English Version (Click Here)
Kung may mabubuting transaksyon, mayroon ding nakasasama. Hindi lahat ng tao ay nakakaalam ng tunay na halaga ng iyong produkto o serbisyo kaya susubukan nilang bayaran ka ng sobrang baba (o hindi ka babayaran), at mayroon ding ibang gustong samantalahin ang mga mahihina at desperado.
Sa kasamaang palad, marami sa atin ang desperadong kumita at ang ilan din ay nahihiyang tanggihan ang mga alok o offers na hindi nila gusto.
Hindi naman dapat ganoon lang palagi. Hindi natin kailangang tanggapin ang hindi nakabubuting transaksyon dahil nahihiya tayong tumanggi. Ang article na ito ay magtuturo sa iyo ng aral na iyon.
Pagtanggi sa mga Customers: Kung Bakit Dapat Mong Ayawan ang Hindi Nakabubuting Transaksyon
Bilang isang part-time na manunulat, part-time na illustrator, at blogger sa YourWealthyMind, nakatanggap na ako ng ilang napakababang job offers. Sa nakaraan nga may nakaharap akong mayabang na kliente na gustong kunin ang aking serbisyo ng libre. Noong hindi ako sumang-ayon, nagyabang siya na nakakuha siya ng kaparehong serbisyo mula sa mas malaking kumpanya nang libre kaya dapat daw magpasalamat ako kung gagawin ko ang gusto niya.
Siyempre, hindi ko ginawa. Hindi tama ang sumuko sa pambabastos.
Nagtatakda ako ng maayos na presyo para sa gawain ko, at marami ang tumatanggap dito. Sa kabilang dako naman, marami ring iba ang sumusubok magbayad ng napakakaunti, at mayroon ding iba na ayaw magbayad at gusto libre (tandaan, ang pagbigay ng “free exposure sa aming libo-libong followers” ay hindi lehitimong uri ng pambayad).
Tulad ko, malamang makakakuha ka rin ng mga napakasamang offers. Narito ang ilang aral na pwede mong magamit kung nangyari ang mga iyon.
Bahagi na ng Buhay natin ang Matanggihan ng Iba
Ang isa sa pinakamahalagang bagay na kakailanganin mo para magtagumpay ay ang kakayahang tanggapin ang pagtanggi ng iba. Hindi natin palaging makukuha ang gusto natin. Halimbawa, pwedeng iba ang makuha sa trabahong gusto natin, iba ang makakuha ng deal sa klienteng gusto natin, o ayaw bayaran ng iba ang presyong inaalok natin.
Ayos lang iyon. Tandaan mo na hindi lahat ng bagay ay nararapat para sa iyo… at hindi rin makabubuti sa iyo ang napakaraming bagay.
Isipin mo na lang, paano kung may gustong bumili ng bahay mo, kotse mo, negosyo mo, at lahat ng iba pang pagmamay-ari mo sa halagang sampung piso. Sasang-ayon ka ba? Malamang hindi.
May mga tao talagang magaalok ng mga transaksyong hindi makabubuti sa iyo, kaya huwag kang mahihiyang umiwas sa kanila. Magagalit ang iba sa kanila dahil hindi mo ibinigay ang gusto nila, pero huwag kang mag-alala. Wala namang batas sa buhay na nagsasabing kailangan mong tanggapin ang mga alok na makasasama sa iyo. Ang pagtanggi sa customers ay karaniwang bahagi ng buhay kung ikaw ay magnenegosyo o magiging self-employed.
Think WIN-WIN (o No Deal)
Ang isang mahalagang aral na natutunan ko mula sa librong The 7 Habits of Highly Effective People ni Stephen Covey ay dapat isipin mo palagi ang “WIN-WIN” scenario sa bawat pakikitungo mo sa ibang tao. Kung may transaksyon ka, dapat PAREHO kayong makakatanggap ng benepisyo o mabuting bagay dito.
Kung may sumusubok na pagsamantalahan ka gamit ang pagbayad ng napakakaunting pera, ito ay LOSE-WIN. Talo ka, panalo sila. Obviously, hindi ito makabubuti sa iyo. Siya nga pala, ang pagsuko at pagpayag sa mapang-abusong kagustuhan ng iba ay LOSE-WIN pa rin kahit may matanggap ka pang consuelo de bobo.
