English Version (Click Here)
Itinuturo palagi ng mga personal finance guru na kailangan mong ipunin ang bahagi ng kinikita mo para mag-invest, pero iilan lang ang nagtuturo sa iyo ng mga aral tungkol sa fundamental analysis (pagsusuri sa mga kumpanya) at kung paano ka dapat pipili ng mga stock investments bukod sa “bilhin mo ang shares ng mga malalaking kumpanya.”
Sabi ni Warren Buffett, “Risk comes from not knowing what you’re doing” o ang panganib ay nagmumula sa hindi mo pag-alam sa ginagawa mo. Bago ka mag-invest sa isang stock, kailangan mong matutunan kung ano ang sinasabi ng mga valuation numbers. Kailangan mong malaman ang ikinukuwento ng mga numero tungkol sa performance ng kumpanya kaysa magsugal ka base sa sinasabi ng mga stock price graph.
*Note: Ito ay basic guide lamang at isasama ko ang mga links sa investopedia articles kung gusto mo pang magbasa tungkol dito. Ang tunay na halaga nitong article na ito ay nasa Tagalog translation dahil ito’y isang primer para sa mga Pilipino na gustong matutunan ang ilang bagay tungkol sa kung paano pumili ng pinakamabuting stocks at kung paano mag invest sa stock market.
1. Stock
Ito’y tinatawag ring “Shares” o “Equities,” sabi ng investopedia, ito ay isang uri ng security na nagsisimbolo bilang pagmamay-ari sa isang korporasyon at ito rin ay isang claim sa bahagi ng ari-arian o assets at kinikita nito. Salungat sa iniisip ng iba, ang mga stocks ay hindi lottery tickets o “racehorses” na tinatayaan o sinusugalan. Ito’y bahaging pagmamay-ari sa kumpanya. Para makapag-invest ka ng mabuti, kailangan mong matutunang hanapin ang mga mabubuting kumpanya at bilhin ang shares nito sa magandang presyo.
2. Stock Price
Ito ang presyo kung saan mo bibilhin o ibebenta ang isang stock. Ang presyo ng isang stock ay gumagalaw depende sa paningin ng karamihan tungkol sa kumpanya. Kung iniisip ng iba na mabuti ang performance ng kumpanya, bibili sila ng shares at aakyat ang presyo. Kapag iniisip ng iba na hindi maganda ang galaw ng kumpanya, titigil sila sa pagbili, magbebenta sila, at bababa ang presyo. Madalas kapag natatakot ang karamihan tungkol sa bad news sa market (hal. Mga recession, market crash, atbp.), edi kahit mabuti pa rin ang negosyo ng kumpanya, bababa pa rin ang presyo nito. Kailangan mong matutunang huwag pansinin ang iniisip ng market at gumamit ka ng masusing pag-iisip kapag mag-iinvest ka sa stocks. Kung mabuting kumpanya ang tinitignan mo, mag-invest ka.
Ito ang isang halimbawa kung paano ang pag-iisip ng iba ay nakaaapekto sa presyo ng stock:
Sabihin natin na ang Company A ay kumikita ng P10 million kada buwan mula sa kaniyang regular na produkto. Sinabi nito na maglalabas sila ng BAGONG produkto. Dahil dito, iniisip ng karamihan na magbibigay ito ng mas-maraming kita para sa kumpanya. Marami ang bibili ng shares ng kumpanyang iyon, tataas ang demand, at aakyat ang presyo ng shares.
…pero paano naman kung PALPAK ang bagong produkto? Paano kung inaayawan ito ng lahat? Edi masama ang magiging epekto nito sa reputasyon ng kumpanya. Ang karamihan ay magbebenta ng kanilang shares, titigil sa pagbili, at ang mga iyon ay magpapababa ng presyo ng stock… KAHIT NA nasa P10 million pa rin ang kinikita nito mula sa mga regular nitong produkto at ito’y profitable pa rin. Sa madaling panahon naman, makikita din ito ng karamihan at ang presyo ng stock ay magbabalik sa dati o aakyat pa.
