English Version (Click Here)
Mula kay Napoleon Hill hanggang kay Jack Canfield, Robert Allen hanggang kay Anthony Robbins, marami nang mga manunulat ang nagresearch tungkol sa mga matagumpay na tao at sa kanilang mga gawain. Sa napakarami nilang nadiskubre, iisang aral ang napakahalaga:
Ang lahat ng nakakamit natin sa buhay ay resulta ng ating pag-iisip.
Ang mga desisyon at gawain natin ay magmumula sa mga bagay na pinagiisipan natin. Ang bunga ng lahat ng ating gawain ay naiipon sa pagdaan ng panahon, at ito’y pwedeng magbigay sa atin ng kasaganaan, kayamanan, at kasiyahan, o kahirapan, pagkabaon sa utang, at kawalan ng pag-asa.
Paano nga ba natin sisiguraduhing mabuti ang magiging bunga ng ating pag-iisip at gawa? Yun ang dahilan kung bakit kailangan nating pag-aralan kung paano mag-isip ng tama.
Limang Payo Tungkol sa Mabuting Pag-iisip na Makakatulong sa Iyong Umasenso
-
Gamitin mo ang facts o katotohanan, hindi tsismis
Iilan nga ba sa atin ang umiiwas sa ilang tindahan, lugar, o mga bagay dahil may narinig tayong hindi maganda tungkol dito? Nakakatulong nga ito kapag ang ibang mga lugar ay mapanganib o hindi ligtas at nasusuportahan ito ng crime rate statistics, pero paano naman sa ibang bagay, tulad ng pagbabago ng career o pag-invest sa stocks? Minsan, ang “common knowledge” ay pwedeng magkamali.
Bilang halimbawa, sinasabi ng iba na ang pag-invest sa stocks ay parang pagsusugal lamang. Tinataya mo ang pera mo sa mga numero’t letra at umaasa kang tataas ang value nito, pero madalas malulugi ka lang kapag sinubukan mo. Buti na lang, hindi totoo ang kasabihang iyon. Pwede kang kumita mula sa pag-invest sa stocks, pero ito’y kapag natutunan mo kung paano maghanap at mag-invest sa mabubuting kumpanya. Ito’y mabuting paraan para paramihin ang iyong yaman kapag alam mo ang ginagawa mo.
Kung pinaniwalaan mo ang tsismis na “pagsusugal ang stock investing” at hindi mo na ito sinubukang pag-aralan, malamang hindi mo magagamit ang oportunidad na ito para paramihin ang iyong pera.
Pag-isipan mo naman ito. Ilang mabuting oportunidad sa buhay ang hindi mo pinansin o pinalagpas mo lamang dahil naniwala ka sa masamang tsismis tungkol dito? Muntik ko nang hindi subukan ang pagstream dahil narinig ko “mahirap” itong gawin, pero mabuti naman at sinubukan ko pa rin ito kahit sandali lamang.
Sa kabilang dako naman, ilang masasamang sitwasyon ang napasukan mo dahil nakinig ka sa tsismis na mabuti ito, tulad ng MLM o pyramid scams, “panalong stock picks” (na nalulugi lang pala), at credit card bonuses at features (na pinipilit ka lang gumastos ng sobra at ibaon ang sarili sa utang)?
Huwag mong tatanggapin ng basta basta at papaniwalaan agad ang mga bagay na naririnig mo o nababasa mo. Pag-isipan mo silang mabuti at tignan mo kung totoo sila o hindi (gawin mo rin iyon sa lahat ng mga nababasa mo, tulad ng mga mababasa mo dito), at tignan mo rin kung magagamit mo sila.
-
Harapin mo ang katotohanan… kahit hindi mo ito nagugustuhan
Ilang beses nga ba natin sinabing “ok lang ako” kahit hindi naman? Ilang beses na nating sinabi sa sarili natin na maayos ang lahat kahit na hindi naman mabuti ang kalagayan ng ating career, pamilya, o ang ating finances? Gaano ba tayo kadalas manatili sa mababang trabaho o “dead end jobs”, umiiwas sa galit ng mga taong inutangan natin, o patuloy na umiiwas sa ating mga personal na problema hanggang magkagulo gulo na ang lahat?