Kung sinubukan mo namang lokohin ang iba (hal. tatamad tamad ka sa trabaho kahit sinusuweldohan ka naman nang maayos), ito ay WIN-LOSE. “Panalo” ka nga, pero nananakit ka naman ng iba. Hindi mo rin ito dapat gawin.
Kung ang isang deal ay nakakasama sa inyong pareho, ito naman ay LOSE-LOSE. Huwag mong hihilahin ang iba pababa, at huwag mo ring hayaang ilubog ka ng iba.
Para sa WIN-WIN scenario, dapat pareho kayong makakatanggap ng tamang benepisyo sa transaksyon. Kasama rin dapat dito ang ibang tao na maaapektohan. Halimbawa, kung binigyan ka ng tamang bayad o sahod at nagbigay ka naman ng dekalidad na trabaho, ito ay tunay na WIN-WIN. Kumita ka ng tama, at nakatanggap sila ng mabuting trabaho o produkto mula sa iyo.
Paano naman kung hindi ito posible? Kailangan mo namang matutunang layuan at iwasan ang transaksyon.
Matutong Layuan ang Hindi Nakabubuti
Sa mundo ng sales, may tinatawag tayong “SW rule”. Ang ibig sabihin nito, “some will, some won’t, so what, someone else is waiting.” Translation: May mga bibili, may mga hindi bibili, ano naman kung hindi sila pumayag, may ibang naghihintay.
Uulitin ko na bahagi ng buhay ang matanggihan ng iba. Hindi lahat papayag sa offer mo, at hindi rin lahat gustong magbayad ng tamang presyo sa kung ano man ang mayroon ka. Mayroon din namang iba na TAMA para sa iyo, at mayroon ding ibang tama para sa inayawan mo. Punong puno ng oportunidad ang mundo, lalo na para sa mga taong masipag maghanap.
Oo nga pala, kung hindi mo kayang tanggapin ang offer ng iba, ang isa sa pinakamabuting pwede mong gawin ay irefer mo sila sa ibang taong pwedeng makatulong sa kanila. Matutulungan mo sila kapag ipinakilala mo sila sa ibang tao na makakapagbigay sa kanila ng gusto nila, at matutulungan mo ang ibang taong magkaroon ng experience at suweldo. Kung gagamitin kong halimbawa ang mga lawyers o abugado, hindi lahat ay kayang magbayad sa mamahaling fees ng mga pinakakilala at experienced na abugado, pero marami rin naman ang matutulungan kapag kinuha nila ang mga mas bago at hindi ganoon kakilalang abugado na makakagawa pa rin ng trabahong kailangan nila.
Isang Huling Payo:
Dapat magalang ka. Isipin mo na lang kung paano ka kakausapin ng isang Ferrari o Porsche dealer kung inalok mong bilihin ang kanilang kotseng nagkakahalaga ng ilang milyon ng sampung piso. Malamang, tatanggihan ka nila, pero hinding hindi ka nila babastusin.
Minsan din hindi sapat ang budget ng mga tao para bayaran ka, at pwedeng umalis sila at hindi na bumalik. Ayos lang iyon. Sa kabilang dako naman, pwedeng bumalik sila kapag may sapat na silang pera, pero mangyayari lang iyong kung mabait ka at dekalidad pa rin ang trabahong gawa mo. Alalahanin mo lang, kahit binabastos ka ng iba, hindi iyon sapat na dahilan para bastusin mo rin sila.
Buod:
- Tandaan: Hindi mo kailangang tanggapin palagi ang hindi mabubuting alok.
- Tandaan: Makakahanap ka rin ng mas-mabubuting offers.
- Think WIN-WIN.
- Matutong iwanan at iwasan ang hindi nakabubuti.
- Maging magalang.
Kapag natutunan mo nang tanggihan ang mga hindi sulit na deals, lalaki ang kikitain mo dahil hindi ka na nagsasayang ng oras sa kanila. Magiging mas matatag ka rin sa mga negosasyon dahil hindi ka namabibiktima ng mga nanglo-“lowball” na susubukang pagsamantalahan ka at bayaran ka ng halagang hindi sapat sa tunay mong halaga.
Pwedeng pwede mong iwasan ang mga hindi mabubuting deals o alok ng iba. Tandaan, mayroon palaging mas-mabubutig oportunidad sa mundo. Mahahanap at mahahanap mo rin sila. Dito muna tayo magtatapos, at sana nagustuhan mo ang article na ito!
Leave a Reply