ENGLISH Version (Click Here)
“Ang nakakagulat na katotohanan tungkol sa kasaganaan ay tamang maging mayaman at hindi mahirap ang buhay mo!… Alalahanin mo na ang salitang “mayaman” ay tungkol sa pagkakaroon ng maraming mabuting bagay, o mabuhay ng mas-masagana’t mas-masaya. Mayaman ka sa kalidad ng kapayapaan, kalusugan, kasiyahan at kasaganaan sa iyong mundo. Maraming marangal na paraan para makamit ang layuning iyon. Mas-madali itong makamit kaysa sa inaakala mo ngayon. Iyon din ang isa pang nakakagulat na katotohanan tungkol sa kasaganaan.”
– Catherine Ponder, The Dynamic Laws of Prosperity
Isa sa pinakamasamang mga opinion sa buong mundo ang pagaakala na masama ang pagiging mayaman o pagkakaroon ng maraming pera.
Kung mabuti kang tao at nagsisikap ka sa paggawa ng nakabubuting bagay, bibiyayaan ka ba ng kahirapan at pagdurusa? Siyempre hindi! Kung ang ginagawa o nililikha mo ay mahalaga, marami ang magbabayad sa iyo para ginagawa mong iyon. Kapag mas-marami ang kabutihang ginagawa mo gaya ng pagpapagaling sa mga may sakit at nagliligtas ng buhay bilang isang surgeon o doktor, nagaarkila ng mga trabahador para magtayo ng mga bahay para sa ilang-daang pamilya, magluto at pakainin ang libo-libong pamilya sa bansa gamit ang iyong restaurant franchise, atbp., mas-maraming yaman ang ibibiyaya sa iyo.
Ang pag-aakala na masama ang pera ay nanggaling sa maling pagkakaintindi sa 1 Timoteo 6:10. Hindi nito sinabing masama ang pera, kayamanan, o paghangad sa mas-mabuting buhay; sinabi lang nito na ang masyadong pagpapahalaga o “pagmamahal” sa pera ang ugat ng kasamaan. Maraming bersikulo sa biblia ang tungkol sa pagkamit ng kayamanan (espiritual at pisikal) bilang biyaya ng Diyos, at sa isinulat kong ito ipapahayag sa iyo ang aking tatlong paborito. Ang unang dalawang bersikulo ay nagmula kay Haring Solomon at ang ikatlo ay nagmula kay Hesus, ayon sa ebanghelyo ni Matteo.
Ang Unang Bersikulo:
“Ang kayamanan ng mayaman ang kaniyang katibayan; ang kahirapan ng mahihirap ang kanilang ikasisira.”
– Kawikaan/Proverbs 10:15 (Isinalin mula sa ESV)
Ito ay labag sa maling pagiisip na “mabuti ang maghirap at masama ang maging mayaman.”
Ang mga mayayaman ay nakakagawa ng maraming bagay gaya ng pagtira sa magagandang tahanan, kumain ng pinakamasasarap na pagkain, maglakbay sa buong mundo, magbigay tulong sa mahihirap, at maging maginhawa sa buhay dahil may pera sila para gawin ito. Matatapatan nila ang kahit anong kagipitan o emergency at maibabalik ang nawala sa kanila kasi may pera sila para dito, at kapag mawalan man sila ng pera, mapapagsikapan nila itong muli dahil alam nila kung paano at ang isipan nila ay mayaman sa kaalaman.
Sa kabilang dako, ang mahihirap ay nabubuhay sa kagipitan at nagugutom, natutulog sa maruming lansangan, at nagtitiis sa sakit dahil hindi nila kayang makabili ng mas-maginhawang kabuhayan at hindi nila alam kung paano mapagsisikapan ang mas-magandang kalagayan.
Parang hindi ito tama hindi ba? Bakit kailangang maging maginhawa ang mayayaman pero ang mahihirap ay maghirap? Para sagutin iyon, itanong mo kung paano yumayaman ang ibang tao at kung bakit naghihirap ang iba.
Ang Ikalawang Bersikulo:
“Ang katamaran (“slack hand”) ay nagdudulot ng kahirapan, pero ang kasipagan (“hand of the diligent”) ay nagpapayaman.”
– Kawikaan/Proverbs 10:15 (Isinalin mula sa ESV)
Pwede mo itong subukan: Magsikap ka ng mabuti sa trabaho para ma-promote ka o palakihin mo ang iyong negosyo ng mabuti para kumita ng mas-maraming pera… o itigil mo ang pagtrabaho at ikaw ay maging pulubi o lasingero sa lansangan.
