ENGLISH Version (Click Here)
Isang biyernes ng hapon, ipinakita sa akin ng kaibigan ko ang isang investment strategy video.
Sa simula, akala ko ito’y tungkol sa “money cost averaging,” isang epektibong technique na nagpapababa ng risk gamit ang pag-invest ng naka-set na amount ng pera ng paunti-unti. Hindi pala tungkol doon ang video na nakita ko. Gaya ng pagkaganda ng fast-food hamburger sa mga TV commercial kaysa sa totoong produkto, ang investment “system” nila ay nagpapakita ng napakagandang past performance returns (mga 20-30% ang kita). Posible nga ang ganoong kita… kung NAPAKASWERTE ka. Ang mga umaasa na PALAGING makakakuha ng ganoong kita ay mabibigo.
Sa kalagitnaan ng video patuloy ipinakita kung paano gumagana ang “system.” Kinilabutan ako noon. Nanlaki ang mata ko at napapigil hininga ako ng ilang sandali. Para akong nanonood ng commercial na nagpapainom ng pesticide bilang “health” drink.
Isang bahagi ng “system” na ibinebenta nila ay sasabihan ka kung anong stocks ang kukunin mo, at kung kailan ka bibili, ihohold, at magbebenta.
Paano Gumagalaw ang Presyo ng mga Stocks:
“Sa madaling panahon, ang market ay botohan, pero sa mahabang panahon, ito ay timbangan.”
– Benjamin Graham
Noong 1990s maraming naging popular na laruan, gaya ng mga maliliit na kotseng pang-karera, mga plastic na trumpong panlaban, atbp. Kapag hindi pa kilala ang laruan, katamtaman o mababa lang ang presyo nito. Kapag nauso, nagmamahal ng sobra. Kapag laos na, ibinebenta na ng discounted o palugi.
Kapag popular ang isang kumpanya o may magandang balita (expansion, bagong proyekto, atbp.), mas-marami ang bumibili ng stock shares nila at tumataas ang stock price. Kapag may masamang balita gaya ng pababang sales o mas-malala pa, ibinebenta ng karamihan ang shares nila at bumababa ang stock price.
Kapag bumili ka ng shares ng mura at ibinenta mo kapag tumaas na ang presyo, may kita ka.
Kapag nag-“short sell” ka (magbenta muna ng mahal bago bibilhin uli ng mas-mura), may kita ka uli.
Sa parehong trades na iyon, malulugi ka kapag mali ang ginawa mo. Bumili ka ng shares ngayon ng P100 kada share at bumaba ang presyo patungong P50, lugi ka kapag binenta mo. Kapag nag-short sell ka para kumita ng P100 at tumaas ang presyo patungong P150, puwersahan mo siyang kailangan bilhin ng mas-mahal kaya nalugi ka.
Ngayon… paano kung macocontrol mo ang stock market sa pagmamanipula sa isang-libong katao – mga “subscribers” mo – para bumili at magbenta kung sinabi mo at kumita ka sa mga trades mo…?
Paano kung nag-advertise ka ng “profit” na nakuha mo para makakuha pa ng mga “subscribers” na babayaran ka para sa iyong “advice”?
Magkano kaya ang perang makukuha mo kapag naparami mo ang namamanipula mong tao para macontrol ang market at kumita sa mga trades, tapos marami pa ang nagbabayad sa iyo para kontrolin sila at ang pera nila?
Bakit hindi ko nagustuhan ang “produkto” ng mga advisor gaya noon:
- Ipinapakita nila ang PINAKAMAGANDANG Posibleng trades at returns nila sa video… pero HINDI nila ipapakita ang natalo nilang trades. Marami ang talo sa kahit-anong sistema – walang “perfect system.” Kung meron man, ang nakakaalam nito ay gagamitin ito ng patago para maging trilyonaryo… pero hindi ito nangyayari diba?
- Bilang small investor (halos lahat tayo), ang karaniwang kita kada taon ay P500 to P1,000 kada taon sa simula kapag magaling o maswerte… pero kailangan nilang magbayad ng P2,000+ sa advisor para sa kaniyang “advice.”
- Kung may kita ka man, ang ibinayad mo sa advisor ay napakalaking pagkalugi sa mahabang panahon. Halimbawa, kapag nag-invest ka ng P10,000 kada taon sa isang investment na may 5% average returns pero nawawalan ka ng 1% sa advisor fees (4% na lang kita mo), magkakaroon ka ng P950,255.20 matapos ang 40 years. Ok lang. Pero kapag natutunan mong mag-invest at nakuha mo ang buong 5%, mayroon kang P1,207,998 matapos ang 40 years. Kung natutunan mong mag-invest sa librong P1,000 lamang ang halaga at pag-aralan ito, nakatipid ka sana ng P250,000 o higit pa. Hindi mo na mababawi ang 40 years na iyon.
