English Version (Click Here)
Sinabi ko sa ilang articles ko na bukod sa pagtrabaho para kumita ng pera, kailangan mo ring Mag-ipon at Mag-invest kung pangarap mong maging masagana o financially successful.
Sa isang article ko, sinabi ko rin kung bakit hindi ako magrerecommenda ng mga stocks (Basahin mo ito kung gusto mong malaman kung paano ka pwedeng manipulahin ng mga “Investment Advisors”), pero pwede kong ibahagi sa iyo ang mga natutunan ko sa mga libro at research ng IBANG investors.
“Ang mga hangal ay nagsasabi na natututo sila mula sa kanilang karanasan. Mas-gusto kong matuto mula sa karanasan ng iba.” – Otto von Bismarck
Hindi mo kailangan maging sobrang yamang super-genius para maging investor. Ang kailangan mo lang (bukod sa brokers kagaya ng BPITrade o ColFinancial kapag nakatira ka sa Pilipinas) ay kaunting pera, disiplina, at kaalaman.
Basahin mo na muna itong simpleng tuntunin ni Benjamin Graham, ang may-akda ng investment classic na “The Intelligent Investor.”
Paano Mag-invest sa Common Stock: 4 na Tuntunin ni Benjamin Graham para sa mga Defensive Investors
Unang Tuntunin: Diversify!
Kumuha ka ng 10-30 na stocks ng iba-ibang kumpanya. Mainam kapag galing ang mga ito sa iba-ibang industriya.
Ang isang magsasaka ng mga prutas ay hindi magtatanim ng isang puno lamang. Magtatanim siya ng MARAMING puno. Kapag may ilang puno ang nasira o namatay, marami pang iba ang mamumunga. Kailangan gawin mo rin iyon sa mga stocks.
Kahit kaaya-ayang maglagay ng pera sa kakaunting “sure-win” na stocks, madali kang mapapahamak kapag ang mga iyon ay bumagsak.
Kung narinig mo na ang kasabihan na “don’t put all your eggs in one basket (huwag mong ilalagay ang lahat ng itlog mo sa isang lalagyan)” tungkol sa stocks, ito ang ibig sabihin nila: Huwag mong ilalagay ang lahat ng pera mo sa isang kumpanya/mutual fund/industriya lamang at mag-invest ka sa marami.
Ikalawang Tuntunin: Pumili ka ng Malalaki, Prominente, at Conservatively Financed na Kumpanya
Mag-invest ka sa mga nangungunang kumpanya sa mga industriya nila, (ang top 25% or 30%).
Dapat piliin mo ang mga kumpanyang magaling sa negosyo at matagal nang nag-ooperate.
Kahit minsan mas-exciting ang mga bagong kumpanya at posibleng yumaman mula sa pag-invest sa mga ito, mas-malaki rin ang pahamak mula sa mga ito (lalo na kapag hindi mo pinag-aralang mabuti ang mga fundamentals nila). Noong late 90s hanggang early 2000s, ang mga bagong web-based businesses ay usong-uso kaya mataas ang presyo ng kanilang mga stock. Noong biglang pumalya ang marami sa mga iyon at pumutok ang “dot-com bubble,” napakaraming tao ang nawalan ng investments at ilang-TRILYONG dolyar ang nawala.
Piliin mo ang mga malalaki at mabubuting kumpanya. Tandaan: Nag-iinvest tayo sa mga negosyo. Hindi tayo tumataya sa mga kabayo.
Ikatlong Tuntunin: Ang Kumpanyang bibilhin mo ay dapat matagal nang nagbibigay ng Dibidendo
Inirerekomenda ni Benjamin Graham na dapat may 20 years na itong nagbibigay ng dibidendo (o bahagi ng perang kinikita ng kumpanya).
Bakit mahalaga ang dibidendo? Ayon kay Lowell Miller, ang may akda ng “The Single Best Investment: Creating Wealth with Dividend Growth,” ang dibidendo ay nagmumula sa totoong kinikita ng kumpanya. Madaling magsinungaling sa “Earnings” report para magmukhang maganda sa investors at magpataas ng stock price, pero sabi nga ni Geraldine Weiss, “Dividends Don’t Lie (Hindi nagsisinungaling ang dibidendo).” Ito’y totoong patunay na kumikita ang kumpanya.
Kapag nagbibigay ng mabuting dibidendo ang isang kumpanya, ibig sabihin noon, may totoo silang kinikita para makapagbigay sila nito.
Ikaapat na Tuntunin: Pumili ng kumpanyang may 7-year Price-to-Earnings (P/E) Ratio na hindi hihigit pa sa 25 (at hindi hihigit pa sa 20 sa nakaraang 12 months)
Ano nga ba ang P/E Ratio? Ayon sa Investopedia, ito ang: “ratio for valuing a company that measures its current share price relative to its per-share earnings.” Sa madaling salita, ang P/E Ratio ay ang presyo ng bawat stock share kapag ikinumpara sa kita ng bawat isa nito.
Bakit mabuti ang mababang P/E Ratio? Kapag mataas ang P/E Ratio, posibleng overpriced ito o maraming nag-iispeculate dito. Sa madaling salita, marami ang nagsusugal at tumataya sa stock na iyon kaya tumataas ang presyo.
Para itong pagbayad ng P500 para sa isang P100 na T-shirt kasi inaasahan mo na pwede mo itong ibenta ng P1,000 mamaya (matatalo ka kapag bumalik sa P100 ang presyo ng T-shirt).
Tandaan: Pumili ka ng mabubuting kumpanya na mababa ang P/E Ratio (hindi hihigit sa 25).
At iyon ang apat na tuntunin para sa mga Defensive Investors! Tandaan:
- Diversify! Kumuha ka ng 10-30 na stocks ng iba-ibang kumpanya. Mainam kapag galing ang mga ito sa iba-ibang industriya.
- Pumili ka ng Malalaki, Prominente, at “Conservatively Financed” na Kumpanya.
- Ang Kumpanyang bibilhin mo ay dapat matagal nang nagbibigay ng Dibidendo.
- 7-year Price-to-Earnings (P/E) Ratio na hindi hihigit pa sa 25 (at hindi hihigit pa sa 20 sa nakaraang 12 months).
Kung gusto mong pag-aralan pa ang investing method ni Benjamin Graham, pwede mong bilhin ang libro niyang “The Intelligent Investor” sa link sa ibaba. Kung gusto mo munang pag-aralan ang basics o magbasa ng isang mabilis na buod ng libro, meron ding 100-Page Summary na isinulat sina Preston Pysh at Stig Brodersen.
Leave a Reply