*Ang article na ito ay naglalaman ng affiliate links.
English Version (Click Here)
Bagong damit, bagong sapatos, bagong bag, bagong gamit… kasi yung huling binili mo hindi man lang tumagal ng tatlong buwan. Bumili ka ng mumurahing peke at nasisira lang, kaya bumili ka uli at ganoon pa rin nangyari. Hindi ka lang nagsasayang ng pera sa walang kwenta, nakakasama ka rin sa kapaligiran dahil sa basurang itinatapon mo. Kung gusto mong iwasan ang ganoong perwisyo at pagkadismaya, pwede mong pag-aralan ang pagiging tipid sa pera sa pagbili ng may kalidad na gamit. Itigil mo na ang pagbili ng ilang-daang mumurahin at ipunin mo na lang ang pera pambili ng kakaunting kagamitan na dekalidad o matibay. Mas tipid ka sa pagdaan ng panahon at ito pa ang limang payo para lalo kang mas-makatipid pa.
Tipid sa Pera: Limang Payo para sa Pagbili ng Matibay na Gamit
1. Bilhin mo lang ang KAILANGAN
Una sa lahat: Kung hindi mo kailangan, HUWAG mong bilhin. Ang payong ito ay para sa LAHAT ng bilihin mo sa buhay.
Halimbawa, ako mahilig akong maglakbay sa mga gubat at bundok pati na rin ang mga magagandang beach kaya kinakailangan ko ng gamit na kakayanin iyon. Para sa aking relo, kailangan ko ng may analog at digital display, backlight, timer, at kailangan hindi ito masisira ng bagyo, malakas na alon ng mga ilog, at snorkeling sa dagat. Pinagpilian ko ang matibay na G-Shock na nagkakahalagang P4,000, at ang isa pang matibay na brand na P20,000 ang presyo pero mayroong barometer, altimeter, at thermometer. Dahil hindi ko naman kinailangan ang mga features na iyon sa mas-mamahaling relo, binili ko ang tamang presyo pero matibay na G-Shock.
Uulitin ko nga lang ang payong ito: Bilihin mo lang ang kailangan mo. Kung hindi mo kailangan, huwag kang magsayang ng pera para doon.
2. Kailangan reasonable ang iyong paggastos
Ang pagbili ng matibay na gamit na tatagal ng ilang taon ng hindi nasisira ay nakakatipid, pero kung hindi mo naman talaga tunay na kailangan, huwag ka namang magbabayad ng sobrang mahal. Pwede kang gumastos ng P50,000 para sa isang damit, o pwede kang gumastos ng P1,000 para bilihin ang isa pang damit na kaparehas lang ang kalidad. Bago ka bumili, itanong mo muna sa sarili mo kung kaya mo nga ba talaga itong pagbudgetan. Kung kinakailangan mong mangutang o mabaon sa utang para makabili ng isang bagay na hindi naman makakapagpaasenso sa iyong kinikita o kalidad ng iyong buhay*, iwasan mo na lang ito.
*Ang isang halimbawa nito ay kotse kapag nakatira ka sa isang lugar na hindi maayos ang pampublikong transportasyon at kinakailangan mo ito para makapagtrabaho. Ganoon pa man, mabuting bumili ka ng magandang na second hand car na mabuti pa rin ang kondisyon. Iyon ang ginagawa ng napakaraming milyonaryo. Kung gusto mong makabasa pa tungkol dito, basahin mo ang “The Millionaire Next Door” ni Thomas J. Stanley.
3. Hanapin mo ang MATIBAY/Dekalidad, HINDI Luxury o Luho
Nagbabayad ka ba ng mas mahal para sa kalidad ng iyong binilibi, o kasi sosyal lamang ang brand? Magbabayad ka ba ng P30,000 para sa isang mamahaling cellphone kung ang isang P5,000 na cellphone ay kaya naman itong tapatan? Bibili ka ba ng isang bagay para lang makapagyabang ka na mamahalin ito? Itigil mo yan at huwag mo iyong ipagpatuloy. May mas-mabuting paraan ng paggamit ng pera.