- Pinapanatili ka nilang mangmang. Gusto nilang isipin mo na may special silang kaalaman na sila lang ang mayroon at hindi mo maiintindihan kaya hindi mo na ito susubukang alamin.
- Kumikita sila sa pagpilit sa iyong maging mangmang. Dahil hindi mo alam ang “special investment knowledge” nila, kailangan mo silang bayaran para mag-invest para sa iyo o bigyan ka ng mga tips. Ibibigay mo ang kapalaran mo sa kanila at binabayaran mo sila para kontrolin ang kinabukasan mo. Huwag kang magugulat kung gagamitin ka lang nila para magpayaman.
Ano ang Solusyon?
Hindi mo kailangang magbayad sa isang “expert” para paliguan ka o itali ang sintas ng iyong sapatos kasi natutunan mo kung paano ito gawin ng mag-isa. Kapag natutunan mong mag-invest ng maayos, hindi mo kailangang mag-aksaya ng pera sa kahit anong advisor. Nakakatipid ka at kumikita ka dahil marunong kang mag-isip at mag-desisyon para sa sarili mo!
Bilang isang halimbawa, subukan mong pag-aralan ang “Value Investing,” isang technique na dinevelop nina Benjamin Graham (“The Intelligent Investor”). Ginagamit ito ng isa sa pinakamayamang investor sa mundo ngayong 2015, si Warren Buffett ng Berkshire Hathaway. Ito ay tungkol sa paghahanap ng pinakamabubuting kumpanya kapag maayos ang presyo nila at pag-invest sa mga ito ng matagal na panahon (ilang taon) at huwag pansinin ang mood sa market.
Ang ginagamit ko naman ay “Dividend Growth” mula sa libro ni Lowell Miller (link sa libro niya) na nanaghahanap ng mga kumpanya na nagbibigay ng unti-unting lumalaking dibidendo. Ang mga nakakagawa lang noon ay mga established at magagaling na kumpanya/business.
Yung investment advisor na sinabi ko, sinasabi niya na ang “system” nila ay value investing, pero dahil ang signals nila ay pumipilit sa iyo na magtrade kada ilang buwan, ang added costs ng bawat trade at mas-maraming pagkakataon na matalo sa mga trades ay mas-nakakasama.
Siya nga pala: Mag-ingat sa mga advisors o brokers na pipilitin kang mag-trade palagi.
LAHAT ng trades mo ay may fees… pera na nawawala sa mga investments mo at napupunta sa bulsa ng mga advisors at brokers na palagi kang bibigyan ng mga “best trading strategies” at “10 best stocks to buy and sell NOW.”
Kumita ka man o malugi, magbabayad ka pa rin ng fees at pinapayaman mo lang sila. Ang long-term investing ay maghahanap ka ng ilang mabubuting kumpanya at bibili ka ng mga shares nito (magbebeta kapag nasisira na ang kumpanya), at hindi sa pagsusugal sa galaw ng presyo kada ilang buwan.
Tandaan, may ilang-libong investors na natutunang mag-invest at kumita, at maituturo nila sa atin ang alam nila. Naisusulat nila ang mga “recipe” nila tungkol sa investing sa mga libro at online articles, at isang beses lang tayong magbabayad sa isang mabuting libro para matutunang gawin ang techniques nila habang-buhay.
Ang iisang advice ko lang ay pag-aralan mo ang pagmamanage ng pera mo at pag-iinvest ng mag-isa para hindi ka maloloko ng iba. Kapag nakakita ka ng kadudadudang returns, mga scam, or malala pa, mga posibleng kriminal na gawain gaya ng market manipulation, malalaman mo at maiiwasan mo ito agad.
Ano nga ba ang ilang-daang piso pambili ng libro at pagbabasa ng ilang oras para matutunan kung paano macontrol ang sarili nating kinabukasan at kayamanan?
“Noon, nalaman ko na ang tagumpay ay nag-iiwan ng bakas, at ang mga taong nagtatagumpay ay gumagawa ng mga bagay na nagbibigay-tagumpay. Naniwala ako na kapag ginaya ko ng tama ang ginawa nila, makukuha ko rin ang nakukuha nila.”
– Tony Robbins
*Paalala: Hindi ko sasabihin ang pangalan ng TV ad o ang business advisor na iyon. Ang website nila ay nakatutulong (binabasa ko ang mga articles nila), pero ang kaisa-isang produkto na iyon lang ang medyo… kadudaduda. Mabuti ang intent (siguro), pero ang posibilidad na mang-abuso ay napakalaki.
Leave a Reply