English Version (Click Here)
Kahit nakagawa na ako ng budget plan dati (Your Wealthy Mind Savings and Budget Plan), naisip ko na medyo mahirap iyon lalo na para sa mga nagsisimula pa lamang mag-alaga ng kanilang finances. Ang guide na ito ay para sa mga baguhan at ituturo nito kung paano mag-budget at mag-invest para magpayaman.
Paano nakakapagpabago ng buhay at nakapagbibigay ng napakaraming oportunidad ang isang simpleng budget plan? Basahin mo muna ito at matututunan mo kung paano. (Isang clue nga pala yun!)
Part 1: Paano mabuhay ng hindi nakahihigit sa kinikita: Ikumpara ang Kinikita (Income) at Paggastos (Expenses)
May mga magicians sa mundo. Pagkakuha nila ng kanilang sweldo, parang magic naglalaho ito ng parang bula! Sayang lang at hindi nila alam kung paano iyon nangyayari at, gaya ng isang wizard na walang wand, hindi nila ito makontrol. Kung madalas nararamdaman mong “masyadong matagal ang buwan sa dulo ng sahod” at palagi mong inaabangan ang susunod na sweldo para mabuhay sa susunod na buwan, kailangan mong matutunang i-record ang lahat ng iyong gastusin para malaman mo kung ano ang kumakain sa pera mo.
Siya nga pala, mas-madaling pagtuunan ng pansin ang iyong mga pangarap at layunin sa buhay kapag hindi ka naiistress sa paghahagilap ng pera para sa mga bills at sa pagbayad ng mga utang. Ayusin mo ang finances mo dahil kung hindi, ikaw ang kokontrolin ng mga gastusin mo.
(NOTE: Pwede mong hindi gawin itong hakbang na ito at dumiretso ka na sa budget plan sa susunod na bahagi, pero kung pangarap mong maging magaling maghawak ng pera, kailangan mong alamin itong step na ito.)
Una: Isulat mo ang iyong Income o Kinikita
Irecord mo ang perang kinikita mo (after tax). Ito ma’y iyong suweldo kada buwan, kita mula sa negosyo, allowance mula sa mga magulang (kapag istudyante ka pa lang), o kahit ano pa, kailangan mo itong isulat para malaman mo ang iyong limit. HUWAG mong isasama ang perang hiniram mo sa mga kaibigan o sa bangko (loans o credit – makikita mo mamaya). Alalahanin mo ito dahil ikukumpara mo ito sa iyong expenses.
Ikalawa: Isulat mo ang LAHAT ng iyong EXPENSES o Ginastos na Pera
Nagdadala ako palagi ng nakatuping index card at pen para isulat ang lahat ng aking binili at pinaggastusan, at oo, kasama rito ang mga mumurahing bagay gaya ng kendi o tsokolate. Kahit mukhang napakaliit ng mga gastusing iyon at hindi mo napapansin… nagiging napakalaki nila sa pang-396th na ulit mo silang binili sa isang buwan (o ika-4,752 mo sa isang taon).
Kwentahin mo ang BAWAT PISONG pinanggastos mo. Ito ma’y para sa kuryente, tubig, internet, rent, pagkain, groceries, sabon, shampoo, toothpaste, damit, pagsugal, alak, sigarilyo, mamahaling kape, mamahaling gadget plan, atbp. LAHAT ng pinaggamitan mo ng pera ay kailangan mong alamin, kasama rito ang binili mo gamit credit/utang.
Mukhang mahirap ito sa simula, pero gawin mo lang ito ng 21 days para makasanayan mo ito. Malamang, magiging parang pagsipilyo o pagligo na lang ito – hindi mo na ito mapapansin dahil nakasanayan mo na.
I-Categorize mo ang mga gastusin mo para malaman mo kung saan napupunta ang pera mo (Ito ang aking ginagamit na list of categories):
- Food (Snacks, Meals, Other)
- Clothing (Necessary, Special)
- Health (Food, Medicine, Other)
- Entertainment (Games, Load, Other)
- Education (Books, Training, Tours, Other)
- Transportation (Necessary, Leisure, Other)
- Utilities (Utilities, Equipment, Other)
- Family Expenses
- Donations
- Business
- Unclassified
Gawin mo ito ng ilang buwan at malalaman mo kung saan mo nauubos ang pera. Nalaman mo ba na ilang-libong piso ang nauubos mo sa mamahaling kape kada buwan? Pumili ka ng mas-mumurahing alternatibo, gaya ng pagbili ng coffee grounds at paggawa ng sarili mong artisan coffee. Nalaman mo ba na masyadong mataas ang iyong binabayaran para sa kuryente at tubig? Alamin mo kung paano makakapagtipid dito.