Ang mga nagsisikap para mapasagana ang kanilang buhay ay kumikita ng pera’t kayamanan, pero ang iba na hindi ay naghihirap. Ang pulubing ginagamit ang 12 na oras kada araw para manlimos ay nananatiling mahirap, pero ang isa pang pulubing naglalakad ng 12 na oras para maghanap ng trabaho ay balang-araw makakahanap nito. Kung ang pulubing iyon ay hindi pa rin makahanap, pwede siyang manlimos at gamitin ang nakuha bilang pondo sa pagbebenta ng sitsirya o iba pang mga bagay.
Hinding-hindi ko makakalimutan ang nabasa kong kuwento tungkol isang bata na kinailangang suportahan ang kaniyang pamilya. Nagsimula siya sa pagbebenta ng sabon, kandila, at sinulid sa palengke araw-araw. Ang batang iyon ay si John Gokongwei, ang isa sa pinakamayaman sa Pilipinas.
Balikan natin ang 1 Timoteo 6:10 na sinabing ang pagmamahal o masyadong pagpapahalaga sa pera ang ugat ng kasamaan. Magnanakaw man o mandurukot, mga nangmomodus o mga masasamang opisyal ng gubyerno, pare-pareho lang sila. Kaysa magsikap ng tama para yumaman, sa kanilang katamaran sinubukan na lang nilang kumuha ng “easy money.” Mahal nilang masyado ang pera o kayamanan kaya gumagawa sila ng masama para makakuha ito.
Kapag nahuli sila, pinaparusahan sila sa kanilang kasamaang ginawa at sila ay naghihirap. Walang mabuting tao ang gustong kumuha sa kanila para sa trabaho o at walang gustong makipagnegosyo kasama kriminal. Matagal man bago nila anihin ang kaparusahan (ang ilang masasamang opisyal ay nakakatakas ng ilang dekada), pero nangyayari ito. Ang pagmamay-ari ng pera pero nabubuhay ng takot at may sirang konsensya ay isang napakasamang uri ng kahirapan.
Kung ang katamaran ay nagdudulot ng paghihirap at ang pagsisikap ay nagpapayaman, bakit ang iba ay nagiging mas-mayaman ng lubos kumpara sa iba?
Ang Ikatlong Bersikulo, ang huling bahagi ng “Parable of Talents” ni Hesus:
“Ang gumamit mabuti ng kanilang pagmamay-ari, mas-marami ang biyayang ibibigay sa kanila, at magiging masagana sila. Pero ang walang ginagawa, ang kaunting pagmamay-ari nila ay mawawala.”
– Matteo 25:29 (Isinalin mula sa NLT)
Mga milyonaryo, pulubi, ikaw, at ako. Ano ang pinagkapare-pareho nating lahat?
Lahat tayo ay may Isang Isipan, Isang Katawan, at 24 oras kada araw. Bakit yumayaman ng lubos ang iba habang ang karamihan ay naghihirap? Ito ay depende sa ating paggamit sa ating mga biyaya.
Ginagamit ng iba ang kanilang katawan at isipan para matutong magpagaling ng mga may-sakit bilang isang doktor. Ang iba ginagamit nila ang kanilang katawan at isipan para magpulot at mangalakal ng basura.
Ginagamit ng iba ang kanilang katawan at isipan para mag-organize ng mga supplier, chefs, waiters, managers, at iba pang mga empleyado ng walong oras kada araw para magbenta ng masasarap na pagkain sa kanilang mga customers. Ang iba ginagamit nila ang kanilang katawan at isipan ng 12 oras kada araw para manlimos sa kalsada.
Ginagamit ng iba ang kanilang katawan at isipan para magtayo ng negosyo at palakihin ito para yumaman. Ang iba ginagamit ang kanilang katawan at isipan para magnakaw ng mga wallet.
May isang kasabihan na “ang isang kamay ay mas-lumalakas dahil sa paulit-ulit na paggamit.” Magdaraan din sa ating buhay ang parehong mga araw, taon, at dekada, at ang sino sa atin na ginamit mabuti ang panahon ay kikita ng mas-marami.
Ang empleyadong nagsikap gumaling sa trabaho at natuto ng mga bagong kakayahan ay mapropromote at dadami ang kaniyang suweldo, at kada ilang taon habang siya ay nagsisikap tataas ang kaniyang posisyon at kinikita niya. Ang iba na hindi nagsisikap ay maiipit sa mababang trabaho o matatanggal sa kumpanya.
