*Ang article na ito ay naglalaman ng affiliate links.
English Version (Click Here)
Marami sa atin ang nangangarap magtayo ng sariling negosyo. Kahit mahirap ang buhay negosyante dahil ang kita mo ay magmumula lamang sa sarili mong pagpupunyagi at diskarte, malaki naman ang makukuha mo dito kapag nagawa mo ito ng maayos. Ang buhay negosyante ay magbibigay sa atin ng kalayaang magtrabaho kung kailan natin gusto upang makatakas mula sa 9-5 na trabaho, hindi na natin kailangan umasa pa sa boss para sa ating sweldo, at marami rin tayong mahahanap na oportunidad para umasenso dahil, sabi ko nga kanina, ang kita natin ay nakadepende sa pagsisikap at diskarte kaysa sa dami ng oras mong nakaupo sa opisina. Ito’y ibang iba sa pagpupunyagi ng husto araw araw para lang payamanin ANG IBANG TAO. Bago ka magsimula ng sarili mong negosyo, eto ang tatlong bagay na kailangan mong pag-isipan para dumami ang pagkakataon mong magtagumpay.
Tatlong Kailangan Pag-Isipan Bago Magsimula ng Bagong Negosyo
Ang tatlong ito ay itinuturo ng magkakahiwalay sa ilang mga business books at doon sa libro ni Guy Kawasaki (The Art of the Start 2.0) ko sila unang nakita na magkagrupo sa isang lesson. Hindi mo lang kailangan ng mabuting produkto, business plan, o maraming kapital para sa iyong negosyo. Kailangan mo din ng passion (pagkahumaling), expertise (karunungan), at oportunidad. Ang pagkakaroon ng tatlong iyon ay maglalagay sa iyo sa “sweet spot” ng iyong market.
*Sya nga pala, ang ideang ito ay nakuha ni Kawasaki mula kay Mark Coopersmith, ang coauthor ng The Other “F” Word: How Smart Leaders, Teams, and Entrepreneurs Put Failure to Work.
1. Passion (Pagkahumaling)
Kung may natutunan ako mula sa mga success, business at leadership books, ito’y kailangan mong gawin ang pangarap o passion mo. Magnegosyo ka ng hindi lang pera ang rason, at subukan mong itayo ito ayon sa mga gusto mo. Kung hindi ka interesado sa gawain mo, malamang hindi ka magtatagal. Mas-mahalaga ito kapag nakaharap mo na ang mga problema at hadlang na nakakaharap ng karamihan (o lahat) ng negosyante, at kung hindi mo nakukuha agad ang mga resultang nais mo (gaya ng naranasan ko sa mga una kong taon sa pagblog). Kung nawiwili ka naman sa negosyo mo, malamang mas-madaming oras ang maibubuhos mo dito AT matutuwa ka pa habang pinagsisikapan mong palaguin ito. Hindi mo kailangang maghintay para sa motivation kung mayroon ka namang inspirasyon.
2. Expertise (Karunungan)
Inexplain ni Kawasaki na ito ang mga kakayahan mo pati na rin ng ng team mo. Kaya niyo bang gumawa ng mabuting produkto? Kaya niyo bang magtayo at magpatakbo ng negosyo? Kaya mo bang mamuno ng mabuti? Kaya mo bang pagbutihin ang iyong produkto at sistema sa negosyo? Kaya mo bang magmarket at magdistribute ng produkto mo ng maayos? Kaya mo bang magscale at magexpand ng negosyo? Kaya mo bang maghanap ng bagong markets? Ang lahat ng iyon ay nakadepende sa iyong expertise.
Pero paano naman kung WALA kang expertise? Sa ganoon, pwede mo naman itong PAG-ARALAN. Sabi nga ng kaibihan ni T. Harv Eker: “kung hindi ka matagumpay sa ngayon, ibig sabihin noon may hindi ka pa alam.”
3. Oportunidad
Kaya mo bang kumita ng bilyon-bilyong dolyar sa pagbebenta ng ice sa mga nakatira sa Antarctica? Malamang hindi. Bago ka magtayo ng negosyo, kailangan mo din munang pag-isipan ang mga magagawa o options at oportunidad mo. Kung may maganda kang produkto pero wala kang oportunidad para magtagumpay ito, malamang mapapasawala ang iyong pagpupunyagi. Maaari ding mahirapan ka lang ng husto. Sabi nga din pala ni Kawasaki, madalas hindi mo rin alam ang mga oportunidad na meron ka. Sa ganoong panahon, magtiwala ka na lang sa kakayahan mo at ipagpatuloy mo ang iyong pagsisikap.
Anong oportunidad ang meron ka? Marami kang cash at kakayahan para magtayo ng negosyo? Nakikita mo ba ang bagong magiging uso makakasabay dito ang produktong naiisip mo? Maraming pwedeng mangyari. Kahit hindi mo makitang mabuti ang oportunidad, mabuti na ring subukan mo itong gamitin.
Ang pagtayo ng negosyo at pagiging negosyante ay isang landas na puno ng panganib. Kailangan mong maging madiskarte at kailangan mong sundan maigi ang mga kutob mo kung gusto mong manalo. Kapag nasasaiyo ang tatlong sangkap, passion, expertise, at opportunity, tataas ang pagkakataon mong magtagumpay. Kung wala naman, bakit hindi mo subukang idevelop ang mga ito?
Gawin mong iyong passion ang iyong business, idevelop mo ang sarili mo, koponan mo, at negosyo mo hanggang makamit niyo ang expertise, at magbago at pagbutihin niyo ang inyong sarili hanggang mahanap o malikha niyo ang mga oportunidad na pwede niyong magamit. Sana nakatulong ang impormasyong naririto sa article na ito! Kung gusto mong pag-aralan pa ang lesson dito, baka gusto mong basahin ang dalawang libro sa ibaba dahil naglalaman sila ng mas-maraming impormasyon.
Leave a Reply