English Version (Click Here)
“Kaibigan! Pwedeng pahiram ng dalawang libo? ‘Promise’ babayaran kita next week!” Nahihirapan ka bang tumanggi? Hinahayaan mo ba silang abusuhin ka? Hinahayaan mo ba ang mga kakilala mo na manghiram pa ng pera sa iyo kahit alam mo na hindi sila nagbabayad ng utang? Noong kabataan ko, nakita kong naghirap ang aking ina dahil sa mga taong ganoon kaya noong napanood ko ang video ni Chinkee Tan, kinailangan kong magsulat tungkol dito. Huwag mong hayaang abusuhin ng iba ang iyong kagandahang loob.
http://www.youtube.com/watch?v=zvnN_51nb-8
Tatlong aral mula sa video ni Chinkee Tan:
- Maraming tao, malamang mga kaibigan at kapamilya natin, ay mahilig manghiram ng pera (“Money is relative. The more money you have, the more relatives you have.”). Ang problema nga naman ay, sabi nga ni Chinkee Tan, “they learn how to borrow but they don’t know how to pay.” Marunong silang mangutang, pero hindi nila alam kung paano magbayad ng utang. Malala pa doon, kapag siningil natin sila, sila pa ang nagagalit (“Ang KAPAL naman ng mukha mong maningil!”). Mabuting magpahiram sa mga nangangailangan, pero maraming nanghihiram ng pera na hindi dahil kailangan nila pero dahil gusto lang nilang bumili ng mga luho o luxuries.
- Kung may nakaalam na pwede nilang abusuhin ang iyong kabutihan o kagandahang loob, aabusuhin ka nila. Para sa akin, sa tingin ko hindi din nila ito napapansin. Iilan lang ang gustong manakit, pero marami ang may mindset na “Uy, buti nagkita tayo! Pwede pautang na rin ng P2,500? Salamat ‘kaibigan!’”
- Kahit sa tingin natin nakakatulong tayo kapag nagpapahiram tayo sa lahat ng nangungutang, hindi ito totoo. Sumusuporta lang tayo sa masasamang diskarte o bad habits. Sabi nga ni Chinkee Tan, “we are teaching them to become lazy.” Tinuturuan natin silang maging TAMAD. Hindi sila magsisikap para umasenso at ipagpapatuloy nila ang kanilang masamang lifestyle DAHIL MAKAKAKUHA NAMAN SILA NG PERA MULA SA SWELDO MO. Kailangan mong matutong tumanggi. Kahit isipin mo na masama ka sa madaling panahon, sa long term naman tinutulungan mo silang maging self-reliant. Kailangan mong itanong sa sarili mo, at mas-lalong totoo ito sa mga OFWs (Overseas Filipino Workers), gaano ka magpapagod at maghihirap sa trabaho para kumita at magpadala ng pera sa mga taong ALAM MO NA SASAYANGIN LANG ITO? Hanggang saan ang boundaries mo? Kailan mo tatanggihan ang mga nangaabuso sa iyo?
Sabi ko nga, nangyari iyon sa aking ina. Nagmula siya sa isang mahirap na pamilya sa probinsya at, noong nagtapos siya sa pag-aaral, sila ng aking tatay ay nagsikap para magkaroon kami ng mabuting middle-class lifestyle. Dahil doon, ang tingin sa “middle-class lifestyle” ng mga kakilala namin sa probinsya ay “ubod ng yaman.” Dahil napakabait ng aking ina, napakarami ng kaniyang kakilala ang madalas mangutang sa kanya at madalas ring makakalimot magbayad.
Ilang taon ng kabutihan ang nagdaan at marami siyang nakuha…
…MARAMI pang nangungutang at nangaabuso sa kaniyang kagandahang-loob. Masakit pa doon, lagi pa silang nagkakalat ng masasamang tsismis (hindi ako magsasabi ng mga detalye, pero napakasama ng aming naririnig mula sa aming ibang mga kapitbahay). Matapos ang ilang dekada, mga 25-30 years too late, umayaw na siya at iniwasan na niya ang taong ganoon. Dahil doon, naging mapayapa ang buhay ng aming pamilya.
Paano mo tatanggihan ang mga nagmamahal sa pera mo? Basahin mo ang post ng GameOfWealthOnline dito:
5 Ways to Say NO to Utang Addicts Who Can’t Take No for an Answer
Iba ang paraan na ginagamit ko at para dito, kailangan solid ang body language at lakas ng loob mo. Kapag nahalata nila na pwede kang ma-”guilt-trip,” magpapatuloy sila hanggang sumuko ka. Kapag may nanghihingi o nanghihiram sa akin ng pera, tumatawa na lang ako na parang nagbibiro sila at sinasabi ko na lang na “sorry, pero hindi ko kaya ngayon.” Kung paulit-ulit silang magtanong, sinasabi ko lang na “Hahaha! Sorry, pero hindi ko talaga kaya ngayon. Baka may ibang pwede?” Makukuha rin nila ang point.
Sa ibang panahon naman, ginagamit ko ang disappointed body language. Isipin mo na may nag-imbita sa iyo na manood ng movie, kaso may family reunion kang kailangang puntahan: “Awwwww, sorry pero hindi ko kayang magpahiram ngayon.”
Gawin mo ang dalawang techniques na iyon at hindi ka na guguluhin ng mga nangaabuso. Kapag nalaman nila na hindi ka magpapaabuso, hindi ka na nila susubukan.