Ano nga ba ang aral mula dito? Mag-concentrate ka sa pagbili ng mabubuting kumpanya dahil maganda ang gawain nila sa pagdaan ng panahon. Huwag mong kalilimutan ang sinabi ni Benjamin Graham: “In the short run, the market is a voting machine but in the long run, it is a weighing machine.” Sa madaling panahon, ang market ay isang botohan pero sa matagal na panahon, ito’y timbangan.
3. Price/Sales Ratio
Ito ang stock price divided by sales per share, o presyo ng stock kapag idinivide mo sa benta kada share. Ang hinahanap mo ay maraming benta kada share para sa mababang share price. Kapag mas-mababa ang numero, mas-mabuti.
Halimbawa:
Company A ay mayroong P1,000 ng benta kada share at ang bawat share ay may halagang P100. Ang price to sales ratio nito ay 100/1000 o 0.1.
And Company B naman ay may mas-mababang sales per share na P100 lamang at ang bawat share ay nagkakahalagang P100. Ang price to sales ratio nito ay 100/100 o 1.
Kung gumamit ka ng P100 para bumili ng share ni Company B, makakakuha ka ng P100 worth of sales. Sa kabilang dako naman, kapag ginamit mo ang P100 mo para bumili ng shares ni Company A, makakakuha ka ng mas-malaking P1,000 worth of sales. Naiintindihan mo ba kung bakit mas-mabuti ang mas-maliit na Price/Sales Ratio? Tandaan mo lamang iyan.
*Siya nga pala, sa halimbawang ito, hindi ko sinasabi na magkakaroon ka ng P1,000 o P100 sa bawat P100 share na binili mo. Ito ay sales ng kumpanya at ang pera ay para sa kumpanya. Ang perang kikitain mo dahil sa pagmamay-ari ng kumpanya ay tinatawag na Dibidendo o Dividends at pag-uusapan natin ito mamaya.
4. Price/Earnings Ratio (P/E Ratio)
Idivide mo ang stock price sa earnings o kinikita per share. Ito ang kailangan mong bayaran upang makakuha ng isang pero o isang dolyar ng earnings ng kumpanya.
Halimbawa:
Kung ang stock price kada share ay P100 at ang earnings o kita kada taon ay P10 kada share, ang P/E ratio mo ay 10.
Kung ang stock price ay P100 at ang earnings kada share ay P50 (mataas ang kita) o ang stock price ay P20 at ang earnings kada share ay P10 (mababa ang presyo ng stock), ang P/E ratio mo ay 2.
Para sa karamihan ng stocks, ang mas-mababang P/E Ratio ay mas-mabuti. Ang mga kumpanya na may mas-mababang P/E ay ang mga malalaki at slow-growth gaya ng mga utilities (tubig, kuryente, atbp) habang ang mga mas-bago at “exciting” na kumpanya na iniisip ng iba na mas-tataas ang earnings (“growth stocks”) ay magkakaroon ng mas-mataas na P/E.
5. Book Value
Ito ang net asset value ng kumpanya minus ang intangible assets at liabilities. Sa madaling salita, ito ang lahat ng pagmamay-ari ng kumpanya bukod sa intangible assets (popularidad, atbp.) kapag binawasan ng mga liabilities o utang (at ibang nakakapagpababa ng presyo gaya ng depreciation o pagkaluma ng gamit). Isang halimbawa nito ay kapag ang Company A ay mayroong farm equipment na nagkakahalagang P1 million, farmland na nagkakahalagang P4 million, at may utang ito na P3 million sa bangko, ang book value ng kumpanyang ito ay P2 million.
Ayon kay Lowell Miller, kailangan mong tignan ang Book Value Per Share at ang Stock Price. Kapag mas-malapit ang presyo ng stock sa book value ng bawat share, mas-mabuti ito. Ang isa nga palang hindi makikita ng book value ay ang intangible assets gaya ng popularidad ng isang brand (hal. “Starbucks’ Coffee” vs “ABQD* Coffee”), pero ito ay isang bagay na pwede mo pa ring gamitin. Isipin mo na lang na may dalawang tindahan na kumikita ng P10,000 kada buwan, pero ang isang tindahan ay nagmamay-ari ng ilang hectarya ng lupa na pwedeng ibenta ng P5 million. Mas malaki ang advantage ng ikalawa dahil pwede nitong ibenta ang ilang bahagi ng lupa upang magkaroon ng perang pwedeng gamitin para palakihin at pagbutihin ang negosyo.