Tulad ng isang ostrich na binabaon ang kanyang ulo sa buhangin at umaasang umalis ang predator na naghahanap sa kanya, ang karamihan sa atin ay may ganoon reaksyon kapag hinaharap natin ang ating mga malulubhang problema. Sa kasamaang palad, ang karamihan ng problema sa buhay ay hindi aalis ng basta basta lamang. Malamang, magiging mas malubha sila sa pagdaan ng panahon. Kailangan nating matutunang harapin ang mga katotohanang inaayawan natin at ayusin ang mga posibleng problema bago sila lumabas. Kung may ilang bagay sa ating career o negosyo, mga relationships, o ibang bahagi ng ating buhay na hindi maayos, kailangan harapin natin sila agad bago may mangyaring masama.
-
Hindi lang totoo o hindi ang dapat pansinin, pero pati na rin mahalaga at hindi mahalaga
Sabi ng Pareto principle, 20% ng ginagawa mo, ang mga mahahalagang bagay, ang nagbibigay ng 80% ng resultang nakakamit mo. 20% lang ng trabaho mo ang responsable sa halos lahat ng iyong kinikita, at ang ibang mga gawain mo ay halos walang kwenta. Halimbawa, ang pagtatawag ng kliente at pagclose ng mga deals ay mas-mahalaga kaysa sa ilang oras na pagbrowse sa Facebook o pakikinig sa tsismis sa opisina. Para sa mga negosyo, malamang mga 20% lang ng iyong mga customers (ang mga suki at mga taong malakas mamili) ang nagbibigay ng 80% ng iyong kita at hindi ang isang magulong customer na papasok lang para magreklamo at hindi na babalik. Tinignan ko iyong data na iyon sa huli kong trabaho at tama nga ito, kahit hindi ko ito pwedeng pag usapan .
Gayunpaman, ang mahalagang matutunan mo dito ay hindi ka dapat mangolekta lang ng kung anu anong kaalaman o mag-isip ng kung anu anong bagay. Dapat pagtuonan mo ng pansin ang mga makatutulong sa iyo. Halimbawa, kung ang career mo ay nasa insurance at sales, mainam na hindi mo uubusin ang panahon mo sa pagbabasa ng lepidopterology journals at pagtuonan mo ng pansin ang pagbabasa ng sales literature at paghahanap ng bagong kliente. Kung ikaw ay isang technology writer, mainam na magbasa ka ng husto tungkol sa mga pinakabagong gadgets at tech releases kaysa sa tsismis tungkol sa pulitiko.
Pwede mo nga namang gawin ang kahit anong gusto mo sa iyong mga nalalabing oras. Huwag mo lang kakalimutan na magfocus at magconcentrate ka sa mga pinakamahahalagang bagay na dapat mong gawin. Ang mga bagay na makakatulong sa iyong umasenso at gumanda ang buhay.
-
Ang posibilidad ay hindi nakabase sa mga nagawa na
Ang pamilya ng aking ina ay nakatira dati sa mahirap na bahagi ng probinsya ng Morong, Rizal. Siya at ang karamihan sa kanyang mga kakilala ay lumaki sa kahirapan, at ang ilan ay mahirap pa rin hanggang ngayon. Kapag may magkukuwento tungkol sa trabaho o sa oportunidad para kumita, ang isang pinakanakakalungkot na naririnig ko ay ang mga salitang “mahirap lang kami”, at sinasabi nila ito para ipahayag na wala silang magagawa o masusubukan sa buhay dahil dito.
Nakapalubhang sagabal sa buhay ang kahirapan, pero naniniwala akong may kapangyarihan ang mga tao para makaahon mula rito. Nakita ko na itong nangyari. Naaalala mo ba ang mga mahihirap na kaklase at kapitbahay ng aking ina? Kahit ang iba ay hindi nagtagumpay at umasenso, ang ilan din sa kanila ay lumaki at nagkaroon ng mabubuting career. Noong bata pa sila ang nakita lang nila ay kahirapan at kawalan ng pag-asa, pero hinid nila ito hinayaang harangan ang kanilang kakayahan. Ang posibilidad nila ay hindi nagmumula sa kung ano man ang nasa paligid nila.
