang experiment ito. Ito’y datos lang na iyong tinitignan para malaman kung alin ang gagana at hindi.
Ikaanim: Suriin ang resulta. Ipagpatuloy kung gumagana, sumubok ng iba kung hindi.
Pagkatapos mo itong subukan, kailangan mong alamin kung epektibo nga ang solusyong napili mo. Nareresolba ba nito kahit kaunti lang? Kung hindi ito gumagana, alamin kung bakit at mag-adjust. Kailangan lang ba nito ng kaunti pang oras at tiyaga? Sinubukan mo lang ba ito sa maling oras at lugar at gagana ba ito nang mas maayos sa iba? Baka panahon na rin para gumamit ng ibang solusyon.
Ang isang pinakamahalagang bagay nakailangan mong alalahanin ay kung hindi gumana ang napili mong solusyon, hindi nito ibig sabihin na ikaw ay isang failure sa buhay o talunan. Ang ibig sabihin lang nito, ang solusyong sinubukan mo ay hindi gumana sa oras at lugar na iyon.
Uulitin ko na kailangan mong panatiliin ang mindset na isa lamang itong experiment para tignan kung ano ang gagana at ano ang hindi. Kung ang una mong sinubukan ay hindi gumana, subukan mo na ang susunod na pinakamainam na solusyon sa iyong listahan. Ulit ulitin mo lang ang prosesong iyon at, sa pagdaan ng panahon, malamang mareresolba mo ang problema mo. Bukod pa doon, may mabuting pagkakataon na makakahanap ka ng mas maayos na solusyong hindi mo pa naisip noon.
Bonus tip: Tandaan mo na ang pagtanggap sa problema ay isa ring solusyon. Maraming bagay sa buhay ang hindi natin pwedeng baguhin. Halimbawa, ang lahat ng tao ay tumatanda at namamatay. Pwede mong ilista ang “buhayin ang namatay” at “cloning” bilang solusyon… pero minsan kailangan mo na lang tanggapin ang kanilang pagpanaw. Ang pag-aaral at pagsasagawa ng ibang positive coping strategies at paghahanap ng emotional support ay napakabuting solusyon na pwede mo ring idagdag.
Isang huling aral…
Ang buhay ay talagang punong puno ng problema. Kahit ganoon pa man, mayroong isang mahalagang aral na itinuro si T. Harv Eker, ang may akda ng Secrets of the Millionaire Mind: Mastering the Inner Game of Wealth tungkol dito. Kailangan mo itong alalahanin kapag nais mong bumuti ang buhay mo:
“The secret to success is not to try to avoid or get rid of or shrink from your problems; the secret is to grow yourself so that you are bigger than any problem.”
T. Harv Eker, Secrets of the Millionaire Mind
Pagsasalin: Ang sikreto sa tagumpay ay hindi ang pag-iwas o pagtapon o paglayo sa iyong mga problema; ang sikreto ay pagbutihin mo ang sarili mo hanggang maging mas malakas ka sa kahit anong problema.
Isipin mo na lang ito. Ang mga maliliit na bata ay madalas napapatid at nadadapa, at kapag nadapa sila sinusumpong at umiiyak lang sila nang malakas. Ang sakit ng pagkadapa, para sa kanila, ay NAPAKALAKING PROBLEMA na halos imposibleng maresolba, kaya sumusuko na lang sila at umiiyak na tila katapusan na ng mundo. Habang tumatanda sila, kapag nadapa sila natuto na silang tumayo at ipagpatuloy lang ang ano mang ginagawa nila.
Ganoon naman tayong lahat. Lumalaki at tumatanda tayo. Kapag bata pa tao, mahina at wala pang masyadong karanasan sa buhay, tunay na problema para sa atin ang napakaraming bagay. Habang tumatanda tayo at nagiging mas marunong at madiskarte sa buhay, nagiging mas matatag tayo at nagiging napakadali ang maraming problema.
Isipin mo, problema ang pagkauhaw at nareresolba natin ito sa pagkuha ng tubig o inumin. Problema ang pagkagutom at nareresolba natin ito sa pagkuha ng pagkain o pagaaral magluto. Problema ang mga iyon, pero dahil lumaki at naging mas marunong tayo sa buhay, maliit na sagabal na lang sila.
Sa pagdaan ng panahon, kapag pinagbuti at dinagdagan natin ang ating mga kaalaman, karunungan at lakas ng loob, mareresolba natin ang mga pinakamahihirap na problema na parang napatid lang tayo sa bato. Kasama doon ang mga mas mahihirap at mas seryosong problema tulad ng paghahanap ng bagong pagkakakitaan kapag nawalan tayo ng trabaho, at sa pagpapalakas ng loob para makiramay kapag tayo ay namatayan ng mahal sa buhay.
Huwag nating hangarin na maging mas madali ang ating mga problema. Kailangan nating pagbutihin ang ating sarili hanggang makayanan nating maresolba ang mga pinakamahihirap na problema sa buhay.
Sana marami kang natutunan mula sa article na ito. May mga payo ka ba para palakasin ang loob ng mga taong may mga seryosong problema sa buhay? Sabihin mo lang sa comments sa ibaba!
Paki-share na rin ito sa Facebook, Twitter, o sa iba mo pang social media pages. Napakalaking tulong ito sa aming blog. Salamat, at hanggang sa muli!
[…] Tagalog Version (Click Here) […]