English Version (Click Here)
Araw araw higit isang oras ang ginagamit natin upang maghanda para sa trabaho, ilang oras sa pagcommute, walong oras sa opisina tapos dadagdagan pa ng overtime, ilan pang oras pa sa commute pauwi, at sa huli masyado na tayong pagod para gumawa ng kahit anong trabaho bukod sa pagkain ng hapunan, panonood ng TV, at pagbrowse sa Facebook (o ibang social media). Nagsisikap at nagpapagod tayo sa ating mga trabaho at negosyo kaya dapat madali nating makakamit ang tagumpay hindi ba?
Sa kasamaang palad, hindi ito ganoon kasimple.
Nagsisikap ba tayo sa trabaho?
Habang tumitingin ako sa digital artwork isang araw, may nakita akong kasabihang hindi ko makalimutan.
If you think you’re working hard, think again.
— Maciej Kuciara
(Kung iniisip mo nagsisikap ka ng husto sa trabaho, mag dalawang isip ka.)
Bukod sa pagsusulat at pagsasalin ng mga articles tulad nito sa YourWealthyMind, nagiistream din ako halos araw araw sa Twitch ng ilang oras at saka ako nagshashare ng articles at digital art na ginawa ko sa Facebook, Twitter, Instagram, at iba pa. Ginagawa ko ito araw araw at nagpapahinga ako tuwing Linggo. Sa mga half-day breaks ko sa Miyerkules at Sabado, madalas akong lumalabas at tumatambay sa mga coffee shop para magbasa ng mga libro tungkol sa self-improvement at personal finance. Doon ako nagplaplano ng akong mga susunod na articles at gawain para sa negosyo.
Kamakailan ko lang naidagdag ang digital art stream pero sinunod ko ang schedule na iyon linggo linggo magmula noong ako ay nagsimulang magsulat. Halos dalawang taon na rin ang nakakalipas, at wala akong mga holiday breaks.
Iniisip ko nagsisikap ako ng husto sa aking trabaho, pero sa totoo kapag nagbabalik-tanaw ako sa mga ginagawa ko araw araw, nakikita kong madalas din pala akong magsayang ng oras. Sa bawat minutong ako ay nagtratrabaho, siguro dalawa o tatlong minuto ang ginagamit ko para maglaro ng video games o magbasa sa internet.
Malamang naranasan mo rin iyon. Marami kang kailangang gawin, pero hindi mo ginagawa agad.
- DAPAT tinatapos na ang report… pero tapusin muna natin ang usapan sa Facebook… tapos magiiscroll pa sa newsfeed… magiiscroll pa uli… at isa pa… at isa pa…
- DAPAT iniipon at sinusuri na ang data… pero tatapusin muna natin ang nakakatuwang youtube video na ito… at ang kasunod… at kasunod…
- DAPAT inihahanda na natin ang mga requirements bukas… pagkatapos ng five minute break… na ngayon ay 10 minute break… na naging 30 minute break…
Madalas ko ngang nararanasan iyon. Sa totoo habang nagsusulat ako nito, nagpahinga ako ng 8pm para maglaro ng video game sa Steam. Bago ko man namalayan, hating gabi na pala.
Madalas AKALA natin nagsisikap tayo ng husto dahil pagod at iritable tayo araw araw sa trabaho, pero hindi natin napapansin ang mga oras na sinasayang natin. Kapag nagtatapos na ang araw, doon lang natin napapansin na wala tayong masyadong natapos at papalapit na ang deadline ng mga projects natin.
Madalas itong mangyari sa ating mga self-employed at mga may sariling negosyo. Naaabala tayo sa iba-ibang bagay at ordinaryong trabaho na nakakalimutan nating pagbutihin ang ating sarili at ang ating career o negosyo. Alam mo ang mga iyon, ang mga improvements na magdadala sana ng malaking tagumpay.
Habang ang mga TUNAY na propesyonal ay abala gabi gabi at tuwing weekends sa paghahanap ng bagong kliente at business partners o abala kakaisip ng pagpapalago ng kanilang negosyo, karamihan sa atin ginagawa lamang ang mga nakasanayang trabaho at wala nang iba. Iyon ay isang patibong na kailangan nating iwasan.
Kapag ordinaryo lang ang gawain natin, ordinaryo lang din ang makakamit natin, at kapag ginagawa lang natin ang nakasanayan natin, ang makakamit lang natin ay ang mga nakasanayan nating makamit.
Ang PINAKAMAGAGALING na artists
Naaalala mo noong sinabi kong gumagawa ako ng digital art sa aking free time? Gusto ko ring gawin ito professionally at kumita mula dito. Noong nabasa ko ang quote tungkol sa pagsisikap naisip ko na habang iilang oras lang ako nagdradrawing, ang mga TUNAY na propesyonal ay nagdradrawing ng walong oras o higit pa araw araw. Bukod pa doon, nagaaral din sila ng anatomy, composition, at palagi nilang pinagpapabuti ang kanilang kakayahan.
Halimbawa, habang inaabot ako ng isa’t kalahating linggo para lang makagawa ng isang buong artwork na hindi ganoon kaganda, si Sakimichan, isang hinahangaan kong artist, ay nakakapagpost ng isang napakagandang artwork kada mga tatlong araw.
Nalaman ko, kahit halos magkapareho kami ng oras na inilalagay sa bawat artwork (nasa pito hanggang sampung oras o higit pa), araw araw at buong araw niyang ginagawa ang kanyang illustrations. Sa ganoon, mas marami siyang natatapos at gumagaling siya ng husto kumpara sa akin.
Nakakapagpakumbaba ang ganoong idea. Kung iisipin mo, iyon ang ginagawa ng mga pinakamagagaling na propesyonal, mga bagay na hindi pinagsisikapang gawin ng mga ordinaryo. Isipin mo na lang ang training routines ng mga Olympic athletes. Habang ang karamihan sa atin iniisip na “nagpapagod” tayo ng husto pagkatapos ng limang oras kada linggo sa gym, ang mga pinakamagagaling na atleta madalas nageensayo ng anim na oras o higit pa araw araw.
Habang hindi natin dapat pagurin ang ating sarili hanggang mamatay tayo, kailangan lang nating ipaalala sa sarili natin na gumawa ng mahahalagang bagay oras oras. Nananatili sa lahat ng buhay natin ang Pareto principle. Ang pinakamahalagang 20% ng ating mga gawain ay nagbibigay sa atin ng 80% ng ating mabubuting resulta (sweldo, atbp.), at ang ibang gawain natin ay halos walang kwenta. Kailangan nating matutunang gamitin ang 80% na iyon sa mas-importanteng gawain.
Iiwanan na muna kita ng isa pang idea na mainam nating alalahanin.
Winners almost always do what they think is the most productive thing possible at every given moment; losers almost never do.
— Tom Hopkins
(Ang mga nananalo ay palaging ginagawa ang mga pinakamainam na gawain bawat oras; ito’y palaging hindi ginagawa ng mga talunan.)
Oo nga pala, may mga articles din kami tungkol sa productivity na baka gusto mong basahin ngayon. I-click mo lang ang mga links sa ibaba para matuto ng mga bagong bagay!
Leave a Reply