Kapag nalaman mo ang sanhi ng masyadong paggastos, saka ka makakahanap ng mga solusyon. Mas-madaling magtipid ng pera kapag alam mo kung saan ito nasasayang.
Kumusta ang iyong Kinabukasan?
Income = Expenses (Bad) – Ang ibig-sabihin nito, isang kahig, isang tuka lamang ang pamumuhay mo (kahit gaano man kalaki ang kinikita mo). Napansin mo siguro na kahit tumaas ang sahod dahil sa mga pay raises at promotion, inuubos pa rin ito ng iyong mga gastusin. Ang problema dito ay dahil balang araw, tatanda ka rin, titigil sa pagtratrabaho, at wala ka ring naipon para sa iyong pangkabuhayan. Hindi lang iyon, magiging pabigat o liability ka sa mga sumusuporta sa iyo gaya ng mga anak at kapamilya mo.
Expenses GREATER than Income (Worst) – Nangyayari ito kapag masyado kang madalas mangutang at gumamit ng Credit Card. Ito ang pinakamalalang kalagayan dahil sinisigurado nitong wala kang pera sa iyong kinabukasan. Bakit? Dahil ginamit mo na ang kikitain mo NGAYON PA LANG! Lahat ng kikitain mo sa susunod na taon ay gagamitin mo para bayaran ang mga naluluma at nasisirang gamit na binili mo noong nakaraang linggo. Ang una mong dapat gawin ay itigil ang paghihiram ng pera at mabuhay ka ayon sa iyong kinikita. Ang tanging panahon kung kailan pwede ka pang gumastos pa ay kapag kumita ka pa ng mas-marami (at malalaman natin mamaya kung paano natin magagawa iyon).
Income Greater than Expenses (Good) – Ito ang “best case scenario” dahil mabuti ang paghahawak mo ng pera at mayroon ka dapat na naiipon at naiinvest. Kung iniisip mo na mas-marami ang kinikita mo kaysa sa ginagastos mo pero WALA kang Naiipon, malamang may gastusing hindi mo alam ay kumakain pala sa pera mo. Kung magaling ka naman mag-ipon at mag-invest, halos siguradong magiging maganda ang kinabukasan mo.
Part 2: Paano Mag-Budget at Mag-Invest para Magpayaman
Ang Master Trick: SAVE FIRST / MAG-IPON MUNA (“Pay Yourself First”)
“Ang bahagi ng lahat ng iyong kinikita ay para sa iyo, at kung hindi ka marunong mag-ipon, ang buto ng kasaganaan ay wala sa iyo.” – W. Clement Stone
Kahit gumawa ako ng budget plan dati, yun ay para sa mga nasanay nang maging disiplinado sa pera at para sa mga malalaki ang kinikita. Ang version naman dito ay para sa mga baguhan pa lamang.
Kung gusto mong makasigurado na ikaw ay may maiipon, alalahanin mo itong trick mula kay George S. Clason, ang may-akda ng “The Richest Man in Babylon”:
PAY YOURSELF FIRST (O MAG-IPON MUNA)
Naisip mo ba kung bakit hindi mo ganoong napapansin ang perang napupunta sa iyong income tax? Dahil hindi mo ito nahahawakan at hindi mo ito nakikitang mawala, nakasanayan mong mabuhay ng wala nito. Kaya mo itong gawin rin para makapag-ipon: Sa oras na nakuha mo ang iyong suweldo, kumuha ka ng ilang pursyento nito para sa iyong ipon. Gawin mo ito palagi at makakasanayan mo ring gumastos ng mas-kakaunti.
IMPORTANT: Kapag nagsisimula ka pa lamang, magsimula ka sa maliliit na pursyento gaya ng 1 to 3% sa bawat kategorya. Hindi ko sasabihing magsimula ka agad sa malalaking percentage dahil, gaya ng pagcrash-diet, baka mapagastos ka ng sobra-sobra balang araw – ito’y magkakatotoo lalo na kapag iniisip mong nahihigpitan ka dahil sa pagbubudget. Ang mahalaga ay makasanayan mo ito.
Ang Iyong Budget Breakdown
-
Investment Account (10% Minimum, pero magsimula ka sa 1%)
Sabi ni Robert Allen, ang may-akda ng Multiple Streams of Income
Ito’y kapareho ng itinuro nina Steve Siebold (How Rich People Think) at Robert Kiyosaki (Rich Dad Poor Dad): Habang ang mga mahihirap at middle class ay nagpapagod para kumita ng pera, ang mga mayayaman ay ginagamit ang kanilang pera para kumita ng mas-maraming pera. Sa madaling salita, iniinvest ng mga mayayaman ang pera nila para kumita sila ng mas-maraming pera.