Ang aral na gusto kong matutunan mo ay ito: Kahit ano pa man ang kalagayan ng iyong finances at relationships, hindi nito ibig sabihin na hanggang diyan na lang ang makakamit mo habang buhay. Pwede pa itong gumanda at umasenso. Pwedeng madali mo itong pagbubutihin o pwede ring mahirapan ka nang husto, pero gayunpaman kaya mo naman talagang umasenso.
Isipin mo na lang ito. Sabi ni Henry Ford (ang nagsimula ng Ford Motor Company na unang gumawa ng napakaraming kotse), “If I had asked people what they wanted, they would have said faster horses.” Kung tinanong daw niya kung ano ang gusto ng mga tao, sasabihin nila gusto nila ng mas-mabilis na kabayo. Hindi nila nakita ang posibilidad na mas-mabuti pala ang mga kotse. Isa pang halimbawa, noong sinaunang panahon hanggang 1903, inisip ng mga tao na hindi tayo pwedeng lumipad. Dahil wala tayong pakpak, hindi nga naman tayo makakalipad at parang hanggang doon na lang ang makakamit ng sangkatauhan. Yun ang inisip nila hanggang ang Wright brothers ay nakagawa at nakapagpalipad ng unang flying machine sa taong iyon.
Huwag mong lilimitahan ang iyong kinabukasan sa kung ano man ang mayroon o WALA ka ngayon. Pwede ka naman palaging umasenso.
Your present circumstances don’t determine where you can go; they merely determine where you start.
— Nido Qubein
(Ang kalagayan mo ngayon ay hindi basehan ng aabutin mo; ito’y basehan lamang ng iyong simula.)
-
Ang iyong nakatagong pag-iisip ay nakaaapekto sa iyong realidad
Itinuro ko na ito sa isang dati kong article at uulitin ko ito. Hindi mo pwedeng itago ang iyong iniisip dahil makakahanap ito palagi ng paraan para maapektohan ang iyong buhay, gustuhin mo man ito o hindi.
Halimbawa, sinubukan kong mag-parkour ng ilang beses dati at ang gym na pinupuntahan namin ay mayroong obstacles na pwedeng galawin at iadjust kung gusto mo. Bilang isang grupo, minsan nageensayo kami ng precision jumps sa sahig at maayos kami dito. Sa kasamaang palad, kapag sinubukan na namin ito sa mga matataas na plataporma, nagdadalawang isip kami at dahil doon madalas kaming pumalya o sumuko.
Kapag tinamaan ka ng takot at inisip mong “hindi mo kaya”, napakadaling sumuko at huwag nang sumubok muli. Ang ginagawa ko sa panahong iyon, sinasabi ko sa sarili ko na posible ito at hindi naman ako masasaktan kapag ako ay nahulog dahil alam ko naman kung paano umiwas sa pinsala. Ang pag-iisip ng ganoon ay nagbibigay sa akin ng lakas ng loob para magcommit at tumalon ng malayo. Kahit hindi nito sinisigurado ang tagumpay (masakit man itong sabihin, at masakit nga kapag pumalya), ang maliit na gawaing iyon ay nagpapalaki ng aking pagkakataong magtagumpay.
Tama nga ang sinabi ni Henry Ford: “Whether you think you can or you think you can’t—you’re right.” (isipin mong kaya mo o isipin mong hindi mo kaya—tama ka). Ano man ang isipin mo, magkakatotoo ito dahil sa mga galaw mo. Ang buhay nga naman ay parang isang self-fulfilling prophecy.
At doon na tayo nagtatapos. Limang payo tungkol sa mabuting pag-iisip na dapat mong pag-aralan ngayon. Huwag mong kakalimutan na ang kalidad ng iyong buhay ay nakabase sa iyong pag-iisip.
Your brain can be your most powerful asset and if not used properly, it can be your most powerful liability.
— Robert Kiyosaki
(Ang iyong utak ay pwedeng maging pinakamabuti mong kagamitan at kung hindi mo ito ginamit ng mabuti, ito’y iyong pinakamalaking hadlang.)
Leave a Reply