English Version (Click Here)
Ang mga self-improvement at self-help books ay madalas naglalaman ng mga napakahalagang aral, at may isa akong naalalang tula na ilang beses tinalakay sa ilang libro. Ito ang tulang “My Wage” (“Ang Aking Sahod”) na isinulat ni Jessie B. Rittenhouse, at ito ang tatalakayin natin ngayon.
*Ilalagay ko ang Tagalog translation sa ibaba.
“My Wage” (Ang Aking Sahod) ni Jessie B. Rittenhouse
I bargained with Life for a penny,
And Life would pay no more,
However I begged at evening
When I counted my scanty store;
For Life is a just employer,
He gives you what you ask,
But once you have set the wages,
Why, you must bear the task.
I worked for a menial’s hire,
Only to learn, dismayed,
That any wage I had asked of Life,
Life would have gladly paid!
Pagsasalin sa Tagalog:
Nakipagkasundo ako kay “buhay” para sa barya,
Pero wala na siyang idadagdag sa aking sahod,
Kaso nagmakaawa ako sa gabi,
Noong kinuwenta ko ang kakaunti kong nakamit;
Si “buhay” ay isang amo,
Na nagbibigay ng gusto mo,
Pero kapag itinakda mo ang gusto mong sahod,
Aba, kailangan mo itong panindigan.
Nagsikap ako para sa mababang sweldo,
Para lang malaman at ikalungkot,
Na ano mang sahod ang hilingin ko mula kay “buhay”,
Ay ikagagalak niya palang ibigay!
Sigurado akong naintindihan mo ang aral na ipinapahiwatig ni Jessie. Ibinibigay naman ng buhay ang mga gusto natin, kaya hindi natin kailangang babaan ang ating mga pangarap. May isa pang kasabihan na nagtuturo ng aral na iyon, at mahahanap mo ito sa biblia:
“Ask, and it will be given to you; seek, and you will find; knock, and it will be opened to you.”
— Matthew 7:7 (ESV)
Sa Tagalog: “Hilingin mo at ibibigay ito sa iyo; hanapin mo at mahahanap mo; kumatok ka at magbubukas ito para sa iyo.”
Alam nating wala namang invisible o hindi nakikitang mga genie na nagbibigay ng lahat ng ating hiling kaya hindi natin PALAGING nakukuha ang mga gusto natin kung kailan natin gusto, pero may bigat pa rin ang aral. Sa buhay, karamihan sa mga makakamit natin ay magmumula sa mga desisyong ginawa natin at mga bagay na pinagsisikapan natin.
Walang 100% na kasiguraduhan iyon, pero madalas nakukuha natin ang mga ginusto natin. Isipin mo yung iyong career, iyong sahod, mga damit na suot mo, mga lugar na pinupuntahan mo, mga pagkaing kinakain mo, at marami pang iba. Sa karamihan sa kanila, ginusto o pinili mo sila dati at kaya mo sila pinilit makuha.
Tatlong Maikling Aral Tungkol sa Ibinibigay sa Atin ng Buhay
1. Hindi natin kayang piliin ang lahat ng bagay sa buhay natin.
Hindi natin napili ang ating mga magulang, hindi natin napili kung saan tayo ipinanganak, at hindi natin napili ang ating unang mundong kinalakihan. Sa mga ganoon, pwede tayong maging sobrang swerte… o sobrang malas. Magiging napakadali nga naman ng buhay kapag ipinanganak ka sa pinakamayayamang pamilya sa buong mundo at lahat ng gusto mo naibibigay na lang sa iyo, kumpara sa kapag ipinanganak ka sa isang nomadic (naglalakbay) na tribo sa gubat o disyerto at hindi kayo makahanap ng pagkain dahil sa climate change at pagkasira ng kalikasan.
Gayunpaman, kahit hindi natin palaging makukuha ang gusto natin, ang ating mga maliliit na aksyon at mga desisyon araw araw ay maghuhugis ng ating buhay sa anyong ginusto at karapat dapat para sa atin.
2. Kailangan nating PAGSIKAPAN ang mga gusto natin.
“[Life] gives you what you ask, but once you’ve set the wages, why, you must bear the task.“ (Ibinibigay ni buhay ang gusto mo, pero kapag itinakda mo na ito, aba, kailangan mo na itong panindigan.)
“Kailangan mo itong panindigan.” Ang buhay ay hindi isang genie kundi isang employer o amo, at ibibigay lang nito ang sahod na nararapat kapag PINAGSIKAPAN mo ito. Katulad ito ng kung paano kinakailangan pang maghanap ng pagkain ang mga hayop sa gubat para mabuhay. Makakamit lang natin ang maraming pera, kayamanan, kalusugan, at iba pang gusto natin kapag pinagtiyagaan natin ito.
3. Pwede nating piliing UMASENSO.
“…once you have set the wages, why, you must bear the task.” (…kapag itinakda mo na [ang sahod mo], aba, kailangan mo na itong panindigan .)
Mabuti ang aral ng tula, pero hindi ako sumasang-ayon sa bahaging iyon. Kung gagamitin nating halimbawa ang ating career, itinatakda natin ang ating panimulang sahod, pero sa pagdaan ng panahon makakakuha tayo ng mga salary increase at promotions, at minsan lumilipat tayo sa mas magagandang posisyon sa ibang kumpanya.
Tandaan natin na hindi natin kailangang limitahan ang ating pwedeng kitain o ang uri ng buhay na pinapangarap natin. Isipin mo rin, kung hindi nangarap ang mga sinaunang tao at kung hindi sila nagsikap para baguhin ang mundo natin ayon sa mga naisip nila, edi malamang nakatira pa rin tayong lahat sa mga kuweba at kubong putik sa gubat.
Ano man ang mangyari, ano man ang kalagayan natin, pwede pa rin nating piliin ang ating mga gagawin, at ang mga gawain natin ang magpapasya ng mga makakamit natin. Ayon sa ating kalagayan, pwedeng napakadali o napakahirap makamit ang ating mga pangarap.
Kahit alin pa man, ang pwede lang nating gawin ay subukan ang lahat ng ating makakaya. Ang pagsisikap para magtagumpay kahit pwede tayong mabigo ay higit na mas mabuti kaysa sa pag-upo na lang sa isang sulok at magmukmok.
Isipin din natin, baka rin magtagumpay tayo nang lubos.
“Your past doesn’t determine where you can go. It only determines where you start.”
— Source Unknown
(Ang iyong nakaraan ay hindi magtatakda ng iyong mararating. Itatakda lang nito ang sisimulan mo.)
Dito muna tayo magtatapos. Sana nagustuhan mo ang aral natin dito! Kung gusto mong matuto pa ng iba, basahin mo rin ang iba namin isinulat dito!
[…] Tagalog Version (Click Here) […]