Naaalala mo kung paano inaani mo ang iyong itinatanim? Kapag wala kang itinanim, wala kang aanihin. Gaya ng pagtatanim ng buto ng mga punong namumunga, sa simula wala kang masyadong makukuha, pero sa pagdaan ng mga linggo, buwan, at taon (at magdadaan din ang panahon, mapansin mo man o hindi), magkakaroon ka ng isang gubat na punong-puno ng bunga kapag natutunan mo kung paano. Ang mahalaga ay kung natutunan mo itong gawin ng mabuti.
(May beginner’s investing guide ako dito, at isa pang guide tungkol sa pagpili ng mabubuting company stocks.)
-
Freedom (mula sa utang) Account
Magbabayad ka ba ng $1,300 para sa isang bagay na nagkakahalagang $1,000 lamang? Yun ang nangyayari kapag palagi kang gumagamit ng credit. Makukuha mo ang parehong bagay, pero mas-mahal siya dahil sa interest charges at hidden fees (at alam mo ba na may mga discount ang ibang tindahan kapag cash ang ginamit mo?).
Tumigil ka na sa pangungutang, magsimula kang mabuhay ayon sa kinikita mo at gawin mong layunin ang pagbabayad ng LAHAT ng iyong utang (tignan mo ang link na ito para matutunan mo kung paano). Kahit gaano pa man kamura ang minimum payments, magbayad ka higit pa rito dahil kung hindi, mas-malaki ang ibabayad mo dahil sa interest.
-
Safety Savings
Sabi ko nga sa dati kong budget post, ang mga biglaang emergency gaya ng pagkakasakit, aksidente, at pagkawala ng trabaho at nakasisira sa iyong finances. Maghanda at mag-ipon ka ng perang magagamit mo para mabuhay ng anim na buwan kung mawalan ka ng trabaho para sa mga ganoong emergency. Huwag mong tanungin kung “may emergency bang mangyayari.” Ang itanong mo sa sarili mo ay “handa ba ako?”
-
Education Account (3%)
Ito ang PINAKAMAHALAGANG account na kailangan mong pagpuhunan lalo na kapag nagsisimula ka pa lamang. Ang dahilan kung bakit NAPAKARAMING nawawalan ng pera sa pag-invest, pagnenegosyo, o kahit ano pa ay dahil hindi nila alam kung anong ginagawa nila at hindi rin nila alam na mali pala ang kanilang ginagawa (basahin mo rin ang “Presyo ng Kamangmangan: Pagsayang ng Oras, Pagod, at Oportunidad”).
Bumili ka ng mga mabubuting libro tungkol sa finance at investment dahil:
- Mas-maayos ang pagka-organize sa mga libro kaysa sa iba-ibang blog post kaya mas-madaling magamit ang impormasyon dito.
- Ang mga libro ay mas-malalim at mas-maraming impormasyong maibibigay kaysa sa maiiksing 500-word blog posts.
- Di gaya ng karamihang content sa internet* na pwedeng walang kwenta, makakahanap ka ng mga negatibong review sa mga hindi magagandang libro at maiiwasan mo ang mga iyon.
Posible ngang kumuha ka lang palagi ng libreng resources (Internet at pampublikong Aklatan/Library!), ngunit kung hindi mo talaga pupuhunan ang mga libro at ang iyong edukasyon, malamang HABANG BUHAY mong hindi matututunan ang mga bagay na makakapagpaunlad sana sa iyo dahil masyado kang kuripot.
(Kung gusto mong matutunan kung paano pumili ng mga mabubuting libro, basahin mo ang article na ito. Mayroon din akong Top 10 finance, leadership, and success book list at top 25 self-development book list sa mga link na ito.)
Maglaan ka ng pera’t oras sa pagpapayaman ng iyong isipan para makaiwas ka sa mga pagkakamali at madali mong makakamit ang tagumpay. Sundan mo ito at malalaman mo rin ang ibang mga budget plan na magagamit mo sa buhay.
*Huwag mong paniniwalaan ang lahat ng nababasa mo sa internet, at kasama na rin dito ang mga posts kagaya nito. Kung magagamit mo ang mga tips na ginagawa at isinulat ko, sige lang. Kung may iba kang alam na mas-makabubuti para sa iyo, yun na lang ang gawin mo. Gamitin mo ang gumagana para sa iyo at i-review mo ang resultang nakakamit mo.
Part 3: Ang Huling Hakbang: Pagbutihin mo ang iyong Earning Potential
Isang malaking bagay tungkol sa pagbubudget ang laki ng iyong kinikita. Kung mas-malaki ang sahod mo, mas-madali kang makakapag-ipon. Kung kailangan mo ng P1,000 para mabuhay, mahirap magtipid ng 30% ng iyong sahod kapag ang kinikita mo lamang ay P1,050 kada buwan. Sa kabilang dako naman, mas-madaling mabuhay ng mabuti at makapag-ipon ng marami kapag gumagastos ka lamang ng P20,000 kada buwan habang ang kinikita mo ay P50,000. Kailangan mo lang ng disiplina at pagiging masinop. Yun nga pala ang paraan kung paano tagala nabubuhay ang mga mayayaman. Ang Hollywood “diamond and gold” glitter ay hindi totoo… at ang paggastos sa mga ganoon ang daan patungong paghihirap. Di ka ba makapaniwala? Basahin mo lang ang The Millionaire Next Door nina Stanley at Danko.