Ang negosyante na nagsimula sa maliit na tindahan at nagsikap palakihin ito ay mas-dadami ang kita habang pinapalaki niya ito. Ang negosyanteng hindi nagsisikap nandaraya lang ng iba ay mababawasan ng mga customers. Paglipas ng ilang taon, ang unang negosyante ay may napakalaking negosyo na may maraming branches sa kaniyang siyudad at kumikita na ng milyon-milyon kada buwan. Ang madayang negosyante naman ay nawalan na ng negosyo dahil walang bumibili sa kaniya, at walang tumatanggap sa kaniya sa trabaho kasi kilala siya bilang mandaraya.
Ang isang trabahador ay bumili at pinag-aralan ang isang libro tungkol sa tamang investing sa real estate at stocks, at nag-iipon muna siya ng kaunting pera kada buwan para mag-invest bago bumili ng mga abubot. Habang kumikita ang kaniyang mga investments, ginagamit niya ang kita para mag-invest pa at paramihin muli ang kita. Ang isa namang trabahador ay ginagamit ang lahat ng kaniyang pera sa pagsugal, pagbili ng beer, at pagbili ng walang-katuturang abubot. Matapos ang ilang dekada, ang nag-invest ng mabuti ay milyonaryo na. Hindi na niya kailangang magtrabaho dahil ang investments niya ay kumikita para sa kaniya. Ang isa namang trabahador ay tumanda lamang at magreretiro ng walang ipon kundi isang bundok ng basura. Habang-buhay siyang manlilimos ng pera mula sa kaniyang kamag-anak at sa gubyerno.
Ang mga gumagamit ng kanilang katawan, isipan, at oras ng mabuti ay yumayaman lalo habang patuloy nilang ginagamit ito; ang iba na hindi nagagamit ang kanilang biyaya ng mabuti ay naghihirap. Ito ang dahilan kung bakit ang mga mayayaman ay lalong yumayaman habang ang mga mahihirap ay lalong naghihirap. Mapapabuti lang ng mga mahihirap ang kanilang kalagayan kapag natutunan nila kung paano gamiting mabuti ang kanilang kakayahan at biyaya para magsikap.
Kabuoan ng lahat:
“Ang kayamanan ng mayaman ang kaniyang katibayan; ang kahirapan ng mahihirap ang kanilang ikasisira.” – Kawikaan/Proverbs 10:15 (Isinalin mula sa ESV)
“Ang katamaran (“slack hand”) ay nagdudulot ng kahirapan, pero ang kasipagan ay nagpapayaman.” – Kawikaan/Proverbs 10:15 (Isinalin mula sa ESV)
“Ang gumamit mabuti ng kanilang pagmamay-ari, mas-marami ang biyayang ibibigay sa kanila, at magiging masagana sila. Pero ang walang ginagawa, ang kaunting pagmamay-ari nila ay mawawala.” – Matteo 25:29 (Isinalin mula sa NLT)
Ang pagiging mayaman o mahirap ay iba sa pagiging mabuti o masama. Habang may mabubuting mayayaman at mahihirap, may mga masasama rin. Kalimutan na natin ang maling akala na kailangan nating maghirap para maging banal. Walang nagiging mabuting tao dahil lang mahirap sila. Ang kagipitan ay pumipilit lang sa iba na maging kriminal. Sa kabilang dako, ang pagiging mayaman ay nagbibigay kapangyarihan upang makagawa ng kabutihan. Gaya ng sinabi ni ministro Russell H. Conwell (Libreng eBook sa Amazon.com) tungkol sa pera, “dapat may tamang ambisyon ka para makamit ito. Kailangan dahil mas-marami kang kabutihang magagawa kapag mayroon ka nito kaysa kapag wala.”
May karapatan tayong lahat na mabuhay ng masagana, at mahirap mabuhay ng maginhawa kapag tayo ay nagdurusa sa kahirapan. Kung pangarap nating ang mabuting buhay, kailangan nating ALAMIN kung paano gamitin ng maayos ang ating isipan, katawan, at panahon para PAGSIKAPAN natin ito.
“Ang kahirapan ay isang uri ng impyerno na idinudulot ng ating pagkabulag mula sa walang-katapusang biyaya ng Diyos. Dapat kang maging mayaman, masagana, at maraming biyaya dahil ito ang nararapat sa iyo. Ito ang nais ng Diyos.”
– Catherine Ponder
[…] dapat maintindihan mo na hindi totoo iyon. Bukod sa mga babala laban sa kasakiman at kasamaan, ang bibliya ay may napakaraming mabuting kasabihan tungkol sa pagsisikap yumaman. Ang kayamanan kapag pinagsikapan ay isa lang sa maraming uri ng biyayang ibinibigay ng Diyos. Sa […]