Naalala ko kinailangan ko ng moutaineering pants na kayang tapatan ang malalim na gubat, pagdaan sa mga ilog, at limestone na bundok. Marami sa mga brands na nakikita ko P7,500 o higit pa ang presyo, pero Pitman, ang isang dekalidad na local brand, ay matibay na at mas mura pa sa halagang P800. Yun pa rin ang ginagamit ko sa aking paglalakbay at sa pagpractice ko ng martial arts, isang taon at kalahati na ang nakakalipas mula noong binili ko ito.
“Mahal” ay hindi palaging “mabuti,” at ito ang ikatlong aral: Bumili ka ng matibay, hindi luho. Pag-aralan mo ang bilihin mo at alamin mo ang pagkakaiba ng dalawa.
Sa kabilang dako din, ang murang FAKE ay mas-nakakasama kahit “mukha” silang matibay. Iwasan mo ang mga ito.
4. Bumili ka ng DISCOUNTED
Isang bagay na kailangan mong malaman ay hindi mo kailangang palaging magbayad ng full price para sa mga gusto mo. Ang isang bagay na nakita ni Thomas J. Stanley noong pinag-aralan niya ang mga millionaires at multimillionaires ay marami sa kanila ang gumagamit pa ng coupons at tinatawaran rin nila ang binibili nila. Kung sinusubukan nilang pababain ang kanilang gastos kahit hindi naman nila kailangan, bakit hindi rin natin gawin? Kung may bibilhin ka, bilhin mo kapag ito’y naka SALE (at kailangan TOTOONG sale, hindi yung pekeng sale lang).
Bumili ako dati ng murang boardshorts na P300 kang… at hindi maganda ang fit nito at palagi itong dumudulas sa baywang ko, ang kulay at tela ay mukhang gusgusin, at ang velcro zip sa harap ay pumapalya na sa loob lamang ng isang taon. Hindi na ito nakakatulong sa paglangoy, kaya naisipan kong bumili ng Speedo trunks at shorts. Habang ang karamihan sa kanila ay nagkakahalagang P2,000 o higit pa (di pwede sa itinakda kong budget), mayroon silang lumang stock sa gilid na napakamura (mas-mura pa sa P1,000). Kumuha ako ng isa at matibay pa rin ito dalawang taon na nakakalipas. Ginawa ko rin iyon sa discounted RipCurl boardshorts na maganda ang tela at pagkatahi kasi kailangan ko ng matibay na kakayanin ang martial arts practice sa Boracay. Sa itsura nila ngayon, tatagal sila ng ilang taon pa.
5. Alagaan mo ang gamit mo
Mayroon akong magandang green long sleeve button up shirt at ito’y dating isa sa pinakamaganda ko. Pagkatapos hugasan sa washing machine ng ilang beses, kumupas ang kulay nito at mukha na itong gusgusin at pangit. Natuto na ako noon kaya ngayon, para sa aking mga special occasion clothes, pinapalabhan ko ang mga ito (de kamay, hindi machine) sa bawat paggamit. Alagaan mo ang mga gamit mo ngayon at magtatagal sila. Makakatipid ka kasi hindi mo kailangang magbayad para sa repairs o pagbili ng bago.
At iyon ang limang paraan para maging tipid sa pera kapag bumibili ka ng dekalidad o matibay na gamit. Huwag mo lang kalilimutan na hindi ka dapat gumastos o mag shopping kapag hindi pa tamang panahon para gawin mo iyon. Alagaan mo muna ang iyong finances: Pag-aralan mo muna ang pagiipon, pag-invest, at pagbayad ng utang! Kung gusto mong matutunan pa ang mga ito, basahin mo lang ang iba naming mga articles sa ibaba!
*Note: Tagalog translations na ang mga articles na ito kaya i-click mo lang ang mga pictures!
Leave a Reply