Ayon nga rin pala kay Steve Siebold, ang may akda ng How Rich People Think, ang isang paraan kung paano iba ang pag-iisip ng mga mayayaman ay ito: Habang ang karaniwang tayo ay nag-iisip magtipid, ang mga mayayaman ay nag-iisip magpalaki ng kinikita. Kung gusto mong malaman kung paano mo palalakihin ang iyong sweldo, isipin mong mabuti kung bakit mas-malaki ang kinikita ng mga college graduates kumpara sa mga naggraduate ng high school at grade school lang.
Ang isang High School Graduate ay marunong magbasa, magsulat, at mag-math.
Ang isang College Graduate ay marunong magbasa, magsulat, mag-math at, depende sa kurso: Magligtas ng buhay mo kapag ikaw ay nagkaroon ng malubhang sakit (Medicine), magplano at magpatayo ng mga electric dam at tulay na nakatutulong sa mga bansa (Engineering), magtayo at magpatakbo ng mga negosyong nagbibigay-trabaho sa ilang-daang katao upang makabuo ng mga produktong nakatutulong sa mundo (Business), atbp.
Alin sa dalawa ang nakakagawa ng mga mas-mahahahalagang bagay at kumikita ng mas-malaki?
PAANO Kumita ng mas-Marami? Simple: LEARN MORE!
Ito ang dahilan kung bakit napakahalaga ng Education Account.
Pangarap mo bang kumita ng $100,000 sa pagbili at pagbenta ng real estate o sa pagdevelop ng rental properties? Kaya mo kung natutunan mong tumingin sa mga bahay, gumamit mabuti ng mga loans, at maghanap ng mga buyers at sellers.
Pangarap mo bang makahanap ng mga stocks at investments na dumodoble o nagiging triple ang halaga kada ilang taon? Kaya mo kapag natutunan mo kung paano! (May libro nga pala si Peter Lynch tungkol dito: One Up On Wall Street
Gusto mo bang ma-promote, triplehin ang iyong kinikita, o magtayo ng sarili mong kumpanya? Magagawa mo nga iyon kapag natutunan mong maging mas-magaling sa trabaho, mag-manage at mamuno sa mas-maraming empleyado, at paano magsimula at magpalaki ng mabuting negosyo.
Sa buong mundo natin, napakaraming propesyonal na kumikita ng milyon-milyon sa pagbili at pagbenta ng real estate, pag-invest sa mga stocks at assets na lumalaki ang halaga, at nagtuturo ng mga skills na kailangan ng mga gustong maging division manager o CEO… at nagsusulat sila ng mga libro tungkol dito. Pag-aralan mo ang mga isinulat nila at pag-aralan mo ang kanilang mga pagkakamali at tagumpay.
Kahit walang makatatalo sa experience o karanasan, ang isang P500 na libro ay mas-mura kumpara sa paggamit ng ilang dekada sa trial and error.
“Ang isa sa pinakamatalinong bagay na pwede mong gawin ay mag-invest ng 3 percent ng iyong kinikita para sa iyong personal at professional development, ang pagiging mas-magaling sa pinakamahalagang bagay na ginagawa mo. Kung nag-invest ka sa isipan mo kada taon sa halagang katumbas ng ginagastos mo sa iyong kotse, doon pa lang yayaman ka na.” – Brian Tracy (from The 100 Absolutely Unbreakable Laws of Business Success)
To Summarize (Sa Kabuuan):
- Pag-aralan mo ang iyong Income at Expenses: Siguraduhin mong hindi mas-malaki ang paggastos mo kaysa sa iyong kinikita.
- SAVE FIRST / MAG-IPON MUNA: Para makapag-invest, makalaya mula sa utang, maging panatag, at pagpapatuloy ng iyong Edukasyon.
- MAG-ARAL PA para KUMITA PA.
Kung pangarap mong yumaman at makahanap ng mga oportunidad na hindi mo natutunang hanapin at gamitin, kailangan mong mag-invest sa mga assets at sa iyong isipan para may kayamanan at kaalamang kang magagamit para dito. (Ito nga pala ang dahilan kung bakit ang website ko ay tinatawag na “Your Wealthy Mind!”)
Siya nga pala, kung nagustuhan mo ang iyong nabasa, i-LIKE mo kami sa Facebook! Marami kaming maituturo sa iyo linggo linggo!
[metaslider id=2052]
View Comments (0)