*Fictional company lamang ang ABQD at kapag may brand nga na kapangalan nito, iyon ay nagkataon lamang.
6. Cash Flow
Ito ay ang dami ng cash o cash equivalents na pumapasok at lumalabas sa kumpanya. Bilang isang halimbawa, isipin mo na ang isang kumpanya ay bumibili ng materyales at nagbebenta ng ilang-libong produkto para kumita araw-araw kaya mataas ang cash flow nito. Ang isang kumpanya naman ay bumibili ng kaunting materyales at nagbebenta lamang ng produkto para kumita isang beses lamang kada tatlong taon kaya mas-mababa ang cash flow nito. Sa karamihan ng kumpanya, mas-mabuti ang mataas at POSITIBONG cash flow, at mas-mabuti kapag tumataas ito.
7. Cash
Ito ang dami ng cash o mga bagay na pwedeng gawing cash na pagmamay-ari ng isang kumpanya. Gaya ng pagkakaroon ng mas-maraming pera sa iyong wallet o bank account, ang pagtaas ng cash sa loob ng isang kumpanya ay NAPAKABUTI. Ang isang dahilan ay dahil ang cash ay magmumula lamang sa kinikita at ito’y pwede ring gamitin para bumili ng assets o ibang kumpanya para mas-tumaas ang kita. Bukod pa doon, ang cash ay pwedeng gamitin din para sa stock buybacks at dividend increases na napakabuti para sa mga shareholders (isa ka na doon kapag bumili ka ng stock shares ng kumpanya).
8. Dividends
Ito ang bahagi ng kinikita ng kumpanya na ibinibigay nito sa mga shareholders (ikaw nga uli iyon kapag bumili ka ng shares ng stock noong kumpanya). Para sa pinakamabuting resulta, kunin mo ang mga kumpanya na nagbibigay ng mataas na dibidendo (high yield) at regular na dinadamihan din ang kanilang dibidendong ibinibigay. Kung natutunan mo ang tungkol sa power of compounding, makikita mo na ang dividend growth ay magpapalakas ng husto dito. Idagdag mo pa doon ang kaalaman na di gaya ng mga accounting numbers na pwedeng manipulahin para palakihin ang halaga ng stock, ang dividends, gaya ng sinabi nina Geraldine Weiss at Janet Lowe, ay mabuting indicators ng peformance ng isang kumpanya dahil ito’y kailangang manggaling sa totoong kinikita o profits. Pwede kang magsinungaling sa mga numero, pero hindi ka pwedeng magsinungaling sa perang ibinibigay mo.
9. Payout Ratio (or Dividend Payout)
Gaano karami sa kinikita ng kumpanya ang ibinibigay nito bilang dividends. Mas-mabuti ang mababang numero sa payout ratio dahil kapag kaunti lang sa kanilang kita ang kanilang ibinibigay, pwede pa nila itong taasan balang araw. Ang ibig-sabihin ng napakataas na payout ratio naman ay masyadong marami sa kanilang kinikita ang ibinibigay nila sa mga shareholders at pwedeng may masamang mangyari kapag bumaba bigla ang kanilang kita.
Ito ang galaw ng isang stock price kapag ikinumpara mo sa buong market at ipinapakita nito kung aling kumpanya ang mas-mabuti ang performance kumpara sa iba. Kung ang buong market ay magaling ang performance, ang isang mabuting kumpanya ay mas-magaling pa. Kapag ang buong market ay mababa ang performance, ang performance ng mabuting kumpanya ay hindi kasing-sama ng iba. Ang dapat mong piliin ay ang kumpanya na may mas-mabuting relative strength kung ikukumpara mo sa buong market. (Note: Iba nga pala ito sa Relative Strength Index o RSI.)
Napakarami pang ibang lessons, indicators, at techniques na makatutulong sa iyo kung paano pumili ng mabubuting stocks at kung paano mag invest sa stock market, per ito munang sampu ang pag-aaralan natin. Kung gusto mong ituloy ang pag-aaral, pwede mong tignan ang mga Amazon Kindle eBooks sa ibaba (inirerekomenda ko sila):
nicky says
marami po ako natutunan