Naghihintay pa rin ako ng pagkakataong gamiting ang number four strategy ni GameOfWealthOnline. Imbis na promissory note, kailangan ko ng collateral. “Ipapahiram ko ang ganitong halaga, pero kapag hindi ka ng bayad ng may kasamang interest sa ganitong panahon, akin na ang iyong bahay/kotse/cellphone.” (Kailangan maging legally binding ito.) Aayaw sila kapag nakita nilang siryoso ka. Kapag sinabi nilang sobra naman ang kondisyon, sabihin mo na magiging problema lamang iyon KAPAG WALA SILANG INTENSYONG MAGBAYAD.
Pigilan ang mga “Guilt-Trippers” – Kumuha ka ng MATATAG na MOTIVATION:
- Sabi nga ni Chinkee Tan, ayos lang na tumulong sa mga nangangailangan. Tulungan mo ang mga mabubuti at mababait, pero HUWAG ang mga sinungaling at masasamang tao (kilala mo naman kung sino sila). Magtayo ka ng boundaries laban sa mga ganoon. Kapag kailangan nga talaga nila ng pera, pwede naman silang kumuha ng personal loans sa mga bangko (siya nga pala, huwag kang mag co-sign sa mga loans nila dahil malamang tatakasan ka nila at ikaw ang magbabayad).
- Kapag nagpapahiram ka palagi sa mga hindi marunong magbayad, tinuturuan mo lamang silang maging tamad. Ito’y isang aral na natutunan ko rin sa “The Millionaire Next Door: The Surprising Secrets of America’s Wealthy” nina Stanley at Danko. Ang mga matatandang nakakatanggap pa rin ng pera mula sa kanilang mga magulang (ang tawag dito ay “economic outpatient care”) at madalas magiging underachiever o talunan sa buhay dahil wala silang motivation para magsikap. Bakit nga ba sila magsisikap para umasenso kung makakahingi naman sila ng pera mula sa IYO?
- Ipinagpapatuloy mo ang pagiging “utak-talangka” (Crab mentality o “crabs in a bucket”). Hindi mo man mapansin agad, pero sa bawat oras na magbigay ka ng pera sa mga nagsasayang nito, NATATALO ANG PAMILYA MO. Nagsisikap at nagpapagod ka para sa pamilya mo, pero parang talangka, hihilahin nila kayong lahat pababa para sa kanilang sariling kasiyahan o kaginhawahan! Naaalala ko pa rin ang panahon kung saan kami ng kapatid ko ay walang masyadong magagandang gamit dahil nagbigay ng pera ang aming ina sa mga nanloko at nanghiram sa kanya. Kumakain kami ng spam at hotdog araw-araw, pero ang mga “kaibigan” niya ay palaging nakapagsusuot ng branded at mamahaling damit at alahas.
Bago ka magpahiram ng pera, itanong mo sa sarili mo:
- Babayaran ba ako? Ginagamit mo ang ilang-oras sa iyong limitadong buhay upang magtrabaho at kumita ng pera. Isipin mo ang sarili mo na nago-overtime sa opisina ng tatlong linggo, tapos hihiramin ng ng kaibigan mo ang kinita mo (magbabayad siya – “promise!”) para bumili ng beer at sigarilyo.
- Pinopondohan mo lang ba ang masasamang habits? Inuulit ko na sumasang-ayon ako kay Chinkee Tan noong sinabi niya na mabuting tumulong sa mga nangangailangan, gaya ng mga orphans o naulila, mga biktima ng aksidente, atbp., pero HINDI mabuting pondohan ang masasamang diskarte at karangyaan ng iba. Hindi ka makakatulong sa mga drug addict, sugarol, at mga nagsasayang ng pera sa iyong pagbigay ng pera para makabili sila ng droga, pangsugal, o pambili sa walang-katuturang shopping trips.
- Sino ang MATATALO? Kailangan ko talagang idiin ang puntong ito: Nagsikap at nagpagod ka para sa pamilya mo… pero ang iyong dugo’t pawis ay kukunin lang at SASAYANGIN ng hindi nagsikap para dito. Isipin mo: Mas-maganda sana ang iyong bahay, mas-masarap at mas-masustansya sana ang iyong pagkain, at mas-maganda sana ang iskwelahan ng iyong mga anak KUNG NAGBAYAD lamang ang lahat ng nangutang sa iyo! Nakapagbayad ka sana sa pang-ospital ng mga magulang mo… pero ang pera mo ay inutang ng iyong “kaibigan” o ibang kapamilya! Hindi ko sinasabing sisihin mo sila, pero isipin mo na isa itong napakamamahaling aral na nagturo sa iyo upang hindi magpahiram ng pera at magpaabuso.
Inuulit ko na mabuti ngang tumulong sa mga nangangailangan, pero ang buong punto nitong article na ito ay huwag mong bibigyan ng pera ang mga nang-aabuso sa iyong kagandahang-loob.
Kung may isang aral na nais kong makuha mo mula dito, ito’y mas-mabuting turuan ang mga tao na maging self-reliant o sariling nagsisikap kaysa hayaan silang maging tamad at umasa na lang sa iyong kabutihan. Katumbas nito ang proverb na “bigyan mo ang isang tao ng isda at makakakain siya sa isang araw, pero turuan mo siyang mangisda at makakakain siya habang buhay.” Bigyan mo ang isang tao ng pera at gagastusin niya ito sa loob ng isang araw. Turuan mo siyang magsikap at matututunan niyang maglikha ng mas-mabuting mga bagay sa mundo.
A. Chavez says
Thank you for this wonderful article. It helps a lot.